October 31, 2004

Nabawasan ang aking pagkatao...

...binunutan ako ng ngipin. :p

Isa't kalahating taon nang hati yung ngipin kong nasa kaliwa, sa dulo sa bandang likod. Matagal nang sinasabi sa akin na ipabunot ko na. Pag nagtu-toothbrush ako, may lumalabas na ring dugo. Sabi ko, sige, pag nagkaroon na ako ng oras...

Ibig sabihin ba nito, ngayon lang ako nagkaroon ng oras para sa aking sarili?

Sabi nga ng iba na napapabayaan ko na raw ang sarili ko. Pumapayat na daw ako. Di na ko nakakapagpagupit ng buhok. Hindi na ko nakabili ng sapatos.

Naghihintay ako ng panahon na matatahimik muna ang isip ko. Pero parang hindi siya dumadating. Ni hindi ako makatulog nang maayos. Maiiwan akong mag-isa, may matatanggap akong tawag o text message. Kahit na mag-isa na lang ako sa kuwarto, naiisip ko pa rin yung mga di ko pa natatapos na trabaho at yung mga problema na di pa nalulutas...

Siguro yun ang hiling ko ngayong malapit na ang Pasko. Kahit sana dalawang araw lang, sana tumahimik muna. Yun lang naman...

October 28, 2004

Sem Break na!!!

Yes, sem-break na!!! Sem-break na!!!

(kalabit kalabit)

Ha? Ano yun?

TAPOS NA ANG SEMBREAK!!! /OoO
di ko man lang naramdaman (nais nang mahimatay)

October 19, 2004

High Grade (Chicken!)

Noong high school ako, nalulula ako sa grades na nakukuha ko. Naka-96 ako nuon sa Chemistry. 97 naman sa Physics. 97 sa 3rd year Math at 96 sa 4th year Math. Kapag nakakakuha ako ng 92, ang sama na ng loob ko. Para bang ang bobo ko na kapag nakakakuha ako ng ganung grade.

Ang yabang, 'no? Pero ganun talaga nuon. Maniwala kayo sa hindi, may schoolmate pa ako na mas mataas ang grade sa akin. Yung schoolmate kong yun, average grade niya ang 97. Hinayupak, mutant yata yun!!!

Disaster naman ang nangyari pagpasok ko ng kolehiyo. Punong puno pa ako ng angas nuon dahil ang "galing" ko noong high school. Pero ano ang resulta ng aking unang sem? Wala lang. 2.0 lang naman ang highest ko at 2.50 ang lowest. Ni isang ruler grade na may numerong 1, wala akong nakita. Grabe, napakalaking disaster!!!

Pero disaster nga ba ang nangyari sa akin?

Ano nga ba ang kabuluhan ng grade? Isa lang naman itong numero, di ba?

Pagkatapos nung "disaster" kong unang semester sa kolehiyo, nag-iba na ang pananaw ko sa grades. Parang bumaba na ang value nito para sa akin. Defense mechanism ko lang ba ito na pilit na nag-justify sa aking "disaster"? Sa tingin ko, hindi. Kasi, sa panahon na ito na ang baba ng grades ko, mas marami akong natutunan kaysa nung mga panahon na nagliliparan ang grades ko sa sobrang taas. Duon ko lubos na naunawaan na ang objective ng pag-aaral ay ang MATUTO, hindi ang makakuha ng mataas na grades. Aanhin mo ang mataas na grade kung wala ka namang natutunan? At masakit ba talaga ang makakuha ng mababang grade kung sobrang dami naman ng natutunan mo?

Ang realization na iyun ang nag-drive sa aking "thirst for knowledge". Nabuksan ang aking mata, at parang "nagliwanag" ang aking mundo. Ang dami palang hindi ko alam, at ang sarap palang matuto. Masarap palang pumasok sa eskuwelahan at pumulot ng sangkatutak na mga konsepto at mga aral, sa loob man o sa labas na klase. Pinalad rin ako na tumaas ang aking mga grades magmula sa puntong iyon, pero "bonus" na lang iyun dahil isa lang naman itong "by-product". Ang mahalaga ay ang kaalamang pumasok sa utak ko, hindi ang numerong binilugan sa aking classcard.

