February 26, 2005

Malapit na...

Kanina ay naganap ang 4th Marketing Plan Competition. Tatlong sections ang hawak ko. Labing-anim na grupo. Ang total na naglaban ay 60 groups yata. Kabado ako, parang "stage mother", panik-manaog, maya't maya nangangamusta.

Sa walong pumasok sa finals, pito sa kanila ay mga grupong nasa klase ko. Ang sayang makita ang mukha ng mga bata!!! Masaya rin ako kasi maipagmamalaki ko na ang mga sinubmit nilang mga marketing plan ay talagang sarili nilang sagot. Nagmatigas ako na hindi magbigay ng sagot kasi alam kong mas masaya pag may "ownership" sa pinaghirapan. At ngayo'y inaasahan ko na mas naintindihan na ng mga estudyante ko ang ibig sabihin nito.

Heniweyz, ilang mga "dedication" muna:

- Sa nagchampion na Moriones Festival group, congratulations!!! Sana maging inspiration ito sa inyo na magpatuloy sa pagiging "mababait na mga bata." Hahaha!!! Yellow Cab naman diyan!!!

- Sa second place na Bangus Festival group, sabi ko naman sa inyo...basta alam niyo na yun. :) Wag na kayong mag-aaway sa susunod, ha? O baka kailangan nga kayong mag-away para lumabas ang galing niyo? :)

- Sa third place na Caleruega, salamat at natuto kayong umangat sa "criticisms". Talagang natuwa ako na imbis na mawalan ng loob nang ibalik ko ang inyong first draft , sa halip ay kumilos kayo para mapaganda ito. Nang matanggap ko ang second draft, sabi ko naman sa inyo hindi ako nagsisinungaling nung pinuri ko na ito.

- Sa lahat ng mga umabot ng finals, lahat kayo ay karapat-dapat. Wag kayong magsisisi kung di kayo nakapasok sa Top 3. Ganyan talaga ang contest. Sana gamitin niyo ang karanasang ito bilang inspirasyon na kaya niyong lumaban para sa "top spot". Meron uli tayo next sem na competition. Sana ma-excite kayo!!!

- Sa lahat ng ibang mga grupo, wag kayong malungkot kung di kayo nakaabot sa Top 8. Wala kayong dapat ikahiya, alam niyo naman kung ano talaga ang "value" ng pinaghirapan ninyo. Ang pakiusap ko ay buksan ninyo ang isipan ninyo at imbis na magtanim ng sama ng loob o manghinayang, gamitin niyo ang karanasan na ito para matuto. Ang lahat ng karanasan ay may kapupulutang "positive" at sana ay makita ninyo ito sa mga nangyari ngayong araw na ito.

- Ang huli kong dedikasyon ay para sa AC01403. Nais ko sanang humingi ng tawad. Nuong pinilit ko kayo nung umpisa ng semester na lumipat ng section, pinangako ko na di ko kayo pababayaan at sisiguruhin ko na di ninyo pagsisisihan ang paglipat ko sa inyo ng section. Hanggang ngayo'y nababagabag ako dahil alam kong di ko natupad ang pangakong ito at ako ay nagkamali. Sinubukan kong itama ito, pero medyo huli na nung kumilos ako. Sana mapatawad niyo ako kahit na sa totoo lang, di ko mapatawad ang aking sarili.

Bilang pangwakas, marami rin akong natutunan sa karanasan ko sa pagtuturo ng Marketing ngayong sem. Muli akong namulat na marami pa rin akong kailangang matutunan at ang larangan ng pagtuturo ay isa ring walang katapusang pag-aaral. Na-confirm din ang aking paniwala na dapat nga'y nagtutulungan ang iba't ibang grupo sa klase, kahit na alam nilang magkakaharap-harap sila laban sa isa't isa. Malayo ang marrating basta't sama-sama.

Higit sa lahat, natutunan ko rin kung paanong magtiwala. Noong mga nakaraang sem kasi, bilib na ako sa aking mga estudyante, pero patuloy ko pa rin silang inaakay sa paglakad sa daan. Ngayong sem, naglakas-loob akong hayaan silang hanapin ang sarili nilang daan. Nandito na lang ako upang magbigay lang ako ng ideya kung paano ito hahanapin. At sa aking kagalakan, sila'y pumasa sa pagsubok. May igaganda pa, pero siyempre, di naman ito nakukuha agad nang tama. :)

Malapit nang matapos ang aking trabaho...

