March 27, 2006

Tulong po

May dalawang estudyante akong nangangailangan ng tulong pinansyal para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Yung isa, gagraduate na sana sa isang taon. Yung isa naman, may potential maging topnotcher. Kaya lang, malaki pa ang pagkakautang nila sa FEU.

Masisipag sila at paminsan-minsa'y nagiging scholar pa. Pero kulang pa rin ang kanilang financial capacity dahil nagbabayad pa rin naman ng miscellaneous fees kapag full scholar at kalahati lang ng mga units ang libre kapag partial scholar.

Hindi po ito scam. Medyo kapos lang ako ngayon e. Sana may isa sa inyong makakapagbigay-tulong. Magiging tulong niyo rin ito sa pagbuo ng isang mabuting lipunan. Pakie-mail lang ako sa akosipaeng@gmail.com kung interesado kayo at para direktang makontak ninyo ang mga estudyante. Maraming salamat po.

March 25, 2006

Class dismissed

Matagal na rin akong di nakatambay rito. Naging busy kasi ako nitong nakaraang linggo, sinusulit ang oras ko sa FEU. Nagko-compute ng grades, tinatapos ang mga committee work, at higit sa lahat, nakikipagkuwentuhan at kulitan sa aking mga mahal na estudyante.

Ngayong araw kasi ay inencode ko na ang grades ng aking mga estudyante. At ito na ang hudyat ng aking huling araw bilang isang full-time na guro.

Sobra ang naging kasiyahan ko sa pagsisilbi bilang guro nitong nakaraang apat na taon. Nakita ko na ang laki pala talaga at napakaseryoso ng aming tungkulin. Hindi pala totoo na kapag nasa kolehiyo na, puwede na lang bastang pabayaan ang mga estudyante ko dahil "matanda" na sila. Totoong dapat ay bigyan na sila ng sense of responsibility, ngunit ang mga gurong tulad ko ay marami pa rin palang maibabahaging kaalaman, karanasan at maging mga prinsipyo na makakagabay sa kanilang pagharap sa mundo sa labas ng apat na sulok ng eskuwelahan.

Hindi rin pala totoo na madali lang ang workload ng isang guro at maluwag sa oras. Totoo na 24 oras lang kada linggo ang required na pagpasok, pero yun ay patungkol lamang sa class proper. Paglabas ng classroom, mayroong consultation. Tutorial. Magche-check ng papel. Mag-aaral. Gagawa ng lesson plan, handouts at mga quizzes. Makikinig sa mga problema ng mga estudyante sa labas ng usaping akademiko. Pagtingin ko sa oras, may panahon na lang akong mag-internet nang sandali at pagkatapos ay matutulog na.

Masaya ang magturo. Kaya lang, ibang klaseng dedikasyon ang kailangan para maging effective na guro. Hindi puwedeng trabaho lang ang tingin mo, dahil mawawala ang iyong koneksyon sa mga estudyante. At kapag nawala na ang koneksyon, mawawala na ang iyong paki. At kapag nawala na ang paki, kawawa naman ang estudyante mo.

At iyon ang naramdaman ko nitong nakaraang sem. Unti-unting humihina ang "apoy" na nagtutulak sa akin upang ibigay ang lahat-lahat sa aking pagtuturo. Maayos pa rin naman ang naging turo ko, pero pakiramdam ko, unfair sa aking mga estudyante na hindi buo ang puso ko sa aking ginagawa. They deserve better. Kaya bago pa lumala, napagdesisyunan kong iwan na muna ang aking minahal na propesyon.

Ngayon ay nasa isang foundation na ako. Nandito ako para simulan ang isang panibagong yugto sa paghahanap ko ng paraan para makagawa ng mga bagay na makabuluhan sa ating lipunan. Sana, sa bagong yugtong ito, mahanap kong muli ang puso ko sa pagtuturo.

Nung isang araw, nakatanggap ako ng text message mula sa isang estudyante ko ngayong semester:

Sir, thank u po uli ah. La lng...kala ko ndi na ko makakbngon sa pagkakadapa ko eh."