Kalagitnaan na ng Oktubre at panahon na naman ng pagbibigay ko ng grade sa aking mga estudyante. Sa totoo lang, na-"culture shock" ako nung dumating ako sa FEU dahil sa sobrang grade conscious ng mga estudyante. Nandun yung may magpapa-alala sa akin na scholar daw sila kaya dapat mataas ang ibigay kong grade. Nandun yung may mabigyan na ako ng 1.5 (isang inaasam-asam na grade namin nuong college) tapos nasisimangutan pa ako. Nandun yung umpisa pa lang ng semestre, wala pa ngang nasisimulang lesson, sinasabi na agad kung ano ang gustong grade. Nandun yung may magmakaawa sa akin na gawing one grade higher kumpara dun sa na-compute ko.

Kahit papaano ay naintindihan ko naman sila kasi ang scholarship sa FEU, nakatali sa grades. Ang laki rin kasing katipiran ang maging scholar, lalo na't mataas na ang tuition ngayon.

Nakakalungkot lang kasi parang wala nang "pride" pagdating sa grades. Para bang ang grade na 1.0 ngayon, pinamimigay na lang. Ang High Grade na 1.0, "Chicken!" na lang. Pinapagalitan nga ako dito sa bahay pag nakikita na nagbibigay ako ng 1.0. "Bakit? Kasingtalino na ba nila yung mga nagpapraktis ng trabaho at magbibigay ka ng 1.0?" Kungsabagay, nung panahon ko sa kolehiyo, sa sobrang hirap na makakuha ng 1.0, nagiging tunay na memorable at special yung moment na may 1.0 akong nakikita sa classcard. Parang yung feasibility study namin. SOBRANG SOBRANG SOBRANG EFFORT ang binigay ng grupo namin duon kaya napakatamis ng 1.0. Hanggang ngayon, nakabaon sa utak ko ang mga natutunan ko sa karanasan na yun. Yun ang tunay na 1.0!!!

Ano kaya yung pakiramdam ng ipagkakalat mo na "1.0 ang grade ko!!!" gayung alam mo naman na 1.25 lang talaga yun nung original na computation? Magiging proud ka pa rin kaya sa grade mo?

Ano kaya yung pakiramdam ng humihiling ka na taasan ang grade gayung alam mo namang yung taong nakakuha talaga nung mataas na grade na hinihingi mo ay talaga namang mas magaling ang naibigay na effort sa iyo?

Ano kaya yung pakiramdam nung nakakuha ka ng mataas na grade pero ang ginawa mo ay sumakay ka sa katripan ng sira-ulong professor at pumayag ka na gaguhin ka sa harap ng klase?


Ano kaya yung pakiramdam na meron kang grade na 1.0 pero wala ka naman halos natutunan? (Kaya bumabagsak sa board exam kahit na cum laude kasi magaling lang magpataas ng grade, hindi naman natututo... )

Ano kaya yung pakiramdam nung nakakuha ka ng mas mataas na grade sa kaklase mo na alam mong matapat, samantalang ikaw, harap-harapan kang nangongopya sa klase?

Bakit kaya may naga-absent sa isang klaseng ganadong magturo ang teacher dahil lamang sa magkukulay ka ng notebook para tumaas ang grade sa isang walang kakwenta-kwentang teacher?

Bakit kaya may nabubwisit sa mga teacher na hinahamon ang mga iskolar na patunayang karapat-dapat silang maging iskolar? Di ba challenge yun?

Bakit kaya ang mga estudyante, nagpapasalamat sa teacher dahil sa grades, hindi dahil sa natutunan? (Kasi yung thank you, dumarating lang kapag pinakita na yung grades. At kapag medyo "mababa" yung grade, wala na ring thank you.)

Bakit kaya laging kasalanan ng teacher o ng groupmate o ng kungsinopamanmalibansasarili ang mababang grade?

Aanhin mo kaya yung aral ka ng aral para tumaas yung grade, tapos nakakalimutan mo na na napakarami pang matutunan sa mundo sa labas ng klasrum at ng mga libro na tinututukan mo?

Bakit kaya naiirita na ako sa lahat ng tanong at pakiusap pagdating sa grades? Malapit na talaga akong mapuno!!!

