September 30, 2006

Salamat sa NCLEX?!

Minsan may mga problema na hindi black and white. Inaabot nang matagal ang pag-isip ng solusyon dahil napakaraming factors na kailangang i-consider.

Ang nursing board exam leakage ay hindi isa sa mga problemang iyon.

Simula nung pumutok ang balita, malinaw na ang solusyon sa problemang ito. Malinaw na hindi puwedeng agad agad na itratong valid ang resulta ng exam dahil may leakage. Malinaw rin na hindi puwedeng i-invalidate lang ang mga tanong na nag-leak dahil ito ay substantial portion ng exam at hindi magiging tunay na measure ng competence ang recomputed na score. Malinaw rin na maraming nakinabang sa leakage ngunit ito ay concentrated sa iilang review centers at sa iilang nursing schools lamang.

Kaya ang tamang solusyon ay i-invalidate ang resulta ng mga pumasa na nag-aral sa mga review centers at nursing schools na nakakuha ng leakage at pakuhain uli sila ng portions ng exam kung saan nagkaroon ng leakage.

Ngayon ay nagutos na ng retake ng nursing exam si GMA. Gusto ko sanang maniwala sa sinabi niya na ang solusyon na ito ay naabot niya dahil gusto niyang protektahan ang integridad ng profession, pero bakit inabot ng apat na buwan bago niya makita ang obvious na kasagutan? Ito ba ay dahil ang nakapagkumbinsi naman talaga sa kanya na magutos ng retake ay hindi ang kanyang concern sa mga nurses kundi ang dolyar na maipapasok nila pag sila'y nasa abroad na? Bakit naisip lang niya ang solusyon nang siya ay kausapin na ng isang NCLEX representative, gayong ang ideya ng retake ay matagal nang ibinabandera ng mga deans ng nursing schools at iba pang awtoridad mula sa nursing profession?

Ang masaklap pa rito ay mukhang hindi rin pinagisipang mabuti ang kautusang ito dahil all signs point towards a blanket retake. Alam na kung saan nagmula at kung saan napunta ang leakage, pero lahat pa rin ay pakukunin. Maging ang mga bumagsak ay pakukunin ng retake gayong common sense naman na ang leakage ay nakakadagdag lamang sa bilang ng pumasa at hindi sa bilang ng bumagsak!

Retake ang sagot sa problema ng nursing exam leakage. Ngunit ang retake na ito ay dapat focused sa mga nakinabang lamang sa leakage. Hindi dapat parusahan ang mga walang kasalanan. Isa pang mahalagang punto na dapat pansinin ay half-baked ang solusyon na inihain ni Gloria dahil ito ay patungkol sa mga estudyante lamang. Paano na ang mga government officials, review centers at nursing school officials na nag-conspire upang sirain ang integridad ng licensure exam na ito? Hindi ba't sila ang may mas malaking kasalanan sa katarantaduhang ito?

September 27, 2006

This is not the U.S.S.R. (this is not the Kremlin show)

Kanina, sa harap ng National Press Club, ay idineklara ni GMA na tayo ay isa nang Second World country.

Huwaaaaatttt???!

Ang Pilipinas, na ang mga polisiya ay sumusunod sa free market doctrine ng neoliberal economics, na isa sa nangungunang promotor ng globalization, na sunud-sunuran sa kahit anong sabihin ng IMF, WB, G8 at WTO, na ang environment ay hostile sa mga makakaliwa, ay kasama na sa Second World na ang ekonomiya ay naka-pattern sa "planned economy" ng Cold War-era na Soviet Union?

Hay naku, nasaan ba ang mga proofreader mo Gloria?

September 26, 2006

With special Pinoy dressing!

Sa labas ng isang kilalang kolehiyo sa U-Belt, may isang tarpaulin na umagaw sa aking atensyon. Ok lang naman na ipromote ang entrance exam at ang schedule nito, pero tama ba naman itong nabasa kong naka-highlight:

"Each examinee gets a free Burger McDo meal!"