February 24, 2005

Student Leader?

"Leadership seminars are stupid.."

Naalala ko na ito yung opening line ko noon sa Subic, nang ako ang magbigay ng welcome remarks sa Leadership Development Seminar ng Student Council. Syempre, binawi ko yung sinabi ko nung nagpatuloy na ang aking speech. Baka nga naman mawalan ng gana yung mga magparticipate sa seminar. Pero sa totoo lang, natatangahan ako sa mga Leadership Seminar. Gaguhan lang talaga.

Nitong na-expose ako sa mga student affairs ng aking minamahal na eskwelahang pinagtatrabahuhan, natatawa ako sa dami ng leadership seminars na pinupuntahan ng mga student leader dito. Nandyan yung pumanik kami ng Baguio. Mag-host ng sariling seminar sa Subic. Meron ding seminar sa YMCA na parang pinagtampuhan kami nung hindi ko payagan na pumunta ang mga officers ko sa paniniwalang sayang lang ang pera nila dun. Nandyang marami ang magpagawa sa akin ng recommendation letter para sa hinayupak na Ayala Young Leader's Congress na iyan na akala mo naman e kung anong laki ng matututunan.

Kaydami-daming seminar para sa mga student leaders. Pero nung nagkaroon ng tuition fee consultation, nasaan sila? Wala. Sumisipsip sa administrasyong kumikita ng pagkalaki-laki na inuuto-uto lang sila. Alam na nilang inuuto sila, sumasakay pa. Kaya nga tumayo ako noon at nangahas magsalita kahit di ako estudyante kasi naiinis na ako sa mga student leader na di naman marunong lumaban para sa karapatan ng mga estudyante. Ayan tuloy, ako na ang hottest topic sa admin. "Coordinator ka pa naman..."

Ewan ko ba. Ano bang napupulot diyan sa mga seminar na iyan? Para kasi sa akin, ang tunay na leader, natututo sa karanasan, hindi sa seminar. Ang tunay na leader, hindi na niya kailangan pang sabihin na siya ay isang magaling na leader at hindi pinapangalandakan ang listahan ng mga nagawa. Ang importante, may ginagawa siya kahit di napapansin. Sabi nga ng isang magaling na guro ko dati, ang tunay na magaling na leader, napapasunod niya ang mga tao kahit na hindi nila alam na nili-lead na pala sila. Hindi niya kailangan ang puwesto / titulo / posisyon para meron siyang magawang mabuti.

Sa dinami-dami ng nagdaan na mga "leader" diyan sa AYLC at YMCA na iyan, bakit ganito pa rin ang estado ng Pinas? Punong puno ng mga namumunong nalulunod sa kapangyarihan. Siguro, yun nga ang problema. Sa dami ng mga leadership seminar sa Pilipinas, naiisip na ng mga leader na sila ay isang exclusive group. Ang isang responsibilidad, nagiging isa nang pribilehiyo.

Bakit ko naisipang mag-comment sa paksang ito? Panahon kasi ng eleksyon sa FEU. Panahon na naman ng paglabas ng mga "student leaders". Panahon na naman ng paglabas ng mga "political parties" na hindi magkasundo pero pareho lang naman ang pinaglalaban. Mga partidong nabubuhay lang kapag meron nang eleksyon. Parang eleksyon sa Pilipinas. Marami sa kanila, nakikita kong may magandang intensyon. Pero marami rin, nalulungkot akong nagaasal-TRAPO kahit na bata pa lang. Nakakalungkot ang mga paninira na binabato sa magkabilang panig. Matindi ang mga pasaring. Ang mga pasimpleng banat. Ang pagkakalat ng tsismis at paglaban nang talikuran. Ang mga panghahalungkat ng mga "technicalities" para makapag-disqualify ng kalaban. Nakakalungkot dahil ang bata-bata pa lang, asal-TRAPO na.

Kung hindi ba naman mga tanga't kalahati, hindi yung kabilang partido ang kalaban!!! Nandun, nasa admin ang kalaban!!!

