December 23, 2006

Nang muli kong basahin si Rizal

noliNgayong Christmas break, napag-tripan kong basahin muli ang Noli Me tangere at El Filibusterismo. Bagaman alam ko ang broad strokes ng mga nobela ni Rizal dahil sa pag-aaral ko nung high school at sa panonood ng mga dula tungkol rito, pakiramdam ko ay di ko na-appreciate nang buo ang kanyang social criticism at literary value. Kaya't napag-isipan kong basahin itong muli ngayong mayroon na akong mas "mature" na pag-iisip. (Talaga lang ha, hehehe) Maybe I would see supposedly familiar things in a new light.

At di naman ako nabigo. Nasa ika-16 kabanata pa lang ako ng Noli at aliw na aliw na ako sa binabasa ko. Nakakatawa pala si Rizal! Siguro kung nabubuhay siya ngayon, ang daming nairita (at natawa rin) sa kanyang pagiging pilosopo. Walang pinatawad ang kanyang satirikong mga banat, para akong nagbabasa ng fiction version ng There's The Rub ni Conrad de Quiros. Maging ang Diyos ay di niya pinaligtas sa kanyang patutsada.

Isa nga sa napansin ko ay mukhang "sanitized" ang Noli at Fili na itinuturo sa ating mga paaralan. Nang una kong mabasa ang Noli nung high school, mukhang kinukutya lang ni Rizal ang mga mapang-abusong prayle nung panahon niya. Pero ngayong binabasa ko siya sa kanyang non-high school textbook edition (ang binabasa ko ay yung salin ni Virgilio Almario), ang mga patutsada pala ni Rizal ay nakaamba hindi lamang sa mga prayle kundi sa mismong simbahan at ang kanilang mga turo. Ang katarantaduhan ng konsepto ng purgatoryo, ang pagdarasal sa iba't ibang mga santo, ang mga mirakulo at milagro, etc. Sa totoo lang, nakakapagtaka na ang tindi ng outrage ng simbahan sa Da Vinci Code gayong sa Noli na prescribed reading sa lahat ng paaralan sa Pilipinas ay mas matindi pa ang patutsada sa korporasyon, este, sa simbahan pala.

Nakakalungkot rin na marami sa mga puna ni Rizal sa lipunang Pilipino ay makikita pa rin sa ating lipunan ngayon. Sabi ng mga historians, nagdulot ng kamulatan ang kaniyang mga nobela. Ngunit bagaman namulat nga ang mga tao, di naman sila nagkasundo sa kung ano ang gagawin upang masolusyonan ito. Tulad ngayon kung saan karamihan naman sa atin ay alam ang mga problema sa ating paligid ngunit wala namang ginagawa tungkol rito. Marahil sa kawalan ng pag-asa, o sa kawalan ng pakialam, o sa pagiging self-absorbed, o kaya ay nabobo na sa paghihintay sa isang tagapagligtas at nakalimutan nang mag-isip nang para sa sarili.

Minsan gusto kong itanong kay Rizal kung bakit kinailangan niyang gawing trahedya ang kanyang mga nobela. Bakit ginawa niyang bigo ang kanyang mga bida. Bakit pagkatapos ihain ang mga tanong sa ating harapan ay binitin naman niya tayo sa mga kasagutan. E di sana hindi na tayo nagkakanda-letse letse ngayon.

Ngunit iyon na nga rin siguro ang mensahe ni Rizal. Na wala sa kanya o sa sinumang iisang tao ang kasagutan. Na dapat matuto tayong mag-isip at huwag iasa ang pag-iisip sa iba. Na wala sa isang messiah ang salvation. Na sa huling pagsusuri, tayo rin ang susulat sa ating kapalaran at tayo rin ang gagawa ng sagot kung paano tayo maliligtas.

No comments: