November 20, 2006

Lakad lang

Kanina ay nagtext sa akin ang isa kong estudyante na nasa kanyang first day of work. Grabe daw ang mga ka-batch niya sa trabaho. Napaka-competitive. Training pa lang daw ay nagpapagalingan na. Akala mo'y mauubusan ng trabaho sa unang araw ng pasok.

Ngayon ko lang napansin na iisa lang ang Tagalog equivalent ng career at ng race. Pareho natin silang tinatawag na karera. Para bang nagi-imply ng unahan papunta sa isang finish line. Para bang sinasabi na ang buhay mo ay isang kompetisyon. At olats ka kapag nahuli ka.

Yun na siguro ang dahilan kung bakit iniwan ko na ang business school at ang corporate world. Masyado itong nagpopromote ng isang buhay na buktot at makasarili. Kung ang buhay ay ituturing nating karera, di ba't tiyak na meron kang iiwanan? Kung ang buhay ay ituturing nating kompetisyon, di ba't tiyak na meron kang kakalabanin, ibabagsak at tatalunin?

Mas mabuti pang ituring na lang natin na ang buhay ay isang paglalakbay. May kanya-kanya tayong pupuntahan. May kanya-kanya rin tayong dadaanan. Minsan ay magkakasalubong tayo. Minsan ay magkakasama. At minsan rin ay magkakahiwalay.

Minsan, pinapanood ko ang mga taong walang sawa sa pakikipagkarera sa buhay. Ang sarap sarap nilang sigawan. Hala! Sige! Takbo! Takbo pa kayo!

Ewan ko ba sa kanila. Basta ako, palakad-lakad lang.

1 comment:

Anonymous said...

sir, mas masarap naman talagang maglakad kesa kumarera or tumakbo...

sa paglalakad marami tayong makakasalubong, makakasabay at makikilala...

hindi masyadong nakakapagod ang paglalakad...

at minsan sa aking paglalakad ay nakasabay at nakilala ko kayo bilang isang mentor... salamat sir!

naway sa aking muling paglalakbay ay makasalubong ko kayong muli