October 29, 2006

The capitol that never was

Kagabi ay napanood ko ang replay ng The Explainer ni MLQ3. Madalas kong panoorin ang show na ito kasi para akong nasa klase, may teacher, tapos may nakakairitang estudyante na tanong nang tanong. Sa totoong buhay nga lang, madalas ako yung estudyanteng nakakairita sa klase. Hehehe. Kulang na lang sa show na ito ang mga gimik na madalas ginagawa ng mga teacher para hindi antukin ang mga estudyante para maging tunay na "classroom experience."

Heniweyz, ang latest episode ay tungkol sa capitol planning. Matagal ko nang iniisip kung bakit ang gulo gulo ng pagkakaayos ng ating mga national government offices. Ang MalacaƱang nasa Manila. Kapag pupunta kang Supreme Court, tatawid ka pa ng Ayala bridge at dadaan sa traffic ng Taft Avenue. Ang upper house ng congress nasa PNB Building sa Pasay. Ang lower house naman ay dadayuhin mo pa, na para kang nagfi-field trip, sa Batasan complex sa Quezon City.

Nakakatuwa (at nakakapanghinyang) na makita ang mga capitol plan natin na hindi naisakatuparan. OK yung Burnham Plan na ang set-up ay concentrated sa Rizal Park / Intramuros ang national capital. Simple, walang gaanong arte at nakagrid yung mga kalye sa Manila. Napaka-rational rin ang pagkakaayos ng mga government offices. Malapit sana ito sa academic center (U-belt) at malapit rin sa dating economic center (Escolta / Sampaloc). Pero inabandona ang planong ito dahil sa vulnerability ng lugar sa naval bombardment at dahil na rin sa nationalist tendency noon na kumawala sa mga pinlano ng ating mga colonial masters.

Pinaka-impressive sa mga capitol plans ang Quezon City. Ambitious, grandiose at talagang maganda't pinag-isipan. Pero sa umpisa pa lang, doomed to failure na ang project dahil balot na balot ito sa pulitika. Kaya pala Quezon Boulevard, Quezon Avenue at Quezon City ang naging pangalan ng mga lugar na ito para mas madaling makumbinsi si dating presidenteng Manuel Quezon na aprubahan ang plano. Dahil dito, madali ring nakompromiso ang plano nung namatay na si Quezon. Dagdagan pa ng profit-driven opportunism ng mga land speculators, ng pagiging self-serving ng mga politicians lalo na ang mga congressman, at ng kupad sa pagkilos ng gobyerno dahil sa kakulangan ng political will, nasayang ang magandang plano para sa Quezon City.

Paano kaya kung natuloy ang isa sa mga capitol plan na ito? Siguro mas magiging coordinated at efficient ang mga government agencies at branches. Siguro mas makakatipid rin ang gobyerno sa fuel, transportation, messengerial, office rent at ang pinakamalaking tipid sa lahat, ang per diem. Siguro mas magiging maayos ang residential plans ng mga government employees na balak maging career public servant. Dahil may geographical center ang political power, siguro magkakaroon rin ng geographical center ang civil society at mas magkakaroon ng synergy ang mga effort nila. Siguro mas madaling magexert ng public pressure through mobilization dahil magiging geographically concentrated ito. Mas madaling magkakaroon ng political alliances ang mga politiko dahil magkakalapit sila pero mas madali rin silang bantayan kasi nakatutok na lang ang mata ng mga nagbabantay sa iisang lugar.

Mababarikadahan kaya ng barbed wire at sundalo ang Office of the President kung ang ibang branches ng government ay maaapektuhan ng barikadang ito? Titirahin pa rin ba ng bumbero ang mga party-list congressman na kasama sa rally laban sa CPR kung katabi lang ng Office of the President ang Congress? Maeenforce kaya ang gag order na EO 464 kung katabi lang ng Office of the President ang Senado? Maipapasa kaya ng Lakas NUCD ang unilateral con-ass kung katabi lang nila ang Senado? Madali kayang mag-issue ng unconstitutional orders kung katabi mo lang ang Supreme Court? Mangyayari pa kaya ang dagdag-bawas kung ang tinatarantado mong kandidato at kalabang partido ay nasa kabilang building lamang?

1 comment:

sparks said...

I love it. I love this post. Tinatarntado. Heh. :)