December 29, 2006

49.10PHP:1USD

Nitong nakaraang mga araw ay ipinagbubunyi ng GMA admin ang pagpalo ng ating exchange rate sa 49.10PHP:1USD. Kanina umabot pa ito ng 49.05PHP:1USD. Ang galing galing daw ni GMA! Ang galing ng kanyang fiscal reforms! Six-year high! Sign of an improving economy!

Ako naman tawa nang tawa. Joke joke joke na naman ito e. Ngayon sabihin niyo na naman na masyado akong anti-admin, lahat na lang pinupuna ko. Pero consider this:

a. Yes, six-year high nga ang peso. Pero sino ba yung presidente six years ago? Si GMA rin! Nung unang buwan ng panunungkulan ni GMA, ang average exchange rate ay 48.29PHP:1USD. Nung kanyang ikalawang buwan ay 48.47PHP:1USD. Eto, tingnan niyo dito. Ibig sabihin, nakakabalik pa lang tayo sa level ng exchange rate nang magsimulang manungkulan si GMA kasi the average exchange rate during her term reached a low of 56PHP:1USD nung 2004. Ni hindi niya naabot ang exchange rate nung panahon ni Erap. Yes, the economy is recovering...from the fiscal missteps the GMA admin itself has wrought on the economy. Yaiks! Let us celebrate?

b. It takes two to tango sa exchange rate. In this case, Philippine Peso at ang US Dollar. Six years ago, matino pa nang konti ang US economy dahil wala pang 9/11, wala pang War on Terror, wala pa yung War on Iraq at hindi pa nagskyrocket ang oil prices. How much of the appreciation of the peso is due to the improvement of the Philippine economy and how much is due to the downturn of the US economy? That's right, we can not really say how much. Although kung isa kang admin sycophant, sasabihin mo na 100% due to the improvement of the Philippine economy.

c. Bakit daw ba tumaas ang exchange rate natin? Dahil sa record number of remmitances. Bakit maraming remittances? Kasi maraming Pilipino ang nangibang-bansa na para magtrabaho. Bakit sila sa ibang bansa nagtrabaho? Kasi wala silang mahanap na trabaho dito o kaya yung trabahong nakukuha nila dito ay di sapat ang kikitain para buhayin ang mga pamilya nila.

Pagpasensyahan niyo na ako kung di ako nagrerejoice sa ating 6-year high. Pero napatawa naman ako kasi we are finally recovering...from ourselves! Yahoo!!!

Paputok

Nagkasunog na naman.

Akala ko Marso ang fire-prevention month?
----------

Karamihan ng mga sunog ngayong buwan ay dahil sa paputok. Etong huling sunog na nabalita ay hindi pa naman naire-relate sa paputok, pero kumbaga sa mga adik na laging sinisisi sa mga heinous crimes, usual suspect na talaga ang paputok pag pinag-uusapan ngayon ang sunog.

Grabe naman kasi ang paglipana ng tindang paputok ngayon. Kahit na malawakan ang information campaign laban sa paggamit nito at nireregulate ang local fireworks industry, bumabaha talaga ngayon ng mga paputok na smuggled mula sa China. Makikita mo ngayon ang mga ilegal na paputok na ito na binebenta nang lantaran sa malls, department stores, sari-sari stores at maging sa mga bangketa.

Bagsak presyo pa ang paputok na smuggled. Na-168 pati yung local fireworks industry. Kung ang paputok na gawa sa Bocaue ay limang piso, mabibili mo ang counterpart nito na made from China nang piso lang.

May safety instructions, in Chinese nga lang.

Ang masama pa, ang nagtitinda sa bangketa ay walang pakialam kung sino ang bebentahan. Kahit batang di pa marunong magbasa at magsulat, basta may dalang piso, bebentahan. Nagyoyosi pa yung nagbebenta ng paputok, panalo!
----------

May kapitbahay akong naputulan ng kuryente. Madilim ngayon sa kanilang bahay, kandila lang ang gamit na ilaw. Minsan nakikisaksak siya ng extension cord sa katapat-bahay. May utang rin siya na upa kaya di ko alam kung hanggang kailan siya nandiyan.

Pero araw-araw ko siyang nakikita kasama ang mga anak niya na nagpapaputok. At di lang paisa-isa. Maramihan. Nobena yata nila yun.

Sa Intramuros kung saan ako nagtatrabaho, ang mga batang kalye ay nagpapaputok rin.

Di ko talaga ma-gets ang value ng paputok. Para kang naglabas ng pera tapos susunugin mo lang. Maiintindihan ko pa yung pagpapaputok out of a religious belief na makapagpapaalis ito ng masasamang espiritu. Pero habang nagpapaputok ang batang kalye na sumisigaw ng "Putang ina, tabi kayo!" hindi naman siguro galing sa religious belief iyon.

Kung sabagay, baka nagpapaputok siya para maitaboy ang masamang espiritu ng gutom. At yung masamang espiritu ng utang. At yung masamang espiritu ng kamangmangan. At yung masamang espiritu ng malas. At yung masamang espiritu ng pagpapabaya. At yung masamang espiritu ng pagsasamantala ng taong "binuhay" ang Maynila sa pamamagitan ng pagsindi ng maraming ilaw habang pinababayaan naman ang mga tao.

Nakow, napunta na naman sa pulitika ang post ko. Parang gusto ko na kasing paputukan ang bahay ng aming Alkalde nang lubayan na ng masamang espiritu.
----------

Nung 1998 Philippine Centennial celebration, ako ay nasa Roxas Boulevard. Isang fireworks display ang tumambad sa aking paningin. OK siya, maganda, pero di ko siya na-appreciate nang buo.

Nasa kasagsagan kasi tayo ng Asian financial crisis nun. Gayunpaman, gumastos pa rin ng isang milyong dolyar si FVR para sa paputok. Kada putok, napapabilang ako "two hundred thousand pesos...five hundred thousand pesos...one million pesos..."

Kungsabagay, fitting tribute nga ang fireworks display kay FVR at sa kanyang Philippines 2000 program. All flash, minimal substance.

December 25, 2006

Merry X(cess)mas

Pasko na naman. It's the time of excesses once again as consumerism grips the whole world. Bumabaha na naman ng kung anu-anong produktong panregalo ang mga tiangge, malls, bangketa, maging sa gitna ng kalye may nagtitinda. Kakain na naman tayo ng mga pagkaing mamahalin, exotic, imported at kadalasa'y sobra-sobra. Magsusuot na naman tayo ng mga damit na bago at branded kahit sangkatutak ang mga damit na di na natin napapansin sa ating mga cabinet. Tataas na naman ang ating power consumption sa pagsindi ng magagarbong christmas lights, sa dami ng laman ng ref at sa dalas ng pagpupuyat dahil sa mga party. Sangkatutak na jet fuel na naman ang popollute sa kalangitan sa dami ng nagbibiyaheng eroplano. Umiiyak yata talaga si Mother Nature pagdating ng kapaskuhan.

Sabi ng iba, ang grinch ko naman pagdating ng Pasko.

Hindi naman. Di ko lang talaga maalis sa aking isip ang kabalintunaan na ang lahat ng kawaldasan at luhong ito ay ginagawa natin sa ngalan ng isang taong ipinanganak na mahirap pa sa daga, ipinagtabuyan ng kung sinu-sino tulad ng isang squatter, at isinilang nang walang saplot sa sabsaban ng mga hayop.

Ang Diyos ay piniling magkatawang-tao nang balot sa kahirapan at ito ay pinapahalagahan natin sa pamamagitan ng pagpapasasa sa yaman?

Merry Christmas.

December 23, 2006

Nang muli kong basahin si Rizal

noliNgayong Christmas break, napag-tripan kong basahin muli ang Noli Me tangere at El Filibusterismo. Bagaman alam ko ang broad strokes ng mga nobela ni Rizal dahil sa pag-aaral ko nung high school at sa panonood ng mga dula tungkol rito, pakiramdam ko ay di ko na-appreciate nang buo ang kanyang social criticism at literary value. Kaya't napag-isipan kong basahin itong muli ngayong mayroon na akong mas "mature" na pag-iisip. (Talaga lang ha, hehehe) Maybe I would see supposedly familiar things in a new light.

At di naman ako nabigo. Nasa ika-16 kabanata pa lang ako ng Noli at aliw na aliw na ako sa binabasa ko. Nakakatawa pala si Rizal! Siguro kung nabubuhay siya ngayon, ang daming nairita (at natawa rin) sa kanyang pagiging pilosopo. Walang pinatawad ang kanyang satirikong mga banat, para akong nagbabasa ng fiction version ng There's The Rub ni Conrad de Quiros. Maging ang Diyos ay di niya pinaligtas sa kanyang patutsada.

Isa nga sa napansin ko ay mukhang "sanitized" ang Noli at Fili na itinuturo sa ating mga paaralan. Nang una kong mabasa ang Noli nung high school, mukhang kinukutya lang ni Rizal ang mga mapang-abusong prayle nung panahon niya. Pero ngayong binabasa ko siya sa kanyang non-high school textbook edition (ang binabasa ko ay yung salin ni Virgilio Almario), ang mga patutsada pala ni Rizal ay nakaamba hindi lamang sa mga prayle kundi sa mismong simbahan at ang kanilang mga turo. Ang katarantaduhan ng konsepto ng purgatoryo, ang pagdarasal sa iba't ibang mga santo, ang mga mirakulo at milagro, etc. Sa totoo lang, nakakapagtaka na ang tindi ng outrage ng simbahan sa Da Vinci Code gayong sa Noli na prescribed reading sa lahat ng paaralan sa Pilipinas ay mas matindi pa ang patutsada sa korporasyon, este, sa simbahan pala.

Nakakalungkot rin na marami sa mga puna ni Rizal sa lipunang Pilipino ay makikita pa rin sa ating lipunan ngayon. Sabi ng mga historians, nagdulot ng kamulatan ang kaniyang mga nobela. Ngunit bagaman namulat nga ang mga tao, di naman sila nagkasundo sa kung ano ang gagawin upang masolusyonan ito. Tulad ngayon kung saan karamihan naman sa atin ay alam ang mga problema sa ating paligid ngunit wala namang ginagawa tungkol rito. Marahil sa kawalan ng pag-asa, o sa kawalan ng pakialam, o sa pagiging self-absorbed, o kaya ay nabobo na sa paghihintay sa isang tagapagligtas at nakalimutan nang mag-isip nang para sa sarili.

Minsan gusto kong itanong kay Rizal kung bakit kinailangan niyang gawing trahedya ang kanyang mga nobela. Bakit ginawa niyang bigo ang kanyang mga bida. Bakit pagkatapos ihain ang mga tanong sa ating harapan ay binitin naman niya tayo sa mga kasagutan. E di sana hindi na tayo nagkakanda-letse letse ngayon.

Ngunit iyon na nga rin siguro ang mensahe ni Rizal. Na wala sa kanya o sa sinumang iisang tao ang kasagutan. Na dapat matuto tayong mag-isip at huwag iasa ang pag-iisip sa iba. Na wala sa isang messiah ang salvation. Na sa huling pagsusuri, tayo rin ang susulat sa ating kapalaran at tayo rin ang gagawa ng sagot kung paano tayo maliligtas.

December 17, 2006

Wish List

Marami akong wish, pero regaluhan niyo lang ako ng libro, ok na.

mga librong gusto kong mabasa

Salamat. Hehehe!!!

December 15, 2006

$4B vs $730

Sa kasalukuyan, 46% ng populasyon ng Pilipinas ay nagkakasya sa $2 kada araw. $730 kada taon. $2 per person per day ang sinasabing Global Poverty Line.

Sa kalalabas pa lamang na listahan ng Forbes na Top 40 Richest People ng Pilipinas, lumalabas na si Henry Sy, ang mall king of Asia, ang pinakamayamang Pilipino. Ang kanyang net worth, meaning yung kanyang assets less liabilities, ay $4 billion.

Ang net worth ng pinakamayamang Pilipino ay kayang-kayang tapatan ang pinagkakasyang gastos ng halos kalahati ng populasyon ng Pilipinas nang higit isandaang araw.

Ok ba?

Hindi.

December 12, 2006

Awit ng Mortal

Nitong mga nakaraang araw, napapadalas ang aking paglalakad. Di lang basta lakad kundi malayong lakad. Medyo may malaking pagbabago kasi sa aking buhay, kaya nagtitipid. Nag-iisip. At sa pag-iisip, pumasok sa aking utak ang question na "Why am I here?"

Hehehe. Parang ang lalim naman. Pero normal na sigurong maisip yun lalo na sa 30 minutes na mag-isang paglalakad. Dahil walang kausap, kinakausap ko na lang ang sarili ko. Sa bilyon bilyong nabubuhay at nabuhay at mabubuhay pa sa mundo, sa pagiging isang insignificant speck ko sa kasaysayan...what's the point?

cue soundtrack

Awit ng Mortal
sinulat ni Joey Ayala

Ano ang sukat ng halaga ng isang buhay?
Kayamanan ba, o di kaya ang pangalan
Ano ang titimbang sa husto o kulang
ng katuparan ng adhikain at paninindigan

May gantimpala bang dapat pang asahan
upang kumilos ng tama't makatwiran?