Sana nga...sana nga mahanap ko...

March 21, 2006

Beyond GMA

May interesting na experiment ang Philippine Update. Sino ang gusto mong mamuno beyond GMA?

Subukan niyong bumoto sa kanilang mock snap elections.

beyondgma

March 18, 2006

Nandito na si Andong Agimat!

Sabi nila, sa Abril pa siya lalabas. Ngunit hindi pala. Nandito na pala si Andong Agimat!

Andong Agimat


Ang Mundo ni Andong Agimat ay produkto ng imahinasyon ng two-time Manila Critics Circle National Book Awardee na si Arnold Arre. Kumpleto ko ang mga graphic novels ni Arnold, at ito na ang pinaka-accomplished niyang obra lalo na sa aspect ng visuals. Maganda rin ang pag-shift niya sa pagsulat na gamit ang wikang Filipino, kaya wala nang disconnect sa local na setting ng libro at sa wikang ginagamit ng mga characters, tulad ng nangyari sa kanyang Mythology Class.

Nagsimula sa Ang Kagila-gilalas na Pakikipagsapalaran ni Zsa Zsa Zatturnah ni Carlo Vergara, sinundan ng Lastikman ni Gerry Alanguilan at Arnold Arre, at ngayon ay nagpapatuloy sa Ang Mundo ni Andong Agimat. Sana ay sunud-sunod na ang paglabas ng quality komiks in book format sa mga major bookstores sa Pilipinas.

Available na sa Comic Quest at malapit na ring lumabas sa National Bookstore, Powerbooks at Fully Booked.

Suportahan ang Pilipino komiks!

Black Friday protesters, inaresto!

Ano ang nangyayari sa larawang ito? Choose the best answer:

Dinky Arestado


Si Former DSWD Secretary Dinky Soliman ay inaaresto dahil __________.

a. bawal ang illegal assembly, ayon sa BP 880.

b. bawal magprotesta laban sa "state."

c. bawal magprotesta laban kay GMA. (siya na ba ang state?)

d. bawal magsuot ng T-shirt na may logong "Patalsikin na. NOW NA!" dahil subersibo ang dating.

e. bawal magsuot ng T-shirt na may logong "Patalsikin na. NOW NA!" dahil coño ang dating.

f. bawal magsuot ng itim na t-shirt kapag wala sa lamay.

g. bawal magsuot ng itim na t-shirt kapag wala namang rock concert.

h. bawal magsuot ng itim na t-shirt kasi hindi na cool. Orange na ang cool ngayon.

i. bawal kumain ng karne kapag Biyernes habang Kuwaresma. Nakita raw si Dinky na kumakain ng barbecue sa Aristocrat.

j. bawal magprotesta kapag Biyernes habang Kuwaresma ang mga mahilig mag-rally. Iyon daw dapat ang ayuno nila.

k. bawal ang jologs. My gosh, look at those dangling hikaws!

l. bawal mag-jaywalking. Red light na nang tumawid si Dinky at Enteng.

m. bawal ang mataba kapag hindi ka pulis.

n. bawal mag-flash mob.

ñ. bawal mag-flash mob na sobrang planado, publicized at kino-cover pa ng media. Flash mob pa ba yun?

ng. bawal mag-flash mob na tatlumpung tao lang. Mob pa ba yun?

o. bawal ang korni. Ang korni naman kasi ng kanilang gimik.

p. bawal ang hindi marunong magpalusot. Namamasyal lang sa Roxas Boulevard? C'mon, Dinky, I expected better!

q. bawal ang hindi marunong magpalusot not once, but twice! From Inq7: She added that the black t-shirts with the words “Patalsikin na. Now na” (Oust now) printed on them and worn by her and her companions were not alluding to President Arroyo but to all corrupt government officials. Sabi nga ng TVJ, acheche!

r. bawal magprotesta ang mga taong nakinabang kay GMA dati. ubo! ubo! peace bonds! ubo!

s. bawal magprotesta ang mga taong kasamang nagtulak na maluklok si GMA noong nakaraang eleksyon.

