September 30, 2004

Alien Abduction!!!

NEWSFLASH!!!

Isa-isang nagsisiwalaan ang mga estudyante ng FEU. Isang propesor na itatago na lang natin sa pangalang "Paeng" ang nag-tip sa amin na unti-unting naglalaho na parang bula ang kanyang mga estudyante...

"Nung unang klase ko, mahagit kalahati ng klasrum ko ang puno. Nung sumunod kong klase, sampung tao na lang!!! Ngayon, wala na akong nakikitang estudyante!!! Ang nakapagtataka dun, nakita ko na nung umaga ang mga estudyante ko na palakad-lakad sa may corridor...ibig sabihin pumasok sila. Saan kaya sila...(cue high-pitched frightening music)...napunta?!!!"


Ayon sa aming mga sources, hindi raw isolated ang mga ganitong insidente. Maraming mga teacher na rin ang nag-report na naglaho nang parang bula ang kanilang mga estudyante.

"Kanina nga lang nakasalubong ko, nakapagtanong pa sa akin. Paglingon ko, nawala na!!!"


Patuloy pa rin ang pag-iimbestiga sa misteryosong pagkawala ng mga estudyante ng FEU. Ngunit ayon sa mga awtoridad, matatagalan daw ang imbestigasyon dahil ang mga teachers, administrators, mga sekretarya at ultimo ang nagche-check ng attendance ay nagkandawala na rin at hindi na makita.

September 29, 2004

Isang Linggong Pag-ibig

Isang linggo na lang, pupunta na si Ria sa Japan...

Isa't kalahating taon siya dun...

Maaaring umabot ng dalawang taon...

Maaaring umabot ng tatlo...

Alam mo yung pakiramdam na sana bumagal ang oras? Na kung mababalikan ko lang ang nakaraan, sana natuto akong tumanggi sa mga trabahong binigay sa akin? Na sana lumalabas kami gabi-gabi at nage-enjoy habang nandito pa siya sa Pinas?

Kagabi nag-videoke kami. Ang saya-saya!!!

Mamimiss ko ang videoke. Mamimiss ko ang pagpunta sa Conspiracy. Sa Malate. Sa Baywalk.

Mamimiss ko ang UP.

Mamimiss ko ang SM North. At SM Megamall.

Mamimiss ko ang MRT.

Mamimiss ko si Ria.

Huling linggo bago umalis. Kailangan masaya.

I love you, Ria.

September 28, 2004

Kwentong Feasib...

Nung nakaraang linggo, nag-panel ako sa pag-evaluate ng mga feasibility studies. Ang dami!!! Twenty-two!!! Sakit nga ng ulo ko. Pero masaya talagang mag-judge ng mga ganito kasi ang daming memorable moments:

PINAKAMASAKIT ANG ULO MOMENT:

Ako: What is your proof that there is a high demand for spas in Ortigas?

Sagot: E kasi, Sir, iisa lang ang spa sa Ortigas. E maraming gustong mag-spa kaya mataas ang demand.

Ako: Nag-survey ba kayo?

Sagot: Hindi, Sir. Assumption po namin...e di ba uso ngayon ang spa?

(ayan, sa tingin ko tuloy bagsak sila...)

PINAKAMASAKIT ANG ULO MOMENT RUNNER-UP:

Ako: Ano itong number na nasa demand?

Sagot: Sir, number of persons po iyan.

Ako: E itong supply niyo?

Sagot: Sales po yan. In pesos.

Ako: Nyek! So what is the demand-supply gap?

Sagot: Demand minus supply, Sir.

Ako: So sinubtract niyo ang number of pesos sa number ng tao?

Sagot: Sir, yes, sir.

MAMAMATAY SA SIKIP MOMENT:

Kasama ko: How many people can your space accommodate?

Sagot: Mam, 50 persons po.

Ako: So how many persons would be in your gym during peak hours?

Sagot: 75 persons, Sir.

PINAKANAKAKAIYAK NA MOMENT:

Hayup. May isang estudyante na nagsolo flight sa feasib. Tapos may terminal disease pa siya. At ano ang nakuha niyang grade? 90!!! Ang galing. Sana mabuhay siya nang matagal...

