
Kanina, pinatugtog ko ang Disc 2 ng
Eraserheads: Anthology. Bad trip, tumigil habang nasa kalagitnaan ng kantang
"Maselang Bahaghari". Mukhang may tama na yung CD ko. Ilang sandali lang, tuluyan nang tumigil yung CD at wala na akong mapatugtog na kahit anong track. Bad trip talaga. Nasa nostalgic episode pa naman ako.
----------
Ako ay kasama sa henerasyong lumaki sa awitin ng Eraserheads. Kung di ako nagkakamali, 3rd year high school ako nang i-release ang
Ultraelectromagneticpop sa market. Sa totoo lang, di ko agad pinansin ang mga kanta nila. Nung panahon kasing iyon, medyo bilib ako sa mga foreign acts lang - Queen, Metallica, Bon Jovi, Eraserheads, Guns and Roses, Extreme, Poison, Pearl Jam, etc. Ang "cheap" pa naman ng dating ng recording ng mga naunang kanta ng E-heads, walang walang panapat sa technically proficient na musika ng mga foreign bands.
Tapos, for some reason, binili ko yung ikalawa nilang album -
Circus. Wala lang, na-curious lang ako kung bakit parang bentang benta sila sa masa. Nung unang pakinig ko, may konting snobbish attitude. Kesyo hindi naman magaling mag-gitara sina Ely at Marcus. Kesyo masama ang boses ni Ely. Kesyo magaling nga sina Raymund at Buddy pero wala pa rin silang panama sa mga pinakamagagaling na bassists at drummers sa mundo.
Pero hayup. Na-hook ako. Hindi maalis ang mga kanta nila sa aking utak.
Tinamaan na ako ng Eraserheads magic.
Nun lang ako nakarinig ng mga kantang kumonek talaga sa akin. Hindi miminsang inisip ko na ang mga kanta nila ay pawang mga kanta ko rin. Sila ang nagmulat sa akin na hindi kailangang maging pinakamabilis mag-gitara o pinakamataas ang boses o pinakamalakas at komplikadong pumalo ng drums para maging magaling na banda. Ang galing ng isang banda ay nasa kanilang mga kanta at nasa pagdadala na rin ng kanilang mga kanta. At kakaibang mangusap ang mga kanta ng Eraserheads. Nakuha nila ang boses ng aking henerasyon at ito ay naipahayag nila sa mga awiting masarap sabayan at kantahin.
Exagerration man pakinggan, pero ang Eraserheads siguro ang nag-spark na nationalism ko. Totoo!!! Yun ang kauna-unahang beses na nabilib ako sa isang grupong Pinoy. Sila ang nagmulat sa aking isipan na maraming magagaling na Pinoy artistic talents. Pagakatpos ko silang mapakinggan, nun lang ako nakinig ng musika ng ibang bandang Pinoy tulad ng The Youth, Color-It-Red, Wolfgang, Yano at Rizal Underground.
Magmula nun, sinubaybayan ko na ang Eraserheads. Hindi naman ako naging panatiko, pero naalala ko na lagi ko silang inaabangan na lumabas sa Music Bureau sa Channel 5 at sa Band Stand sa Channel 13 (Band Stand ng ba yun? Sa Channel 7 yata ang Band Stand!). Pati sa Channel 29, inaabangan ko rin sila. Napanood ko sila sa kanilang concert sa aking high school alma mater - sa Paco Catholic School. Sila ang sumalubong sa aking pagpasok sa UP nang tumugtog sila sa Freshman orientation at sa Freshman concert. Mga kanta rin nila ang ginamit naming pangharana nung samahan namin ang isang kabarkada na manligaw dun sa may UP Bliss. At siyempre, di ko malilimutan yung nakipagsiksikan ako sa Sunken Garden nung nag-album launch ang
Cutterpillow. Ako yata ang no. 318 na nagkaroon ng
Cutterpillow sa Pilipinas!!!
(Naalala ko tuloy, nung album launch ng
Cutterpillow, may isang grupo dun ng babae na memoryado na yung lyrics ng mga kanta sa
Cutterpillow kahit na nun pa lang lumabas yung album. Kakaiba, panatiko talaga. Kahit yung rap ni FrancisM sa
"Superproxy" memoryado!!!)
----------
Ngayon, wala nang Eraserheads. Nabubuhay na lang sila sa mga CDs at cassette tapes sa bahay. Minsan, naiisip ko na bad trip, kinailangan pa kasi nilang maghiwahiwalay. Pero mabuti na rin yun kasi sa kanilang huling tatlong album (
Sticker Happy,
Natin99, at
Carbon Stereoxide), naramdaman ko na na nakukulong na sila sa pagiging Eraserheads. Sabi ng iba, pumangit raw mga kanta nila. Hindi totoo yan. Nag-iba lang ang kanilang pananaw sa buhay.