Saglit lamang ang ating buhay
Tilamsik sa dakilang apoy
Ang bukas na nais mong makita
ngayunpama'y simulan mo na

Ang bawat tibok ng iyong puso
minsan lamang madarama
Ito ang kumpas ng ating awit
na sadyang may hangganan

Kat'wan at isipa'y kukupas
Sa lupa'y yayakap din
Subalit ang bunga ng iyong pamana'y
higit pa sa pinagmulan

Saglit lamang ang ating buhay
Tilamsik sa dakilang apoy
Ang bukas na nais mong makita
ngayunpama'y simulan mo na

December 7, 2006

Sige nga, explain niyo nga

Kaninang madaling araw ay inadopt ng kongreso ang house resolution na magko-convene sa kanila as a constituent assembly through a vote of a simple majority (meaning, more than 50%). May challenge ako sa inyong mga pilosopo.

Eto yung section ng house rules ng congress relating to constitutional amendments.

PROPOSALS TO AMEND THE CONSTITUTION

Section 104. Proposals. - The Congress, upon a vote of three-fourths (3/4) of all its members, may propose revision or amendment(s) to the Constitution.

Section 105. Form of Proposals and Procedure for Adoption. - Proposals to amend or revise the Constitution shall be by resolution which may be filed at any time by any Member. The adoption of resolutions proposing amendments to or revision of the Constitution shall follow the procedure for the enactment of bills.

Section 106. Constitutional Convention. - The Congress may, by a vote of two-thirds (2/3) of all its Members, call a constitutional convention or, by a majority vote of all its Members, submit to the electorate the question of calling such a convention.

Ngayon, nagkaroon ng amendment sa rules. Ganito na ang basa niya ngayon.

PROPOSALS TO AMEND THE CONSTITUTION

Section 104. Proposals. - The Congress, upon a vote of three-fourths (3/4) of all its members, may propose revision or amendment(s) to the Constitution.

Section 105. Form of Proposals and Procedure for Adoption. - Proposals to amend or revise the Constitution shall be by resolution which may be filed at any time by any Member.

Section 106. Constitutional Convention. - The Congress may, by a vote of two-thirds (2/3) of all its Members, call a constitutional convention or, by a majority vote of all its Members, submit to the electorate the question of calling such a convention.

Pansinin niyo, inalis na yung second sentence sa Section 105. So ibig sabihin raw nito, proposals to amend the constitution shall not follow the procedure for the enactment of bills. Di na dadaan sa committee, wala nang first, second, third reading, etc.

Are you following me so far? Ok! Ngayon, hinain yung House Resolution na nagpopropose na i-convene ang Congress into a constituent assembly. Ito raw ay proposal to amend or revise the Constitution kaya under Section 105 (as revised). Kaya ibig sabihin daw ay hindi na ito dadaan sa procedure for the enactment of bills, mabilis na ang proseso.

Ngayon, paano raw ia-adopt ang House Resolution na ito? Through simple majority raw at hindi three-fourths (3/4). Kasi raw, hindi ito under ng Section 104 dahil hindi naman daw ito nagpo-propose ng amendment or revision sa Constitution. Nagpo-propose lang daw ito ng pag-convene ng constituent assembly.

Nalito ba kayo? Eto ulitin ko.

Yung House Resolution to convene a constituent assembly ay proposal to amend or revise the Constitution kaya under Section 105 (as revised). Pero hindi ito under ng Section 104 dahil hindi naman daw ito nagpo-propose ng amendment or revision sa Constitution.

Ok, gets niyo na?

Ako hindi.

Please email your explanations to akosipaeng@gmail.com or post your comments below. Best explanations will merit a separate front page post. Hehehe.

Quote for the day / week

Representative Cagas, kagabi, habang nagrereact ang mga tao sa gallery:

"You can shout there, but you are not a member of the Congress!!!"

I guess that sums up everything about our Representatives.

December 6, 2006

Enriching the newspeak dictionary

Mga contributions ng GMA admin sa newspeak dictionary:

dissent and criticism -> destabilization
supporting the admin / criticizing the opposition -> free speech
supporting the opposition / criticizing the admin -> inciting to sedition
calling an election official to cheat -> lapse of judgment
defacto martial law -> state of national emergency
violent dispersal of public assemblies critical to the government -> calibrated preemptive response
coup d'etat -> withdrawal of support
withdrawal of support -> coup d'etat (depende kung sino gumawa)
amendment -> revision
revision -> amendment (depende kung sino kausap)
initiative of government officials in their last term -> people's initiative

Ngayong araw lang, may bago na naman silang dagdag sa newspeak dictionary:

to change the rules to keep themselves in power -> to overhaul the country’s degenerated political system (luma na pala ito)
railroading -> bold political move (eto, bago talaga)

We learn something new everyday. :)

December 4, 2006

Trahedya

Nitong nakaraang linggo ay sinalanta ng isang superbagyo ang Bicol. Matindi ang pinsalang dulot ng bagyo. Mahigit isang milyong tao ang apektado kung saan mahigit isang libo ang tinatayang namatay. Humigit kumulang P300 million ang pinsala sa mga ari-arian.

Sabi nila, tragedy brings out the best among us Filipinos. Masaklap mang isipin na kinakailangan pang may masamang mangyari para tayo ay kumilos, lumalabas talaga ang ating pagkakaisa at pagbabayanihan sa pagdamay sa mga biktima ng mga trahedya. Ilang beses ko na itong nasaksihan. Sa flash flood sa Infanta. Sa landslide sa Guinsaugon. Sa oil spill sa Guimaras. Ngayon pa nga lang ay marami nang kumikilos para tugunan ang trahedya sa Bicol, tulad ng Red Cross, mga NGOs, mga volunteer organizations, mga foundations at maging mga media outlets.

Sadly, tragedy also brings out the worst among us. Nandiyan na ang mga nagfoforward ng mga tasteless jokes tungkol sa nakaraang bagyo. Ang mga humihiling na sana magkabagyo uli para walang pasok. Ang mga nagsasabing "Salamat naman at sa Bicol lang tumama." At higit sa lahat, ang mga walang pakialam.

Tulad na lang ng ating mga kinatawan sa Mababang Kapulungan. Kasalukuyan silang nagma-marathon session sa Batasan. Kung tayo ay nasa isang perpektong mundo, nagma-marathon session sana sila para pag-usapan ang mga emergency legislative measures para kaagad na matugunan ang pangangailangan ng mga nasalanta ni Reming. Ngunit hindi perpekto ang ating mundo. Kaya sila nagma-marathon session ngayon ay upang maitulak ang constituent assembly, maipasa ang charter change, mapostpone ang eleksyon sa susunod na taon, mapalitan ng unicameral parliamentary form ang ating gobyerno at mapatagal ang kanilang kapit sa puwesto.

"We will not listen to them," sabi nga ni Representative Jaraula nang tanungin tungkol sa hiling na ipostpone muna ang usapang charter change sa gitna ng trahedya. "We will not be stymied."

Sa kabila ng kasaklapan ng trahedya sa Bicol, mas malaking trahedya pa yata para sa ating mga Pilipino na tayo ay kinakatawan ng mga taong walang pakialam sa atin, at sa halip ay paghawak sa kapangyarihan at pagtatanggol sa sariling interes lamang ang iniisip. Kungsabagay, hindi naman trahedya ang nangyayari ngayon sa Kongreso kundi isang krimen. Ang totoong trahedya ay lantarang nagpapakasasa ang mga kriminal sa harap natin, tapos wala naman tayong ginagawa.

December 2, 2006

Buti naman?

Huwebes nang gabi. Inaabangan mo ang forecast ng PAG-ASA para sa Biyernes. Matagal mong inabangan ang long weekend at nagskedyul ka na ng lakad. Tapos nabasa mo sa balita:

"Reming changes course, won't hit Manila directly."

"Yes, BUTI NAMAN!" sabi mo. Hindi mo na mararanasan ang brownout tulad nang dumaan si Milenyo. Hindi na mawawalan ng signal ang iyong celfone. Makakalawatsa ka na bukas sa mall. Tamang tama at may sale dahil kasusuweldo lang. Di na maaantala ang bakasyong binabalak mo.

Baon sa Lupa


Buti naman?

----------

"Nagpapasalamat po ako sa Diyos. Nasalanta po ng bagyo ang buong bayan namin pati na ang aming mga kapitbahay. Pero MABUTI PO at walang nangyaring masama sa bahay at sa pamilya ko. MABAIT TALAGA SI LORD at di niya kami pinabayaan."

Photo taken from Inq7

November 26, 2006

Habang umiinom ng hot milk tea...

Katatapos ko lang magovertime kanina nang ako ay dumaan muna sa isang Chinese restaurant para maghapunan. Umorder ako ng hot milk tea pagkatapos kong ubusin ang isang mangkok ng kanin na may beef at chinese cabbage. At sa aking pag-inom ako ay napaisip.

Ako ay kasalukuyang kumikita ng humigit kumulang na P1,090 per working day. Gross yan. Wala akong overtime pay. Ok na para sa akin na single, siguro mahihirapan kung may pamilya na.

Pag nagtatrabaho ako, iniisip ko, sinusulit ko ba yung binabayad sa akin? Worth P1,090 ba yung trabaho na ginagawa ko?

Pero hindi talaga dun umikot ang aking pag-iisip kanina. Ang naisip ko ay yung sinusuweldo ng namumuno sa grant program kung saan ako involved ngayon. Ang kinikita niya ay humigit kumulang P21,590 per working day. Naisip ko, 21 times bang mas mataas ang value ng trabahong nagagawa niya kumpara sa akin? 21 times bang mas mataas ang kanyang level of effort?

Naisip ko rin ang mga CEO sa Pilipinas. Ang average na suweldo ng isang CEO ay P45,000 per working day. Ang value kaya ng trabahong nagagawa niya ay talagang 45 times kaysa value ng nagagawa ko? Meron pa ngang mga CEO na P150,000 per working day. Anong klaseng trabaho kaya ang worth P150,000 kada araw?

Naalala ko tuloy yung kuwento ng isa kong kasama. Si Regine Velasquez ay binabayaran daw nang P50,000 kada kanta. Yung mga mahuhusay na mang-aawit na kumakanta sa mga bars na pinupuntahan ko ay nagkakasya sa P1,000 kada set. P100 kada kanta.

Hindi ko naman maramdaman na underpaid ako. Sa tingin ko lang ay overpaid sila. Ilang beses nang sinabi na ang problema sa ating lipunan ay ang kahirapan. Pero hindi kaya ang problema talaga ay ang kayamanan (ng mga nakakaangat)?

Naubos na ang hot milk tea. Nagbayad na ako. At di ko maiwasang itanong sa aking sarili kung ano kaya ang iniisip ng waiter, na tinanggap ang bayad ko sa aking hapunan na katumbas na ng kalahati ng kanyang take-home pay sa gabing iyon.

November 20, 2006

Lakad lang

Kanina ay nagtext sa akin ang isa kong estudyante na nasa kanyang first day of work. Grabe daw ang mga ka-batch niya sa trabaho. Napaka-competitive. Training pa lang daw ay nagpapagalingan na. Akala mo'y mauubusan ng trabaho sa unang araw ng pasok.

Ngayon ko lang napansin na iisa lang ang Tagalog equivalent ng career at ng race. Pareho natin silang tinatawag na karera. Para bang nagi-imply ng unahan papunta sa isang finish line. Para bang sinasabi na ang buhay mo ay isang kompetisyon. At olats ka kapag nahuli ka.

Yun na siguro ang dahilan kung bakit iniwan ko na ang business school at ang corporate world. Masyado itong nagpopromote ng isang buhay na buktot at makasarili. Kung ang buhay ay ituturing nating karera, di ba't tiyak na meron kang iiwanan? Kung ang buhay ay ituturing nating kompetisyon, di ba't tiyak na meron kang kakalabanin, ibabagsak at tatalunin?

Mas mabuti pang ituring na lang natin na ang buhay ay isang paglalakbay. May kanya-kanya tayong pupuntahan. May kanya-kanya rin tayong dadaanan. Minsan ay magkakasalubong tayo. Minsan ay magkakasama. At minsan rin ay magkakahiwalay.

Minsan, pinapanood ko ang mga taong walang sawa sa pakikipagkarera sa buhay. Ang sarap sarap nilang sigawan. Hala! Sige! Takbo! Takbo pa kayo!

Ewan ko ba sa kanila. Basta ako, palakad-lakad lang.

November 18, 2006

Money Talks

Kilala niyo ba si Daisuke Matsuzaka?

Si Daisuke Matsuzaka ay isang magaling na pitcher na naglalaro sa Japan. Lima ang kanyang specialty pitches kaya hirap ang mga batters na nakakaharap niya. Nang ganapin ang unang World Baseball Classic, si Matsuzaka ang naging MVP. Siya ang nanguna sa pagdadala ng Japan sa kampeonato.

Dahil sa kanyang kakaibang galing, maraming mga teams sa Major League ang nagkainteres na siya'y makuha. Kaya nitong nakaraang buwan, nagpa-bidding ang Seibu Lions, ang team ni Matsuzaka, sa iba't ibang MLB teams para sa karapatan na makipag-negotiate sa kanilang premyadong manlalaro. Nung nakaraang linggo, nilabas na ang resulta ng bidding at ang nanalong team ay ang Boston Red Sox.