PINAKANAKAKAINIS NA MOMENT:

Ako: We're glad to inform you that you got the highest score in our cluster. You got a grade of 90.33!!! Congratulations!!!

(Hindi ngumiti ang mga estudyante. Napasimangot at nagsumbong sa adviser. Sabi ng adviser, "Napanood ko ang mga sagot nila sa defense. Perfect naman!". Kainis. Perpekin mo ang mukha mo, WAPAK!!!)

HULING HULING NANGOPYA LANG NG PATTERN MOMENT

Ako: Meron ba kayong mga sales agent?

Sagot: Wala po. Tingnan niyo po yung org chart.

Ako: Eh, bakit meron kayong sales commissions?!!!

HULING HULING HINDI SILA ANG GUMAWA MOMENT

Kasama ko: Do you have a waste disposal system?

Sagot: None, Sir.

Kasama ko: Actually, you have. Please turn to page...

HULING HULING NANGOPYA LANG NG PATTERN MOMENT PART 2

Ako: Why do you have interest income?

Sagot: Kasi, Sir, meron kaming utang. So yan po yung binabayaran naming interest.

PINAKANAKAKATAWANG MOMENT:

Ako: So, tell me. Are you selling on cash basis, or are you selling on credit?

Sagot: Sir, yes, sir!!!

(Nyak!!! Nalito na!!!)

PINAKANAKAKATAKOT NA MOMENT:

Ako: Mukhang masarap yang mayonnaise niyo. So gumagamit kayo ng preservatives?

Sagot: Yes, sir.

Ako: Gaano karami?

Sagot: Blah blah blah milli-liters, Sir.

Ako: Ok. So gaano karami ang safe for human consumption?

Sagot: Ay, Sir. Di po namin alam.

(Buti na lang di kami nag-taste test!!!)

September 26, 2004

The Magnificent Seventh

Last year, seventh place ang Far Eastern University sa prestihiyosong Inter-Collegiate Finance Competition. Ngayong taon, seventh place uli kami.

Okay sa alright!!!

Napatunayan na hindi "tsamba" ang pagpasok namin sa Top 10 last year.

I was fortunate to be assigned as head coach of such a wonderful team. I haven't seen a team that was as dedicated as Ryan, Eman, Tony, Jessica and Warren. Pinagtiyagaan nila ang lahat ng hirap ng pagka-cram namin dahil short notice na lang nung nabuo ang FEU contingent. Bilib talaga ako sa inyo, mga kids!!! I could not have asked for anything more.

This year's experience would serve as an inspiration to do better next year. I hope I would be given another chance to guide the FEU team. And I am making it my personal mission to make the Tamaraws barge into the much coveted Top 3 position in this competition.

----------

Ngayon, maglalabas lang ako ng sama ng loob.

Napakalungkot alalahanin na nung araw ng finals, ang nanood lang na taga-FEU ay sampung tao lang. Yung limang contestants, ako, ang department head ng Finance, at tatlong kabarkada ng isa naming contestant. Ewan ko ba. Kapag finals ng basketball team ng FEU, todo suporta lahat. Kami...wala. Walang suporta. Walang nanood. Ni nag-text, wala. Walang banner. Walang sigaw. Walang palakpak. Walang sasakyang maghahatid sundo. Ni pambayad sa taxi, wala. Walang OJFINEX supports the ICFC Team (buti pa yung basketball team, suportado nila). Walang JPIA supports the ICFC team (buti pa yung basketball team, suportado nila). Putang ina talaga. Mas mahalaga siguro na manalo sa basketball kaysa manalo ng isang competition na mag-aangat sa pagtingin sa mga estudyante't graduate ng FEU.

Pagod na pagod ang mga contestants sa paglaban. Pero kami-kami na lang ang nagtinginan at nagbigayan ng suporta sa isa't isa. Ang masaklap dito, lumalaban lang naman kami para sa school. Pero ang school ba ay lumaban para sa amin?

Malungkot talaga.