Siguro may maaasar sa akin dahil sa mga sinulat ko dito, pero ang masasabi ko lang ay ito. Darating ang araw, ang grade na iyan, makakalimutan. Pero ang prinsipyo at karunungan na nakuha natin sa ating pag-aaral, habambuhay na natin iyang dadalhin. At iyan ang magtatadhana sa alaalang iiwan natin sa mundong minsan ay ating dinaanan...

Happy Anniversary!!!

Limang taong pagmamahalan. Ang saya!!!

MAHAL NA MAHAL NA MAHAL NA MAHAL NA MAHAL KITA, RIA!!! MWAH!!!

October 16, 2004

Ang Tambayan ni Paeng...

Nagsenti ako sa pag-alis ni Ria kaya naisipan kong mag-relax at yayain ang aking kapatid na si Nanoy (aka Kamote) sa aking favorite "gimik" place - sa Conspiracy bar - na makikita sa Visayas Avenue sa Q.C. Sinama ko na rin ang aking mga "alagad" na estudyante na sina Ghia, Minda, Ermin at Iha (pronounced as Aya, as in Aya Medel). Pakiramdam ko kasi sila lang makakasakay sa trip ko.

Mga kabataan kasi ngayon, trip lang talaga mga sayawan sa disco. Mga "acoustic" music kuno (kelan pa ba naging isang music genre ang "acoustic"?) na Nyoy Volante at Paolo Santos na wala namang alam gawin kundi kumanta lang ng mga covers at madalas pa mga pa-tweetams na mga love songs. E di ko kasi ganung trip ang ganung klaseng entertainment kasi parang entertainment for entertainment's sake lang. Parang walang mas malalim na goal. Walang mensahe. Walang relevance.

Di naman sa kini-criticize ko ang mga mahilig sa ganung ka-tripan. Pero mas masaya siguro kung mas maraming nakikinig sa mga musikerong may laman talaga ang sinasabi. Yun nga lang, wala talaga. Mamamatay sila na walang nakarinig ng kanilang importanteng mensahe o advocacy. O kaya, parang sa kaso ni Noel Cabangon at yung kantang "Kanlungan", may makakarinig nga, pero wala namang makakaintindi. Tama ba namang gawing theme song ng "Kuya" ang "Kanlungan"?

Naalala ko tuloy ang ilang taon ko ring pagtugtog ng ethnic music. Pagtugtog na may mensahe sana. Na magmumulat sana sa mga makikinig na meron nang Pinoy music bago pa man dumating ang ating mga colonizers, at maaari pa rin natin itong ma-enjoy kahit sa kasalukuyang panahon. Pero ang hirap. Walang gustong makinig. May makikinig man, exotic at alternative pa rin ang tingin sa aming musika. Parang importante lang kami kapag 1) Independence Day at 2) Linggo ng Wika.

Heniweyz, ang saya ng gig ni Joey Ayala kanina. Ilang beses ko na siyang napanood, madalas kasama ang aking lalabs, pero naaaliw pa rin ako. Marahil ay dahil na rin sa kanyang showmanship na nakakaya niyang mag-adjust sa kanyang audience. At hindi talaga ako matigil sa pagtawa sa kanyang mga jokes!

Pero pinakanatuwa ako dahil sa nakita kong na-appreciate ng aking kapatid at ng mga isinama kong estudyante si Joey Ayala. Medyo may takot kasi ako na di sila maaaliw. May pag-asa pa pala na maaaring may mga bata pa na makakasakay sa tugtog nila. Na may makakakuha pa ng mensahe nila. Siguro dapat unti-untiin ko ang mga estudyante ko sa page-expose sa ganitong klaseng sining - art with a social purpose. Natatakot lang kasi siguro ako na hindi na makakayang ma-penetrate nina Mang Joey, Mang Gary at Mang Noel ang mainstream-trained na tenga ng mga kabataan.

Sabi ni Iha, maghanap naman kami ng gig ng Asin. Tama, masaya yun. Titingnan ko naman ang sked sa My Bro's Moustache kung saan madalas silang tumugtog.

Conspiracy sa Visayas Avenue. A paradise for people who would love to enjoy music beyond its latent entertainment value. Sana laging maraming pupunta kasi masaya dun!!! Next week, si Gary Granada daw tutugtog. Problema nga lang, may nakakakilala pa ba kay Gary Granada?