Ang kanilang bid? Tumataginting na $51.5 million lang naman. Di pa nila nakuha si Matsuzaka niyan. Ang nakuha pa lang nila ay ang right na makipag-usap sa kanya.

Para magkaroon ng mas malinaw na perspective sa mga kapwa ko Pinoy na nagbabasa nito, ang $51.5 million ay katumbas ng P2.575 billion. Ang halagang iyan ay kaya nang magpasuweldo ng isang taon sa 25,724 na minimum wage workers sa Metro Manila, kasama na ang kanilang Christmas bonus. O kaya ay magstart-up ng 8,583 na matitinong TB clinics. O kaya ay pondohan ang pagtatanim ng 128,750,000 puno sa mga watersheds ng Cebu at Metro Manila. O kaya ay sagutin ang isang taong gastos sa pag-aaral ng 171,667 na estudyante sa slum areas ng Metro Manila. O kaya ay makapagpatayo ng 42,917 na units ng low-cost housing ng Gawad Kalinga. O kaya ay makapagpatayo ng 6,438 furnished classrooms.

Usong uso ngayon ang iba't ibang kampanya laban sa kahirapan. Pero pag nakakabasa ako ng ganitong mga balita, ng paggastos ng milyon milyong dolyar para lang makausap ang isang tao, di ko mapigilang maisip na naggagaguhan pa rin tayo sa totoong buhay.

November 14, 2006

Magic!

Tuwang-tuwa ako sa episode ni Jay Taruc ng I-Witness kagabi na pinamagatang P36. Ayon kasi sa National Statistical Coordination Board, ang ating poverty threshold ay P36 per person per day. Ibig sabihin, kung ikaw ay nabubuhay sa P36 lang kada araw, hindi ka pa mahirap. Ang ginawa ni Jay ay nag-P36 challenge siya sa iba't ibang mga tao at tiningnan kung may makakatagal sa isang araw na P36 lang ang ginagastos. As expected, walang pumasa, maliban sa congressman na banana cue lang ang kinain buong araw.

Nakakatuwa ano? Di na ganun kataas ang bilang ng mahihirap sa Pilipinas kasi marami naman sa atin ang puwedeng mabuhay na ang gastos lang kada araw ay pamasahe papunta't pauwi sa trabaho at pambili ng isang stick ng banana cue. Di na matindi ang problema natin sa classroom kasi isang daang estudyante na ang ideal class size sa kada kuwarto. Di na mataas ang unemployment kasi hindi na binibilang yung mga taong tambay na lang at di naghahanap ng trabaho. Lumalakas ang Philippine peso dahil sa remittances ng mga Pilipinong napilitang maghanap ng trabaho sa labas kasi wala na silang pag-asa dito.

Ok ang pag-unlad ng Pilipinas. Parang minamagic lang.

November 12, 2006

Ang Bagong Lumad

Mga ilang buwan na ang nakakaraan, nakapanood ako ng isang special set ni Joey Ayala sa Conspiracy. Ilang beses ko na rin siyang napanood nang live kasi Biyernes naman siya madalas nakaskedyul, at yun ang aking panahon para lumabas at maglakwatsa. Pero kakaiba ang gabing ito kasi may kasama siyang matabang lalake na siyang magpepercussion para sa set niya.

Siyet. Si Noe Tio. Ang dating drummer ng Bagong Lumad.

Ilang set na rin na parang "nagreunion" si Mang Joey at ang dating bassist ng Bagong Lumad na si Onie Badiang. Sa mga set nila dati, si Malou Matute, isang taga-UP College of Music, ang kasama nila. Pero ngayon, si Noe na nag-AWOL nang pagkatagal-tagal dahil sa pagtira niya sa Davao, ang siya nang kasama nila. Parang nabuhay na uli ang Bagong Lumad!

Si Bayang na lang ang kulang...

----------
Una akong na-expose sa music ni Mang Joey sa isang episode ng Probe Team. Dun ko unang narinig ang mga kantang Manong Pawikan, Agila at Karaniwang Tao. Bata pa ako nun, elementary pa lang. Dominated pa ng 80s pop at New Wave ang aking tenga. Pero nun pa lang ay may kakaibang katangian na ang musika ng Bagong Lumad na nag-iwan ng tatak sa aking isipan.

Ang tenga ko ay tuluyang nabuksan sa kanilang musika nang ako ay nag-3rd year high school. May kaklase kasi akong nagpahiram ng isang kakaibang tape: Joey Ayala at ang Bagong Lumad: Live! Dun ko napakinggan ang iba pa nilang mga kanta: Magkabilaan, Walang Hanggang Paalam, Ania Na, Magkaugnay, atbp. Grabe, ang ganda! At dahil live ang recording, naramdaman ko ang enerhiya at ganda ng kanilang ethnic-flavored musical arrangement.

Gusto ko silang mapanood nang live. Nagkaroon naman ng pagkakataon nang yayain ako ng aking kaklase na manood ng isa nilang concert. Pero di ako sumama, at sinabi ko sa kaklase ko "Next time na lang." Nang magkita kami uli ay pinakuwento ko sa aking kaklase ang naranasan niya nung concert. At nalungkot ako nang sabihin niya na iyon na pala ang huling concert ng Bagong Lumad. Magdidisband na pala sila.

Sayang.

----------
May kakuwentuhan akong kaibigan dati. Sabi daw ng Humanities teacher niya, hindi daw magaling na musikero sina Joey Ayala at ang Bagong Lumad. Kesyo kulang daw sa formal training kaya hindi gaanong malalim ang pagkakapresent ng indigenous Philippine music sa musika nila.

Ewan ko sa teacher na yun na nageenjoy sa kanyang cultural elitist world kung saan mga may degree lang sa music ang may karapatang maging magaling na artist. Pero kung walang Joey Ayala at Bagong Lumad, napaka-alien at exotic na siguro ng indigenous Philippine music sa tenga natin. Alien at exotic pa rin naman ngayon, at maririnig lang natin ang ganun klaseng musika kapag may festival, Araw ng Kalayaan, o kaya Linggo ng Wika. Pero kahit papaano, sa mga kahenerasyon ko ay may isang distant memory na nagkaroon ng panahon na ang ganung klaseng musika ay nakalusot sa western-dominated FM radio sa Pilipinas.

----------
Sa karamihan ng kahenerasyon ko na nakakaalam pa sa musika ni Joey Ayala, ang Bagong Lumad ay isa nang legend. Alam namin na minsan ay nabuo ang grupong ito. Napapakinggan namin sila sa aming mga cassette tapes, CDs at dinownload na MP3s. May mga music documentaries na nagpapakita pa ng kanilang footage. Pero hindi na namin sila napanood.

Ang Bagong Lumad ang isa sa dahilan kung bakit sumali ako sa Kontra-Gapi at nahilig sa musikang Pinoy. Kahit na pinipilit kong maging orig, bumabalik at bumabalik rin ako sa inspirasyon na dulot ng kanilang musika. Sa pagtugtog ko ng hegalong ay lumalabas ang Ania Na at Talambuhay. Sa pagtatambol at pagkukubing, lumalabas ang Bagong Sayaw. Ewan ko ba, pero nasa sistema ko na ang musika nila.

----------
Minsan, nagkaroon ng pagkakataon na nakasama ng Kontra Gapi si Mang Joey sa isang konsiyerto sa Luneta. Nag-jamming kami! Umuulan pa nun nang malakas, pero sige, tuloy lang ang tugtugan. Masaya at madali naman akong nakasakay. Siyempre, halos araw-arawin ko ba namang pakinggan ang mga tape nila.

Pero mayroon pa ring kulang. Wala kasi si Onie. Wala si Noe. Wala si Bayang. Nandito si Joey Ayala. Pero wala ang Bagong Lumad.

---------
Nung nakaraang Biyernes ay tumambay uli ako sa Conspiracy. Friday night kaya Joey Ayala night. At ayos, kasama pa rin niya sina Onie at Noe.

Maya maya ay may tumawag sa akin. "Paeng, ikaw ba iyan?"

Si Bayang.

Tinanong ko kung kasama siya sa set. Sabi niya napadaan lang siya, galing sa isang gig sa PETA. "Sayang! Akala ko pa naman reunion na," biro ko. Uuwi pala kasi siya agad. Kapapanganak lang kasi niya at kailangang alagaan ang kanyang unang baby. "Pag may baby ka pala, parang kulang ang 24 hours!" sabi niya.

Sa isip-isip ko, gusto kong sabihin na mamaya ka na umuwi. Kahit isang kanta lang. Maya maya'y nagpaalam si Bayang at lumabas.

----------
Tumugtog na ng unang kanta sina Mang Joey. Panganay ng Umaga. Biglang pumasok uli si Bayang. Di pa pala siya umuwi. Umupo siya sa table malapit sa entablado at nanood.

Ang ikalawang kanta ay ang kanilang pinakasikat na kanta, yung Karaniwang Tao. Tumayo si Bayang. Kumuha ng shaker at maracas. Sinamahan sina Joey, Onie at Noe sa entablado. At kumanta.

At di lang natapos sa Karaniwang Tao. Maya-maya ay kumanta na rin sila ng Glad You Are Here, Maglakad, Magkabilaan, Agila, Tingnan Niyo at Awit ng Mortal.

Alam mo ba yung pakiramdam na naging saksi ka sa isang espesyal na karanasan? Ilang beses ko na ring napanood sina Mang Joey, pero iba ang gabing ito. Mas malakas ang palakpakan. Mas malakas ang hiyawan. Akala ko nung umpisa ay ako lang ang nakaranas ng kakaibang tuwa. Pero nang makita ko ang laki ng ngiti ng mga tao sa loob ng Conspiracy, ang pagsigaw ng mga request, ang walang humpay na pagkuha ng mga camera, alam kong lahat kaming nanonood ay parang nanalo ng jackpot na hindi namin inaasahan.

Si Joey Ayala. Si Onie Badiang. Si Noe Tio. Si Bayang Barrios. Ang Bagong Lumad. Together on stage after a long long time.

Sana may iba pang gabing tulad nito...

November 8, 2006

Hangsama

Nang lumabas ang hatol na "death by hanging" para kay Saddam, napailing ako.

Hindi naman sa kumakampi ako kay Sa-sa-saddami Ng Problema Natin. Matagal nang kontrabida ang tingin ko sa kanya. Sino ba naman sa henerasyon ko na nagtapos ng elementary nung 1991 ang di makakalimot sa mga palabas sa TV na sinabing si Saddam ang anti-christ. Kahit itanong niyo pa raw kay Nostradamus!

Ang problema sa death sentence kay Saddam ay hindi ito kaso ng good triumphing over evil. Sa mode pa lang ng pagpatay, na sa pamamagitan ng hanging, hangsadista na ng dating ng mga nagpataw ng kamatayan. Nabubuhay sa aking isipan ang isang eksena sa nobela ni George Orwell na 1984:

"Did you go and see the prisoners hanged yesterday?" said Syme.

"I was working," said Wilson indifferently. I shall see it on the flicks, I suppose."

"A very inadequate substitute," said Syme..."It was a good hanging. I think it spoils it when they tie their feet together. I like to see them kicking. And above all, at the end, the tounge sticking right out, and blue - a quite bright blue. That's the detail that appeals to me."


Napakalaking kabalintunaan na pinapangalandakan ng mga pamahalaan ng U.S.A. at Great Britain na isang malaking tagumpay para sa kanilang War on Terror ang pagbitay kay Saddam. Hindi naman siya hinatulan ng kamatayan dahil sa pagtatago ng Weapons of Mass Destruction kuno na ginawang pretext ng pagsakop sa Iraq. O kaya sa diumano'y link ni Saddam sa global terrorist network. O kaya sa pamumuno niya sa pagsakop sa Kuwait nung 1990s.

Si Saddam ay bibitayin dahil sa pagmasaker sa mga Shiite sa Dujail noong 1982.

E sino bang mga kakampi niya nung 1982 na siya pang nagsupply ng gas na ginamit sa masaker ?

Hanghipokrito naman, hindi nakakatawa.

November 7, 2006

Titulado

Pinagsisisihan ko ang pagsulat ng post na ito.

Tingnan mo naman kasi ang lumalabas na result kapag nag-search ka ng Erwin Rafael sa Google.

Erwin Rafael. Rapist.

----------
Bakit kaya ang ibang tao adik na adik sa mga titulo pagkatapos ng kanilang mga pangalan?

Kanina ay nagpapirma kami sa isang opisyal ng DOH para sa mga invitation namin para sa isang workshop sa susunod na linggo. Nagulat ako sa haba ng kanyang pangalan.

Usec. _____________, M.D., MPH, MHA, CESO III

Alam ko na marapat na bigyang halaga ang mga bagay na pinaghirapan natin sa mundo. Pero kailangan ba natin itong ipangalandakan palagi na parang mababawasan ang pagkatao natin pag hindi natin ito naisulat sa tabi ng ating pangalan?

----------
May isa akong kasamahan sa unibersidad dati. Magaling siyang magturo. Kaya lang, may ginawa siyang napailing na lang ako dahil ang...pathetic. Really, there's no other word to describe it:

Prof. __________, MBA, Ed. D (candidate)

Susme.

----------
Favorite headline for the day:

Notorious drug suspect caught for the fourth time.

Ewan ko ba't tawang tawa ako.