t. bawal magprotesta ang mga taong nagprotesta lang nung uso na ang magprotesta.

u. lumabag sila sa dahilang iniisip pa ng mga awtoridad habang sinusulat ko ito.

v. sumusunod lang daw yung mga pulis sa "nakatataas."

w. sa Maynila, si Atienza ang hari. At ang sabihin ng hari, tama. At ang hari ay chuchuchuchu kay GMA.

x. sa bansang ito, si Arroyo ang "diyos." At ang sabihin ng "diyos," tama. At lahat ng sa tingin ni Arroyo ay mali, BAWAL.

y. sa kombinasyon ng ilan sa mga nasabing dahilan. Please indicate which combination. __________

z. none of the above. Write the correct answer. __________

----------

P.S.

Ibig sabihin ba nito'y bawal ko nang isuot ang t-shirt na President Evil?

president evil

Aarestuhin na rin ba ako kung suot ko ito? Pati ba naman fashion sense, pakikialaman na ni Gloria?

Dinky Soliman photo taken from Inq7.net.

March 11, 2006

10/17

Noong February 24, 2006, ibinaba ni GMA ang Presidential Proclamation 1017. Ang bantang ito sa ating demokrasya ang nagbigay ng inspirasyon sa sampung makata upang lumikha ng labimpitong katha:

10/17

Ngayon ay iniangat na ang proklamasyon ng ating pang(g)ulo. Ibig sabihin ba'y moot and academic na ang mga kathang ito?

Hindi. Dahil ang PP 1017, wala na nga in form, ngunit narito pa rin in substance. At hangga't ang lipunan ay nananatiling mute at apathetic, ang usaping 1017 ay di magiging moot at academic.

Fill in the blanks

Ano ang nangyayari sa larawang ito? Choose the "best" answer:

Risa Arestado


Si Rep. Risa Hontiveros-Baraquel ay ____________.

a. inaaresto dahil sa pag-violate ng PP 1017, na ni-lift na pero hindi pa alam ng mga pulis.

b. inaaresto dahil sa pag-violate ng PP 1017, kahit na ni-lift na at alam na ng mga pulis.

c. inaaresto dahil sa pag-violate ng PP 1017, na hindi pa naman talaga nili-lift, dahil ang pagbawi ni GMA ay sinundan pala ng statement na "Joke joke joke!!!"

d. inaaresto dahil sa illegal assembly.

e. inaaresto dahil sa nakakaharang siya sa traffic.

f. inaaresto sa salang inciting to sedition.

g. inaaresto sa salang rebellion.

h. inaaresto sa paglabag ng ordinansang "Bawal magkalat sa kalsada."

i. inaaresto habang nag-iisip pa ng dahilan ang mga pulis.

j. inaaresto dahil may order mula sa "nasa taas."

k. iniimbitahan for questioning.

l. iniimbitahang magmeryenda muna at magkape.

m. iniimbitahang tingnan yung bagong refurbished na interior design ng Camp Caringal.

n. nadapa at nasugatan yung tuhod, kaya dinala muna sa sasakyan.

ñ. nainitan at nahilo, kaya dinala muna sa sasakyan.

ng. pinapasundo na ni Joe De V. para magka-quorum sa kongreso.

o. pinapasundo na ni Chiz Escudero kasi yung majority nga pala ang laging wala kaya hindi tuloy sila magka-quorum sa kongreso.

p. pinapasundo ng ABS-CBN kasi kailangan nila ng resource person na hayagang titira kay GMA sa TV.

q. crush ni Manong Pulis at sinasamantala lang niya ang pagkakataon.

r. pinoprotektahan ng mga pulis mula sa mga kapwa niya rallyista.

s. pinoprotektahan ng mga pulis mula sa mga kapwa nila pulis.

t. pinoprotektahan ng mga pulis mula sa mga pulis at sa mga rallyista.

u. pinoprotektahan ng mga pulis dahil baka hampasin siya ng truncheon at shield habang nagdi-dispersal. Sayang naman pag nasugatan at nabugbog ang kanyang flawless na balat.