Sana abutan ko ang araw na nasa FEU pa rin ako, na may makita akong isang "tunay" na student leader. Yung student leader na natututo nang kumilos kahit hindi siya officer. Yung student leader na matututong ipagtanggol ang kapakanan ng mga kapwa niya estudyante. Yung leader na iboboto ng mga estudyante hindi dahil sa nalaman nila ang "qualifications" niya nung nangampanya, kundi dahil nalaman nila ang "qualifications" dahil nakikita't naririnig nila ang kanyang mga ikinikilos.

Sana naman, may magsalita na nang walang takot sa microphone kapag tuition fee consultation...

February 22, 2005

Ang pinakamasamang pakiramdam...

Masayang maging teacher. Pero dito ko rin naramdaman ang pinakamasamang naramdaman ko sa buong panahon ng aking Pagtatrabaho.

Ang makonsensya dahil matutulog ako.

Hay naku...kahit may deadline ako sa mga sinusulat kong report noon sa SGV, wala akong paki basta pag inaantok ako, matutulog ako. Pero pag may chinecheckan palang papel na kailangang kailangan nang ibalik, nakakakonsensya talagang matulog kahit antuk na antok na.

February 18, 2005

Salamat...

...sa lahat ng bumati, ng hindi bumati, sa nakaalala, sa di nakaalala at sa di nakakaalam.

Tahimik ang araw na ito. Nasa bahay lang ako, mahigit kalahating araw na nag-iisa at kaharap lang ang computer. Marami talagang trabahong kailangang tapusin kasi marami ring umaasa na matapos ko yung ginagawa ko. OK naman, ordinaryong araw lang naman talaga ang tingin ko sa birthday.

Special mention nga pala sa "triple delight". Maraming salamat sa inyo. :) Pinasaya niyo talaga ako kagabi. Malapit ko na ring matapos ang Hunyango sa Bato. Sana lahat kayo makapirma sa libro bago matapos ang araw ng aking pagiging teacher sa klase niyo.

Salamat sa mga bumati sa Friendster. Salamat sa mga nang-inggit na nasa UP Fair at nasa Conspiracy. Salamat sa aking pamilya na napagdesisyunang maghanda nang hindi nagva-violate sa "abstinence" na pineprescribe ng Catholic religion tuwing Biyernes. Kami ay kasalukuyang kumakain ng gulay, prutas, gatas, keso at tinapay. :)

At siyempre, salamat kay lalabs na Ria na tumawag sa akin kagabi gamit ang pera ng gobyernong Hapon. Salamat at ika'y tumawag kahit na lasing ka. Hehehe. I love you!!!

Madalas kapag birthday, iniisip natin na kailangan may mga maiingay na party, magagastos na blowout at mararaming bisita para masaya. Masaya rin pala ang tahimik na birthday. :)

Sa pagsisimula ng ikadalawampu't pitong taon...

Ngayon ang aking ikadalawampu't anim na kaarawan. Ibig sabihin, simula na ng aking ikadalawampu't pitong taon sa balat ng lupa.

Siyempre, ang dalawampu't anim na taon ay parang immaterial kung ikukumpara mo sa bilyong taong tanda ng ating daigidig. Pero hindi naman sa ikli o haba ng panahon nasusukat kung nagkaroon ng impact ang isang tao. Ito ay nasa kanyang ginagawa. Dito natin makikita kung ang buhay niya ay nagkaroon ng saysay, ng relevance.

Minsan, pinangarap ko na magkaroon ng kabuluhan. Kahit na alam kong isa lang ako sa bilyon-bilyong nakatira sa ating mundo, pinangarap ko rin na maging isang tao na hindi lang nanatili't nakuntento sa pagiging mumunting tuldok.

Sana, kahit papaano, nagkaroon naman ako ng kabuluhan sa mundo sa nakaraang dalawampu't anim na taon na nabuhay ako dito. At kung hindi man, sana magkaroon ako ng marami pang pagkakataong maging makabuluhan sa mga taong darating pa.

Ito ang aking "birthday wish".

February 15, 2005

Ka-boom!!!

Tinira ng Abu Sayyaf ang Pilipinas sa pamamagitan ng isang coordinated attack na nagpasabog sa tatlong iba't ibang lokasyon (Manila, Davao at General Santos) at kumitil nang di bababa sa pitong buhay.