Isang pamamaalam na awit muna mula kay Mang Joey:

Dumaan Ako
Music by Joey Ayala
Lyrics by Maningning Miclat

Dumaan ako sa tahimik na ilog
Ang buong mundo ay parang natutulog
Kung may bunga mang sa tubig ay mahulog
parang ang puso ko itong nadudurog

Kung mag-isa ako ay huwag nang isipin
Sa dilim ay dapat pa akong hanapin
Habang may luha ay huwag pang ibigin
Sa pangarap ko ay huwag nang gisingin

Kaya kong maghintay sa mga tula mo
makinig sa awit mula sa kabilang dako
At sa paglalakad sa lilim ng mga puno
matutuklasan ang laman ng pusong malayo

At mapapanood ang sayaw ng mga tutubi
sabay sa indak at lipad ng ibong humuhuni
At hihinahon na itong hindi mapakali
at makakahimlay sa mapayapang gabi

Dumaan ako sa tahimik na ilog
Ang buong mundo ay parang natutulog
Kung may bunga mang sa tubig ay mahulog
parang ang puso ko nga itong nadudurog
Parang ang puso ko itong nadudurog

YEHEY!!!

Bago ako magkuwento about my Isabela trip, magdidiwang muna ako dahil may celfone na si Ria!!! Mabubulabog ko na siya pag madaling araw. :)

Ang saya saya... :D

October 10, 2004

Mawawala muna!!!

Ipapatapon ako ng FEU sa Cagayan Valley para ibugaw ang university sa mga high school student duon. OK na sana, pero nainis lang ako nung sinabi sa akin na ang focus namin ay sa mga private schools kasi ang target ay yung mga taong may pera para kayanin ang tuition...

Tsk tsk tsk. Tapos required pa kami na straight english. Grrrrr...

See you on Thursday. :)

Piniratang Kaligayahan

Marami akong estudyante na alam na ayaw kong bumibili ng pirated na VCDs or DVD's o kung ano pa. Totoo naman yun. Pero anong gagawin ko kung wala naman akong makitang original?

Wala na talagang choice.

For two weeks now, nagpakasasa ako sa pagbili ng NAPAKAHIRAP hanapin na mga pelikula sa...QUIAPO!!! Yes, my dear friends, bumibili na ng pirated stuff si Sir Paeng although may sinusunod pa rin akong principle - ang bibilhin ko lang ay yung hindi ko mahahanap sa Astro Vision, SM o Video City. At grabe, sa mga tindahan ng mga pirated na DVD ko lang pala makukumpleto ang Akira Kurosawa films.

Yes, kung meron mang mga art film buffs sa inyo, ang mga pelikula ni Akira Kurosawa tulad ng Seven Samurai, Ran, Rashomon, Yojimbo, Sanjuro, The Idiot at Throne of Blood ay matatagpuan sa Quiapo. Akalain mo nga naman. Hinihintay ko na lang na magkaroon sila ng Madadayo, Kagemusha at Ikiru at ako'y matatahimik na.



Meron pang Samurai Trilogy ni Hiroshi Inagaki. 1950s pa ito at matagal ko na ring hinahanap. Natawa nga ako sa nagtitinda nito kasi ayaw niyang ibenta sa akin yung Part I lang. Trilogy daw kaya lahat nung tatlong installments ay kailangan ko raw bilhin. Hahaha!!! (Bumili naman ako)


Ang pinakatuwang-tuwa ako na nabili ko ay yung Eternal Sunshine of the Spotless Mind. Sayang at ngayon lang naging available e umalis na ang lalabs ko. Makikita niyo naman sa nakaraan kong mga posts na labs na labs namin ang pelikulang ito. Last week pa na-release ang DVD nito sa U.S. Sa mga video shops sa Pilipinas, hanggang ngayon wala pa kasi mukha raw hindi bebenta. Stupid capitalist video shop owners, depriving the public the chance to see such a great film.

Nagtataka na nga rin ako kung bakit kahit yung Quentin Tarantino flicks na Pulp Fiction, Reservoir Dogs at Jackie Brown hindi ko makita sa mga video shops. Ang gaganda naman nung mga pelikulang yun. Hay naku...