Buwisit pa yung pagbalik mo ng school, mahiritan ka pa ng "Seventh lang?"

Mas buwisit yung mga taong nakiki-coach pero pinagkakalat sa ibang tao na "Wag kayong umasa, di naman mananalo yun..."

Pinakabuwisit yung mga akala ko kakampi namin pero pinagdasal sa harap ko mismo na matalo kami.

Buwisit talaga.

September 25, 2004

Sana Maging GTR Ako...

Napanood niyo na ba ang Great Teacher Onizuka (GTO)? Isa ito sa mga paborito kong anime noon sa Channel 26 (Animax). Tungkol ito sa isang dating gang member na si Eikichi Onizuka na naging isang teacher. Naka-assign sa kaniya yung tinataguriang walang kwentang klase sa Musashino Public High School. Hindi siya conventional na teacher, at maraming di naniniwala sa mga methods niya. Pero sa paggamit niya ng "street-smart" at experiential na pagtuturo, maraming natutunan ang mga estudyante niya tungkol sa buhay.

Ang ganda talaga ng series na ito. Nakaka-inspire siya at higit sa lahat...nakakatawa!!! Dapat mapanood niyo ito. (Gawin ko kayang class activity ito pagkatapos ng departmental exam? Hmmmm....)

Nung nakaraang linggo, pinapanood sa akin ni Ria lalabs ang last two epsiodes nung live action drama version ng GTO. Ayon sa records sa Japan, ito daw ang highest rated drama episode sa Japan. At dapat lang siguro. Kahit last two episodes lang napanood ko, naantig pa rin ako. (naks...naantig!!!) It reminded me of the right reasons for wanting to become a teacher.

Ito na yata ang favorite kong drama. Saan ba ako makakakuha ng kopya nito para paulit-ulit kong mapapanood? Kung meron kang kopya, pahiram naman!!!

September 22, 2004

Laban kung laban!!!

Ngayon na ang finals ng ICFC...

Gad-demmit!!! Kumakabog dibdib ko. :)

Sana magkaroon kami ng fighting chance!!!

September 21, 2004

Coming Out!

Nakakatatlong episodes na ang bagong show ng Channel 7 na Out!, ang unang unang gay lifestyle show sa Pilipinas. Yung unang episode lang ang napanood ko kasi yung mga sunod na episode, nag-conflict sa mga lakad ko o kaya ay may ibang pinapanood dito sa bahay.

Nakakatawa at marami nang detractors ang show na ito. Parang gusto na agad nilang pirmahan ang death warrant, e ni hindi pa nga nakaka-isang buwan ang show. Kesyo mauubusan daw agad ng mga topics ang show. Limited lang daw ang audience. At kung anu-ano pang dahilan.

Dito sa bahay, hirap rin akong manood. Tanungin ba naman kasi ako ng "Bakit ka nanonood niyan?" Napaisip tuloy ako, napaka-homophobe naman ng taong ito. Kailangan bang maging bakla ako para ma-enjoy ang ganitong palabas? E kung mahilig kang manood sa Animal Planet, ibig sabihin isa ka ring hayop? Kailangan bang may AIDS ka rin para ma-appreciate ang isang palabas na tungkol sa mga taong may AIDS?

Hirap pa rin talagang matanggap ang mga bakla dito sa atin. Isang paglangoy laban sa rumaragasang alon ang ginagawa ng mga taong involved sa Out! Marami ang nago-object sa ginagawa ng palabas na hinihikayat na magladlad ang mga baklang tinatago ang kanilang pagkatao.

Ako, homophobe rin dati. Naiilang ako sa mga kakilala kong bakla. Pero marami akong nakilalang bakla at tomboy, at wala akong nakitang masama sa ginagawa nila. Ngayon ay tanggap ko na sila at ang kanilang piniling lifestyle. Marami pa nga silang nagagawang kapakipakinabang, kaysa naman sa mga taong ang lalakas ng loob na magsalita diyan, pabigat lang naman sa lipunan dahil sa katamaran.

Sana marami sa inyo ang sumubok na panoorin ang show na ito at suportahan ang laban ng mga bakla't tomboy. Pero siyempre, hindi ko naman kayo mapipilit...