November 6, 2006

First day blues

Ang trapik kaninang umaga. Ang daming jeep sa kalsada, tapos puno pa ang mga ito ng pasahero. Ibang-iba ito sa nakaraang linggo, kung saan inaabot lang ng 20 minutes ang biyahe ko mula sa bahay papuntang office. Nangalahati na ako sa biyahe nang mahinawa ko na unang araw ng klase nga pala ngayon para sa 2nd sem ng AY 2006-2007.

May kakaibang excitement akong naramdaman. Ganito talaga ako kapag first day of school, parang bumabaha ng adrenaline sa aking veins. Magkahalo ang sabik at kaba, kasi may mga bagong estudyante na namang pakikisamahan, mga bagong librong babasahin, at mga bagong topic na pag-aaralan at ituturo. Ang hindi ko lang talaga kinasasabikan ang mga bagong papel na tse-checkan.

Tapos bigla ko na lang naisip...di na nga pala ako papasok sa eskuwelahan. Pagkatapos ng halos limang taon, ngayon lang magkaka-unang araw ng klase na wala ako sa loob ng klasrum.

Nawala ang aking excitement at napalitan ng pagkasentimental. Bumaba ako sa Lawton, napatingin sa nagsisiksikang mga sasakyan papuntang Quiapo na siguradong didiretso rin sa university belt area. Nagtext ako sa mga estudyante ko, sabi ko:

"How surreal. It's the first day of class, and for the first time in 5 years, I am not going to school."

Maya maya ay may nagreply:

"Dnt wori d kyo ng-iisa. ako dn! hehe"

"Sir 1st day of work nmin d2 s sgv."

"1st day of skul, eto 1st day nmin mgapply, dumudugo aming ilong kkcompose ng essay"

Ay, oo nga pala. Sabay sabay nga pala kaming "grumaduate" ng mga estudyante ko.

October 30, 2006

Not guilty!

Sa Inq7:

Paeng leaves death, destruction in Luzon

----------

Alam mo ba ang pakiramdam ng ma-associate ang pangalan mo sa isang karumal-dumal na krimen?

Nung 2000 ay nagpunta ako sa US kasama ang Kontra-Gapi para sa aming North American tour. Konti lang ang nakakaalam na umalis ako. Kaya imaginin niyo na lang ang reaksyon ng aking mga kaibigan nang mapabalita sa TV na may isang rape suspect na ang pangalan ay Erwin Rafael.

Erwin Rafael. Rapist.

Buti na lang at malakas at air-tight ang aking alibi.

Hassle nga lang nung nagpa-NBI Clearance na ako ilang buwan pagka-uwi. Ang tagal ng processing at nakadalawang balik ako bago ko nakuha. Mabuti naman at di ako dinampot. Pinagpaliwanag sa presinto. Ininterrogate. Winater torture.

(Pero nasaan na kaya si Erwin Rafael, the rapist? Rapist nga kaya siya o napagkamalan lang? Nahuli kaya siya ng mga pulis? Nakakulong na? Nakalaya na? Nagtatago pa rin sa batas?)

----------

Sa text message:

"Sir Paeng. Bat namerwisyo p kau s isabela. 5 2loy ang namatay. Tsk"

Ang hirap maging bagyo

Kasalukuyang papaalis na ng Luzon ang aking katukayo. Ito'y pupunta na ng Paracel Islands at dun naman manggugulo.

Nung una ay naaliw ako nang magkaroon ng kapangalang bagyo. Siyempre, sa dinami-dami ng puwedeng ma-assign na pangalan na nagsisimula sa letrang P, Paeng pa talaga ang napili. Para nga akong nanalo sa raffle.

Nakakatuwa pa kasi nito lang naman sinimulan na ang pangalan ng lalake ay kinokonsidera na rin sa pagpangalan ng bagyo. Hindi kasi tayo gender-sensitive noon. Pero ngayon, may "equal opportunity" na ang lalake, babae at bading para mapili ang pangalan para sa bagyo.

Ngunit ang pagkaaliw ko ay napalitan na ngayon ng pagkairita. Kasi ba naman, paulit-ulit na lang ang mga joke sa opisina at pati na rin yung mga natatanggap ko sa text.

"Sir, kayo pala ang bagyo ngayon."

"Ang lakas mo, Sir! Sinasalanta mo na ang Pilipinas."

"Grabe ka, Paeng. Basang basa ako!"

"Ano ka ba, Paeng? Ang trapik tuloy."

"Ibang klase ka palang magalit."

Isinisi sa akin ang baha. Ang pagkapostpone ng pagbabakasyon sa Baguio. Ang basang sapatos at medyas. Ang pag-aabsent. Ang lagnat, sipon, ubo...

Paano kaya kung may mawalan ng ari-arian dahil sa bagyo?

"Putang ina mo, Paeng!!!"

"Tang ina mo rin, nanahimik ako dito sa opisina!!!"

Pero ang nakakatuwa rin naman, maraming kumontak sa akin na matagal ko nang di nakakausap. Kinakailangan ko lang palang maging bagyo at national disaster para ako ay maalala.

October 29, 2006

The capitol that never was

Kagabi ay napanood ko ang replay ng The Explainer ni MLQ3. Madalas kong panoorin ang show na ito kasi para akong nasa klase, may teacher, tapos may nakakairitang estudyante na tanong nang tanong. Sa totoong buhay nga lang, madalas ako yung estudyanteng nakakairita sa klase. Hehehe. Kulang na lang sa show na ito ang mga gimik na madalas ginagawa ng mga teacher para hindi antukin ang mga estudyante para maging tunay na "classroom experience."

Heniweyz, ang latest episode ay tungkol sa capitol planning. Matagal ko nang iniisip kung bakit ang gulo gulo ng pagkakaayos ng ating mga national government offices. Ang Malacañang nasa Manila. Kapag pupunta kang Supreme Court, tatawid ka pa ng Ayala bridge at dadaan sa traffic ng Taft Avenue. Ang upper house ng congress nasa PNB Building sa Pasay. Ang lower house naman ay dadayuhin mo pa, na para kang nagfi-field trip, sa Batasan complex sa Quezon City.

Nakakatuwa (at nakakapanghinyang) na makita ang mga capitol plan natin na hindi naisakatuparan. OK yung Burnham Plan na ang set-up ay concentrated sa Rizal Park / Intramuros ang national capital. Simple, walang gaanong arte at nakagrid yung mga kalye sa Manila. Napaka-rational rin ang pagkakaayos ng mga government offices. Malapit sana ito sa academic center (U-belt) at malapit rin sa dating economic center (Escolta / Sampaloc). Pero inabandona ang planong ito dahil sa vulnerability ng lugar sa naval bombardment at dahil na rin sa nationalist tendency noon na kumawala sa mga pinlano ng ating mga colonial masters.

Pinaka-impressive sa mga capitol plans ang Quezon City. Ambitious, grandiose at talagang maganda't pinag-isipan. Pero sa umpisa pa lang, doomed to failure na ang project dahil balot na balot ito sa pulitika. Kaya pala Quezon Boulevard, Quezon Avenue at Quezon City ang naging pangalan ng mga lugar na ito para mas madaling makumbinsi si dating presidenteng Manuel Quezon na aprubahan ang plano. Dahil dito, madali ring nakompromiso ang plano nung namatay na si Quezon. Dagdagan pa ng profit-driven opportunism ng mga land speculators, ng pagiging self-serving ng mga politicians lalo na ang mga congressman, at ng kupad sa pagkilos ng gobyerno dahil sa kakulangan ng political will, nasayang ang magandang plano para sa Quezon City.

Paano kaya kung natuloy ang isa sa mga capitol plan na ito? Siguro mas magiging coordinated at efficient ang mga government agencies at branches. Siguro mas makakatipid rin ang gobyerno sa fuel, transportation, messengerial, office rent at ang pinakamalaking tipid sa lahat, ang per diem. Siguro mas magiging maayos ang residential plans ng mga government employees na balak maging career public servant. Dahil may geographical center ang political power, siguro magkakaroon rin ng geographical center ang civil society at mas magkakaroon ng synergy ang mga effort nila. Siguro mas madaling magexert ng public pressure through mobilization dahil magiging geographically concentrated ito. Mas madaling magkakaroon ng political alliances ang mga politiko dahil magkakalapit sila pero mas madali rin silang bantayan kasi nakatutok na lang ang mata ng mga nagbabantay sa iisang lugar.

Mababarikadahan kaya ng barbed wire at sundalo ang Office of the President kung ang ibang branches ng government ay maaapektuhan ng barikadang ito? Titirahin pa rin ba ng bumbero ang mga party-list congressman na kasama sa rally laban sa CPR kung katabi lang ng Office of the President ang Congress? Maeenforce kaya ang gag order na EO 464 kung katabi lang ng Office of the President ang Senado? Maipapasa kaya ng Lakas NUCD ang unilateral con-ass kung katabi lang nila ang Senado? Madali kayang mag-issue ng unconstitutional orders kung katabi mo lang ang Supreme Court? Mangyayari pa kaya ang dagdag-bawas kung ang tinatarantado mong kandidato at kalabang partido ay nasa kabilang building lamang?

October 26, 2006

Iritable

Naiirita ako sa buhay na umiikot sa trabaho. Pero sa SGV ako unang pumasok.

Naiirita ako sa mga hindi nagbabayad ng tamang buwis. Pero sa tax compliance group ang aking unang trabaho.

Naiirita ako sa mga buwakananginang private schools na kung magtaas ng tuition e akala mo nalulugi. Pero nagturo ako sa private school na may pinakamataas na return on investment sa Pilipinas.

Naiirita ako sa mga malalaking korporasyon na siyang dahilan ng sobrang laking social inequality. Naiirita ako sa kanilang mga outreach / corporate social responsibility programs na kadalasa'y pakitang tao lamang at ang goal ay para bumango ang pangalan nang matakpan ang social problems na kanilang nagagawa. Pero kasalukuyan akong nagtatrabaho sa Philippine Business for Social Progress.

Naiirita ako sa imperialist globalist tendencies ng American government. Naiirita ako sa kanilang mga aid program kasi halata namang kahit may kaunting kabutihan itong naidudulot, ito ay mayroon ring makasariling agenda na itinutulak. Pero kasalukuyan akong tumutulong mag-implement ng isang malaking programa ng USAID.

Siguro gusto ko lang naiirita. O baka rin inaakala ko lang na may magagawa ako para balang araw, di na ako maiirita sa kanila.

October 25, 2006

Di pa tapos

Nung isang araw, natuklasan ko na ang isang inakala kong "good job" ay "unfinished job" pa pala.

Wala sa kamay ko ang kahihinatnan ng aking mga estudyante. Sabi nga ni Great Teacher Onizuka sa kanyang mga estudyante, "I've done my part. The rest is up to you."

Pero sinabi rin niya, "Even if I quit school, I'll still be with you..."

Ganun siguro talaga. Ang pagiging guro ay di natatapos paglabas ng klasrum. Umaabot ito maging hanggang sa labas ng eskuwelahan.

----------
Congratulations kina Evan, Tany, Rizal, Bebeng, Michelle, Monra, Tere, Mar, Cherry, Abet, Matet, Ai at Issa, ang aking mga bagong colleagues. :) Let's all do our part to make this world a better place.

October 23, 2006

May pressure pero walang namemressure?

Sabi ng Malacañang, "Stop raising bogey on palace pressure."

Pero mababasa mo naman ang mga balitang ito:

"De Venecia's Cha-cha plea adds pressure on SC"

"Palace justifies Arroyo's push for Cha-cha"

"Palace deems pressure on SC on people's initiative as normal"

"Mayors: Majority of SC justices for Charter Change"

Kungsabagay, ano pa ba ang aasahan mo sa administrasyon na nagpauso ng 1) crime na walang kriminal, 2) I am sorry pero walang kasalanan, at 3) it's her voice but she's not the one talking. George Orwell would be proud.

October 21, 2006

(Pa)tapos na

Ngayon ang huling weekend ng board exam ng aking mga estudyante na grumaduate nung nakaraang Abril. Sa Lunes, magkakaalaman na kung sino sa kanila ang pinalad na makakuha ng titulong CPA at kung sino naman ang kakailanganin pa ng second chance.

Naalala ko tuloy nung ako naman mismo ang kumuha ng board exam limang taon na ang nakakaraan. Di ako nakatulog nung unang araw, hindi dahil sa kaba, pero dahil nakikinig pa ako ng Metropop Songwriting Competition. Si Louie Ocampo in tandem with Joey Ayala ang nanalo nun sa kantang Pag-Uwi na ininterpret ni Martin Nievera. Buti na lang, yung paborito kong subject ang exam nung umaga, kaya medyo kinaya kong sagutan kahit na inaantok-antok ako.

Nung araw matapos ang exam, namasyal ako. Tapos dumaan ng review center nung gabi. Nakita ko yung pangalan ko sa mga pumasa. Inakala ko nung una na makakaramdam ako ng sobrang tuwa, pero hindi. Iba ang una kong naramdaman at nasabi...

Tapos na.