Naalala ko tuloy yung isang school na namimigay ng libreng SIM card sa first 100 enrollees. At yung isang computer institute na nago-offer ng mga "combo" kung saan mas magmumura ang tuition per unit kapag nag"add on" ka ng mga subjects na offered sa isang menu.

Haaayyy, talagang mapapailing ka na lang...

September 25, 2006

Revelation

Matagal ko na itong gustong tanungin...bakit natapos ang Christian Bible sa Revelations? Bakit wala nang update? Bigla na lang bang nawala ang mga propeta? Nawala na lang ba ang inspirasyon na binibigay ng Diyos para maisulat ang kanyang salita?

Hindi lang sa Christianity ito applicable, pero sa lahat halos ng organized religion. Halimbawa, nang mainstitutionalize na yung Judaism, tumigil na ang update sa kanilang bibliya kaya hanggang Old Testament na lang sila. Nang mainstitutionalize ang Christian church, tumigil ang update sa kanilang bibliya at natapos sa Revelations. Ganun din ang Koran, na tumigil ang update nang mainstitutionalize ang Islam.

Ang nakaraang ilang daang taon ba ay period of irrelevance sa mga organized religion? Bakit hindi na sila, hindi na tayo, nakasama sa salita ng Diyos?

September 24, 2006

Ang haba na ng hair mo

Maximo OliverosNung isang taon ko pa binalak na panoorin ang critically-acclaimed na pelikulang Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros. Pero dahil laging kulang ako sa oras, hindi ko ito nagawa. Buti na lang, nagkaroon ng rerun nito sa mga sinehan sa SM. Ngayon naman ay di ko na ito pinalampas.

Madalas na feature sa isang pelikulang Pinoy yung pagkakaroon niya ng "big moment." Yung scene na sumisigaw ng "Anggalingnamingumartedapatmanalokamingaward!!!" Madalas naman, maganda nga yung scene na iyon, pero pag natapos na ang pelikula, yun na lang ang maaalala mo. Mapapaisip ka na lang na sana, ganun kaganda yung buong pelikula.

Iba yung naranasan ko dito sa Maxi. Habang nanonood ako, hinihintay ko yung "big moment" na inaasahan ko. Pero hindi siya dumating. Dahil hindi ito ang usual na pelikulang puno ng hysteria at melodrama. Hindi niya pinipilit na ipasok sa kukote mo na siya ay karapat-dapat na manalo ng award. Maganda ang kaniyang pagkakahabi. At nang matapos ang pelikula, nagsink-in sa akin na "Wow, ang ganda." Ito ay isang kaso kung saan the whole is much much more than just the sum of its parts. Ang Maxi ay isang magandang pelikula, hindi lang isang pelikula na mayroong isang magandang eksena.

Sinira ng Maxi ang ilang mga myths at conventions sa pelikulang Pinoy. Una, na kailangan ng malaking budget para makagawa ng isang magandang pelikula. Kasalukuyang nagpapataasan ng gastos ang mga mainstream outfits sa kanilang mga ipapalabas sa Metro Manila Film Festival. Pero narito ang Maxi, na pinroduce sa budget na halos kalahating milyon lamang, at siya na ang ilalaban natin ngayon sa Oscars.

Pangalawa, na kapag drama ang pelikula, kailangan mo ng isang magaling na aktres na bida. Hindi niyo ba napapansin na sa mga Filipino film awards, ang laging huling tinatawag (ang grand finale) ay yung Best Actress at hindi ang Best Picture? Dito sa Maxi, walang pang-best actress material, pero hindi siya kinulang sa effective dramatic performance.

Pangatlo, na kailangan ng big name na mga artista para magdala ng magandang pelikula. Sino ang pinakasikat na artista sa pelikulang ito? Si...Kuya Bodjie. Maiksi pa nga ang kanyang role dito.

Pang-apat, na kapag tungkol sa isang bakla ang pelikula, ito ay dapat umikot sa discrimination at empowerment. Nope, no such gay activism here. It is empowering in that it portrayed Maxi in a positive light, but it does not predictably go down the path of showing gays being oppressed and that the world around him/her is being so freaking unfair because of his/her gender.

