March 27, 2007

Masyado namang inanalyze ang 300

Minsan, may mga kritiko na masyadong...paranoid? Na sa sobrang pagka-kritiko e may nakikita sa mga wala namang dapat makita. Tulad na lang ng nangyari sa ilang kritiko ng pelikulang 300.

Ang pelikulang ito ay base sa komiks na sinulat at iginuhit ni Frank Miller tungkol sa laban ng 300 Spartans laban sa invading army ng mga Persians. Historical fiction siya, nakaugat sa isang historical event pero medyo stylized ang pagkakakuwento. Partikular na mapapansin dito ang celebration ng machismo. Na-inspire si Miller na gawin ang kuwento na ito dahil sa kanyang panonood ng isang lumang pelikula na pinamagatan na 300 Spartans.

Maganda ang naging pagtanggap sa pelikula na ito. Pero may malaking kontrobersya rin daw dito dahil sinasabi na isa itong neoconservative propaganda ni George W. Bush. Kung inyong susuriin, ang mga kontrabida kasi sa pelikulang ito ay mga Persians, na siyang mga ninuno ng mga Iranians. Sinasabi na sa pelikulang ito, jinustify ang War on Terror ni GWB sa Middle East.

May "outcry" na ang pamahalaang Iran na kinokondena ang pelikulang ito. Sa mga blog, may mga nagsasabi na na si George Bush daw yata ang producer ng 300. At ang nakakalungkot, sinakyan din ito ng mga respetadong kolumnista tulad ni Rina Jimenez-David at maging si MLQ3.

Pero kung magre-research lang sila nang kahit konti lang, ang tanga't kalahati naman ang magsabi na neoconservative propaganda ni Bush ang 300.

Una, kahit na stylized ang pagkakagawa, ang pelikula ay naka-base sa history. Talagang labanan naman ito ng Persians at ng mga Spartans. Anong gusto nilang mangyari, na baligtarin ang kasaysayan at ang mga Persians ang gawing bida? Paano ang mga World War 2 films, dapat ba ireklamo ito ng mga Hapon at German dahil pinapalabas na kontrabida sila?

Ikalawa, kung tatanggalin ang race / lahi sa usapan, di ba ang kuwento rito ay ang paglaban ng isang maliit na grupo ng mga mandirigma sa isang malaking bansang nananakop? Kung ganun ang tingin, di ba mas malapit pa ang role ng mga bidang Spartans sa mga insurgents sa Iraq na lumalaban sa isang imperialist power? Di ba ang message ng pelikula ay lumaban sa pananakop, in which case, kontra pa sa War on Terror ni G.W. Bush?

At ikatlo, ang 300 ay lumabas nung 1998, na nangangahulugan na malamang ginawa ito ni Frank Miller nung 1997 o kaya ay mas maaga pa. Maraming taon pa bago naging presidente si G.W. Bush, bago nagkaroon ng War on Terror at bago nagkaroon ng 9-11. Paano ito magiging propaganda ng isang imperialist administration na wala pa kapangyarihan at wala pang naging palusot para maglunsad ng War on Terror?

Mas nakakatawa pa na tatawaging neoconservative agent si Frank Miller, na ang isa sa pinakasikat na ginawang kuwento ay ang Batman: The Dark Knight Returns kung saan pinagmukhang tanga ang Republican na si Ronald Reagan at binugbog ng subsersibong si Batman ang "American Dream" na si Superman. Sa Daredevil: Born Again, tinarantado naman niya ang patriotic jingoism ng American government sa pamamagitan ng isang kontrabida na ultra-patriotic na contra agent sa Nicaragua na si Nuke. Iyan ba ang neoconservative?

May iba akong pinaliwanagan na ng tungkol dito, pero humihirit pa rin na ang galing naman daw ng timing. Bakit daw ngayon ginawa ang pelikula kung kelan may War on Terror? Siyempre ngayon ginawa ang pelikula dahil pumatok ang film adaptation ng Sin City ni Frank Miller, kaya sinamantala ng mga producers na matunog pa ang pangalan ni Miller at inadapt ang isa sa kanyang most critically-acclaimed work. (Nanalo ang 300 ng maraming awards noong 1999)

Kontra ako sa War on Terror ni G.W. Bush. Pero katarantaduhan ang maging masyadong analytical to the point na nakikita mo ang demonyo kahit sa lugar na wala namang demonyo. Ang 300 ay hindi tungkol sa pananakop ng U.S. sa Iraq. Ito ay hindi tungkol sa balak na pananakop ng U.S. sa Iran. Ito ay tungkol sa...surprise, surprise...300 Spartans na lumalaban sa mga Persians. Mahirap bang tanggapin na yun lang yun at wala nang ibang kahulugan?

March 17, 2007

shifting gears

Nitong nakaraang linggo ay nakahanap na ako ng bagong trabaho. Financial Planning Analyst / Treasury and Contracts Officer sa isang multinational. Hindi talaga ang trabaho na gusto ko, pero sa aming pangangailangan ngayon, ang trabaho na siyang kailangan ko / namin.

Dahil dito, halos nalibot ko na ang sinasabing iba't ibang sectors ng accounting profession. Nagsimula ako sa public accounting (SGV), napunta sa academe (FEU), nagsilbi sa non-profit (PBSP), at ngayon naman ay nasa private / corporate (Otis E&M). Government work na lang, kumpleto na ako.

I guess it's not really a bad thing at all. Mas yumayaman ang aking pananaw sa mga pabago-bagong karanasan. Tamang-tama para sa business school na itatayo ko in ten years' time. Hehehe

March 6, 2007

Galing talaga ng COMELEC

Sa harap ng TV, nagparaffle si Chavit Singson ng pera sa kanyang pangangampanya. Sinabi pa ng kanyang "emcee" dun sa nanalo na ikampanya si Chavit habang inaabot ang pera. Sabi ng COMELEC, wala daw silang puwedeng gawin kasi wala naman daw nagrereklamo. (So yung pulis, kapag may nakitang magnanakaw sa harap niya, dapat wag kumilos hangga't walang nagrereklamo. Oooookkkkkaaayyyy...)

Dinisapprove ang application for party list accreditation ng ANG LADLAD, isang umbrella organization ng mga lesbians, gays, bisexuals and transgenders. Sabi ng COMELEC, kaunti lang daw constituency ng grupo kasi konti lang daw ang mga ladlad na homosexuals and bisexuals sa lipunan natin. (Kung ANG BAKLA AT TOMBOY kaya ang pangalan ng party-list, payagan kaya ng COMELEC? Mas marami na constituents nun kasi kasama na ang mga closet tulad ni Commissioner ______________)

March 4, 2007

It pours

Nung Disyembre, naging breadwinner ako ng aming pamilya. Lima kami, ako lang nagtatrabaho at may nag-aaral nang college. Binago ko ang aking lifestyle. Trabaho at bahay na lang ang aking mga destinasyon. Wala nang komiks. Wala nang libro. Wala nang kain sa labas. Bawas ang pagba-blog para mabawasan ang gastos sa internet. Bawas sa text messages. At pinag-ibayo rin ang paglalakad para tipid sa pamasahe.

At ngayon naman, naospital pa si itay. May continuing treatment pa na kailangan. Ubos na ang ipon ko, pati na ang ipon ng mga magulang ko. Kaya ngayon, hindi na lang simpleng lifestyle change ang kailangan. Kailangan ibahin na muna ang perspective sa buhay. At umasa na lang na balang araw, makakabalik rin sa dating daan na pinlanong tahakin.

Sa ngayon, kailangang lumiko muna at mag-iba ng daan.