Marami ang nag-aakala na isang sense of triumph ang dinadala ng pagpasa ng board exam. Sa tingin ko, mas appropriate na sabihing sense of closure ang idinudulot nito. Contrary to popular belief, ang resulta ng board exam ay hindi naman validation ng galing o talino ng isang tao. ang mga bagay na iyon ay mas mapapatunayan sa ibang aspeto ng buhay. Sa halip, isa siyang marker na nagsasabi kung puwede nang iwan ang nakaraan. Puwede nang iwan ang baggage na dala ng kursong kinuha nung college at puwede nang mag-move on sa kung saan man ang gusto nang puntahan.

Sa Lunes ay magkikita-kita kami ng aking mga estudyante. May mga malalaking ngiting gagantihan ko ng mas malaking ngiti. At mayron ring mga basang matang aking pupunasan. Sana mas maraming ngiti kaysa luha. At sana muli kong maramdaman at masabi...

Tapos na.

October 19, 2006

Pataas nang pataas

Nung magsimula akong mangolekta ng komiks, P30 lang isang piraso. Ngayon P180 na.

Ang unang tape na binili ko ay P90. Ngayon, P150 na. (pero dahil phaseout na, marami rito P30 na lang)

Piso lang dati ang pandesal. Ngayon, piso pa rin. Pero isang subo na lang.

Nung unang lakwatsa ko, P1.50 lang ang pamasahe. Ngayon, P7.50 na.

Dati, ang regular na price ng isang pocketbook na bago ay P30. Ngayon, ang discounted price ng isang pocketbook na di na mabenta ay P50.

Nung high school ako, ang tuition ko ay P3,000 lang. Ngayon, ang tuition sa dati kong school ay lagpas P10,000 na.

Mula pa nang una akong mag-aral ng economics noong high school, napapakamot talaga ang ulo ko pag pinag-uusapan kung bakit ang general price level sa ating ekonomiya ay tumataas. Bakit ba may inflation?

Ang dami kong libro ng economics sa bahay na siyang hinanapan ko ng sagot. Pero kahit na ilang paliwanag pa ang mabasa ko, kahit anong scientific model pa ang maipresent sa akin, di ko talaga makita ang rationale ng inflation. It's a stupid and unsustainable phenomenon na iisa lang ang nakikita kong dahilan.

Because in our commerce-driven, profit-consumed, survival-of-the-fittest world, enough is just never enough.

Lucky Number 7

Sabi nila, masuwerte raw ang number 7.

Eto raw ang perfect number ayon sa Bible. Nung ikapitong araw nagpahinga raw ang Diyos. Merong seven sacraments. Merong seven virtues. Yun nga lang meron ding seven deadly sins.

Mayroong seven days in a week. Seven ang notes sa western musical scale (Do Re Mi Fa So La Ti). Seven ang kulay sa isang rainbow (ROY G BIV). Seven yung nagiging sum ng kahit anong opposite side ng isang dice (6+1, 5+2, 4+3). Si Snow White, may seven dwarves. Si Akira Kurosawa, may Seven Samurai. Ang bandang Queen, may Seven Seas of Rhye.

Sa Pilipinas, may pitong Maria. Ang mga albularyo, may pito-pito. Ang Sexbomb, may Daisy Siyete. Si Fred Panopio, may Pitong Gatang.

May significance nga ba at special qualities ang number seven? Di ko alam. Basta ang nakakatiyak ako, nitong nakaraang pitong taon, ako ang isa sa pinakamasuwerteng tao sa buong mundo.

October 14, 2006

Stand Up Against Poverty?

Ayon sa UN Human Development Report nung 2000, ang pinakamayamang 20 percent ng mundo ang may hawak ng 86 percent ng yaman.

80 percent ng populasyon ng mundo ay naghahati-hati sa 14 percent ng yaman. Yung pinakamahirap na 20 percent ay naghahati-hati sa 1 percent ng yaman.

Ang mga economic policies sa mundo ay nakafocus sa poverty alleviation. Poverty eradication. "We are the first generation that can end poverty," sabi nga sa Millennium Campaign. May bago nga uling anti-poverty program ang UN. At lahat sila nakatingin sa baba.

Hindi nila iniisip na baka naman ang solusyon ay makikita kung titingin tayo sa taas.

Sabi ni Sancho Panza sa Don Quixote, "There are only two families in the world, as my grandmother used to say: the haves and the have-nots." Kulang ang kanyang analysis. May isa pa kasing pamilya.

The have-lots.

Stand up against poverty? How about standing up against affluence?

Eradicate poverty? How about eradicating the scandalously super-rich?

October 7, 2006

Ang aking soundtrack

Tinag ako ng aking diyosa upang maglista ng mga paboritong kanta. Binalikan ko ang "origin" nung tag at ang konsepto pala nito ay soundtrack ng buhay. Mahirap sagutin kasi nagiiba iba ang soundtrack ko depende sa panahon. Pero siyempre, merong all-time favorites:

  • Sana'y Di Ka Masanay ni Gary Granada. Ito ang aking paboritong kanta, sayang lang di na nakakanta ni Mang Gary sa mga set niya kasi di na raw niya maalala. Madaling makuntento lang at tanggapin na ang lipunan natin ay ganito na lang at wala na tayong magagawa. Pero mahirap magbulagbulagan at mawalan ng pakialam. "Kayraming nangangailangan sa sarili mong bansa, ngunit ang karamihan, ang isip ay banyaga. Sana'y di ka masanay, sana'y di ka masanay sa ganyang klaseng buhay"
  • Magkabilaan ni Joey Ayala. Naexpose ako sa kantang ito nung high school ako, nung panahon na nagpapatugtog pa ng alternative music sa radyo. Ito ang nagturo sa akin na tingnan ang mga isyu mula sa magkabilang panig at pagkatapos (ito madalas nakakalimutan) ay manindigan. Bawal ang fence sitter. "May kaliwa't may kanan sa ating lipunan, patuloy ang pagtutunggali patuloy ang paglalaban. Pumanig ka, pumanig ka, wag nang ipagpaliban pa. Ang di makapagpasya ay maiipit sa gitna."
  • Blue Jeans ng Apo Hiking Society. Ito ang naging theme song ko bilang teacher. Madalas ay malaki ang binibigay na importansya sa pag-aaral, pero ang talagang importanteng bagay ay ang matuto. "Kay tagal-tagal ko nang nag-aaral, tingnan mo kupas nang aking maong. Kung akala mo ako ay natuto na, hindi pa rin."
  • Isipin Mo Na Lang ni Bayang Barrios. Loko talaga itong si lalabs. Dati ito ang gusto niyang kanta ni Bayang at sa akin naman ay yung kantang Sa Piling Mo. Ngayon naman, nagkapalit na kami ng gusto. Siguro dahil ramdam ko ang pagiging "long distance" ngayon. Hehehe. "Nangangamba ka ba na ngayong malayo ka, ako kaya ay nagbago?"
  • Kapag Sinabi Ko Sa Iyo ni Gary Granada. Madalas sa mga love song ang dami-daming pinapangako, maging ang langit at kung anupamang imposibleng maabot. Kaya nakakatuwang makarinig naman ng isang love song na down-to-earth. Mas puro at tapat ang pagmamahal. "Kapag sinabi ko sa iyo na ika'y minamahal, sana'y maunawaan mo na ako'y isang mortal. At di ko kayang abutin ang mga bituin at buwan, o di kaya ay sisirin perlas ng karagatan."
  • Tuwing Umuulan At Kapiling Ka na sinulat ni Ryan Cayabyab. Ang una kong narinig na version nito ay yung sa Eraserheads. Pagkatapos ay narinig ko yung original ni Basil Valdez. Ito para sa akin ang "perfect" love song. Ang lyrcis, ang melody, ang arrangement...galing talaga ni Mr. C! "Maaari bang minsan pa, mahagkan ka't maiduyan pa sakbibi ka't ulan lamang ang saksi."
  • Here Comes The Sun ng Beatles. Sa dinami-dami ng magandang komposisyon nina Lennon-Mccartney sa Beatles, yung sinulat pa ni George Harrison ang pinakanagustuhan kong kanta nila. Ang sayang umasa na in the end, everything will be alright. "Here comes the sun and I say it's alright."

Iyan ang aking soundtrack. Dapat nga triple CD collection ang lalabas diyan pero sosobra naman sa haba ang post na ito at baka wala nang magbasa. Hehehe. Sino kayang ita-tag ko? Lahat na lang ng makabasa nito, ilan lang naman kayo e. :p

October 6, 2006

satorarepotenetoperarotas

Was it a car or a cat I saw?




salamat Layra. hehehe

October 1, 2006

Ang Wage Slave at si Bagyong Milenyo

"Wage slavery is a term used to refer to a condition in which a person is legally (de jure) voluntarily employed but practically (de facto) a slave. It is used to express disapproval of a condition where a person feels compelled to work in return for payment of a wage...In terms used by critics of capitalism, wage slavery is the condition where a person must sell his or her labor power, submitting to the authority of an employer merely to subsist." - Wikipedia entry on wage slavery

Habang papalapit si Milenyo sa Metro Manila, si Juan na taga-Sampaloc na nagtatrabaho sa Ayala ay nagkukumahog para pumasok sa opisina. Nag-aalala siya na baka mahuli sa 8 am / 9 am na time in. "Naku, baka di ko na makuha yung P2,500 na perfect attendance award!" sabi ni Juan. Buti na lang walang pasok ang kanyang mga anak, wala siyang ihahatid sa eskuwela. Dumiretso na siya agad sa opisina, mahirap pa naman magbiyahe pag malakas ang ulan dahil matrapik.

Nang magsimula nang magpakita ng bangis si Milenyo, nagdalawang isip ang employer ni Juan kung pauuwiin sila. "Pauuwiin ko ba sila para makatipid sa babayarang suweldo? Kungsabagay, nandito na rin naman sila, e di pagtrabahuhin na!" Nang mamatayan ng ilaw, binuksan ang generator. Nang magmalfunction ang generator sa lakas ng bagyo, binuksan ang venetian blinds at nagsindi ng kandila. Yun nga lang, di na mabuksan ang mga computer. Kaya nakipagtitigan na lang si Juan at ang kanyang mga kaopisina sa kanilang mga monitor.

Nagdalawang isip rin si Juan kung uuwi na. Madalas kasing bumaha sa lugar nila. Pero kahit naman kasi tangayin na ng hangin o baha ang pamilya niya, hindi puwedeng umuwi kasi di pa naman nagdedeklara ng half day. Dapat patuloy pa rin siyang makipagtitigan sa monitor kundi mababawasan ang kaniyang suweldo. At sayang naman yung perfect attendance, P2,500 rin yun!

Bandang alasdos ng hapon ay nakatanggap si Juan ng text, "Pa la ng bubong. Lumipad n!" "K lng yan anak, syng nmn hlfday pg uwi ako. Hwkn u n lng ung kisame pra d rin lparin. Kumain n kau?" ang sagot niya. Kaya lang di na natanggap ng anak niya ang message kasi Message Sending Failed. Walang signal, wala na rin kasing kuryente yung mga cellsites ng Smart at Globe. Nagpalit ng Sun na SIM si Juan kasi yung cellsite ng Sun meron daw kuryente. Pero wala pa ring signal, kasi nga naman Sun yung network.

Pagdating ng 6 pm, si Juan ay nastranded at di na makauwi. Ang init! Ang dami dami kasi nilang mga di pinauwi na nasa kalsada. Aakalain mo tuloy may people power sa Ayala. Di naman siya makapagovernight sa opisina kasi walang kuryente. Madilim na kasi pinatay na rin ang mga generator sa mga katabing building. Maliban dun sa SGV building na nakasindi pa rin ang mga ilaw at mukhang walang balak matulog ang / magpatulog ng mga tao.

Malalim na ang gabi nang makahanap si Juan ng taxi. "Sa Sampaloc lang po ako," sabi niya. "Pakidagdagan na lang po ng P200," sagot naman ng driver na sweet lover. Putik, halos maubos lang din yung kinita ni Juan sa araw na iyon. Kungsabagay, may P2,500 naman siya kung perfect attendance.

Nang sumunod na araw, devastated ang Metro Manila. Walang kuryente. Nakahambalang ang mga puno, poste, billboard at usisero sa kalye. Putol ang mga linya ng telepono. Mahina pa rin ang signal ng celfone. Lubog pa sa baha ang maraming mga lugar. Madaming mga bahay na umangat ang bubong, lundo ang kisame, basag ang bintana, nabaon sa lupa, napunta sa kabilang ibayo...

At ang unang tanong na pumasok sa isip ni Juan paggising ay "May pasok kaya? Baka maabsentan ako!"

September 30, 2006

Salamat sa NCLEX?!

Minsan may mga problema na hindi black and white. Inaabot nang matagal ang pag-isip ng solusyon dahil napakaraming factors na kailangang i-consider.

Ang nursing board exam leakage ay hindi isa sa mga problemang iyon.

Simula nung pumutok ang balita, malinaw na ang solusyon sa problemang ito. Malinaw na hindi puwedeng agad agad na itratong valid ang resulta ng exam dahil may leakage. Malinaw rin na hindi puwedeng i-invalidate lang ang mga tanong na nag-leak dahil ito ay substantial portion ng exam at hindi magiging tunay na measure ng competence ang recomputed na score. Malinaw rin na maraming nakinabang sa leakage ngunit ito ay concentrated sa iilang review centers at sa iilang nursing schools lamang.