Panglima, na kapag "indie" film na Pinoy, dapat malalim, radikal, kakaiba at di madaling ma-gets. This is definitely not a Lav Diaz film. Walang mga mabulaklak at malalim na linya na yung mga nakapag-Master's degree lang ang makakaintindi. Walang mga maalog na shots na nagbibigay daw ng alternative and raw feel sa pelikula. Walang ring choppy editing na nagbibigay naman daw ng third-world feel at wala rin yung mga kahol ng aso na lagi mong maririnig kapag slum area ang setting ng pelikula. Hindi nagpilit magpaka-indie ang Maxi para palabasing maganda siya at kakaiba sa mainstream na pelikulang Pilipino.

Nang matapos ang pelikula, nalungkot ako. Apektado kasi ako sa pelikula at hindi ko ma-process kung happy ending ba o sad ending yung pelikula para sa akin. Pero ang isa pang ikinalungkot ko ay sa buong panonood ko, pipito lang kaming nanonood sa loob ng sinehan. Hindi naman kailangang makaabot sa finalsist sa Oscars ang pelikulang ito para ma-validate na maganda siya, pero hinihiling ko na rin na ma-nominate siya para lang magising ang maraming mga Pinoy na isang obra na naman ang pinapalampas nila.

----------
Oo nga pala. Mag-aaral na nga pala akong sumipol...

September 21, 2006

Mayro'ng isang aso...

Kahapon ay ipinasa ng Mababang Kapulungan ng ating Kongreso ang House Bill 4701. Layunin ng panukalang batas na ito na italaga ang English bilang medium of instruction sa lahat ng paaralan sa buong Pilipinas simula Grade III pataas.

Maliban sa pagrequire na gamitin ang English sa pagtuturo sa loob ng classroom, "encouraged" rin ng panukala na ito ang paggamit ng English bilang "language of interaction" sa loob ng paaralan. Dagdag pa rito, "in school publications, the use of English shall be given priority as far as practicable."

Kung magiging batas ang panukalang ito, paano na kaya kapag magtuturo ka na gamit ang Filipino o kaya ang vernacular bilang medium of instruction? Magmumulta ka ba? Ipapasara ba ang paaralan? Isususpinde ka ba sa pagiging guro?

Ang panukalang batas na ito ay isa lamang parallelism sa government policy kung saan ang ekonomiya ay binubuhay ng foreign investments, ng pag-utang sa ibang bansa, at ng pag-export ng mga Pilipino abroad. Imbes na pagyamanin ang ating kapabilidad upang maging self-sustaining, tinatahak natin ang "mas madaling" daan na pagiging dependent na lamang sa ekonomiya ng ibang mga bansa. Ang solusyon sa problema ng kawalan ng trabaho ay ang pagpapadala ng ating mga mamamayan sa ibang bansang may trabaho. Ang solusyon sa problema ng kawalan ng malalakas na industriya ay ang pagpapa-outsource natin sa industriya ng ibang mga bansa, kung saan ang bentahe natin ay pumapayag tayo na magpabayad ng mas mababang suweldo.

Sa aking mahigit apat na taon na pagtuturo ng accounting, Filipino talaga ang ginagamit kong medium of instruction, kahit na may English-speaking policy sa aming unibersidad. Dahil sa ginagawa kong ito, tinatawag akong radikal at aktibista. Pero sa totoo lang, ginagamit ko ang Filipino hindi dahil sa isang misplaced sense of nationalism kundi dahil naobserbahan ko na mas madaling natututo ang mga estudyante kung gamit ang wikang mas komportable sila. Ang pagkatuto ay hindi nagmumula sa pakikinig ng isang technical na lecture kundi sa isang interaction at palitan ng mga ideya, at ito ay mas napapadali kapag ang ginagamit na wika ay ang wikang ginagamit sa araw-araw. Di ba common sense iyon? Ano ang pagiging radikal dun?