Sabi ng nanay ko, wag na raw akong sumakay sa mga bus. Delikado daw, baka meron pang ibang gawing pagsabog. Umiwas na raw ako sa mga matataong lugar.

Pero sasakay pa rin ako sa jeep, sa taxi, sa FX, sa bus, sa MRT. Pupunta pa rin ako sa sinehan, manonood ng mga concert at mamamasyal sa mall. Pupunta pa rin ako sa Muslim area sa Quiapo para maghanap ng mga Korean DVD.

Babaguhin ko ba ang aking buhay dahil lang sa mga pagbomba na iyan? Siyempre hindi. Ang terorista, naghahasik ng takot. At kung matatakot ako, e di mananalo sila. Di ako papatalo sa kanila.

Lintek rin naman kasi itong Abu. Akala siguro nila, natutuwa ang mga kapwa nilang Muslim sa ginagawa nilang pagpapasabog. Ginawa lang naman daw nila ito bilang pagganti sa mga kasalanan ng mga Kristiyano sa mga kapwa nila Muslim sa Mindanao. Pero anong nagawa ng pagpapasabog nila sa mga matataong lugar para mapaganda ang buhay ng mga taga-Mindanao na "ipinaglalaban" nila? Hindi ba't ang Abu lang naman ang nakikinabang sa pinaggagagawa nila?

Napaka-ironic pa naman dahil kalalabas lang ng isang "Valentine's news" kahapon na may isang Muslim at isang Katolikong taga-Greenhills na nagpakasal na walang pakialam sa relihiyon nila.

Kungsabagay, napapaisip ako. Itong ginawa ng Abu Sayyaf ay tunay na isang akto ng terorismo. Pero yung massacre na naganap sa Hacienda Luisita, di ba terorismo rin yun? Pati na yung sapilitang pagpapaalis sa mga Manobo na binansagang squatter dahil meron daw may "titulo" sa kanilang ancestral land at nakasuhan pa pagkatapos na sila yung nakawan ng mga inaani nila sa lupang minana nila sa kanilang mga ninuno. Ganun na rin sa ilang katutubong Mangyan na taga-Mindoro na marami na ring napatay dahil sa pagtulong ng militar sa isang developer na inaangkin ang ancestral land nila.

Ganun pala yun. Pag Kristiyano ang nasaktan, terorismo yun. Kapag hindi Kristiyano, walang terorismo na nangyari.

Nakakalungkot na naging "religious war" na ito. Sa totoo lang, hindi naman religious war ito. Labanan ito sa pagmamay-ari sa lupa. Pag-isipan niyo, yun lang naman talaga ang ugat niyan. Nakakainis at nagagamit pa ang pangalan ng Diyos dito.

Voice Lessons

May bago na akong paniniwala kapag kakanta sa harap ng maraming tao:

"Kung pangit ang boses, siguraduhing nakakatawa at maganda ang kanta para hindi mapansin."

Buti na lang may baon akong nakakatawang kanta kanina. (Salamat, Mang Gary)

Pero masaya rin pala yun ah. Kailangan makapag-voice lessons at makapag-aral pa lalo ng gitara para magawang career. Hehehe...

February 11, 2005

Album Review: Alon

Ang taong 2004 ay isang magandang taon para sa musikang Pinoy.

Ang daming nagsasabi na pabagsak na raw ang industriya ng musika sa ating bansa dahil sa paglipana ng mga novelty at mga generic na pop songs. Pero ang mga taong ito na nawawalan na ng pag-asa sa musikang sariling atin ay hindi lang marunong maghanap (o makinig?). Sa malaking mundo ng musikang Pinoy sa labas ng limitadong mga playlist ng mga commercialized pop music stations, ang 2004 ay naging saksi sa muling paglipana ng isang buhay na buhay na "alternative scene". Karamihan sa kanila ay mga "indie" - hindi nasasailalim sa isang major record label - kaya't mas malaya sila sa pagbuo ng kanilang sining.

Isa sa mga naglabas ng self-produced indie album noong nakaraang taon ay si Bayang Barrios, ang pangunahing nagwagi sa 2004 Metropop Song Festival. Nagngangalang Alon, ang album na ito ang ikatlong koleksyon ng mga kanta ni Bayang. Marami-rami rin akong nabili't napakinggang magagandang OPM album na nilabas noong 2004, ngunit di ako magkikiming sabihin na ito ang pinakamaganda sa lahat. Ang laking swerte talaga't ako'y "nagpatangay" sa Alon.

