November 26, 2006

Habang umiinom ng hot milk tea...

Katatapos ko lang magovertime kanina nang ako ay dumaan muna sa isang Chinese restaurant para maghapunan. Umorder ako ng hot milk tea pagkatapos kong ubusin ang isang mangkok ng kanin na may beef at chinese cabbage. At sa aking pag-inom ako ay napaisip.

Ako ay kasalukuyang kumikita ng humigit kumulang na P1,090 per working day. Gross yan. Wala akong overtime pay. Ok na para sa akin na single, siguro mahihirapan kung may pamilya na.

Pag nagtatrabaho ako, iniisip ko, sinusulit ko ba yung binabayad sa akin? Worth P1,090 ba yung trabaho na ginagawa ko?

Pero hindi talaga dun umikot ang aking pag-iisip kanina. Ang naisip ko ay yung sinusuweldo ng namumuno sa grant program kung saan ako involved ngayon. Ang kinikita niya ay humigit kumulang P21,590 per working day. Naisip ko, 21 times bang mas mataas ang value ng trabahong nagagawa niya kumpara sa akin? 21 times bang mas mataas ang kanyang level of effort?

Naisip ko rin ang mga CEO sa Pilipinas. Ang average na suweldo ng isang CEO ay P45,000 per working day. Ang value kaya ng trabahong nagagawa niya ay talagang 45 times kaysa value ng nagagawa ko? Meron pa ngang mga CEO na P150,000 per working day. Anong klaseng trabaho kaya ang worth P150,000 kada araw?

Naalala ko tuloy yung kuwento ng isa kong kasama. Si Regine Velasquez ay binabayaran daw nang P50,000 kada kanta. Yung mga mahuhusay na mang-aawit na kumakanta sa mga bars na pinupuntahan ko ay nagkakasya sa P1,000 kada set. P100 kada kanta.

Hindi ko naman maramdaman na underpaid ako. Sa tingin ko lang ay overpaid sila. Ilang beses nang sinabi na ang problema sa ating lipunan ay ang kahirapan. Pero hindi kaya ang problema talaga ay ang kayamanan (ng mga nakakaangat)?

Naubos na ang hot milk tea. Nagbayad na ako. At di ko maiwasang itanong sa aking sarili kung ano kaya ang iniisip ng waiter, na tinanggap ang bayad ko sa aking hapunan na katumbas na ng kalahati ng kanyang take-home pay sa gabing iyon.

November 20, 2006

Lakad lang

Kanina ay nagtext sa akin ang isa kong estudyante na nasa kanyang first day of work. Grabe daw ang mga ka-batch niya sa trabaho. Napaka-competitive. Training pa lang daw ay nagpapagalingan na. Akala mo'y mauubusan ng trabaho sa unang araw ng pasok.

Ngayon ko lang napansin na iisa lang ang Tagalog equivalent ng career at ng race. Pareho natin silang tinatawag na karera. Para bang nagi-imply ng unahan papunta sa isang finish line. Para bang sinasabi na ang buhay mo ay isang kompetisyon. At olats ka kapag nahuli ka.

Yun na siguro ang dahilan kung bakit iniwan ko na ang business school at ang corporate world. Masyado itong nagpopromote ng isang buhay na buktot at makasarili. Kung ang buhay ay ituturing nating karera, di ba't tiyak na meron kang iiwanan? Kung ang buhay ay ituturing nating kompetisyon, di ba't tiyak na meron kang kakalabanin, ibabagsak at tatalunin?

Mas mabuti pang ituring na lang natin na ang buhay ay isang paglalakbay. May kanya-kanya tayong pupuntahan. May kanya-kanya rin tayong dadaanan. Minsan ay magkakasalubong tayo. Minsan ay magkakasama. At minsan rin ay magkakahiwalay.

Minsan, pinapanood ko ang mga taong walang sawa sa pakikipagkarera sa buhay. Ang sarap sarap nilang sigawan. Hala! Sige! Takbo! Takbo pa kayo!

Ewan ko ba sa kanila. Basta ako, palakad-lakad lang.