Madalas tinatanong ako, paano mo tinuturo ang accounting sa Filipino gayong maraming mga terminolohiya na English at walang katumbas sa Filipino? Ang tanong na ito ay bunga sa isang maling assumption na ang wikang Filipino ay hindi organic, frozen in time (specifically, pre-1900s) at di na maaaring yumabong. Marahil ang karamihan sa atin ay di naiisip na mahigit kalahati ng bokabularyo ng wikang English ay hiniram lamang mula sa ibang mga wika. Kahit nga sa wikang Tagalog ay nanghiram ito!

At iyon na nga siguro ang ugat ng lahat ng usaping ito. Mayroon tayong inferiority complex pagdating sa ating wika. Kitang kita ito sa patuloy nating pagtawag sa iba't iba nating mga wika tulad ng Tagalog, Kapampangan, Cebuano, Hiligaynon at Ilokano na mga dialects, gayong ang katotohanan ay mga full-blown languages ang mga ito. Ang masaklap sa sitwasyong ito, marginalized na nga ang wikang Filipino dahil sa mas mababang pagtingin dito, gagawin pa nating institutionalized ang kanyang marginalization dahil ito ay isasabatas na natin.

Wala namang masama sa pag-aaral ng English. Malaking tulong talaga siya sa pagtuklas ng mga kaalaman galing sa ibang bansa at sa pakikipag-usap sa mga kapatid nating banyaga. Ngunit hindi ito dapat magresulta sa marginalization ng sarili nating wika. Hindi dapat palabasin na hindi tamang ituro ang kasaysayan, agham, math, music, P.E, health, THE, humanities, atbp. na gamit ang wikang Filipino. Hindi dapat palabasin na ang English ay mas angkop na gamitin sa pakikipagtalastasan kapag academic ang setting. Hindi dapat palabasin na ang mga publication na nasusulat sa Filipino ay second-class sa publication na nasusulat sa English.

Dapat may kalayaan tayong pumili kung anong wika ang mas angkop na gamitin upang mas maunawaan ang mga bagay na hindi lang naman sa wikang English natututunan. Dapat may kalayaan tayong pumili kung anong wika ang mas angkop na gamitin sa pagpapahayag ng ating mga kaisipan at damdamin habang nasa loob ng paaralan. Dapat hindi maging labag sa batas ang paggamit ng wikang hindi English sa pagtuturo at sa pagkatuto.

Ito ang kuwentong Pilipino. Imbes na ipagmalaki ang kayumangging balat, magpapaputi na lamang. Imbes na pagyamanin ang sariling mga produkto, proseso at ideya, mag-iimport na lamang. Imbes na paghirapan ang proyektong buuin ang bansang Pilipinas, mangingibang-bansa na lamang. Imbes na paghirapang buuin ang identidad na Pilipino, magpapalit citizenship na lamang. Imbes na paghirapang pagyamanin ang sariling wika, magpapalit-dila na lamang.

September 20, 2006

Democracy destroyed?

Ngayong nagkaroon mg isang military takeover sa Bangkok, Thailand, humirit na naman ang ating mga paboritong "tagapagtanggol ng demokrasya."

Ayon sa U.S.:

"We continue to hope that the Thai people will resolve their political differences in accord with democratic principles and the rule of law."

Ayon naman sa Australia:

"We deeply regret the fact that such a coup has taken place; obviously to see democracy destroyed in that way is a matter for grave concern to us,"

Sa pagkakaalam ko, ang demokrasya ay pagbibigay ng kapangyarihan sa mga tao na magpasya kung anong landas ang tutunguhin nila bilang isang bansa o isang estado. Ang demokrasya ay pagkakaroon ng government of the people, by the people, and for the people. Totoo, ang Thai military muna ang nag-takeover sa gobyerno nila sa coup na ito, pero ito ay bunga rin ng isang popular uprising na suportado ng karamihan ng mga Thai.