v. pinoprotektahan ng mga pulis dahil baka iuntog niya ang kanyang mukha, braso at iba pang parte ng katawan sa truncheon at shield ng mga pulis. Baka sabihin na namang pulis ang nagsimula ng violent dispersal.

w. pinoprotektahan mula kay Boy Nakaw, ang di-kilalang salarin na notorious sa pagnanakaw ng halik sa mga rallyistang nagkakagulo habang may dispersal.

x. pinoprotektahan mula kay Boy Hipo, ang di-kilalang salarin na notorious sa panghihipo sa mga rallyistang nagkakagulo habang may dispersal.

y. a combination of some of the above. Please indicate which combination. __________

z. none of the above. Write the correct answer. __________

Ang larawan ay mula sa Philippine Daily Inquirer.

March 10, 2006

God's plan

Ilang araw na ring naglalaro sa utak ko yung sinabi ni GMA na plano daw ng Diyos na siya ang maging pinuno ng ating bansa. Kaya hindi raw natin siya malalabanan dahil para na tayong lumalaban against God's will.

For the sake of argument, sundan natin ang pag-iisip ni GMA. Hay naku...

Plano rin ba ng Diyos na mamuno si Hitler sa Germany? At sa kasong iyon, pinlano rin ba ng Diyos na si Hitler ay balang araw tatalunin ng mga Allied Forces?

Paano naman yung pagkakaroon natin ng diktador na si Marcos, na namuno ng pagkatagal-tagal sa ating bansa, plano rin ba ng Diyos yun? E di plano rin ng Diyos na magkaroon ng People Power upang matanggal siya sa kapangyarihan?

Kung susundan natin ang pag-iisip ni GMA, hindi kaya parte rin ng plano ng Diyos na may mga taong tulad namin na lalaban sa kanya?

Hindi ako fatalistic na tao. Hindi ako naniniwala sa kapalaran. Hindi ako naniniwala sa Divine Intervention in a sense na sinusulat ng Diyos ang mga pangyayari dahil parang tinanggal naman sa atin ang kakayahang makapagdesisyon para sa ating sarili at tumuklas ng tama at mali. Kung meron mang intervention na ginagawa ang Diyos, ito ay para makapagbukas ng ating mga isipan - enlightenment ba - pero hindi niya sinasadya na tabunan tayo ng landslide, tangayin tayo ng flash flood, dagsain ng stampede at pamunuan ng mandarayang presidente. Ang lahat ng ito, bunga ng mga kagagawan natin. At nasa atin rin ang kapangyarihan at ang obligasyon na itama ang mga mali na nagawa natin at ng ating lipunan.

Hindi ba yun ang plano ng Diyos?

March 7, 2006

Para kay Bong Austero

Ang ganda naman ng iyong sulat:

Spoken like somebody who pretends he loves his country but, in the end, only loves himself.

Hayaan mo, Mr. Austero. Sa susunod na may mandaya sa eleksyon, mangurakot ng kaban ng bayan, mang-violate ng karapatan ng mga mamamayan...wala na lang tayong gagawin. Patawarin na lang natin. Yun naman ang gusto mong mangyari, di ba? Hayaan na lang nating may lantarang gumagawa ng katiwalian sa harapan natin at manahimik na lang tayo at gawin ang sarili nating "contribution" sa ating bansa. For the sake of moving this country forward.

Or was it moving your career forward?

Ang hirap ng ginagawa niyo para sa tulad kong teacher. Sa totoo lang, napakahirap nang mag-explain sa mga estudyante kung bakit sila binabagsak pag nahuling nandaraya samantalang mandaraya yung nasa Malacañang ngayon.

Napakahirap magturo ng corporate governance at ethics sa aking mga estudyante kapag nakikita nila na yung nasa matataas na posisyon, napakaunethical tapos pinapalampas lang natin. Sabi nila sa akin "Sir, sa exam lang naman yan, theoretical lang, di ba?" Hindi naman daw kasi ina-apply sa totoong buhay.