November 18, 2006

Money Talks

Kilala niyo ba si Daisuke Matsuzaka?

Si Daisuke Matsuzaka ay isang magaling na pitcher na naglalaro sa Japan. Lima ang kanyang specialty pitches kaya hirap ang mga batters na nakakaharap niya. Nang ganapin ang unang World Baseball Classic, si Matsuzaka ang naging MVP. Siya ang nanguna sa pagdadala ng Japan sa kampeonato.

Dahil sa kanyang kakaibang galing, maraming mga teams sa Major League ang nagkainteres na siya'y makuha. Kaya nitong nakaraang buwan, nagpa-bidding ang Seibu Lions, ang team ni Matsuzaka, sa iba't ibang MLB teams para sa karapatan na makipag-negotiate sa kanilang premyadong manlalaro. Nung nakaraang linggo, nilabas na ang resulta ng bidding at ang nanalong team ay ang Boston Red Sox.

Ang kanilang bid? Tumataginting na $51.5 million lang naman. Di pa nila nakuha si Matsuzaka niyan. Ang nakuha pa lang nila ay ang right na makipag-usap sa kanya.

Para magkaroon ng mas malinaw na perspective sa mga kapwa ko Pinoy na nagbabasa nito, ang $51.5 million ay katumbas ng P2.575 billion. Ang halagang iyan ay kaya nang magpasuweldo ng isang taon sa 25,724 na minimum wage workers sa Metro Manila, kasama na ang kanilang Christmas bonus. O kaya ay magstart-up ng 8,583 na matitinong TB clinics. O kaya ay pondohan ang pagtatanim ng 128,750,000 puno sa mga watersheds ng Cebu at Metro Manila. O kaya ay sagutin ang isang taong gastos sa pag-aaral ng 171,667 na estudyante sa slum areas ng Metro Manila. O kaya ay makapagpatayo ng 42,917 na units ng low-cost housing ng Gawad Kalinga. O kaya ay makapagpatayo ng 6,438 furnished classrooms.

Usong uso ngayon ang iba't ibang kampanya laban sa kahirapan. Pero pag nakakabasa ako ng ganitong mga balita, ng paggastos ng milyon milyong dolyar para lang makausap ang isang tao, di ko mapigilang maisip na naggagaguhan pa rin tayo sa totoong buhay.

November 14, 2006

Magic!

Tuwang-tuwa ako sa episode ni Jay Taruc ng I-Witness kagabi na pinamagatang P36. Ayon kasi sa National Statistical Coordination Board, ang ating poverty threshold ay P36 per person per day. Ibig sabihin, kung ikaw ay nabubuhay sa P36 lang kada araw, hindi ka pa mahirap. Ang ginawa ni Jay ay nag-P36 challenge siya sa iba't ibang mga tao at tiningnan kung may makakatagal sa isang araw na P36 lang ang ginagastos. As expected, walang pumasa, maliban sa congressman na banana cue lang ang kinain buong araw.

Nakakatuwa ano? Di na ganun kataas ang bilang ng mahihirap sa Pilipinas kasi marami naman sa atin ang puwedeng mabuhay na ang gastos lang kada araw ay pamasahe papunta't pauwi sa trabaho at pambili ng isang stick ng banana cue. Di na matindi ang problema natin sa classroom kasi isang daang estudyante na ang ideal class size sa kada kuwarto. Di na mataas ang unemployment kasi hindi na binibilang yung mga taong tambay na lang at di naghahanap ng trabaho. Lumalakas ang Philippine peso dahil sa remittances ng mga Pilipinong napilitang maghanap ng trabaho sa labas kasi wala na silang pag-asa dito.

Ok ang pag-unlad ng Pilipinas. Parang minamagic lang.

November 12, 2006

Ang Bagong Lumad

Mga ilang buwan na ang nakakaraan, nakapanood ako ng isang special set ni Joey Ayala sa Conspiracy. Ilang beses ko na rin siyang napanood nang live kasi Biyernes naman siya madalas nakaskedyul, at yun ang aking panahon para lumabas at maglakwatsa. Pero kakaiba ang gabing ito kasi may kasama siyang matabang lalake na siyang magpepercussion para sa set niya.