"Across the capital, Thais who trickled out onto barren streets welcomed the surprise turn of events as a necessary climax to months of demands for Thaksin to resign amid allegations of corruption, electoral skullduggery and a worsening Muslim insurgency. Many people were surprised, but few in Bangkok seemed disappointed.

Sabi ng ating mga "democratic superpowers" na ito ay isang step backward sa demokrasya ng Thailand. Malamang totoo nga ito kung gagamitin natin ang depinisyon nila ng demokrasya kung saan ang general populace ay nae-exercise ang kapangyarihan sa pagpili ng leader ngunit wala namang magawa pag tapos na ang eleksyon sa pagbuo ng kanilang public policy. Tingnan mo naman ang American government kung saan karamihan ng tao ay ayaw nang ituloy ang U.S. occupation sa Iraq pero wala pa ring paki si Bush at ang kanyang mga kachokaran. Iyan ang kanilang model ng "demokrasya".

Di ko alam kung ano ang kahihinatnan ng mga pangyayari ngayon sa Thailand, pero sa mga nakikita kong footages at pictures at sa mga nababasa kong balita, masaya ang mga tao sa nangyaring uprising. Tahimik, mapayapa, at may mga nagpapapicture pa nga sa tabi ng mga tanke. Nakadilaw pa sila (buwiset!) at mukhang suportado ng kanilang constitutional monarch / hari.

Ewan ko, but doesn't it feel so...democratic?

----------
Isang pasintabi nga pala. Di ba sabi ng mga proponents ng parliamentary form of government na mas madali raw mag-alis ng unpopular leader kung parliamentary at hindi na raw kakailanganin ang mga uprising na ganito? E bakit...?

Hmmmm...nagtatanong lang naman. Paging the Legion.

September 19, 2006

Yellow

Ayaw na ayaw ko ng kulay dilaw.

Kung gusto mo akong asarin, bigyan mo ako ng damit na dilaw. Dilaw ang kulay ng damit ko nung naging boy scout ako. Excited pa naman akong maging boy scout nun, kasama na yung napopormahan ako sa kanilang mga green uniforms. Pero hindi. Talagang kailangang makasama pa ako sa unang batch ng boy scouts na dilaw ang uniform.

Sa sobrang ayaw ko ng dilaw, natutunan kong mahalin ang hilaw na mangga imbes na hinog. Ang intermediate pad at hindi ang yellow pad. Ang cool blue na Gatorade at hindi ang lemon lime.

Nakakatanga na nga yung sobrang obssession ko na mainis sa kulay dilaw. Nung nagsimula akong mahook sa X-Men na komiks, hindi si Wolverine ang naging paborito kong character kahit na ang porma ng personality at powers niya kasi nakadilaw siya. Naging paborito ko tuloy si Cyclops, kahit na boring siya dahil good boy. At least di siya nakadilaw.

Pitong taon ang nakakaraan, may nagbigay sa akin ng isang sulat. Yellow paper ang ginamit niya. Gusto ko sanang mairita, kasi kulay dilaw. Pero dahil sa sulat sa dilaw na papel na ito, nagbago ang aking buhay at napuno ng kulay.

Walanghiya. Ang korni.

Ayoko pa rin ng dilaw. Pero gumagamit na ako ngayon ng yellow pad.

September 12, 2006

September 11, 2001: Isang alaala

Ako ay nasa SGV pa nun. Nagoovertime. Sumilip lang ako sa internet, pampawala ng antok. Tapos lumabas sa Yahoo! ang picture ng World Trade Center, nag-aapoy dahil sa tumamang eroplano. Ang headline pa nga sa umpisa ay hindi pa sigurado kung terrorist attack ang nangyari. Pero nang tumama na ang ikalawang eroplano, di na maikakaila na ito ay hindi isang aksidente lamang.

Napaka-surreal ng panahon na iyon. Pinipilit kong kunin ang atensyon ng mga kasama kong workaholic, pero parang...wala silang paki. Ewan ko ba. Maya't maya'y napapatitig ako sa labas ng salamin sa office, tinatanaw ang mga eroplanong dumadaan. Liliko kaya iyon at babangga sa isang building sa Makati? Sana hindi sa building namin. Kungsabagay, bakit ba naman nila gagawin rin dito yun sa Pilipinas? Ano ba naman tayo, isang third world country lang. Tapos bigla kong naalala ang Rizal Day bombings sa atin.

