September 21, 2006

Mayro'ng isang aso...

Kahapon ay ipinasa ng Mababang Kapulungan ng ating Kongreso ang House Bill 4701. Layunin ng panukalang batas na ito na italaga ang English bilang medium of instruction sa lahat ng paaralan sa buong Pilipinas simula Grade III pataas.

Maliban sa pagrequire na gamitin ang English sa pagtuturo sa loob ng classroom, "encouraged" rin ng panukala na ito ang paggamit ng English bilang "language of interaction" sa loob ng paaralan. Dagdag pa rito, "in school publications, the use of English shall be given priority as far as practicable."

Kung magiging batas ang panukalang ito, paano na kaya kapag magtuturo ka na gamit ang Filipino o kaya ang vernacular bilang medium of instruction? Magmumulta ka ba? Ipapasara ba ang paaralan? Isususpinde ka ba sa pagiging guro?

Ang panukalang batas na ito ay isa lamang parallelism sa government policy kung saan ang ekonomiya ay binubuhay ng foreign investments, ng pag-utang sa ibang bansa, at ng pag-export ng mga Pilipino abroad. Imbes na pagyamanin ang ating kapabilidad upang maging self-sustaining, tinatahak natin ang "mas madaling" daan na pagiging dependent na lamang sa ekonomiya ng ibang mga bansa. Ang solusyon sa problema ng kawalan ng trabaho ay ang pagpapadala ng ating mga mamamayan sa ibang bansang may trabaho. Ang solusyon sa problema ng kawalan ng malalakas na industriya ay ang pagpapa-outsource natin sa industriya ng ibang mga bansa, kung saan ang bentahe natin ay pumapayag tayo na magpabayad ng mas mababang suweldo.

Sa aking mahigit apat na taon na pagtuturo ng accounting, Filipino talaga ang ginagamit kong medium of instruction, kahit na may English-speaking policy sa aming unibersidad. Dahil sa ginagawa kong ito, tinatawag akong radikal at aktibista. Pero sa totoo lang, ginagamit ko ang Filipino hindi dahil sa isang misplaced sense of nationalism kundi dahil naobserbahan ko na mas madaling natututo ang mga estudyante kung gamit ang wikang mas komportable sila. Ang pagkatuto ay hindi nagmumula sa pakikinig ng isang technical na lecture kundi sa isang interaction at palitan ng mga ideya, at ito ay mas napapadali kapag ang ginagamit na wika ay ang wikang ginagamit sa araw-araw. Di ba common sense iyon? Ano ang pagiging radikal dun?

Madalas tinatanong ako, paano mo tinuturo ang accounting sa Filipino gayong maraming mga terminolohiya na English at walang katumbas sa Filipino? Ang tanong na ito ay bunga sa isang maling assumption na ang wikang Filipino ay hindi organic, frozen in time (specifically, pre-1900s) at di na maaaring yumabong. Marahil ang karamihan sa atin ay di naiisip na mahigit kalahati ng bokabularyo ng wikang English ay hiniram lamang mula sa ibang mga wika. Kahit nga sa wikang Tagalog ay nanghiram ito!

At iyon na nga siguro ang ugat ng lahat ng usaping ito. Mayroon tayong inferiority complex pagdating sa ating wika. Kitang kita ito sa patuloy nating pagtawag sa iba't iba nating mga wika tulad ng Tagalog, Kapampangan, Cebuano, Hiligaynon at Ilokano na mga dialects, gayong ang katotohanan ay mga full-blown languages ang mga ito. Ang masaklap sa sitwasyong ito, marginalized na nga ang wikang Filipino dahil sa mas mababang pagtingin dito, gagawin pa nating institutionalized ang kanyang marginalization dahil ito ay isasabatas na natin.

Wala namang masama sa pag-aaral ng English. Malaking tulong talaga siya sa pagtuklas ng mga kaalaman galing sa ibang bansa at sa pakikipag-usap sa mga kapatid nating banyaga. Ngunit hindi ito dapat magresulta sa marginalization ng sarili nating wika. Hindi dapat palabasin na hindi tamang ituro ang kasaysayan, agham, math, music, P.E, health, THE, humanities, atbp. na gamit ang wikang Filipino. Hindi dapat palabasin na ang English ay mas angkop na gamitin sa pakikipagtalastasan kapag academic ang setting. Hindi dapat palabasin na ang mga publication na nasusulat sa Filipino ay second-class sa publication na nasusulat sa English.

Dapat may kalayaan tayong pumili kung anong wika ang mas angkop na gamitin upang mas maunawaan ang mga bagay na hindi lang naman sa wikang English natututunan. Dapat may kalayaan tayong pumili kung anong wika ang mas angkop na gamitin sa pagpapahayag ng ating mga kaisipan at damdamin habang nasa loob ng paaralan. Dapat hindi maging labag sa batas ang paggamit ng wikang hindi English sa pagtuturo at sa pagkatuto.

Ito ang kuwentong Pilipino. Imbes na ipagmalaki ang kayumangging balat, magpapaputi na lamang. Imbes na pagyamanin ang sariling mga produkto, proseso at ideya, mag-iimport na lamang. Imbes na paghirapan ang proyektong buuin ang bansang Pilipinas, mangingibang-bansa na lamang. Imbes na paghirapang buuin ang identidad na Pilipino, magpapalit citizenship na lamang. Imbes na paghirapang pagyamanin ang sariling wika, magpapalit-dila na lamang.

1 comment:

Anonymous said...

tama. tama. at tama! sa aking unibersidad, pnpromote ang speak in english policy, pati sandamukal na posters ng mga call center job opportunities..at ang mga poster na ito ay nakalagay sa bulletin board ng nursing bldg., or somewhere na super visible at nakikita ng mga estudyanteng nagbabayad ng mahigit singkwenta mil kada semestre para lamang magkaron ng propesyon.. sabi pa nun bobo kong propesor sa english,dapat daw magaling ka sa ingles. dahil lilipad daw kami sa ibang bansa para magtrabaho, kun kaya't nararapat na kami'y magaling. ilang guro ang gnun? tsk. ewan kun nakuha nio pt ko. sana din sir basahin mo to! salamat. -loren