Siyet. Si Noe Tio. Ang dating drummer ng Bagong Lumad.

Ilang set na rin na parang "nagreunion" si Mang Joey at ang dating bassist ng Bagong Lumad na si Onie Badiang. Sa mga set nila dati, si Malou Matute, isang taga-UP College of Music, ang kasama nila. Pero ngayon, si Noe na nag-AWOL nang pagkatagal-tagal dahil sa pagtira niya sa Davao, ang siya nang kasama nila. Parang nabuhay na uli ang Bagong Lumad!

Si Bayang na lang ang kulang...

----------
Una akong na-expose sa music ni Mang Joey sa isang episode ng Probe Team. Dun ko unang narinig ang mga kantang Manong Pawikan, Agila at Karaniwang Tao. Bata pa ako nun, elementary pa lang. Dominated pa ng 80s pop at New Wave ang aking tenga. Pero nun pa lang ay may kakaibang katangian na ang musika ng Bagong Lumad na nag-iwan ng tatak sa aking isipan.

Ang tenga ko ay tuluyang nabuksan sa kanilang musika nang ako ay nag-3rd year high school. May kaklase kasi akong nagpahiram ng isang kakaibang tape: Joey Ayala at ang Bagong Lumad: Live! Dun ko napakinggan ang iba pa nilang mga kanta: Magkabilaan, Walang Hanggang Paalam, Ania Na, Magkaugnay, atbp. Grabe, ang ganda! At dahil live ang recording, naramdaman ko ang enerhiya at ganda ng kanilang ethnic-flavored musical arrangement.

Gusto ko silang mapanood nang live. Nagkaroon naman ng pagkakataon nang yayain ako ng aking kaklase na manood ng isa nilang concert. Pero di ako sumama, at sinabi ko sa kaklase ko "Next time na lang." Nang magkita kami uli ay pinakuwento ko sa aking kaklase ang naranasan niya nung concert. At nalungkot ako nang sabihin niya na iyon na pala ang huling concert ng Bagong Lumad. Magdidisband na pala sila.

Sayang.

----------
May kakuwentuhan akong kaibigan dati. Sabi daw ng Humanities teacher niya, hindi daw magaling na musikero sina Joey Ayala at ang Bagong Lumad. Kesyo kulang daw sa formal training kaya hindi gaanong malalim ang pagkakapresent ng indigenous Philippine music sa musika nila.

Ewan ko sa teacher na yun na nageenjoy sa kanyang cultural elitist world kung saan mga may degree lang sa music ang may karapatang maging magaling na artist. Pero kung walang Joey Ayala at Bagong Lumad, napaka-alien at exotic na siguro ng indigenous Philippine music sa tenga natin. Alien at exotic pa rin naman ngayon, at maririnig lang natin ang ganun klaseng musika kapag may festival, Araw ng Kalayaan, o kaya Linggo ng Wika. Pero kahit papaano, sa mga kahenerasyon ko ay may isang distant memory na nagkaroon ng panahon na ang ganung klaseng musika ay nakalusot sa western-dominated FM radio sa Pilipinas.

----------
Sa karamihan ng kahenerasyon ko na nakakaalam pa sa musika ni Joey Ayala, ang Bagong Lumad ay isa nang legend. Alam namin na minsan ay nabuo ang grupong ito. Napapakinggan namin sila sa aming mga cassette tapes, CDs at dinownload na MP3s. May mga music documentaries na nagpapakita pa ng kanilang footage. Pero hindi na namin sila napanood.

Ang Bagong Lumad ang isa sa dahilan kung bakit sumali ako sa Kontra-Gapi at nahilig sa musikang Pinoy. Kahit na pinipilit kong maging orig, bumabalik at bumabalik rin ako sa inspirasyon na dulot ng kanilang musika. Sa pagtugtog ko ng hegalong ay lumalabas ang Ania Na at Talambuhay. Sa pagtatambol at pagkukubing, lumalabas ang Bagong Sayaw. Ewan ko ba, pero nasa sistema ko na ang musika nila.