Naalala ko tuloy ang kanta ng Eraserheads na Hey, Jay!

---------
Hey Jay, nabugbog ka na naman kahapon
Hey Jay, ba't kasi pumunta ka pa sa lugar na 'yon?
Alam mo namang galit sila sa tulad mo
Alam mo namang di ka nila maiintindihan

Hey just look to the left and just look to the right
Makikita mo naman na hindi pantay-pantay
Now he-he-he-hey Jay
Everything's gonna be okay
Everything's gonna be okay

Hey Jay, nag-away na naman kayo ng tatay mo
Hey Jay wala raw siyang anak na katulad mo
Alam niya namang wala kang kasalanan
Alam niya namang ipinanganak ka ng ganyan

Jay you can get it all up
Jay you can get it all down
Ipagdasal na lang natin na balang araw ay
he-he-he-hey Jay(2x)
he-he-he-hey Jay
Everything's gonna be okay
Everything gonna be okay

Bakit ba sila ganyan
Puno ng galit ang isipan
Ba't ba tayo ganito
Walang galang sa kapwa
Ta-o ta-o ta-o
----------

Free your mind!!!

May mga kakilala ako (mga tatlo) na mukhang kailangang mahikayat na mag-Out. Ayaw pa kasi nilang umamin. Pakikialaman ko ba sila? Hmmmmm...

Oo nga pala. Basahin niyo Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Zsa-Zsa Zaturnnah ni Carlo Vergara. Gay empowerment, Darna-style. Talagang panalo!!!

September 19, 2004

Bakit nga ba?

Bakit nga ba ako nagsusulat sa blog na ito?

Marami ba akong gustong sabihin? (Wala naman yata, ang tagal nga bago ako mag-update)

Marami ba namang makikinig sa akin? (Wala naman yata, twenty hits lang naman kada araw)

Ang blog ba ay para sa mga taong may attention deficit disorder?

Ang Muling Pag-alala sa Eternal Sunshine of the Spotless Mind

Kanina, tinanong ko kay lalabs kung anong paborito niyang pelikula. Wala lang, tinitingnan ko lang kung pareho pa rin ba kami ng taste. (HAHAHAHA!!! Weird!) Tapos, hindi ko inaasahan, pareho pala kami ng magiging sagot.

Eternal Sunshine of the Spotless Mind.

Sayang talaga at one week lang itong pinalabas dito. Kaya hintay ako nang hintay sa DVD nito na ma-release. Lalabas ang DVD ng Eternal Sunshine sa U.S. sa Sep. 28 pa. Ang tagal naman.

Paano nga kaya kapag unti-unting nawala ang mga alaala mo? Nakakatakot. Nakakalungkot. Parang yun na lang ang panghahawakan mo, mawawala pa. Ang galing talaga ng pelikulang ito. Mas naa-appreciate ko tuloy ang mga taong mahal ko at ang mga kaibigan ko. Kahit ang mga dati kong kaibigan na nakagalit ko o kaya yung parang nalayo na. Malaking pasasalamat talaga sa mga alaalang nakapagpasaya sa akin kahit minsan.

Makapaghanap nga ng pirated na kopya sa Quiapo!!! Hehehe!!! May nakita ako dati, pero sabi nung nagtitinda, wag ko raw bilhin. Hindi pa raw kasi DVD quality yung binebenta nila at kinunan pa lang yata sa sinehan. Ang bait naman nila't concerned sila sa kapakanan ng kanilang mga customer. :p

Eternal Sunshine of the Spotless Mind. Pinlugging ko na dati pero plugging ulit. Maganda talaga siya. :)

Dapat bang makonsensiya?

Di ako makatulog. Naiisip ko yung mga kakilala kong estudyante na nagpapatulong sa feasibility study na tinanggihan ko na munang tulungan dahil pakiramdam ko nagagahol ako sa oras. May halong inis kasi ngayon lang sila lumapit e dalawang araw na lang bago mag-deadline. May halong inis din sa adviser kasi iniisip ko na sila dapat ang tumutulong sa mga alaga nila...