Una kong narinig kumanta si Bayang sa isang hard-to-find na live album ni Joey Ayala at ng Bagong Lumad. Doo'y nag-duet sila ni Joey sa kantang "Walang Hanggang Paalam." Noon pa lang ay nabighani na ako sa boses ni Bayang. Muli ko siyang narinig sa kantang "Bagong Umaga", ang entry ng kanyang asawang si Mike Villegas nang muling buhayin ang Metropop Song Festival noong 1996. Ang kantang ito (na malamang kilala ng marami sa inyo bilang campaign jingle ni FPJ) ay naging parte ng unang album ni Bayang, ang Bayang Makulay. Ang debut album na ito ay nag-ani ng papuri at nanalo ng CMMA Album of the Year noong 1997.

Walong taon mula nang lumabas ang Bayang Makulay, muling nag-collaborate sina Bayang ang ang kanyang asawang si Mike upang buuin ang album na Alon. Tulad ng kanyang unang album, maaasahan ang maganda't madamdaming vocal performance at musikang may fusion ng ethnic, rock at folk na flavor. Pero di tulad ng unang album kung saan parang nangangapa pa si Bayang sa paghanap ng karakter sa kanyang mga kanta, ang Alon ay nagpapakita ng isang Bayang na mas kilala ang kanyang sarili at ang kanyang musika. Marahil resulta na rin ito ng pag-mature niya bilang isang artist. Paghinog sa panahon, ayon nga sa mga matatanda.

May labindalawang kanta ang album, lahat sinulat sa wikang Pilipino (labing-isang Tagalog at isang Bisaya):

  • "Alon" - ang title track at carrier single ng album. Taglay ang isang nakaka-hook na radio-friendly na melody, ito ang may pinakamalaking tsansa sa mga kanta sa album na ito na maka-breakthrough sa mainstream. Gustong gusto kong napapakinggan yung pambungad na linyang "Traysikel..." ni Bayang. At talagang rinig ko ang pagka-"Mike Villegas" ng pagkakasulat ng kanta. Dapat talagang marinig ito ng mas maraming tao.
  • "Asya" - si Bayang nagra-rap? Oo. At di lang basta rap. Ethnic rap pa!!! Marahil ay kung iba ang nagsulat ng kantang ito, hindi ito magiging maganda. Buti na lang na ang maestrong si Ryan Cayabyab ang naglapat ng musika sa continentalistic (imbis na nationalistic) na lyrics ni Nanding Josef. Pero nakakapanibago talagang marinig mag-rap si Bayang!!!
  • "Sa Piling Mo" - ito ay ililista ko na sa lineup ng mga kakantahin sa kasal ko. Makabagbag-damdamin at tunay na nakaka-in love. Sinulat ni Ronnie at Gigi Cordero.
  • "Matagal Mo Nang Mundo" - sunod sa "Alon", ito ang may susunod na potensyal na maka-breakthrough sa mainstream. Sinulat ni Mike Villegas sa style na nagpaalala sa akin sa mga kantang naisulat niya para sa Color It Red.
  • "Malayo Man, Malapit Din" - ang kantang pinanalo ni Bayang para sa Metropop. Tunay itong karapat-dapat na manalo ng isang award at magsilbing isang milestone sa songwriting talent ni Bayang. Ito ang masayang counterpart ng "Walang Hanggang Paalam" ni Joey Ayala.
  • "Isipin Mo Na Lang" - malakas ang tama ng kantang ito sa akin ngayon dahil nasa malayong lugar ang aking iniibig. Ito'y kasama na ng kantang "Dagat" ni Gary Granada sa pagiging pinakamaramdaming kanta tungkol sa pangungulila. Sinulat ni Mike Villegas.
  • "Nag-iisang Mundo" - isang rock song tungkol sa pagsagip sa kalikasan, nakakatuwa ang perspektibo nito kung saan ang anak ang siyang nagbibigay na paalala sa kanyang magulang. Kung iisipin naman natin, ang mga bata nga naman talaga ang kawawa sa paninirang ginagawa natin ngayon sa kalikasan. Sinulat ni Bayang at ni Mike.
  • "Halik ng Hangin" - muli, isang kanta na tungkol sa pangungulila. Ngunit kung ang "Isipin Mo Na Lang" ay may temang sentimental, eto naman ay "sexy" at nagpapadama ng pisikal na pangungulila. Sinulat ni Bayang Barrios.
  • "Asa Ka Nang Asa" - ang ganda ng laro ng mga salita sa korus ng kantang ito. "Asa ka nang asa ka nang asa; A saka na nga saka na nga." Inspirational ang mensahe, at nagbibigay ng motibasyon na hindi hadlang ang kahirapan sa pag-unlad at ito'y madadaan sa pagsisikap. Ngunit ito rin ay parinig sa mga taong asa lang nang asa at wala namang ginagawa. Sinulat ni Bayang Barrios.
  • "Naglalakbay" - ang paborito kong kanta sa album. Mapaglaro ang kanta at maganda ang ethnic arrangement. Ito ang nagpapaalala sa akin kung bakit kinuha ng DOT si Bayang upang kantahin ang background music sa kanilang WOW Philippines campaign. Sinulat ni Bayang Barrios.
  • "Buhi sa Kanunay" - ang natatanging kantang bisaya sa album. Isang pagpupugay sa ugat na pinagmulan ni Bayang. Minsa'y kinanta na rin ni Bayang ang Tagalog version ng kantang ito sa album na Saranggola sa Ulan ni Gary Granada.
  • "Alon (Dapithapon)" - isang acoustic version ng title track. Ang mas malumanay na rendition ng unang kanta sa album ay nagbigay ng isang magandang sense of closure.