Umuwi ako na maraming tanong na umiikot sa aking isip. Maya't maya'y tumitingala ako sa langit, tinatanaw uli ang mga eroplano, tinatantiya kung pababa sila't pabagsak. Pagdating ko sa bahay, bukas pa ang TV. Madaling araw na pero gising pa ang tatay ko.

"Akala ko kanina, pelikula lang. Totoo na pala," sabi niya.

Sa mga araw na sumunod, kasama ako sa nakigunita. Bumili ng mga 9-11 tributes, partikular na yung mga fund-raising comic books na Heroes at Moment of Silence. Pero isa rin ako sa maraming nakaaway sa internet, partikular na ang mga Amerikano, nang aking tanungin, "Bakit? Why did this happen? What drove these extremists to commit suicide and ram planes into the World Trade Center?"

"That's fucking insensitive...totally out of line...you're just like them, a terrorist...can't you see they're pure evil?" ang kanilang mga sagot.

Pure evil daw. Ang mga terorista ay nagpakita ngunit tinanggalan ng mga mukha. Nagpakilala sa mundo ngunit tinanggalan ng mga pangalan.

Sumabog ang mga bomba sa Afghanistan at sa Iraq. Sumabog ang mga bomba sa Israel, sa Palestine, sa Gaza Strip, sa Lebanon. Sa gitna ng mga pagsabog, ang tindi ng kaguluhan, hanggang sa di mo na malaman kung sino ang mga terorista, sinong hindi terorista, sinong masama, sinong mabuti, sinong may Diyos, sinong walang Diyos, sinong gumagamit sa Diyos, sinong tama, sinong mali, sinong kakampi, sinong kaaway...

Limang taon ang lumipas, at di ko mawaglit sa aking isipan ang aking orihinal na tanong. At di ko maiwasang isipin na ano nga kaya ang nangyari kung sinagot muna natin kung bakit.

Heroes

September 9, 2006

A culture of cheating

Ang pinakakataka-takang aspeto sa kontrobersya sa June 2006 nursing board exam ay ang pananatili pa rin nitong isang kontrobersya kahit Setyembre na ngayon.

Ang hirap isipin na ang isang institusyong tulad ng PRC, na siyang nangangasiwa sa lahat ng professional licensure exams sa Pilipinas, ay walang contingency plan o kaya'y guidelines man lang kung anong gagawin sakaling magkaroon ng exam leakage. Mas mahirap ring isipin na kung meron man silang guidelines sa ganitong mga pagkakataon, ang sinasabi rito ay i-adjust na lamang ang computation ng exam scores at i-honor ang magiging resulta kahit na halos 100% ang nag-leak sa isang component ng exam.

Napaka-counter-intuitive ng sinasabing solusyon na nahanap ng PRC. Nang kanilang i-adjust ang mga scores gamit ang kanilang bagong formula, ipinagmalaki pa nila na mas marami pa ang pumasa kaysa dun sa naunang listahan na kanilang inilabas. Hindi ba't kung natanggal mo ang epekto ng leakage, dapat nga mas mababa pa ang bilang ng papasa dahil yung mga nakapasa lamang dahil sa leakage ay malalaglag at babagsak?

Madali lang naman ang solusyon rito e. Una, i-compute ang exam scores nang walang adjustment at dun kilalanin ang mga pumasa. Pangalawa, sa mga listahan ng pumasa, kilalanin kung sino ang mga nag-aral dun sa mga review schools na nagkaroon ng leakage at dun sa 22 nursing schools na ang mga deans ay nagsidalo sa "coaching session." Ikatlo, i-require na magretake yung mga nasabing estudyante dun sa exam components na nagkaroon ng leakage at dun idetermine kung sila'y karapat-dapat ngang pumasa. Ikaapat, parusahan ang mga salarin: idemanda yung mga opisyal na siyang pinanggalingan ng leakage, tanggalan ng lisensyang mag-operate ang mga review schools na naglabas ng leakage, at tanggalan ng lisensya o kaya ay ipagbawal sa pag-offer ng nursing course nang isa hanggang limang taon ang mga nursing schools na sangkot sa iskandalong ito.