Pero nakokonsensiya ako...

Hindi naman kasi ako tumatanggi sa mga ganito dati...

Sabi nila, "To whom much is given, much is expected..."

Parang kulang pa ang ginagawa ko. Pero pagod na rin kasi ako. Masama bang mapagod?

Pagod nga ba ako o sawa na ako?

Bakit ba ako nakokonsensya?

Siyet, sana makatulog ako nang maayos.

September 17, 2004

Pasok na naman...

Pasok na naman ang mga Tamaraw sa finals!!! Sana manalo...

Although aaminin ko. Mas matutuwa siguro ako kung nagpatuloy yung himala at nagpapanalo pa rin ang Peyups. Kahit minsan lang kada sampung taon, pwede na... :)

September 15, 2004

Isang Oras

Limang minuto. Limang minuto ang inaaabot ng isang page na pini-print ko. E 16 pages. Kaya aabutin ako nang lagpas isang oras. Gusto ko na sana matulog, pero eto nga, naghihintay pa.

Ibig sabihin, may panahon uli ako para makapag-blog. :p

----------

Ang tagal kong nawala. Ang dami kasing trabaho. Ang pinakamatindi itong tutorial ko para sa ICFC. Ang saya, nakapasok kami sa finals!!! Pero titigil na lang ba kami dun? Siyempre hindi!!! Kaya nga todo pa rin ang pagpapakapagod kasi gusto sana namin na mataasan ang rank ng FEU last year (7th place). AT mataasan ang UST. Bakit ko gustong maging mas mataas ang ranking kumpara sa UST? Wala lang. Maganda kasi ang rivalry dahil UST at FEU lang ang nakapasok sa mga U-Belt schools. At siyempre, gusto sana naming makabawi dun sa nangyari sa Marketing competition. Hahahaha!!!

Sana makapasok kami sa Top Three. Sa ICFC kasi, wala nang nangyari kundi magpalitan ang Ateneo, UP at DLSU sa Top Three. Panahon na para may sumingit na iba. :) Di lang naman sila ang "quality schools", di ba?

----------

Isang buwan na lang aalis na ang aking lalabs. Pupunta kasi siya ng Japan dahil sa isang scholarship. Isa't kalahating taon, pwede pang ma-extend...

Nakakalungkot...pero selfish yun. Kaya tinanggap ko na sa aking puso, at ngayon ay masaya ako't matutuloy siya sa isang bagay na kanyang pinangarap at pinaghirapan.

Ako kaya, kelan makakakuha ng isang scholarship? Parang gusto ko ring mag-aral sa ibang lugar. Nami-miss ko na ring bumiyahe at matuto ng iba't ibang bagay. :)

----------

Alas-tres na ng madaling araw. Anim na pages pa lang ang na-print. Sampu pa!!!

----------

September na. Pasko na. Bakit kaya ganun? Sa SM, nagpapatugtog na ng Christmas songs. Sino ba nagpauso na kapag -ber na ang buwan ay tini-treat na nating Pasko? Pero ok rin. For some reason, ang saya ng pakiramdam ko kapag nakakarinig ako ng Christmas songs. Para bang bumabalik ako sa panahong high school pa lang ako. Noon kasi, lagi akong excited pag Pasko. Nagsisimbang gabi pa nga ako, tapos kumakain sa gotohan na ang laman ay isaw.

Siyet, nagugutom tuloy ako. Gotong may isaw...tapos may patis...oorder pa ng tokwa...

----------

Pinapabisita ako sa web site ni Chona Mae. Tawa kasi nang tawa ang aking lalabs. Bumisita naman ako.

Hindi naman ako natawa. Nalungkot pa nga ako.

Paano ba naman, nakabasa na ako ng essay ng dati kong estudyante na mas malala pa kay Chona. Exam pa yun kaya siguradong seryoso!!!

Pero mas malungkot pa. Hindi lang essay ng iisang estudyante ang nabasa ko na mas malala pa kay Chona.

College student na. Chona Mae pa ang English.

Nalulungkot na naman tuloy ako...