Onga pala. Nagtatrabaho rin ako. Huwag mo namang sabihin na isipin ko naman kayong mga nagko-"contribute" sa national economy na para bang hindi ako nagko-contribute sa ating lipunan. Nagtuturo po ako ng accounting at finance sa isang kolehiyo na pang-middle class. Minsan, nagpopromote ng OPM sa aking mga sinusulat sa internet. Tumutugtog rin ng indigenous Philippine music para maipakalat ang yaman ng ating sinaunang kultura. Hindi sa nagbubuhat ako ng sariling bangko, pero gusto ko lang sabihin na hindi porke kritikal ako sa gobyerno ay wala na akong ginagawa para mag-contribute sa ating lipunan tulad "niyo."

At marami ring mga kasama kong tumatawag kay GMA na bumaba sa puwesto ay nagtatrabaho rin. Huwag mo namang palabasin na kayong mga nasa opisina lang na hindi lumalabas para magprotesta ang nagsusulong sa ating ekonomiya. Kasi kami, nagtatrabaho rin. Yun nga lang, nakakahanap pa rin kami ng panahon na makialam sa mga nangyayari sa ating lipunan kasi concerned kami sa klase ng lipunan na iiwan natin sa mga susunod na henerasyon. Ikaw, nakakahanap ng panahong mag-Starbuck's, manood ng Big Brother, mag-chat at magpalamig sa iyong airconditioned na kuwarto. Pero wala kang panahong makialam.

Kung ang kontribusyon mo sa ating demokrasya ay manatiling tahimik kahit na nakikita niyo nang may katiwalian na nangyayari, pasensiya na. Kayo na lang ang mag-contribute sa ganyang paraan. Akala ko naghahanap ka ng moral leadership? E bakit pag may ginawang imoral sa harap mo ang iyong "leader," wala kang ginagawa?

Meron nga pala. Ikaw pala ay nagte-take ng moral high ground. Kaya ikaw ay nagpapatawad.

Ang post na ito ay inedit nang ma-trace na ang sulat na ito ay galing pala kay Bong Austero at hindi kay Melvin Mangada.

March 6, 2006

Ang Panimulang Solusyon: Eleksyon

Kanina, sumakay ako sa taxi at nakadaldalan si Manong Driver. Siyempre, tulad ng karamihan sa atin, naungkat namin ang usapan ng estado ng politika sa ating bansa. Nahihirapan daw siyang sumama sa panawagan sa pagbibitiw ni GMA. Ilang beses rin niyang minura si GMA sa aming usapan, pero dahil wala daw alternatibong inihahain sa kanyang harapan, parang wala naman siyang magawa. Pag bumaba si Arroyo, sinong papalit? Military junta? Si Susan Roces? Ang pinatalsik na natin dati na si Erap? Ang Hyatt 10?

Sabi ko kay Manong Driver, wala sa akin ang sagot kung sino ang dapat pumalit kay GMA. Ang sagot ay nasa ating lahat. Kung sino ang isasagot ng nakakarami, siya ang dapat mamuno sa atin.

Saan ba nag-ugat ang problemang ito? Sa pagyurak sa ating eleksyon. Sa isang demokrasya, ang eleksyon ang itinuturing na pinakasagradong political exercise. Sa panahong ito, nagkakapantay-pantay ang bawat isa sa atin. Mahirap ka man o mayaman, may posisyon o wala, edukado o walang napag-aralan, lalake o babae, lahat tayo ay may tag-isang boto. Sa panahon na sirain mo ang eleksyon, sa pamamagitan ng paggamit ng kaban ng bayan upang makakuha ng malaking bentahe sa kampanya, sa pamumudmod ng fertilizer funds, Philhealth Cards at iba pang uri ng suhol, at sa pandaraya at pagmanipula ng mga resulta para "maproteksyonan" ang boto, sinira mo na rin ang ating demokrasya.