Kaya ang tamang solusyon ay i-invalidate ang resulta ng mga pumasa na nag-aral sa mga review centers at nursing schools na nakakuha ng leakage at pakuhain uli sila ng portions ng exam kung saan nagkaroon ng leakage.

Ngayon ay nagutos na ng retake ng nursing exam si GMA. Gusto ko sanang maniwala sa sinabi niya na ang solusyon na ito ay naabot niya dahil gusto niyang protektahan ang integridad ng profession, pero bakit inabot ng apat na buwan bago niya makita ang obvious na kasagutan? Ito ba ay dahil ang nakapagkumbinsi naman talaga sa kanya na magutos ng retake ay hindi ang kanyang concern sa mga nurses kundi ang dolyar na maipapasok nila pag sila'y nasa abroad na? Bakit naisip lang niya ang solusyon nang siya ay kausapin na ng isang NCLEX representative, gayong ang ideya ng retake ay matagal nang ibinabandera ng mga deans ng nursing schools at iba pang awtoridad mula sa nursing profession?

Ang masaklap pa rito ay mukhang hindi rin pinagisipang mabuti ang kautusang ito dahil all signs point towards a blanket retake. Alam na kung saan nagmula at kung saan napunta ang leakage, pero lahat pa rin ay pakukunin. Maging ang mga bumagsak ay pakukunin ng retake gayong common sense naman na ang leakage ay nakakadagdag lamang sa bilang ng pumasa at hindi sa bilang ng bumagsak!

Retake ang sagot sa problema ng nursing exam leakage. Ngunit ang retake na ito ay dapat focused sa mga nakinabang lamang sa leakage. Hindi dapat parusahan ang mga walang kasalanan. Isa pang mahalagang punto na dapat pansinin ay half-baked ang solusyon na inihain ni Gloria dahil ito ay patungkol sa mga estudyante lamang. Paano na ang mga government officials, review centers at nursing school officials na nag-conspire upang sirain ang integridad ng licensure exam na ito? Hindi ba't sila ang may mas malaking kasalanan sa katarantaduhang ito?

September 27, 2006

This is not the U.S.S.R. (this is not the Kremlin show)

Kanina, sa harap ng National Press Club, ay idineklara ni GMA na tayo ay isa nang Second World country.

Huwaaaaatttt???!

Ang Pilipinas, na ang mga polisiya ay sumusunod sa free market doctrine ng neoliberal economics, na isa sa nangungunang promotor ng globalization, na sunud-sunuran sa kahit anong sabihin ng IMF, WB, G8 at WTO, na ang environment ay hostile sa mga makakaliwa, ay kasama na sa Second World na ang ekonomiya ay naka-pattern sa "planned economy" ng Cold War-era na Soviet Union?

Hay naku, nasaan ba ang mga proofreader mo Gloria?

September 26, 2006

With special Pinoy dressing!

Sa labas ng isang kilalang kolehiyo sa U-Belt, may isang tarpaulin na umagaw sa aking atensyon. Ok lang naman na ipromote ang entrance exam at ang schedule nito, pero tama ba naman itong nabasa kong naka-highlight:

"Each examinee gets a free Burger McDo meal!"

Naalala ko tuloy yung isang school na namimigay ng libreng SIM card sa first 100 enrollees. At yung isang computer institute na nago-offer ng mga "combo" kung saan mas magmumura ang tuition per unit kapag nag"add on" ka ng mga subjects na offered sa isang menu.

Haaayyy, talagang mapapailing ka na lang...

September 25, 2006

Revelation

Matagal ko na itong gustong tanungin...bakit natapos ang Christian Bible sa Revelations? Bakit wala nang update? Bigla na lang bang nawala ang mga propeta? Nawala na lang ba ang inspirasyon na binibigay ng Diyos para maisulat ang kanyang salita?

Hindi lang sa Christianity ito applicable, pero sa lahat halos ng organized religion. Halimbawa, nang mainstitutionalize na yung Judaism, tumigil na ang update sa kanilang bibliya kaya hanggang Old Testament na lang sila. Nang mainstitutionalize ang Christian church, tumigil ang update sa kanilang bibliya at natapos sa Revelations. Ganun din ang Koran, na tumigil ang update nang mainstitutionalize ang Islam.

Ang nakaraang ilang daang taon ba ay period of irrelevance sa mga organized religion? Bakit hindi na sila, hindi na tayo, nakasama sa salita ng Diyos?

September 24, 2006

Ang haba na ng hair mo

Maximo OliverosNung isang taon ko pa binalak na panoorin ang critically-acclaimed na pelikulang Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros. Pero dahil laging kulang ako sa oras, hindi ko ito nagawa. Buti na lang, nagkaroon ng rerun nito sa mga sinehan sa SM. Ngayon naman ay di ko na ito pinalampas.

Madalas na feature sa isang pelikulang Pinoy yung pagkakaroon niya ng "big moment." Yung scene na sumisigaw ng "Anggalingnamingumartedapatmanalokamingaward!!!" Madalas naman, maganda nga yung scene na iyon, pero pag natapos na ang pelikula, yun na lang ang maaalala mo. Mapapaisip ka na lang na sana, ganun kaganda yung buong pelikula.

Iba yung naranasan ko dito sa Maxi. Habang nanonood ako, hinihintay ko yung "big moment" na inaasahan ko. Pero hindi siya dumating. Dahil hindi ito ang usual na pelikulang puno ng hysteria at melodrama. Hindi niya pinipilit na ipasok sa kukote mo na siya ay karapat-dapat na manalo ng award. Maganda ang kaniyang pagkakahabi. At nang matapos ang pelikula, nagsink-in sa akin na "Wow, ang ganda." Ito ay isang kaso kung saan the whole is much much more than just the sum of its parts. Ang Maxi ay isang magandang pelikula, hindi lang isang pelikula na mayroong isang magandang eksena.

Sinira ng Maxi ang ilang mga myths at conventions sa pelikulang Pinoy. Una, na kailangan ng malaking budget para makagawa ng isang magandang pelikula. Kasalukuyang nagpapataasan ng gastos ang mga mainstream outfits sa kanilang mga ipapalabas sa Metro Manila Film Festival. Pero narito ang Maxi, na pinroduce sa budget na halos kalahating milyon lamang, at siya na ang ilalaban natin ngayon sa Oscars.

Pangalawa, na kapag drama ang pelikula, kailangan mo ng isang magaling na aktres na bida. Hindi niyo ba napapansin na sa mga Filipino film awards, ang laging huling tinatawag (ang grand finale) ay yung Best Actress at hindi ang Best Picture? Dito sa Maxi, walang pang-best actress material, pero hindi siya kinulang sa effective dramatic performance.

Pangatlo, na kailangan ng big name na mga artista para magdala ng magandang pelikula. Sino ang pinakasikat na artista sa pelikulang ito? Si...Kuya Bodjie. Maiksi pa nga ang kanyang role dito.

Pang-apat, na kapag tungkol sa isang bakla ang pelikula, ito ay dapat umikot sa discrimination at empowerment. Nope, no such gay activism here. It is empowering in that it portrayed Maxi in a positive light, but it does not predictably go down the path of showing gays being oppressed and that the world around him/her is being so freaking unfair because of his/her gender.

Panglima, na kapag "indie" film na Pinoy, dapat malalim, radikal, kakaiba at di madaling ma-gets. This is definitely not a Lav Diaz film. Walang mga mabulaklak at malalim na linya na yung mga nakapag-Master's degree lang ang makakaintindi. Walang mga maalog na shots na nagbibigay daw ng alternative and raw feel sa pelikula. Walang ring choppy editing na nagbibigay naman daw ng third-world feel at wala rin yung mga kahol ng aso na lagi mong maririnig kapag slum area ang setting ng pelikula. Hindi nagpilit magpaka-indie ang Maxi para palabasing maganda siya at kakaiba sa mainstream na pelikulang Pilipino.

Nang matapos ang pelikula, nalungkot ako. Apektado kasi ako sa pelikula at hindi ko ma-process kung happy ending ba o sad ending yung pelikula para sa akin. Pero ang isa pang ikinalungkot ko ay sa buong panonood ko, pipito lang kaming nanonood sa loob ng sinehan. Hindi naman kailangang makaabot sa finalsist sa Oscars ang pelikulang ito para ma-validate na maganda siya, pero hinihiling ko na rin na ma-nominate siya para lang magising ang maraming mga Pinoy na isang obra na naman ang pinapalampas nila.

----------
Oo nga pala. Mag-aaral na nga pala akong sumipol...

September 21, 2006

Mayro'ng isang aso...

Kahapon ay ipinasa ng Mababang Kapulungan ng ating Kongreso ang House Bill 4701. Layunin ng panukalang batas na ito na italaga ang English bilang medium of instruction sa lahat ng paaralan sa buong Pilipinas simula Grade III pataas.

Maliban sa pagrequire na gamitin ang English sa pagtuturo sa loob ng classroom, "encouraged" rin ng panukala na ito ang paggamit ng English bilang "language of interaction" sa loob ng paaralan. Dagdag pa rito, "in school publications, the use of English shall be given priority as far as practicable."

Kung magiging batas ang panukalang ito, paano na kaya kapag magtuturo ka na gamit ang Filipino o kaya ang vernacular bilang medium of instruction? Magmumulta ka ba? Ipapasara ba ang paaralan? Isususpinde ka ba sa pagiging guro?

Ang panukalang batas na ito ay isa lamang parallelism sa government policy kung saan ang ekonomiya ay binubuhay ng foreign investments, ng pag-utang sa ibang bansa, at ng pag-export ng mga Pilipino abroad. Imbes na pagyamanin ang ating kapabilidad upang maging self-sustaining, tinatahak natin ang "mas madaling" daan na pagiging dependent na lamang sa ekonomiya ng ibang mga bansa. Ang solusyon sa problema ng kawalan ng trabaho ay ang pagpapadala ng ating mga mamamayan sa ibang bansang may trabaho. Ang solusyon sa problema ng kawalan ng malalakas na industriya ay ang pagpapa-outsource natin sa industriya ng ibang mga bansa, kung saan ang bentahe natin ay pumapayag tayo na magpabayad ng mas mababang suweldo.

Sa aking mahigit apat na taon na pagtuturo ng accounting, Filipino talaga ang ginagamit kong medium of instruction, kahit na may English-speaking policy sa aming unibersidad. Dahil sa ginagawa kong ito, tinatawag akong radikal at aktibista. Pero sa totoo lang, ginagamit ko ang Filipino hindi dahil sa isang misplaced sense of nationalism kundi dahil naobserbahan ko na mas madaling natututo ang mga estudyante kung gamit ang wikang mas komportable sila. Ang pagkatuto ay hindi nagmumula sa pakikinig ng isang technical na lecture kundi sa isang interaction at palitan ng mga ideya, at ito ay mas napapadali kapag ang ginagamit na wika ay ang wikang ginagamit sa araw-araw. Di ba common sense iyon? Ano ang pagiging radikal dun?

Madalas tinatanong ako, paano mo tinuturo ang accounting sa Filipino gayong maraming mga terminolohiya na English at walang katumbas sa Filipino? Ang tanong na ito ay bunga sa isang maling assumption na ang wikang Filipino ay hindi organic, frozen in time (specifically, pre-1900s) at di na maaaring yumabong. Marahil ang karamihan sa atin ay di naiisip na mahigit kalahati ng bokabularyo ng wikang English ay hiniram lamang mula sa ibang mga wika. Kahit nga sa wikang Tagalog ay nanghiram ito!

At iyon na nga siguro ang ugat ng lahat ng usaping ito. Mayroon tayong inferiority complex pagdating sa ating wika. Kitang kita ito sa patuloy nating pagtawag sa iba't iba nating mga wika tulad ng Tagalog, Kapampangan, Cebuano, Hiligaynon at Ilokano na mga dialects, gayong ang katotohanan ay mga full-blown languages ang mga ito. Ang masaklap sa sitwasyong ito, marginalized na nga ang wikang Filipino dahil sa mas mababang pagtingin dito, gagawin pa nating institutionalized ang kanyang marginalization dahil ito ay isasabatas na natin.

Wala namang masama sa pag-aaral ng English. Malaking tulong talaga siya sa pagtuklas ng mga kaalaman galing sa ibang bansa at sa pakikipag-usap sa mga kapatid nating banyaga. Ngunit hindi ito dapat magresulta sa marginalization ng sarili nating wika. Hindi dapat palabasin na hindi tamang ituro ang kasaysayan, agham, math, music, P.E, health, THE, humanities, atbp. na gamit ang wikang Filipino. Hindi dapat palabasin na ang English ay mas angkop na gamitin sa pakikipagtalastasan kapag academic ang setting. Hindi dapat palabasin na ang mga publication na nasusulat sa Filipino ay second-class sa publication na nasusulat sa English.

Dapat may kalayaan tayong pumili kung anong wika ang mas angkop na gamitin upang mas maunawaan ang mga bagay na hindi lang naman sa wikang English natututunan. Dapat may kalayaan tayong pumili kung anong wika ang mas angkop na gamitin sa pagpapahayag ng ating mga kaisipan at damdamin habang nasa loob ng paaralan. Dapat hindi maging labag sa batas ang paggamit ng wikang hindi English sa pagtuturo at sa pagkatuto.

