November 12, 2006

Ang Bagong Lumad

Mga ilang buwan na ang nakakaraan, nakapanood ako ng isang special set ni Joey Ayala sa Conspiracy. Ilang beses ko na rin siyang napanood nang live kasi Biyernes naman siya madalas nakaskedyul, at yun ang aking panahon para lumabas at maglakwatsa. Pero kakaiba ang gabing ito kasi may kasama siyang matabang lalake na siyang magpepercussion para sa set niya.

Siyet. Si Noe Tio. Ang dating drummer ng Bagong Lumad.

Ilang set na rin na parang "nagreunion" si Mang Joey at ang dating bassist ng Bagong Lumad na si Onie Badiang. Sa mga set nila dati, si Malou Matute, isang taga-UP College of Music, ang kasama nila. Pero ngayon, si Noe na nag-AWOL nang pagkatagal-tagal dahil sa pagtira niya sa Davao, ang siya nang kasama nila. Parang nabuhay na uli ang Bagong Lumad!

Si Bayang na lang ang kulang...

----------
Una akong na-expose sa music ni Mang Joey sa isang episode ng Probe Team. Dun ko unang narinig ang mga kantang Manong Pawikan, Agila at Karaniwang Tao. Bata pa ako nun, elementary pa lang. Dominated pa ng 80s pop at New Wave ang aking tenga. Pero nun pa lang ay may kakaibang katangian na ang musika ng Bagong Lumad na nag-iwan ng tatak sa aking isipan.

Ang tenga ko ay tuluyang nabuksan sa kanilang musika nang ako ay nag-3rd year high school. May kaklase kasi akong nagpahiram ng isang kakaibang tape: Joey Ayala at ang Bagong Lumad: Live! Dun ko napakinggan ang iba pa nilang mga kanta: Magkabilaan, Walang Hanggang Paalam, Ania Na, Magkaugnay, atbp. Grabe, ang ganda! At dahil live ang recording, naramdaman ko ang enerhiya at ganda ng kanilang ethnic-flavored musical arrangement.

Gusto ko silang mapanood nang live. Nagkaroon naman ng pagkakataon nang yayain ako ng aking kaklase na manood ng isa nilang concert. Pero di ako sumama, at sinabi ko sa kaklase ko "Next time na lang." Nang magkita kami uli ay pinakuwento ko sa aking kaklase ang naranasan niya nung concert. At nalungkot ako nang sabihin niya na iyon na pala ang huling concert ng Bagong Lumad. Magdidisband na pala sila.

Sayang.

----------
May kakuwentuhan akong kaibigan dati. Sabi daw ng Humanities teacher niya, hindi daw magaling na musikero sina Joey Ayala at ang Bagong Lumad. Kesyo kulang daw sa formal training kaya hindi gaanong malalim ang pagkakapresent ng indigenous Philippine music sa musika nila.

Ewan ko sa teacher na yun na nageenjoy sa kanyang cultural elitist world kung saan mga may degree lang sa music ang may karapatang maging magaling na artist. Pero kung walang Joey Ayala at Bagong Lumad, napaka-alien at exotic na siguro ng indigenous Philippine music sa tenga natin. Alien at exotic pa rin naman ngayon, at maririnig lang natin ang ganun klaseng musika kapag may festival, Araw ng Kalayaan, o kaya Linggo ng Wika. Pero kahit papaano, sa mga kahenerasyon ko ay may isang distant memory na nagkaroon ng panahon na ang ganung klaseng musika ay nakalusot sa western-dominated FM radio sa Pilipinas.

----------
Sa karamihan ng kahenerasyon ko na nakakaalam pa sa musika ni Joey Ayala, ang Bagong Lumad ay isa nang legend. Alam namin na minsan ay nabuo ang grupong ito. Napapakinggan namin sila sa aming mga cassette tapes, CDs at dinownload na MP3s. May mga music documentaries na nagpapakita pa ng kanilang footage. Pero hindi na namin sila napanood.

