August 5, 2007

Ito ba ang bagong bayani?

Kung hindi ko pa nabasa sa column ni Randy Davaid, hindi ko pa mababalitaan ang kuwento ng sapilitang pagpapatrabaho sa mga Filipino OFWs sa construction ng US Embassy sa Iraq.

Lumabas ang expose na ito sa testimony ni Rory Mayberry sa U.S. Congress. Ayon kay Mayberry, nilinlang ng First Kuwaiti Trading & Contracting Company ang mga foreign construction workers, kasama na ang ilan nating mga kababayan, na inaakala na sila ay bibiyahe papuntang Dubai. Nalaman lamang nila na sila ay papuntang Baghdad nang sila ay nasa eroplano na at wala nang magawa.

Ang unang reaksyon ng ating pamahalaan? Pabulaanan ang claim na 51 ang mga Pinoy na kasama sa insedente. 11 lang naman daw talaga.

Sa panawagan na dapat papanagutin ang American government sa pagpayag na may magtrabaho sa construction ng kanilang embassy na galing sa bansang may travel ban sa Iraq, sinabi ni Labor Secretary Brion na ang may pananagutan daw dito, kung sakaling mayroon mang may pananagutan, ay yung First Kuwaiti Company.

Hindi rin daw pinilit ang mga Pinoy na pumunta sa Iraq:

"Nobody was kidnapped or forced to go to Iraq. Di mo na kailangan pwersahin mga Pilipino [You don't need to force the Filipinos] because they get three times their salary elsewhere. A chief cook in Baghdad, for instance, earns $8,500 a month,” he said."

Nakakalungkot. Kung basahin ang mga statement ng ating labor secretary, parang may halo pang pagmamalaki na may sariling kusa ang mga Pilipino na magpumilit na makapasok sa bansang MAYROON TAYONG TRAVEL BAN at walang Pilipinong legal na makakakuha ng visa.

Mali si Mr. Brion. Ang pagpasok sa isang bansang lubhang mapanganib at mayroong travel ban ay hindi normal na gawain ng isang taong hindi napipilitan. Sabihin na natin na hindi accurate ang statement ni Mayberry na kinidnap ang mga Pinoy na pinagtrabaho sa U.S. Embassy, ang mga OFWs na ito ay napilitan pa ring makipagsapalaran sa ibang bansa dahil sa kawalan ng oportunidad sa kanilang sariling bayan.

Madalas na tawagin ang mga OFWs na ating mga bagong bayani. Di ako sumasang-ayon sa taguring ito. Ang romanticization ng mga OFWs bilang mga bayani ay pambulag sa katotohanang sila ay mga BIKTIMA ng isang lipunang ipinasa na sa ibang bayan ang pagsasakatuparan ng pangako ng isang magandang kinabukasan.

Kamusta na kaya sila?

Ngayong one year removed na ako sa pagiging teacher, napapaisip ako kung ano na kaya ang nangyari sa aking mga estudyante.

Kamusta na kaya sila? Naging successful na kaya? Napariwara? Naligaw ng landas? Nagpaligaw ng landas? Gumawa ng sariling landas?

Sino na kaya sa kanila ang naunahan pa ako sa pagkakaroon ng sariling pamilya? Sino na kaya ang naunahan ako sa pagiging mayaman?

Ilan kaya ang nangibang bansa? Umuwi ng probinsiya? Nagtrabaho sa call center?

May nakakulong kaya sa kanila?

Di tulad ng ibang propesyon, ang hirap masukat ng pagiging "maayos" at successful na teacher. Karamihan ng ibang trabaho, may metrics na quantifiable at madaling ma-isolate. Maaaring sabihin na puwede namang gawing metrics na lang yung passing rate at ang mga grades ng mga estudyanteng hinawakan, pero ang impluwensiya kasi ng teacher ay lagpas pa duon. Ang mahirap pa, napakaorganic ng results dahil marami pang ibang factors maliban sa itinuro ng guro na makakaapekto sa magiging aksyon / desisyon ng isang estudyante.

Napapaisip ako ng mga tanong na ito kasi muling may tawag na ako ay bumalik sa pagtuturo. Kahit part-time lang. Pero bago ako magdesisyong bumalik, kailangan ko munang i-assess kung ako nga ba ay naging matagumpay nung aking unang pasada sa larangang ito.