Ito ang kuwentong Pilipino. Imbes na ipagmalaki ang kayumangging balat, magpapaputi na lamang. Imbes na pagyamanin ang sariling mga produkto, proseso at ideya, mag-iimport na lamang. Imbes na paghirapan ang proyektong buuin ang bansang Pilipinas, mangingibang-bansa na lamang. Imbes na paghirapang buuin ang identidad na Pilipino, magpapalit citizenship na lamang. Imbes na paghirapang pagyamanin ang sariling wika, magpapalit-dila na lamang.

September 20, 2006

Democracy destroyed?

Ngayong nagkaroon mg isang military takeover sa Bangkok, Thailand, humirit na naman ang ating mga paboritong "tagapagtanggol ng demokrasya."

Ayon sa U.S.:

"We continue to hope that the Thai people will resolve their political differences in accord with democratic principles and the rule of law."

Ayon naman sa Australia:

"We deeply regret the fact that such a coup has taken place; obviously to see democracy destroyed in that way is a matter for grave concern to us,"

Sa pagkakaalam ko, ang demokrasya ay pagbibigay ng kapangyarihan sa mga tao na magpasya kung anong landas ang tutunguhin nila bilang isang bansa o isang estado. Ang demokrasya ay pagkakaroon ng government of the people, by the people, and for the people. Totoo, ang Thai military muna ang nag-takeover sa gobyerno nila sa coup na ito, pero ito ay bunga rin ng isang popular uprising na suportado ng karamihan ng mga Thai.

"Across the capital, Thais who trickled out onto barren streets welcomed the surprise turn of events as a necessary climax to months of demands for Thaksin to resign amid allegations of corruption, electoral skullduggery and a worsening Muslim insurgency. Many people were surprised, but few in Bangkok seemed disappointed.

Sabi ng ating mga "democratic superpowers" na ito ay isang step backward sa demokrasya ng Thailand. Malamang totoo nga ito kung gagamitin natin ang depinisyon nila ng demokrasya kung saan ang general populace ay nae-exercise ang kapangyarihan sa pagpili ng leader ngunit wala namang magawa pag tapos na ang eleksyon sa pagbuo ng kanilang public policy. Tingnan mo naman ang American government kung saan karamihan ng tao ay ayaw nang ituloy ang U.S. occupation sa Iraq pero wala pa ring paki si Bush at ang kanyang mga kachokaran. Iyan ang kanilang model ng "demokrasya".

Di ko alam kung ano ang kahihinatnan ng mga pangyayari ngayon sa Thailand, pero sa mga nakikita kong footages at pictures at sa mga nababasa kong balita, masaya ang mga tao sa nangyaring uprising. Tahimik, mapayapa, at may mga nagpapapicture pa nga sa tabi ng mga tanke. Nakadilaw pa sila (buwiset!) at mukhang suportado ng kanilang constitutional monarch / hari.

Ewan ko, but doesn't it feel so...democratic?

----------
Isang pasintabi nga pala. Di ba sabi ng mga proponents ng parliamentary form of government na mas madali raw mag-alis ng unpopular leader kung parliamentary at hindi na raw kakailanganin ang mga uprising na ganito? E bakit...?

Hmmmm...nagtatanong lang naman. Paging the Legion.

September 19, 2006

Yellow

Ayaw na ayaw ko ng kulay dilaw.

Kung gusto mo akong asarin, bigyan mo ako ng damit na dilaw. Dilaw ang kulay ng damit ko nung naging boy scout ako. Excited pa naman akong maging boy scout nun, kasama na yung napopormahan ako sa kanilang mga green uniforms. Pero hindi. Talagang kailangang makasama pa ako sa unang batch ng boy scouts na dilaw ang uniform.

Sa sobrang ayaw ko ng dilaw, natutunan kong mahalin ang hilaw na mangga imbes na hinog. Ang intermediate pad at hindi ang yellow pad. Ang cool blue na Gatorade at hindi ang lemon lime.

Nakakatanga na nga yung sobrang obssession ko na mainis sa kulay dilaw. Nung nagsimula akong mahook sa X-Men na komiks, hindi si Wolverine ang naging paborito kong character kahit na ang porma ng personality at powers niya kasi nakadilaw siya. Naging paborito ko tuloy si Cyclops, kahit na boring siya dahil good boy. At least di siya nakadilaw.

Pitong taon ang nakakaraan, may nagbigay sa akin ng isang sulat. Yellow paper ang ginamit niya. Gusto ko sanang mairita, kasi kulay dilaw. Pero dahil sa sulat sa dilaw na papel na ito, nagbago ang aking buhay at napuno ng kulay.

Walanghiya. Ang korni.

Ayoko pa rin ng dilaw. Pero gumagamit na ako ngayon ng yellow pad.

September 12, 2006

September 11, 2001: Isang alaala

Ako ay nasa SGV pa nun. Nagoovertime. Sumilip lang ako sa internet, pampawala ng antok. Tapos lumabas sa Yahoo! ang picture ng World Trade Center, nag-aapoy dahil sa tumamang eroplano. Ang headline pa nga sa umpisa ay hindi pa sigurado kung terrorist attack ang nangyari. Pero nang tumama na ang ikalawang eroplano, di na maikakaila na ito ay hindi isang aksidente lamang.

Napaka-surreal ng panahon na iyon. Pinipilit kong kunin ang atensyon ng mga kasama kong workaholic, pero parang...wala silang paki. Ewan ko ba. Maya't maya'y napapatitig ako sa labas ng salamin sa office, tinatanaw ang mga eroplanong dumadaan. Liliko kaya iyon at babangga sa isang building sa Makati? Sana hindi sa building namin. Kungsabagay, bakit ba naman nila gagawin rin dito yun sa Pilipinas? Ano ba naman tayo, isang third world country lang. Tapos bigla kong naalala ang Rizal Day bombings sa atin.

Umuwi ako na maraming tanong na umiikot sa aking isip. Maya't maya'y tumitingala ako sa langit, tinatanaw uli ang mga eroplano, tinatantiya kung pababa sila't pabagsak. Pagdating ko sa bahay, bukas pa ang TV. Madaling araw na pero gising pa ang tatay ko.

"Akala ko kanina, pelikula lang. Totoo na pala," sabi niya.

Sa mga araw na sumunod, kasama ako sa nakigunita. Bumili ng mga 9-11 tributes, partikular na yung mga fund-raising comic books na Heroes at Moment of Silence. Pero isa rin ako sa maraming nakaaway sa internet, partikular na ang mga Amerikano, nang aking tanungin, "Bakit? Why did this happen? What drove these extremists to commit suicide and ram planes into the World Trade Center?"

"That's fucking insensitive...totally out of line...you're just like them, a terrorist...can't you see they're pure evil?" ang kanilang mga sagot.

Pure evil daw. Ang mga terorista ay nagpakita ngunit tinanggalan ng mga mukha. Nagpakilala sa mundo ngunit tinanggalan ng mga pangalan.

Sumabog ang mga bomba sa Afghanistan at sa Iraq. Sumabog ang mga bomba sa Israel, sa Palestine, sa Gaza Strip, sa Lebanon. Sa gitna ng mga pagsabog, ang tindi ng kaguluhan, hanggang sa di mo na malaman kung sino ang mga terorista, sinong hindi terorista, sinong masama, sinong mabuti, sinong may Diyos, sinong walang Diyos, sinong gumagamit sa Diyos, sinong tama, sinong mali, sinong kakampi, sinong kaaway...

Limang taon ang lumipas, at di ko mawaglit sa aking isipan ang aking orihinal na tanong. At di ko maiwasang isipin na ano nga kaya ang nangyari kung sinagot muna natin kung bakit.

Heroes

September 9, 2006

A culture of cheating

Ang pinakakataka-takang aspeto sa kontrobersya sa June 2006 nursing board exam ay ang pananatili pa rin nitong isang kontrobersya kahit Setyembre na ngayon.

Ang hirap isipin na ang isang institusyong tulad ng PRC, na siyang nangangasiwa sa lahat ng professional licensure exams sa Pilipinas, ay walang contingency plan o kaya'y guidelines man lang kung anong gagawin sakaling magkaroon ng exam leakage. Mas mahirap ring isipin na kung meron man silang guidelines sa ganitong mga pagkakataon, ang sinasabi rito ay i-adjust na lamang ang computation ng exam scores at i-honor ang magiging resulta kahit na halos 100% ang nag-leak sa isang component ng exam.

Napaka-counter-intuitive ng sinasabing solusyon na nahanap ng PRC. Nang kanilang i-adjust ang mga scores gamit ang kanilang bagong formula, ipinagmalaki pa nila na mas marami pa ang pumasa kaysa dun sa naunang listahan na kanilang inilabas. Hindi ba't kung natanggal mo ang epekto ng leakage, dapat nga mas mababa pa ang bilang ng papasa dahil yung mga nakapasa lamang dahil sa leakage ay malalaglag at babagsak?

Madali lang naman ang solusyon rito e. Una, i-compute ang exam scores nang walang adjustment at dun kilalanin ang mga pumasa. Pangalawa, sa mga listahan ng pumasa, kilalanin kung sino ang mga nag-aral dun sa mga review schools na nagkaroon ng leakage at dun sa 22 nursing schools na ang mga deans ay nagsidalo sa "coaching session." Ikatlo, i-require na magretake yung mga nasabing estudyante dun sa exam components na nagkaroon ng leakage at dun idetermine kung sila'y karapat-dapat ngang pumasa. Ikaapat, parusahan ang mga salarin: idemanda yung mga opisyal na siyang pinanggalingan ng leakage, tanggalan ng lisensyang mag-operate ang mga review schools na naglabas ng leakage, at tanggalan ng lisensya o kaya ay ipagbawal sa pag-offer ng nursing course nang isa hanggang limang taon ang mga nursing schools na sangkot sa iskandalong ito.

Ang problema talaga ay ang kawalan natin ng conviction na magkaroon ng isang solusyon na magbibigay ng sapat na closure sa issue. Dahil ba mas marami pang taong madadamay at ito ay "tip of the iceberg" lamang sa mas malaking kontrobersiya hindi lamang sa nursing board exam kundi sa buong licensure exam process ng PRC? Dahil ba lalabas rito ang level of incompetence ng mga undergraduate schools pag nagkaalaman na kung ano ang "totoong" passing rate kung walang mga leakage at tips sa mga review centers? Dahil ba masisira nito ang initiative ng gobyerno na i-promote ang nursing sector bilang flagship program sa pagbuhay ng ating ekonomiya na ang inaasahan na lamang ay ang pag-export ng mga Pilipino sa ibang bansa para makapagpasok ng dolyar?

O dahil ba ang pagbigay ng tamang resolusyon sa issue na ito ay inconsistent sa di natin pagharap sa mas malalaking issue ng pandaraya ng mga politiko sa eleksyon, ng pandaraya sa pagbabayad ng buwis ng mga businessmen, ng pandaraya ng mga recruitment agency sa kanilang mga recruits, ng pandaraya ng mga nagtitinda sa palengke sa kanilang timbangan, ng pandaraya ng mga paaralan sa edad at credentials ng kanilang mga varsity players, ng pandaraya ng mga taxi driver sa kanilang metro, ng pandaraya ng mga empleyado sa pagrecord ng kanilang time-in / time-out at pagliquidate ng kanilang mga ginastos sa field work, atbp.? Talaga bang tatanggapin na lang natin na tayo ay nabubuhay sa kultura ng pandaraya at wala na tayong dapat gawin rito?

Ang pandaraya ay pagtakas sa hirap na kailangang pagdaanan upang maabot ang gustong makamtan. Ito ay isang short-cut. Ang problemang dala ng pagshoshort-cut ay mareresolba ba ng isa ring short-cut na solusyon?

Hindi.

Magretake ang mga nakinabang, parusahan ang mga may kasalanan.

September 2, 2006

Balik tambayan

Noong nakaraang Abril, nang magsimula ang isang bagong "yugto" sa aking buhay, iniwan ko ang tambayan na ito. Ginawa ko ito as a symbolic act. Na dahil sa aking magiging mga bagong karanasan sa bagong mundong aking gagalawan, ako ay muling sasaksi ngunit gamit na ang bagong mga mata. Ako ay muling magkukuwento ngunit gamit na ang isang bagong boses.

At nagbago na nga ang aking buhay. Iba na ang nature ng aking trabaho. 8 am - 5 pm na ang pasok ko araw-araw. Di na umaabot ng Quiapo ang aking biyahe araw-araw, at sa halip ay hanggang Lawton na lang. Di ko na gaanong nakikita ang mga pirata ng Recto, ang mga batang high sa solvent na lang sa Intramuros. Mga bagong mukha na ang aking nakakasalimuha. May mga bagong pananaw akong nakikita. At may bagong mga aral na aking natututunan.

Pero sabi nga sa isang quote (na sabi nila kay Alphonse Karr daw galing), The more things change, the more they stay the same." Sa kabila ng lahat ng pagbabago na ito, Paeng pa rin akong mag-isip. Paeng pa rin kung magsalita. Paeng pa rin kung magsulat. Paeng pa rin kung magbigay at tumanggap ng opinyon. Paeng pa rin kung magdesisyon. Paeng pa rin kung kumilos.

E kasi naman, ako pa rin si Paeng.

At dito ako tumatambay.