Heniweyz, hihingi lang po ako ng paumanhin sa aking guro nuong college na si Psychicpants. Bibigyan dapat ako ni Psychicpants ng DVD ng My Sassy Girl, pero pagkatapos kong maaliw sa isa pang pelikula ng super ganda na si Jeon Ji-Hyun na ang title ay Windstruck, hindi ko na napigilan ang sarili ko. Kinailangan kong hanapin ang My Sassy Girl para ma-satisfy ang aking addiction. At nagkaroon pa tuloy ako ng adventure!!!

Nagpunta ako dun sa dalawang floor na building na tindahan ng pirated DVDs sa tabi ng Ministop. Talagang sinuyod ko ang mga stalls dun at nagtanong kung meron silang DVD ng My Sassy Girl at isa lang ang sumagot sa akin na alam niya ang pelikulang iyun. At parang isang treasure hunt, sinabi niya na iisa na lang ang kopya ng My Sassy Girl sa Quiapo at ito ay matatagpuan sa kanyang stall sa bagong building ng pirated DVDs na nasa tapat naman ng Jollibee. Dali-dali akong pumunta duon at hinanap ang sinabi niyang stall. May nakalagay daw na pangalang Nick sa kanyang stall. Pero wala akong nakita!!! Yun pala, tinanggal na ang pangalan ng mga stall at ginawa nang mga number. Nalaman ko na ang dating stall na nagngangalang Nick ngayon ay kilala na bilang stall A-6. At sa aking pagsuyod sa mga DVD sa A-6, nakita ko na isa nga. Yes mga friends, isa na nga lang ang natitirang kopya ng My Sassy Girl sa Quiapo!!! At ako ang nakakuha nun!!! MWAHAHAHAHAHAHA!!!!

(Winarningan ako ni psychicpants na mali daw ang mga subtitle sa Quiapo ng My Sassy Girl at Windstruck. Pero ininspect ko naman at kinopya na siya sa isang orig na DVD. Walang maling grammar at katulad naman sa mga napanood ko na dati sa VCD. Kaya malamang, tama ang mga subtitles nung nabili ko.)

Sa totoo lang, medyo nakokonsensya pa rin ako, kasi hindi ko napangatawanan ang sinabi ko dati na hindi ako bibili ng mga pirated sa videos. Pero kung ayaw namang ipalabas ang mga ganitong palabas sa mga sinehan dito sa Metro Manila at kung ang paraan lang para makakuha ng kopya ay sa pag-import na kakailanganin pang mag-apply ako na magkaroon ng credit card...mapapatawad naman siguro ako sa pagbili ko ng mga pirated.

Next weekend: Hanapin ang mga pelikulang Donnie Darko, Il Mare, Y Tu Mama Tambien, at ang Infernal Affairs trilogy. Parang may nakita na ako kanina. Hmmmmm...

October 9, 2004

The Moment of Truth...

Good luck to the FEU B.S Accountancy Students who would be taking the CPA Board exams starting this weekend. Naiwala ko man ang mga cellphone numbers niyo dahil nasa luma kong cellphone, I would still like to extend my heartfelt congratulations dahil alam kong papasa kayong LAHAT. :p

Hahanapin ko ang mga pangalan niyo sa dyaryo. :)

At sana pala, magkaroon tayo ng pagkakataon na magsindi ng bonfire sa FEU. Lagi na lang kasi yung basketball team ang binibigyan ng bonfire ceremony. :)

GALINGAN NIYO!!!

Wake-up Call

Last semester, I got the highest rating in the Institute's performance evaluation for teachers.

I never thought that it would get into my head. Unfortunately, I think it did.

This afternoon, I saw my performance evaluation rating for this semester. I was already expecting that it would go down, but I never thought that it would go so far down that I actually matched the rating I got during my first semester of teaching.

Damn, I got the same rating I got when I was still an inexperienced teacher.

I have always been conscious about my performance rating scores. It's not because I am trying to get that damned Teaching Excellence Award. Or because I am trying to compete with my fellow faculty. I just think that I owe it to the students to make sure that I'd always give them my best effort. And looking back at my teaching this semester, I think I failed in achieving that because I became a bit overconfident as my "success" last semester clouded my mind.