----------

Kahapon nga pala ang first time na nag-straight english ako sa klase. Ayaw ko kasing mag-English dati, hindi dahil sa hindi ako marunong kundi dahil ayaw ko lang talaga. Pero ngayon, dahil ni-require ko na English ang reporting ng mga estudyante ko, tama lang na English rin ang pagkausap ko sa kanila.

Inaasahan ko talaga na tatawa ang mga estudyante ko. Pero kakaiba ang nangyari...

Parang nagitla ang klase. Natahimik. Parang pinag-iisipan kung ako nga ba iyun...

Did they really think that I didn't know how to speak in English?

----------

Marami nagtatanong sa akin kung paano ko raw nabuo ang aking mga pilosopiya sa buhay. Maliban sa aking mga magulang at sa mga taong malapit sa akin, sino daw ang mga impluwensiya ko?

Malakas ang naging impluwensiya sa akin ang mga kanta nina Gary Granada, Joey Ayala at John Lennon. Educational din ang Buklod, pero medyo hardcore sila sa pagiging leftist. Hahaha!!!

Katawa-tawa mang pakinggan, ang lakas rin ng impluwensya ng mga superhero comics tulad ng X-Men na siyang nag-educate sa akin tungkol sa discrimination, sacrifice, heroism, etc. Ilang beses rin akog na-inspire ng komiks na The Copybook Tales, True Story, Swear To God, at Goodbye, Chunky Rice.

Marami rin akong napulot na aral sa mga pelikulang tulad ng Hero, Spider-Man (1 and 2), Matrix (Part 1 lang!!!), Signs, Fight Club, Three Kings, Almost Famous, Eternal Sunshine of the Spotless Mind, My Sassy Girl at yung mga pelikula ni Akira Kurosawa.

Siyempre nandyan yung mga libro ni pareng Bob Ong. Nakatulong talaga yun sa aking pananatili sa pagiging teacher. At mga libro rin ni Randy David. Kaya siguro ginugusto ko na ngayong maging sociologist.

Si psychicpants, naimpluwensiyahan ba ako? Hindi siguro, puro katarantaduhan at ka-jologan lang alam nun!!!

Sa TV naman, nandyan ang Probe Team at I-witness. Bihira ko mang mapanood, masasabi ko pa rin na ito ang aking mga paboritong educational program. Lalo na ang mga features ni Howie Severino.

Nitong nakaraang dalawang linggo lang, may bago na naman akong idol. Akalain mo ba namang isa siyang pari!!!

----------

Si Father J-Boy ang isa sa mga pinakamahusay na paring narinig ko. Nandun siya ngayon sa UP Chapel. Madali siyang makilala kasi kamukha siya ni Michael V. Natututo ako sa kanya ng mga teaching methods dahil ang galing niya talagang magsermon. Ang dami niyang techniques na ginagamit (may Powerpoint pa!) at napapasukan niya ng relevant humor ang kanyang sinasabi kaya hindi boring.

Higit sa lahat, marami akong natututunang prinsipyo at values.

----------

Isang kwento ni Father J-boy tungkol sa ibig sabihin ng salitang commitment. (paraphrased na, siyempre!)

Minsan may isang magsasaka na may alagang isang manok at isang baboy. Birthday ng magsasaka, kaya naisipan ng dalawa na magbigay ng regalo sa sa kanilang amo.

Baboy: Birthday na ni bosing. Ano kayang ibibigay nating regalo sa kanya?

Manok: Alam ko na. Magpa-party tayo. Bigyan natin siya ng pagkaing panghanda.

Baboy: Tama!!! Sige, anong ibibigay natin?

Manok: Ganito gawin natin. Ako, magbibigay ako sa kanya ng itlog. Ikaw naman, bibigyan mo siya ng lechon!!!
.
.
.
.
.
.
Baboy: Ang swerte mo naman. Ikaw donasyon lang ang ibibigay mo. Ako, commitment!

----------

Isang paboritong Father J-boy quote:

"Character is who you are when noone is looking..."

----------

Alas-kuwatro na. Dalawang pages pa.

Matutulog na ako.