Ang Bagong Lumad ang isa sa dahilan kung bakit sumali ako sa Kontra-Gapi at nahilig sa musikang Pinoy. Kahit na pinipilit kong maging orig, bumabalik at bumabalik rin ako sa inspirasyon na dulot ng kanilang musika. Sa pagtugtog ko ng hegalong ay lumalabas ang Ania Na at Talambuhay. Sa pagtatambol at pagkukubing, lumalabas ang Bagong Sayaw. Ewan ko ba, pero nasa sistema ko na ang musika nila.

----------
Minsan, nagkaroon ng pagkakataon na nakasama ng Kontra Gapi si Mang Joey sa isang konsiyerto sa Luneta. Nag-jamming kami! Umuulan pa nun nang malakas, pero sige, tuloy lang ang tugtugan. Masaya at madali naman akong nakasakay. Siyempre, halos araw-arawin ko ba namang pakinggan ang mga tape nila.

Pero mayroon pa ring kulang. Wala kasi si Onie. Wala si Noe. Wala si Bayang. Nandito si Joey Ayala. Pero wala ang Bagong Lumad.

---------
Nung nakaraang Biyernes ay tumambay uli ako sa Conspiracy. Friday night kaya Joey Ayala night. At ayos, kasama pa rin niya sina Onie at Noe.

Maya maya ay may tumawag sa akin. "Paeng, ikaw ba iyan?"

Si Bayang.

Tinanong ko kung kasama siya sa set. Sabi niya napadaan lang siya, galing sa isang gig sa PETA. "Sayang! Akala ko pa naman reunion na," biro ko. Uuwi pala kasi siya agad. Kapapanganak lang kasi niya at kailangang alagaan ang kanyang unang baby. "Pag may baby ka pala, parang kulang ang 24 hours!" sabi niya.

Sa isip-isip ko, gusto kong sabihin na mamaya ka na umuwi. Kahit isang kanta lang. Maya maya'y nagpaalam si Bayang at lumabas.

----------
Tumugtog na ng unang kanta sina Mang Joey. Panganay ng Umaga. Biglang pumasok uli si Bayang. Di pa pala siya umuwi. Umupo siya sa table malapit sa entablado at nanood.

Ang ikalawang kanta ay ang kanilang pinakasikat na kanta, yung Karaniwang Tao. Tumayo si Bayang. Kumuha ng shaker at maracas. Sinamahan sina Joey, Onie at Noe sa entablado. At kumanta.

At di lang natapos sa Karaniwang Tao. Maya-maya ay kumanta na rin sila ng Glad You Are Here, Maglakad, Magkabilaan, Agila, Tingnan Niyo at Awit ng Mortal.

Alam mo ba yung pakiramdam na naging saksi ka sa isang espesyal na karanasan? Ilang beses ko na ring napanood sina Mang Joey, pero iba ang gabing ito. Mas malakas ang palakpakan. Mas malakas ang hiyawan. Akala ko nung umpisa ay ako lang ang nakaranas ng kakaibang tuwa. Pero nang makita ko ang laki ng ngiti ng mga tao sa loob ng Conspiracy, ang pagsigaw ng mga request, ang walang humpay na pagkuha ng mga camera, alam kong lahat kaming nanonood ay parang nanalo ng jackpot na hindi namin inaasahan.

Si Joey Ayala. Si Onie Badiang. Si Noe Tio. Si Bayang Barrios. Ang Bagong Lumad. Together on stage after a long long time.

Sana may iba pang gabing tulad nito...

2 comments:

Jerome aka Bridget Jones said...

saan ba yang conspiracy na yan? matagal ko na syang naririnig hindi ko pa rin napupuntahan, buset. alam mo, i watched joey ayala in a poetry reading show where he translated into song some of miguel hernandez's poems. haaaay. iyak ako nang iyak.

hoy, punta ka sa blog ko dali! 2nd anniversary namin ni jher!

darwin said...

wow... ibang klase yung gabi na yun. sana nandun ako. sana maulit...

(sana eheads din)