I will not allow yesterday's success to lull me into today's complacency, for this is the great foundation of failure" - Og Mandino

Anyway, I think it's important to note my mistakes this semester:

1) I did not return any papers.
2) I did not update my students about their grades.
3) I had LOTS of absences. It did not show up in my pay slip because a lot were on official business, so I did not immediately notice. :p
4) I conduct classes for one hour only.
5) I did not conduct the prelim and midterm performance evaluations that I used to do in the past.
6) There were times when I was too tired in class.
7) I did not follow the syllabus.
8) I did not teach in English (well, I'm just noting this but why the hell should I teach in English when it's more fun to teach in Filipino? hahaha!!!)
9) I did not make an effort to know my students' names.
10) I guess I did not teach as well as last semester specially in Financial Management as evidenced by the results of the departmental exams.

Arrrggghhh!!! Wake-up call, Paeng!!! Time to learn and make necessary adjustments (except on item 8. hahaha!). I guess it's back to the drawing board again.

----------

Anyway, congrats to my friend, Ms. Grace Dijamco, who entered the Institute's Top 10 with an excellent showing in her first semester handling B.S. Accountancy students. Sabi ko naman sa iyo magaling ka, 'yaw mo lang maniwala. :)

October 7, 2004

At Ang Quote for the Day:

Special thanks to AC01401 for providing me a good laugh with their quote for the day:

"WHAT LOVE UNITES, EVEN DISTANCE CANNOT DIVIDE"

Amen to that.

(Pero walang dagdag sa grade yan, ok? :p)

And Finally...I Made the Decision.

Dean Cabulay,

I would like to decline your offer to appoint me as Chairman of the Accountancy Department. It has always been said that for one to excel in what he does, his heart should be in what he is doing. And I just don't have the heart to serve as a full-time administrator.

I love being a teacher. I would never regret leaving my job as an auditor to pursue a teaching career. Being with students from the underserved middle-class and shaping their future gave me a sense of fulfillment and a strong sense that I am doing something socially relevant. I guess that when you first interviewed me, you already saw this youthful idealism burning inside me. And up to this day, that fire keeps on burning.

I know that the adminisrative position of Chairman is also a vital position in business education. However, I am not the type of person who works behind the lines mapping strategies and dealing with "soldiers" who do the work in the battlefield. Instead, I am THE soldier who loves to get his hands dirty while fighting the battle in the frontline. I AM a teacher. I want to be in the classroom and not behind a desk in an office. I want to work with the students, not with problematic adults and stifling bureaucracies whose inefficiencies and penchant for politicking and protection of self-interest has caused me frustrations more than anything else during my stint as SC adviser and as the B.S.A. OIC Coordinator.

Some said that there's lack of maturity in my part for having such a myopic point-of-view specially in deciding on such an important "career move". Maybe that's a valid criticism. But I'd like to tell you some of my plans that I haven't really discussed with a lot of people. After serving out my contract with FEU, I would be leaving this institution. Because I have sensed a "change" coming ever since Mam Echauz came into position, and it's a change that I don't want to be a part of because it goes directly against my reason for choosing FEU - not DLSU, ADMU, UST or UA&P - as the venue to share my knowledge and my talent.

Leaving FEU would also serve as a perfect opportunity for me to finally pursue my dream to shift to another field. I love teaching, but I'm not really into business education. I would rather teach Sociology, which I have had a strong affinity for ever since third-year college when I found out that I am trapped in a course that I really don't like. I am actually planning to take a Master's Degree in Sociology in U.P. starting the next schoolyear. I hope it would come to fruition.

Thank you for the offer, Sir. I am humbled by your faith in my abilities. But I just can't commit myself into something my heart is not into.

Sincerely,

Erwin Rafael

Babalik Ka Rin...

Kaninang alas-dos nang hapon, umalis na ang aking lalabs na si Ria papuntang Japan. Matagal rin siya dun, mga 1 and 1/2 years at pwede pang ma-extend kapag nakahanap siya ng Master's Degree duon.