Ang sayang magsulat uli sa blog. :)

September 4, 2004

Kay Sarap...

Kay sarap...

a)...makinig ng Natin99. Ngayon ko lang na-realize ngayong tumanda na ako na isa pala ito sa pinakamagandang album ng Eraserheads. Iba talaga pag tumatanda, mas naa-appreciate ko ang mga lumang TV shows, lumang pelikula, at siyempre ang mga lumang tugtog at awitin na di ko naman pinansin o nagustuhan noon.

Da best dito yung kantang 'Wag Kang Matakot' at ang napaka-underrated na 'Tama Ka' na sinulat at kinanta ni Buddy Zabala. Masyado na akong na-LSS!!! "Tama ka nga. Walang saysay kung ibabalik pa. Hayaan na natin ang bukas..."

b)...panoorin ng UP Fighting Maroons na nananalo!!! Siyet!!! Kailan pa huling nangyari ito?!!! Nung college kasi ako, medyo malakas rin yung team kasi nandun si Ogie Gumatay, Paolo Mendoza, Chu-chu Serrano at Bryan Gahol. Kaya lang sinira ang aming mga pangarap dahil sa isang maduming laro ng isang tarantadong player ng UST na naging dahilan ng injury ni Gahol. Hanggang ngayon naiinis pa rin ako sa player na yun. Grrrr!!! Hayup ka!!!

Manalo kaya ang Fighting Maroons against DLSU bukas? Abangan!!!

Tang-ina, himala talaga!!!

c)...maging teacher. Kakaiba pala ang power pag nasa likod ka ng teacher's table. Nung high school at college ako, nakokornihan talaga sa akin ang mga tao. Pero ngayon natatawa ang mga estudyante ko sa jokes ko. (O baka naman naaawa lang sila sa akin?)

Nung college ako, ni hindi matandaan ng teacher ang pangalan ko kasi wala naman akong ginagawang maganda na matatandaan ako ng aking teacher. Pero ngayon, feeling ng ibang tao na matalino ako (hindi naman) at tinatanong kung ano ang place ko sa CPA Board exam (ewan ko, 67 kaya ang grade ko sa Taxation!!!)

Eto ang matindi. Nung college ako, walang pumapansin sa aking...ehem...itsura. Pero simula nang mag-teacher ako, nakakatanggap na ako ng mga kakaibang text message at love letter mula sa mga nabulag na estudyante. Nakaka-pogi points pala ang pagiging teacher. Dios mio, sana matauhan na sila!!! Sila'y nadadala lamang ng antok sa kanilang klase at lumalabo ang kanilang paningin kaya't kung anu-ano ang kanilang nakikita.

d)...maging coach sa isang high-pressure na contest. Hindi na ako makatulog nang maayos dahil sa kaba. Magdadalawang linggo na. Sana manalo kami.

Sa basketball, UP ako kampi. Pero sa interschool quiz bee, Tamaraw ang bet ko. Parang bumaligtad yata ang mundo. Hahaha!!!

e)...na naghahamon ng Inglesan ang mga estudyante ko. Piso kada Tagalog na salitang lalabas sa aking bibig. Hahahaha!!! Akala siguro nila, dehins marunong mag-English to-its. We'll see...Ha...ha...ha...

----------

Plugging: Isa sa mga estudyante ko ay may sarili na ring blog. I-welcome natin si McRovan "Memory Man" Navor sa mundo ng mga taong walang magawang maganda sa kanilang oras kaya nagtatagal sa internet para mag-post ng mga walang ka-kwenta kwentang post tulad nito.

McRovan, magkwento ka naman ng tungkol sa misteryoso niyong love life ni Ms. Matet. Hahaha!!! Tsismoso talaga... :p

September 1, 2004

Wala munang bagong post...

Ang dami kong trabaho. Napapagod na ako. Parang minsan, tinatanong ko kung bakit parang puro ako na lang ang natatambakan. Pero wala naman akong magagawa, di ba? Kaya di muna ako gaanong magpopost sa aking tambayan, medyo walang oras...

Heniweyz, I'll see you next time. :)