Tunay na isang obra ang Alon, lalo na sa panahong ang mainstream OPM ay dinodomina ng mga kantang kulang sa originality, identity, inspiration at substance. Marami ang ayaw sumubok sa alternative, sa takot na baka di magustuhan ng kanilang tenga ang kanilang maririnig. Ngunit sa totoo lang, karagdagang exposure lang ang kailangan ng musikang tulad ng mga awit ni Bayang. Sa ngayon kasi, iisang FM station pa lang sa Mega-Manila ang nagpapatugtog nang regular ng mga kantang galing sa Alon. Tulad ng ngalan nito, dumating sana ang araw na ang Alon ay makarating sa malayo upang mamulat ang maraming Pilipino sa ganda ng sining na tunay na maipagmamalaki nating Pinoy na Pinoy.

----------
Iboto ang Alon sa NU 107 Mindnight Countdown. I-text ang NU MIDNIGHT ALON BAYANGBARRIOS sa 2299, o kaya nama'y i-text ang NU ALON BAYANGBARRIOS sa 209. Suportahan ang makabuluhang musikang Pilipino.

Gusto mo ba ng album na Alon? Sagutin mo muna ang tanong: Anong indigenous tribe ang pinag-ugatan ni Bayang Barrios? Ipadala ang sagot sa akosipaeng@gmail.com at magkaroon ng tsansang mapanalunan ang album!!!

Ahon...

...ang tagal kong nawala sa tambayan. Matagal rin kasi akong nakalubog, natatabunan ng bigat ng trabaho at mga problema. Hindi naman ako yung tipo na naglalabas ng problema sa madla. Gusto ko kasi, laging masaya. O kahit papaano, lagi akong mukhang masaya para di na ako nakakabigat sa ibang tao dahil lang sa pinamumukha ko. :)

Kaya ititigil ko na muna ito, kasi baka di na ako magmukhang masaya. Magsisimula na lang ako ng ibang post para makapag-change topic naman. Hehehe...masaya rin palang umahon paminsan-minsan.

February 8, 2005

Ang Diosa...

Ngayong araw dalawamput limang taon na ang nakakaraan ay ipinanganak ang isang diosa sa Pilipinas. Agad siyang nakatawag ng pansin dahil madalas siyang mang-agaw ng atensyon sa kanyang walang pagod na paggiling at walang hiyang pagkanta. Kyut siya, may dimples.

Di ko akalain na isang taong mortal tulad ko ay mapapaibig ang isang diosa.

Maligayang kaarawan, Ria dela Cruz Parsram. Mahal na mahal na mahal na mahal kita. :)