----------
Minsan, nagkaroon ng pagkakataon na nakasama ng Kontra Gapi si Mang Joey sa isang konsiyerto sa Luneta. Nag-jamming kami! Umuulan pa nun nang malakas, pero sige, tuloy lang ang tugtugan. Masaya at madali naman akong nakasakay. Siyempre, halos araw-arawin ko ba namang pakinggan ang mga tape nila.

Pero mayroon pa ring kulang. Wala kasi si Onie. Wala si Noe. Wala si Bayang. Nandito si Joey Ayala. Pero wala ang Bagong Lumad.

---------
Nung nakaraang Biyernes ay tumambay uli ako sa Conspiracy. Friday night kaya Joey Ayala night. At ayos, kasama pa rin niya sina Onie at Noe.

Maya maya ay may tumawag sa akin. "Paeng, ikaw ba iyan?"

Si Bayang.

Tinanong ko kung kasama siya sa set. Sabi niya napadaan lang siya, galing sa isang gig sa PETA. "Sayang! Akala ko pa naman reunion na," biro ko. Uuwi pala kasi siya agad. Kapapanganak lang kasi niya at kailangang alagaan ang kanyang unang baby. "Pag may baby ka pala, parang kulang ang 24 hours!" sabi niya.

Sa isip-isip ko, gusto kong sabihin na mamaya ka na umuwi. Kahit isang kanta lang. Maya maya'y nagpaalam si Bayang at lumabas.

----------
Tumugtog na ng unang kanta sina Mang Joey. Panganay ng Umaga. Biglang pumasok uli si Bayang. Di pa pala siya umuwi. Umupo siya sa table malapit sa entablado at nanood.

Ang ikalawang kanta ay ang kanilang pinakasikat na kanta, yung Karaniwang Tao. Tumayo si Bayang. Kumuha ng shaker at maracas. Sinamahan sina Joey, Onie at Noe sa entablado. At kumanta.

At di lang natapos sa Karaniwang Tao. Maya-maya ay kumanta na rin sila ng Glad You Are Here, Maglakad, Magkabilaan, Agila, Tingnan Niyo at Awit ng Mortal.

Alam mo ba yung pakiramdam na naging saksi ka sa isang espesyal na karanasan? Ilang beses ko na ring napanood sina Mang Joey, pero iba ang gabing ito. Mas malakas ang palakpakan. Mas malakas ang hiyawan. Akala ko nung umpisa ay ako lang ang nakaranas ng kakaibang tuwa. Pero nang makita ko ang laki ng ngiti ng mga tao sa loob ng Conspiracy, ang pagsigaw ng mga request, ang walang humpay na pagkuha ng mga camera, alam kong lahat kaming nanonood ay parang nanalo ng jackpot na hindi namin inaasahan.

Si Joey Ayala. Si Onie Badiang. Si Noe Tio. Si Bayang Barrios. Ang Bagong Lumad. Together on stage after a long long time.

Sana may iba pang gabing tulad nito...

November 8, 2006

Hangsama

Nang lumabas ang hatol na "death by hanging" para kay Saddam, napailing ako.

Hindi naman sa kumakampi ako kay Sa-sa-saddami Ng Problema Natin. Matagal nang kontrabida ang tingin ko sa kanya. Sino ba naman sa henerasyon ko na nagtapos ng elementary nung 1991 ang di makakalimot sa mga palabas sa TV na sinabing si Saddam ang anti-christ. Kahit itanong niyo pa raw kay Nostradamus!

Ang problema sa death sentence kay Saddam ay hindi ito kaso ng good triumphing over evil. Sa mode pa lang ng pagpatay, na sa pamamagitan ng hanging, hangsadista na ng dating ng mga nagpataw ng kamatayan. Nabubuhay sa aking isipan ang isang eksena sa nobela ni George Orwell na 1984:

"Did you go and see the prisoners hanged yesterday?" said Syme.

"I was working," said Wilson indifferently. I shall see it on the flicks, I suppose."

"A very inadequate substitute," said Syme..."It was a good hanging. I think it spoils it when they tie their feet together. I like to see them kicking. And above all, at the end, the tounge sticking right out, and blue - a quite bright blue. That's the detail that appeals to me."