Natutuwa ako para sa aking lalabs. Dahil sinusunod niya ang kaniyang pangarap. Ako, medyo naipit kasi ako sa aking ginagawa. Masaya man ako sa pagtuturo, matagal ko nang gustong iwan ang mundo ng business education. Sa totoo lang, college pa lang ay gusto ko nang iwan ang Accounting. Dahil mas interesado ako at mas nakakakitaan ko ng kabuluhan ang social science. Particularly ang sociology.

Kelan ko kaya susundan ang pangarap ko?

Nahihirapan rin kasi akong iwan ang aking trabaho ngayon. Maliban sa may kontrata ako na dalawang taon pa bago matapos, nahihirapan rin akong iwan ang mga estudyante na hawak ko. Pero palusot lang yun, di ba?

Ewan ko ba.

Mag-aalay na lang muna ako ng kanta para kay Ria. Malayo ka man, malapit ka pa rin sa akin. Sana dadaan ka pa rin dito sa aking tambayan. :)

Dagat
by Gary Granada

Namamaybay
ang tubig sa
paypay
ng hanging habagat

Dumadampi
sa umaasang pisngi
ng
tabing-dagat

Dagat na pagitan
ng ating pag-ibig
singlawak,
singlayo, singlalim

Ngunit sa isang panig
dagat ang nagsasanib
ng dalampasigan mo sa 'kin

Namamangka
ang aking diwa
sa
nakalipas

Tumatawid
sa ibayong daigdig
ng ating bukas

Sa
dagat ng pangako
sa laot ng pangarap
sa alon ng iyong mga halik

Dagat din ang luha
ng pusong naghihirap
naghihintay sa iyong
pagbabalik...

October 5, 2004

Paano Kung Di Mo Gusto...

Sabi nila, you should grab at opportunities that come your way...

Ngayon may dumadaan na opportunity sa harap ko. Maganda siya at malaki ang maitutulong sa career...

Pero ayaw ko.

Mahirap naman maipit sa isang profitable venture na di ko gusto, di ba?

Opportunity's open until tomorrow. Kailangan makapag-isip nang mabuti. Hmmmmm...

October 2, 2004

Huwad na Pagbubukas-Palad...

May bagong project ang Far Eastern University. Kasama sa kanilang pagtataguyod ng isang bagong school sa Silang,Cavite, ngayon nama'y maga-adopt na ng mga communities sa Silang ang FEU. Magbibigay tulong (pinansyal siguro?) sa mga residente. Ang galing, di ba?

What a noble intent...

At least that's what they would like us to think...

Nakakatawa kasi ang FEU ang isa sa pinaka-profitable na unibersidad sa Pilipinas. Maraming pera na hawak ang mga may-ari nito. Nung una kong narinig ang "adopt a community" project, natuwa ako. Sa wakas magkakaroon ng kahit konting "redistribution of wealth". Pero akalain mo ba naman...

...na ang perang gagamitin para sa project ay sisingilin nila sa mga estudyante sa pamamagitan ng pagdagdag ng P25 sa tuition ng bawat estudyante?

Ang galing. Jinustify pa na kaya daw sisingilin sa mga estudyante para daw matuto ang mga estudyante na gumawa ng charity work. Nyek!!! Charity work na pilitan? Charity work na malamang hindi mo alam na nagbigay ka na pala ng pera? Charity work na hindi mo naman alam kung sino ang tinutulungan mo?

Ang dami-daming pera ng FEU. Kung charity ang talagang gusto nilang gawin, bakit hindi nila kunin sa kinikita nila ang ipopondo sa project? Hindi ba yun ang totoong pagbubukas palad?

At sino bang makikinabang dito?

Ewan ko lang. Pero kasama ang outreach at community services sa accreditation ng mga schools. At pag tumaas ang accreditation rating ng isang school, mas naa-attract nito ang mga estudyante na galing sa mga exclusive schools.

At pwede ka nang magtaas ng tuition kasi hindi na middle-class ang population.

Pag nandito na sa school yung bagong "target market" ng FEU, aalis na ako.

October 1, 2004

Natagpuan na...

NEWSFLASH!!!

Natagpuan na ang mga anak ng Tamaraw na nawalang parang bula kahapon sa FEU!!!

.

.

.

Nasa Araneta lang pala. Sayang, natalo...

Di tuloy nasulit ang pag-aabsent. Di rin tuloy nakakuha ng leakage para sa exam sa Lunes. Tsk tsk tsk...