April 17, 2006

Bow

Makalipas ang mahigit dalawang taon, panahon na para isara ko ang aking tambayan. Minsan talaga dumarating yung panahon na kinakailangan ko nang mag-iba ng "settings" lalo na't nag-iiba na rin ang direksyon ng aking buhay.

Salamat sa mga nakitambay, nakipagkuwentuhan at nakipagkulitan. Salamat lalo sa mga estudyante kong naging primary audience rito. Good luck sa bagong yugto sa inyong buhay ngayong aalis na kayo sa ating mahal na eskuwelahan.

Hindi naman ako mawawala online. Patuloy pa rin akong sasaksi sa kasaysayan. Gamit nga lang siguro ang panibagong mga mata, panibagong pananaw, at panibagong boses.

Tapos na po. BOW.



Huling Calvin and Hobbes

March 27, 2006

Tulong po

May dalawang estudyante akong nangangailangan ng tulong pinansyal para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Yung isa, gagraduate na sana sa isang taon. Yung isa naman, may potential maging topnotcher. Kaya lang, malaki pa ang pagkakautang nila sa FEU.

Masisipag sila at paminsan-minsa'y nagiging scholar pa. Pero kulang pa rin ang kanilang financial capacity dahil nagbabayad pa rin naman ng miscellaneous fees kapag full scholar at kalahati lang ng mga units ang libre kapag partial scholar.

Hindi po ito scam. Medyo kapos lang ako ngayon e. Sana may isa sa inyong makakapagbigay-tulong. Magiging tulong niyo rin ito sa pagbuo ng isang mabuting lipunan. Pakie-mail lang ako sa akosipaeng@gmail.com kung interesado kayo at para direktang makontak ninyo ang mga estudyante. Maraming salamat po.

March 25, 2006

Class dismissed

Matagal na rin akong di nakatambay rito. Naging busy kasi ako nitong nakaraang linggo, sinusulit ang oras ko sa FEU. Nagko-compute ng grades, tinatapos ang mga committee work, at higit sa lahat, nakikipagkuwentuhan at kulitan sa aking mga mahal na estudyante.

Ngayong araw kasi ay inencode ko na ang grades ng aking mga estudyante. At ito na ang hudyat ng aking huling araw bilang isang full-time na guro.

Sobra ang naging kasiyahan ko sa pagsisilbi bilang guro nitong nakaraang apat na taon. Nakita ko na ang laki pala talaga at napakaseryoso ng aming tungkulin. Hindi pala totoo na kapag nasa kolehiyo na, puwede na lang bastang pabayaan ang mga estudyante ko dahil "matanda" na sila. Totoong dapat ay bigyan na sila ng sense of responsibility, ngunit ang mga gurong tulad ko ay marami pa rin palang maibabahaging kaalaman, karanasan at maging mga prinsipyo na makakagabay sa kanilang pagharap sa mundo sa labas ng apat na sulok ng eskuwelahan.

Hindi rin pala totoo na madali lang ang workload ng isang guro at maluwag sa oras. Totoo na 24 oras lang kada linggo ang required na pagpasok, pero yun ay patungkol lamang sa class proper. Paglabas ng classroom, mayroong consultation. Tutorial. Magche-check ng papel. Mag-aaral. Gagawa ng lesson plan, handouts at mga quizzes. Makikinig sa mga problema ng mga estudyante sa labas ng usaping akademiko. Pagtingin ko sa oras, may panahon na lang akong mag-internet nang sandali at pagkatapos ay matutulog na.

Masaya ang magturo. Kaya lang, ibang klaseng dedikasyon ang kailangan para maging effective na guro. Hindi puwedeng trabaho lang ang tingin mo, dahil mawawala ang iyong koneksyon sa mga estudyante. At kapag nawala na ang koneksyon, mawawala na ang iyong paki. At kapag nawala na ang paki, kawawa naman ang estudyante mo.

At iyon ang naramdaman ko nitong nakaraang sem. Unti-unting humihina ang "apoy" na nagtutulak sa akin upang ibigay ang lahat-lahat sa aking pagtuturo. Maayos pa rin naman ang naging turo ko, pero pakiramdam ko, unfair sa aking mga estudyante na hindi buo ang puso ko sa aking ginagawa. They deserve better. Kaya bago pa lumala, napagdesisyunan kong iwan na muna ang aking minahal na propesyon.

Ngayon ay nasa isang foundation na ako. Nandito ako para simulan ang isang panibagong yugto sa paghahanap ko ng paraan para makagawa ng mga bagay na makabuluhan sa ating lipunan. Sana, sa bagong yugtong ito, mahanap kong muli ang puso ko sa pagtuturo.

Nung isang araw, nakatanggap ako ng text message mula sa isang estudyante ko ngayong semester:

Sir, thank u po uli ah. La lng...kala ko ndi na ko makakbngon sa pagkakadapa ko eh."

Sana nga...sana nga mahanap ko...

March 21, 2006

Beyond GMA

May interesting na experiment ang Philippine Update. Sino ang gusto mong mamuno beyond GMA?

Subukan niyong bumoto sa kanilang mock snap elections.

beyondgma

March 18, 2006

Nandito na si Andong Agimat!

Sabi nila, sa Abril pa siya lalabas. Ngunit hindi pala. Nandito na pala si Andong Agimat!

Andong Agimat


Ang Mundo ni Andong Agimat ay produkto ng imahinasyon ng two-time Manila Critics Circle National Book Awardee na si Arnold Arre. Kumpleto ko ang mga graphic novels ni Arnold, at ito na ang pinaka-accomplished niyang obra lalo na sa aspect ng visuals. Maganda rin ang pag-shift niya sa pagsulat na gamit ang wikang Filipino, kaya wala nang disconnect sa local na setting ng libro at sa wikang ginagamit ng mga characters, tulad ng nangyari sa kanyang Mythology Class.

Nagsimula sa Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Zsa Zsa Zatturnah ni Carlo Vergara, sinundan ng Lastikman ni Gerry Alanguilan at Arnold Arre, at ngayon ay nagpapatuloy sa Ang Mundo ni Andong Agimat. Sana ay sunud-sunod na ang paglabas ng quality komiks in book format sa mga major bookstores sa Pilipinas.

Available na sa Comic Quest at malapit na ring lumabas sa National Bookstore, Powerbooks at Fully Booked.

Suportahan ang Pilipino komiks!

Black Friday protesters, inaresto!

Ano ang nangyayari sa larawang ito? Choose the best answer:

Dinky Arestado


Si Former DSWD Secretary Dinky Soliman ay inaaresto dahil __________.

a. bawal ang illegal assembly, ayon sa BP 880.

b. bawal magprotesta laban sa "state."

c. bawal magprotesta laban kay GMA. (siya na ba ang state?)

d. bawal magsuot ng T-shirt na may logong "Patalsikin na. NOW NA!" dahil subersibo ang dating.

e. bawal magsuot ng T-shirt na may logong "Patalsikin na. NOW NA!" dahil coño ang dating.

f. bawal magsuot ng itim na t-shirt kapag wala sa lamay.

g. bawal magsuot ng itim na t-shirt kapag wala namang rock concert.

h. bawal magsuot ng itim na t-shirt kasi hindi na cool. Orange na ang cool ngayon.

i. bawal kumain ng karne kapag Biyernes habang Kuwaresma. Nakita raw si Dinky na kumakain ng barbecue sa Aristocrat.

j. bawal magprotesta kapag Biyernes habang Kuwaresma ang mga mahilig mag-rally. Iyon daw dapat ang ayuno nila.

k. bawal ang jologs. My gosh, look at those dangling hikaws!

l. bawal mag-jaywalking. Red light na nang tumawid si Dinky at Enteng.

m. bawal ang mataba kapag hindi ka pulis.

n. bawal mag-flash mob.

ñ. bawal mag-flash mob na sobrang planado, publicized at kino-cover pa ng media. Flash mob pa ba yun?

ng. bawal mag-flash mob na tatlumpung tao lang. Mob pa ba yun?

o. bawal ang korni. Ang korni naman kasi ng kanilang gimik.

p. bawal ang hindi marunong magpalusot. Namamasyal lang sa Roxas Boulevard? C'mon, Dinky, I expected better!

q. bawal ang hindi marunong magpalusot not once, but twice! From Inq7: She added that the black t-shirts with the words “Patalsikin na. Now na” (Oust now) printed on them and worn by her and her companions were not alluding to President Arroyo but to all corrupt government officials. Sabi nga ng TVJ, acheche!

r. bawal magprotesta ang mga taong nakinabang kay GMA dati. ubo! ubo! peace bonds! ubo!

s. bawal magprotesta ang mga taong kasamang nagtulak na maluklok si GMA noong nakaraang eleksyon.

t. bawal magprotesta ang mga taong nagprotesta lang nung uso na ang magprotesta.

u. lumabag sila sa dahilang iniisip pa ng mga awtoridad habang sinusulat ko ito.

v. sumusunod lang daw yung mga pulis sa "nakatataas."

w. sa Maynila, si Atienza ang hari. At ang sabihin ng hari, tama. At ang hari ay chuchuchuchu kay GMA.

x. sa bansang ito, si Arroyo ang "diyos." At ang sabihin ng "diyos," tama. At lahat ng sa tingin ni Arroyo ay mali, BAWAL.

y. sa kombinasyon ng ilan sa mga nasabing dahilan. Please indicate which combination. __________

z. none of the above. Write the correct answer. __________

----------

P.S.

Ibig sabihin ba nito'y bawal ko nang isuot ang t-shirt na President Evil?

president evil

Aarestuhin na rin ba ako kung suot ko ito? Pati ba naman fashion sense, pakikialaman na ni Gloria?

Dinky Soliman photo taken from Inq7.net.

March 11, 2006

10/17

Noong February 24, 2006, ibinaba ni GMA ang Presidential Proclamation 1017. Ang bantang ito sa ating demokrasya ang nagbigay ng inspirasyon sa sampung makata upang lumikha ng labimpitong katha:

10/17

Ngayon ay iniangat na ang proklamasyon ng ating pang(g)ulo. Ibig sabihin ba'y moot and academic na ang mga kathang ito?

Hindi. Dahil ang PP 1017, wala na nga in form, ngunit narito pa rin in substance. At hangga't ang lipunan ay nananatiling mute at apathetic, ang usaping 1017 ay di magiging moot at academic.

Fill in the blanks

Ano ang nangyayari sa larawang ito? Choose the "best" answer:

Risa Arestado


Si Rep. Risa Hontiveros-Baraquel ay ____________.

a. inaaresto dahil sa pag-violate ng PP 1017, na ni-lift na pero hindi pa alam ng mga pulis.

b. inaaresto dahil sa pag-violate ng PP 1017, kahit na ni-lift na at alam na ng mga pulis.

c. inaaresto dahil sa pag-violate ng PP 1017, na hindi pa naman talaga nili-lift, dahil ang pagbawi ni GMA ay sinundan pala ng statement na "Joke joke joke!!!"

d. inaaresto dahil sa illegal assembly.

e. inaaresto dahil sa nakakaharang siya sa traffic.

f. inaaresto sa salang inciting to sedition.

g. inaaresto sa salang rebellion.

h. inaaresto sa paglabag ng ordinansang "Bawal magkalat sa kalsada."

i. inaaresto habang nag-iisip pa ng dahilan ang mga pulis.

j. inaaresto dahil may order mula sa "nasa taas."

k. iniimbitahan for questioning.

l. iniimbitahang magmeryenda muna at magkape.

m. iniimbitahang tingnan yung bagong refurbished na interior design ng Camp Caringal.

n. nadapa at nasugatan yung tuhod, kaya dinala muna sa sasakyan.

ñ. nainitan at nahilo, kaya dinala muna sa sasakyan.

ng. pinapasundo na ni Joe De V. para magka-quorum sa kongreso.

o. pinapasundo na ni Chiz Escudero kasi yung majority nga pala ang laging wala kaya hindi tuloy sila magka-quorum sa kongreso.

p. pinapasundo ng ABS-CBN kasi kailangan nila ng resource person na hayagang titira kay GMA sa TV.

q. crush ni Manong Pulis at sinasamantala lang niya ang pagkakataon.

r. pinoprotektahan ng mga pulis mula sa mga kapwa niya rallyista.

s. pinoprotektahan ng mga pulis mula sa mga kapwa nila pulis.

t. pinoprotektahan ng mga pulis mula sa mga pulis at sa mga rallyista.

u. pinoprotektahan ng mga pulis dahil baka hampasin siya ng truncheon at shield habang nagdi-dispersal. Sayang naman pag nasugatan at nabugbog ang kanyang flawless na balat.

v. pinoprotektahan ng mga pulis dahil baka iuntog niya ang kanyang mukha, braso at iba pang parte ng katawan sa truncheon at shield ng mga pulis. Baka sabihin na namang pulis ang nagsimula ng violent dispersal.

w. pinoprotektahan mula kay Boy Nakaw, ang di-kilalang salarin na notorious sa pagnanakaw ng halik sa mga rallyistang nagkakagulo habang may dispersal.

x. pinoprotektahan mula kay Boy Hipo, ang di-kilalang salarin na notorious sa panghihipo sa mga rallyistang nagkakagulo habang may dispersal.

y. a combination of some of the above. Please indicate which combination. __________

z. none of the above. Write the correct answer. __________

Ang larawan ay mula sa Philippine Daily Inquirer.