Napakalaking kabalintunaan na pinapangalandakan ng mga pamahalaan ng U.S.A. at Great Britain na isang malaking tagumpay para sa kanilang War on Terror ang pagbitay kay Saddam. Hindi naman siya hinatulan ng kamatayan dahil sa pagtatago ng Weapons of Mass Destruction kuno na ginawang pretext ng pagsakop sa Iraq. O kaya sa diumano'y link ni Saddam sa global terrorist network. O kaya sa pamumuno niya sa pagsakop sa Kuwait nung 1990s.

Si Saddam ay bibitayin dahil sa pagmasaker sa mga Shiite sa Dujail noong 1982.

E sino bang mga kakampi niya nung 1982 na siya pang nagsupply ng gas na ginamit sa masaker ?

Hanghipokrito naman, hindi nakakatawa.

November 7, 2006

Titulado

Pinagsisisihan ko ang pagsulat ng post na ito.

Tingnan mo naman kasi ang lumalabas na result kapag nag-search ka ng Erwin Rafael sa Google.

Erwin Rafael. Rapist.

----------
Bakit kaya ang ibang tao adik na adik sa mga titulo pagkatapos ng kanilang mga pangalan?

Kanina ay nagpapirma kami sa isang opisyal ng DOH para sa mga invitation namin para sa isang workshop sa susunod na linggo. Nagulat ako sa haba ng kanyang pangalan.

Usec. _____________, M.D., MPH, MHA, CESO III

Alam ko na marapat na bigyang halaga ang mga bagay na pinaghirapan natin sa mundo. Pero kailangan ba natin itong ipangalandakan palagi na parang mababawasan ang pagkatao natin pag hindi natin ito naisulat sa tabi ng ating pangalan?

----------
May isa akong kasamahan sa unibersidad dati. Magaling siyang magturo. Kaya lang, may ginawa siyang napailing na lang ako dahil ang...pathetic. Really, there's no other word to describe it:

Prof. __________, MBA, Ed. D (candidate)

Susme.

----------
Favorite headline for the day:

Notorious drug suspect caught for the fourth time.

Ewan ko ba't tawang tawa ako.

November 6, 2006

First day blues

Ang trapik kaninang umaga. Ang daming jeep sa kalsada, tapos puno pa ang mga ito ng pasahero. Ibang-iba ito sa nakaraang linggo, kung saan inaabot lang ng 20 minutes ang biyahe ko mula sa bahay papuntang office. Nangalahati na ako sa biyahe nang mahinawa ko na unang araw ng klase nga pala ngayon para sa 2nd sem ng AY 2006-2007.

May kakaibang excitement akong naramdaman. Ganito talaga ako kapag first day of school, parang bumabaha ng adrenaline sa aking veins. Magkahalo ang sabik at kaba, kasi may mga bagong estudyante na namang pakikisamahan, mga bagong librong babasahin, at mga bagong topic na pag-aaralan at ituturo. Ang hindi ko lang talaga kinasasabikan ang mga bagong papel na tse-checkan.

Tapos bigla ko na lang naisip...di na nga pala ako papasok sa eskuwelahan. Pagkatapos ng halos limang taon, ngayon lang magkaka-unang araw ng klase na wala ako sa loob ng klasrum.

Nawala ang aking excitement at napalitan ng pagkasentimental. Bumaba ako sa Lawton, napatingin sa nagsisiksikang mga sasakyan papuntang Quiapo na siguradong didiretso rin sa university belt area. Nagtext ako sa mga estudyante ko, sabi ko:

"How surreal. It's the first day of class, and for the first time in 5 years, I am not going to school."

Maya maya ay may nagreply:

"Dnt wori d kyo ng-iisa. ako dn! hehe"

"Sir 1st day of work nmin d2 s sgv."

"1st day of skul, eto 1st day nmin mgapply, dumudugo aming ilong kkcompose ng essay"

Ay, oo nga pala. Sabay sabay nga pala kaming "grumaduate" ng mga estudyante ko.