January 28, 2009

This economic crisis ek ek

Pagbigyan niyo na ako kung magra-ramble ako nang kaunti. Medyo sumasakit kasi ang ulo ko sa economic crisis na ito.

Maraming nawawalan ng trabaho
kasi
nalulugi yung mga kumpanyang pinagtatrabahuhan nila
kasi
mahina ang benta ng mga produkto at serbisyong binebenta ng kumpanya
kasi
kaunti lang ang bumibili
kasi
walang pambili ang mga tao
kasi
wala silang trabaho

Teka, umikot na ako. Kung ganito ang pananaw natin sa krisis, mukhang ang solusyon ay job creation ng gobyerno sa pamamagitan ng mas malaking public spending (na magpapalaki ng deficit) o kaya ng mga bagong industriya (na hindi ko maisip kung paano mabubuhay kung wala ngang consumer spending).

Puwede rin namang ganito ang analysis:

Maraming nawawalan ng trabaho
kasi
nalulugi yung mga kumpanyang pinagtatrabahuhan nila
kasi
mahina ang benta ng mga produkto at serbisyong binebenta ng kumpanya
pero
ayaw isakripisyo ng mga executives ang kanilang libreng pabahay, pabakasyon, pakotse at iba pang perks kahit na mataas na ang kanilang mga suweldo
kaya
sorry na lang yung mga hindi executive

Kung ganito ang pananaw natin sa krisis, ang solusyon ay ibiting patiwarik ang mga gahaman na executives, este, patawan pala sila ng mas mataas na buwis, gawing mas progressive ang income at estate taxation system, at gawin ng gobyerno ang kanyang redistributive function hindi lamang sa taxation kundi pati sa land reform. Pero siyempre, asa pa tayo e yung mga kauri ng mga executives na ito ang nakaupo sa gobyerno.

Puwede ring ganito ang analysis:

Maraming nawawalan ng trabaho
kasi
nalulugi yung mga kumpanyang pinagtatrabahuhan nila
kasi
mahina ang benta ng mga produkto at serbisyong binebenta ng kumpanya
kasi
kaunti lang ang bumibili
kasi
natauhan na ang mga tao na luho lang pala yung binebentang produkto
kasi
wala nang perang panggastos sa luho ang mga tao
kasi
sapat na lang sa basic needs ang kita nila

Kapag ganito naman, parang nakakalungkot isipin na ang modern economy ay isang ekonomiyang lumago at nabuhay dahil sa luho. Napaka-wasteful kasi maraming surplus na production. Unsustainable kasi nakafocus sa output pero nakakaligtaan ang limitasyon ng scarce na input. Napakaunstable kasi ang economic activity ay sunud-sunuran lamang sa pabago-bagong kapritso ng mga tao. Kung ganito ang pananaw natin sa krisis, siguro dapat bigyang pansin ang pagpapalago ng mga industriyang tumutugon sa mga needs ng tao(food production, basic education and health services, basic housing). At dapat magkaroon din ng lifestyle change at turuan ang taong mabuhay ayon lamang sa pangangailangan niya.

Puwede ring ganito ang analysis:

Maraming nawawalan ng trabaho
kasi
nalulugi yung mga kumpanyang pinagtatrabahuhan nila
kasi
mahina ang benta ng mga produkto at serbisyong binebenta ng kumpanya
kasi
kaunti lang ang bumibili
kasi
walang pambili ang mga tao
kasi
kulang ang pera nila
kasi
nasanay na sila na tinutustusan ang gastos sa pamamagitan ng utang
at ngayon
hindi sila makautang
kasi
ayaw magpautang ng mga banko
kasi
wala silang perang maipautang
kasi
yung perang ipapautang sana nila, inilagay nila sa mga financial instruments na matataas ang pinangakong return
kasi
mataas rin yung hinihinging return ng mga stockholder
kasi
di makuntento ang mga stockholders sa kasalukuyan nilang yaman
e ang problema
ang mga financial instruments na mataas ang return, mataas ang risk
kasi
yung mga financial instruments na ito, inimbento na lang ng mga investment companies sa pamamagitan ng pagpapabango ng pangalan ng mga dati nang produkto (or in financial terms, securitization)
kasi
walang gustong bumili ng instruments nila kapag mababa lang ang return
kasi
yung mga investor hindi makuntento sa sa kasalukuyan nilang yaman
e ang problema
wala naman totoong value ang mga financial instruments na inimbento
kasi
ang totoong value, nanggagaling lang sa real economy (agriculture, manufacturing and industry, services, etc)
e ang problema
hindi naman lumalago yung real economy
kasi
walang nagiinvest dito
kasi
mababa daw yung return kumpara sa mga financial instruments ng investment companies
e ang problema
nag-invest lang sila sa papel
kaya
papel na lang ang naiwan sa investment nila

Sumakit ulo ko dun ah...

January 21, 2009

Padating na

Nagsara na ang Intel ng kanilang Philippine operations.  Ang Accenture naman, nagtanggal rin ng daan-daang "redundant" daw na employees.

Do not believe the political spin by the administration about our country's strong economic fundamentals shielding us from the global financial crisis. With all the "whoring" made to our country, marketing us as a prime outsourcing destination while neglecting the other domestic-market focused industries, it's only a matter of time before we catch a cold from the Western powers' big sneeze. Nandiyan na ang mga senyales. Nagbabadya.

January 20, 2009

Huwag sayangin ang "moment"

Ngayong gabi, sa kabilang dako ng mundo, naghahanda ang isang bansa para sa isang "historic moment."  Isang sandaling sinasabi ng marami ay nagbibigay ng liwanag sa panahon ng kadiliman.  Isang sandaling puno ng pag-asang maitatama ang mga mali ng nakaraan at malalampasan ang mga pagsubok na hinaharap.

Saktong walong taon ang nakakaraan, ang mga kahenerasyon ko dito sa ating dako ng mundo ay nagkaroon rin ng sarili naming "moment."  Ngunit ngayon, ang pagbabalik-tanaw sa mga sandaling iyon ay nagbibigay na lamang ng mapapait na alaala.  Minsan, ipinagkakanulo na nga ng ibang mga nakisama.  Tinatawag na itong isang pagkakamali na dapat ihingi ng paumanhin at pang-unawa.  

Nakakalungkot.  Nasa EDSA rin ako noon.  Alam kong hindi kami nagkamali sa aming ginawa ng mga araw na iyon.  Ang pagkakamali ay nasa aming ginawa (at lalo na ang mga hindi ginawa) sa mga araw pagkatapos ng aming "moment."  Nasayang...SINAYANG ang minsan lamang dumarating na pagkakataon na makapagsulong ng positibong pagbabago.

Ngayong gabi, papanoorin ko ang pagtatakda ng responsibilidad na mamuno sa pagsasakatuparan ng pangako ng pagbabago sa isang taong nakapagbigay ng inspirasyon sa marami.  Sana, hindi nila hayaang masayang ang "moment" na ito.  Sana ay huwag matulad ang "moment" na ito sa sarili naming "moment" walong taon ang nakakalipas.