Ito ang ipinaglalaban ko / namin ngayon - ang pagtatanggol ng integridad ng ating institusyong demokratiko. Mahirap kung palalampasin lang natin na may lantarang yumurak sa ating eleksyon sapagkat ito ay magbibigay ng isang nakakatakot na precedent. Kung sakaling sa ating hinaharap, may isang kandidatong mandaraya rin at gagamit rin ng pondo ng bayan upang makuha niya ang minimithing posisyon, magkakaroon pa ba tayo ng moral authority na sabihan siya na siya ay mali kung si GMA mismo ay hahayaan lang nating mamuno sa atin kahit na kaduda-duda ang kanyang electoral mandate?

Paano nating ipapaliwanag sa mga bata na ang pagpapatalsik kay Marcos at kay Erap ay simbolo ng ating laban sa korupsyon at pagtatanggol sa ating demokrasya, kung si GMA, na mas malinaw pa ang ebidensya, hindi lamang sa dokumento at sa testimonya ng mag testigo kundi pati na rin sa kaniyang mga aksyon na nagpapakita ng presumption of guilt (cover-up, apology, gag orders), ay hindi natin lalabanan?

Totoo na maraming mga oportunistang umaaligid sa ating paligid. At totoo na marami pang kailangang baguhin sa ating sistema upang magkaroon ng tunay na makabuluhang reporma. Pero bago ang lahat, ibalik muna natin ang integridad ng ating demokrasya. Huwag nating hayaan na isang nandaya sa eleksyon ang mamuno sa atin.

Wala sa military junta, caretaker government o kung sino pang messiah ang solusyon dahil sila ay hindi pinili ng mga tao. Iyun nga ang ugat ng problema, di ba? Tayo ay pinamumunuan ng isang taong sinira ang ating electoral process at walang malinis na electoral mandate. Ang kailangan natin ay isang pinuno na walang dudang hinalal ng taumbayan.

Kaya ang panimulang solusyon: isang eleksyon na ating tututukan at ipaglalaban na mapanatiling malinis. At kung sinuman ang manalo, basta't may malinis na mandate ng nakararami sa ating bansa, siya ang dapat mamuno. Doon natin sisimulan ang pagbabago.

Oo nga pala. Sabi ni Manong Driver, sasama na raw siya sa rally. Basta siya ay nakaboundary na.

March 4, 2006

Para sa aking mga minamahal na estudyante sa FEU

Ano ang kaibahan ng .edu.ph na website sa .com.ph na website ng school natin?

http://www.feu.edu.ph

http://www.feu.com.ph

Interesting, hindi ba?

Kailan kaya ia-update yung .com.ph na web site? Balita ko aabot na raw ng kalahating bilyong pesos ang ating net income.

Akala ko pa naman naghihirap na ang Pilipinas. Parang symbolic rin pala ito na mayaman naman pala tayo as a whole, wala nga lang sa ating mga bulsa yung pera. Nasaan?

Tawag ka sa +(632)735-5621.

Politics of indifference?

Maingay. Bayaran. Oportunista. Ito ang mga label niyo sa aming mga lumalaban ngayon kay GMA.

Nakakalungkot isipin na ang mga label na ito ay hindi pa nanggaling sa mga lantarang kakampi ni GMA. Ito ay galing sa mga "concerned" na mga tao tulad niyo na dahil sa pagmamahal raw sa Pilipinas ay gusto nang matigil ang kaguluhan sa bansa natin.

Totoo na may mga oportunista naman talaga sa oposisyon, lalo na sa hanay ng mga politiko. Pero mas marami sa aming mga nagiging aktibo sa pagkilos ay nariyan dahil sa pagmamahal sa bansa. Dahil ayaw naming iwan sa mga susunod na henerasyon ang isang Pilipinas na itinatrato nang normal ang korupsyon, ang pandaraya sa eleksyon, at ang pag-violate sa mga karapatang pantao. Dahil ayaw naming maniwala na hindi na maaaring mabago ang kalakaran ng pamumuno sa Pilipinas, na ang mamamayan ay walang magagawa, at ang lahat na lang ng gustong manamantala sa atin ay magagawa ito nang lantaran at walang oposisyon.