Ang problema talaga ay ang kawalan natin ng conviction na magkaroon ng isang solusyon na magbibigay ng sapat na closure sa issue. Dahil ba mas marami pang taong madadamay at ito ay "tip of the iceberg" lamang sa mas malaking kontrobersiya hindi lamang sa nursing board exam kundi sa buong licensure exam process ng PRC? Dahil ba lalabas rito ang level of incompetence ng mga undergraduate schools pag nagkaalaman na kung ano ang "totoong" passing rate kung walang mga leakage at tips sa mga review centers? Dahil ba masisira nito ang initiative ng gobyerno na i-promote ang nursing sector bilang flagship program sa pagbuhay ng ating ekonomiya na ang inaasahan na lamang ay ang pag-export ng mga Pilipino sa ibang bansa para makapagpasok ng dolyar?

O dahil ba ang pagbigay ng tamang resolusyon sa issue na ito ay inconsistent sa di natin pagharap sa mas malalaking issue ng pandaraya ng mga politiko sa eleksyon, ng pandaraya sa pagbabayad ng buwis ng mga businessmen, ng pandaraya ng mga recruitment agency sa kanilang mga recruits, ng pandaraya ng mga nagtitinda sa palengke sa kanilang timbangan, ng pandaraya ng mga paaralan sa edad at credentials ng kanilang mga varsity players, ng pandaraya ng mga taxi driver sa kanilang metro, ng pandaraya ng mga empleyado sa pagrecord ng kanilang time-in / time-out at pagliquidate ng kanilang mga ginastos sa field work, atbp.? Talaga bang tatanggapin na lang natin na tayo ay nabubuhay sa kultura ng pandaraya at wala na tayong dapat gawin rito?

Ang pandaraya ay pagtakas sa hirap na kailangang pagdaanan upang maabot ang gustong makamtan. Ito ay isang short-cut. Ang problemang dala ng pagshoshort-cut ay mareresolba ba ng isa ring short-cut na solusyon?

Hindi.

Magretake ang mga nakinabang, parusahan ang mga may kasalanan.

September 2, 2006

Balik tambayan

Noong nakaraang Abril, nang magsimula ang isang bagong "yugto" sa aking buhay, iniwan ko ang tambayan na ito. Ginawa ko ito as a symbolic act. Na dahil sa aking magiging mga bagong karanasan sa bagong mundong aking gagalawan, ako ay muling sasaksi ngunit gamit na ang bagong mga mata. Ako ay muling magkukuwento ngunit gamit na ang isang bagong boses.

At nagbago na nga ang aking buhay. Iba na ang nature ng aking trabaho. 8 am - 5 pm na ang pasok ko araw-araw. Di na umaabot ng Quiapo ang aking biyahe araw-araw, at sa halip ay hanggang Lawton na lang. Di ko na gaanong nakikita ang mga pirata ng Recto, ang mga batang high sa solvent na lang sa Intramuros. Mga bagong mukha na ang aking nakakasalimuha. May mga bagong pananaw akong nakikita. At may bagong mga aral na aking natututunan.

Pero sabi nga sa isang quote (na sabi nila kay Alphonse Karr daw galing), The more things change, the more they stay the same." Sa kabila ng lahat ng pagbabago na ito, Paeng pa rin akong mag-isip. Paeng pa rin kung magsalita. Paeng pa rin kung magsulat. Paeng pa rin kung magbigay at tumanggap ng opinyon. Paeng pa rin kung magdesisyon. Paeng pa rin kung kumilos.

E kasi naman, ako pa rin si Paeng.

At dito ako tumatambay.