Sa tingin ko, yung fans na rin ng Eraserheads ang may kasalanan kung bakit nawala yung grupo. Pinilit kasi silang ikahon at ginawang
"Pop Machine" na laging inaasahan na makakagawa ng hit na katulad ng mga kanta na nagawa na nila dati. Para bang kalahating dekada na ang lumipas, inaasahan pa rin ng mga fans na kakanta ng
"Toyang" si Ely. Di nila alam, ibang klaseng banda kasi ang Eraserheads. Tumatanda sila, at sumasabay sa pagtanda nila ang pagbabago ng kanilang mga kanta. At nakakalungkot kasi hindi sila sinabayan ng kanilang mga "fans" kuno. Naalala ko, ikalawang album pa lang, may nagbansag na sa kanilang sellout kasi hindi na raw sila katunog ng E-heads sa
Ultraelectromagneticpop. Hay naku. Kung gusto niyo ng bandang di tumatanda at walang growth at maturity, makinig na lang kasi ng Parokya ni Edgar.
Naalala ko na mangiyak-ngiyak ako nung una kong narinig ang kantang
"Para Sa Masa" sa
Sticker Happy album. Nung narinig ko yun, alam kong tapos na. Wala nang Eraserheads. Naiipit na sila sa gusto nilang gawin at sa gusto ng kanilang fans na gawin nila. Sabi nga ni Ely,
"Mapapatawad mo ba ako kung hindi ko sinunod ang gusto mo?" Ganyan kasi ang mga rabid fans, nakakulong sila sa nakaraan na hindi iniisip kung anong gustong mangyari ng kanilang kinagigiliwan na grupo.
"Pinilit kong iahon ka, ngunit ayaw mo namang sumama". Sa huli, ang Eraserheads na rin ang sumuko at tumigil sa pagiging Eraserheads:
"Huwag mong hayaang ganito, bigyan ang sarili ng respeto..."
Nakakalungkot. Kung "sumama" kaya tayo, saan kaya nila tayo dinala?
----------
Ilang taon na ring nawala sa utak ko ang Eraserheads. Marami na rin kasing mga ibang banda diyan tulad ng Sugarfree at River Maya (pagkatapos umalis ni Bamboo) na sinusubaybayan ko. Hindi ko na sinundan sina Ely at Raymund sa kanilang mga individual projects (Mongols, Sandwich, etc.). Pero may isang araw nung Pebrero noong UP Fair na nagbalik ang alaala ng mga masasayang araw ng Eraserheads. At ang may kasalanan? Ang bandang Brown Man's Revival.
Masaya kaming nagre-reggae nun. Kasama ko ang aking lalabs at paindak indak kami sa Sunken Garden. Tapos, biglang bumanat ang Brown Man's Revival ng isang pamilyar na kanta na ginawa nilang reggae version - ang kantang
"Maling Akala" from
Ultraelectromagneticpop. Siyet!!! Maya-maya lang, hindi lang ako umiindak. Kumakanta na rin ako. At hindi lang ako. Halos lahat ng nasa Sunken Garden noon, sumabay sa pagkanta. Bihira mo nang mapapanood ang ganun dahil kadalasan, may mga "groupies" na lang ang mga banda. Eto, kakaiba. Lahat talaga kumanta. Ang saya!!!
At sa isang maikling sandali isang gabi noong Pebrero, nabuhay muli ang diwa ng Eraserheads sa UP Sunken Garden.
----------
Mga ilang buwan nang nakakaraan, ni-release ng BMG ang
Eraserheads Anthology, isang 2-CD set na greatest hits kuno ng Eraserheads. Kahit na kumpleto ako (halos) ng mga album ng E-heads, bumili pa rin ako. Maganda kasi ang cover art na ginawa ni Arnold Arre. At ngayon lang ako magkakaroon ng CD ng E-heads kasi puro cassette tape lang ang meron ako. Sa wakas ay mapapakinggan ko rin nang CD quality ang kanilang mga kanta.
OK naman ang
Anthology. Kung pag-uusapan ang mga pinakasikat na kanta ng E-Headst, nandito naman talaga ang kanilang mga sumikat na kanta. Yun nga lang, may mga paborito ako na wala dito:
"Shake Your Head" at
"Maling Akala" ng
Ultraelectromagneticpop,
"Hey Jay", "Wishing Wells" at
"Insomnia" ng
Circus,
"Waiting for the Bus" at
"Fine Time" ng
CutterPillow, at
"Balikbayan Box" ng
Sticker Happy. Kungsabagay, wala naman kasing patapon na kanta ang Eraserheads. Sana nga sinama nila sa
Anthology pati yung patok na patok na
Punk Zappa filler.
Sira na yung Disc Two ko ng
Anthology. Sayang, ginagawa ko pa naman itong sing-along. Sige na nga, hahalungkatin ko na uli yung mga individual cassette tapes ko ng E-heads. Magmu-music trip muna ako...
----------
Minsan talaga may dumarating na artist na naka-capture ang spirit ng isang generation. Sila yung mga HINDI one-hit wonder na nakakabuo ng napakaraming kanta na nagre-represent ng kanilang panahon. Nangyari na yan dati sa Apo Hiking Society. Sa aking panahon naman, ang Eraserheads. Sino naman kaya ang magiging Eraserheads ng susunod na henerasyon? Kelan kaya siya/sila darating?
(Baka raw dumating na. Por dios, por santo, sino kaya yun? Ang Sexbomb Girls?)