Minsan, nasasabihan niyo pa kami na uhaw sa kapangyarihan. Na di kami makapagtiis na makatikim ng posisyon sa gobyerno. Ngunit hindi naman namin sinasabi na kami ang dapat maupo sa gobyerno. Ang sinasabi lang namin ay walang karapatang maupo sa gobyerno ang isang taong di marunong gumalang sa boto na sagrado sa isang demokrasya.

Hindi naman namin sinasabi na patalsikin si GMA at kami ang papalit. Ang sinasabi namin, patalsikin si GMA, ireporma ang COMELEC at mag-eleksyon uli. Kung sino ang manalo, administrasyon man o oposisyon, basta naging malinis ang eleksyon, siya ang dapat mamuno. Ipinagtatanggol lang naman namin ang isang tunay na demokrasya.

Nakikinig kayo sa mga panawagan ni Donald Dee na sinasabi niyong boses ng mga negosyante sa bansa. Pero alam niyo ba na nakikinig rin kayo sa boses ng kumpare ni GMA kasi inaanak ni GMA ang isa sa mga anak ni Dee? Naniwala kayo agad na justified ang PP 1017 dahil lamang sa pahayag ng Malacañang na mayroong coup attempt na nakabase sa mga intelligence reports na hindi naman suportado ng kahit anong dokumento. Pero sa pandaraya sa eleksyon ni GMA, ayaw niyong maniwala dahil sabi niyo walang ebidensya kahit na mayroong Hello...Garci?! tapes, may authentication sa voice analysis na ginawa ng PCIJ, may confirmation ng mga events na dinetalye sa tape ayon sa imbestigasyon ng internationally respected na Newsbreak magazine, may ethnomethodological analysis na ginawa si Randy David, may NAMFREL report na may dayaan na noon pa lumabas pero hindi lang agad pinansin, may cover-up na ginawa ang pamahalaan (Ruado tapes) na isang presumption ng guilt, may apology ang accused party (I am sorry) kahit na hindi nilinaw kung ano ang hinihingan ng tawad, at may bogus impeachment complaint na finile sa kongreso at sinuportahan ng administrasyon para maharang ang tunay na impeachment complaint.

Let's move on...Magtrabaho na lang tayo...To hell with politics...Parepareho lang naman iyang mga politiko kaya wala akong pakialam...Mamamatay rin yung mga yan pagtanda natin...Wala na bang good news? Ano pa bang variation ng argument na ito ang ikinakalat niyo ngayon?

May bagong term pa nga akong naririnig ngayon: politics of indifference. Mukhang pinapalabas niyo pa na ang apathy ngayon ay isa nang principled stand.

Paanong naging paninindigan ang kawalan ng konkretong posisyon sa mga relevant social issues? Paanong naging pagmamahal sa bansa ang di pagsalita sa lantarang paggamit ng kaban ng bayan sa pansariling interes, sa lantarang pagsikil sa karapatan ng mga mamamayan nito, at sa lantarang pagsira sa mga institusyong demokratiko para lang mapanatili ang hawak sa kapangyarihan?

Sabi niyo may pakialam kayo. Pero paano mo masasabing may pakialam ka, kung hindi ka nakikialam?

Mahal mo ba ang bansa o mahal mo lang ang sarili mo?

March 1, 2006

Tahimik

Ngayon lang ako hindi naging "active" simula nang pumutok yung PP 1017. Pumunta kasi ako sa PBSP, nagpainterview. Tapos kumain ako ng Ojingo Gui at siyempre ang aking paboritong Kimchi. Tapos nanood ako ng Fearless, ang huling martial arts film ni Jet Li. Tapos bumili ako ng libro, yung Blink ni Malcolm Gladwell. Tapos eto ako ngayon, nag-aaral, nagsusulat, naghahanda para sa turo bukas.

Ang tahimik ng araw na ito.

Sa sobrang tahimik, nababagabag ako. Parang may dapat akong gawin, pero di ko ginagawa.

Ganun pala pag nagsimula ka nang makialam. Parang nakakakonsensya nang matahik kahit isang araw lang.