May 29, 2007

Congrats!

Congratulations sa aking mga bagong colleagues. :) Di ko pa mabanggit ang pangalan niyo dito kasi di ko pa maidentify yung lahat ng 32 na pumasa. Sana ay gamitin ninyo ang pagkakataon na ito para lalo pang mapagyaman ang inyong buhay. Remember that your newly acquired license has opened doors to a world of opportunities at hindi kayo dapat limitahan nito sa kung ano ang daang tatahakin sa hinharap.

Ngayon, puwede ko nang sabihin na tapos na.

(Medyo lang pala dahil meron pang unfinished business)

May 28, 2007

Naiinip

Ang tagal namang matapos ng eleksyon dito. Para bang sinasamantala ang short attention span ng mga tao para mabaling na ang atensyon sa ibang mga bagay maliban sa bilangan.

Sabi nga nila, ang magnanakaw, dumarating kapag madilim na at ang lahat ay natutulog.

May 27, 2007

Make poverty reduction your business

Plugging muna. Baka may interesado sa inyo, we are promoting a competition for entrepreneurs who want to start a business that will help alleviate poverty. Parang conflicting, ano? Profit-making at poverty reduction. Pero nung makita ko ang mga business plans last year, I think this is the way to go para matransform natin ang business landscape from heartlessness to social and civic consciousness. Malay natin, maghimala. Hehehe.

This year, I am one of the screeners. Siguro pag tumagal-tagal, ako naman ang magjojoin kapag may naisip na akong magandang business. Sa totoo lang, may naiisip na ako, pero lulutuin ko pa.

----------
Message

Dear friends,

The Philippine Business in Development (BiD) Challenge is an International Business Plan Competition for poverty reduction and profit.

Apart from prize money to be won, entrepreneurs can find coaching, partners and investors. It's a worldwide initiative. PBSP is the organizer in the Philippines and we invite you take on this challenge. Submit your three page business plan and use this opportunity.

Please spread the word and forward this to people and/or organisations for whom this could be relevant.

Questions? See our website or send an email to the PBSP BiD Challenge Team at bidph@pbsp.org.ph.


BiD Challenge

----------
This portion sponsored by Bloggerwave

Habang iniisip ko ang competition na ito where entrepreneurs and investors are matched, naisip ko ang role ng venture capitalists sa ganitong mga initiatives. These companies make their living by shepherding unproven but viable upstart businesses. One example is Venture Alliance Partners, who describe themselves as "one of the leading providers of private equity, dedicated to helping entrepreneurs and investors build world class companies." Such companies are vital for SMEs in developing countries because of what the BiD Network calls as "the ‘missing middle’ problem: There is a financing gap between $5,000 and $500,000 (where microfinance stops and commercial finance starts)." The question though is would venture capitalists like Venpar take a chance on businesses who aim for the seemingly conflicting goal of profit-taking and poverty reduction?

Well, we can always hope.



----------

Sige na nga, sabihin ko na kung anong business yung gusto kong isali dito. Yung business school na nabanggit ko na sa post na ito. Business school na hindi lang entrepreneurs ang gustong maproduce kundi mga social entrepreneurs. Sana nga matuloy.

Ano kayang magandang pangalan?

Ang kasaysayan ng Mormonismo

Mga isang linggo na ang nakakaraan, muli kong inactivate ang aking Google AdSense account. Matagal na akong may acount dito, Globalpinoy pa nga ang aking e-mail noon at hindi Gmail. Pero ngayon ko lang ginamit dahil na-curious lang ako: Ano kaya ang targeted ad na lalabas sa aking website?

Intelligent software daw ang gamit ng Google sa paglabas ng ad sa aking blog. Susuriin ang content tapos magkakaroon ng matching. Ibig sabihin, medyo tugma ang target audience ng ad na lalabas dito sa audience ng blog na ito (oo, kayong tatlo). Kaya siyempre, excited naman akong malaman kung ano ang unang-unang ad na lalabas sa aking blog.

Ang Kasaysayan ng Mormonismo

Huwat?

Meron ding mga Free product demos ng National Instruments. Meron pang German na ad, Kies onze IPMA Training. May ad din ng Lithography Training. At kung tama ang alala ko, meron ding lumabas na ad ng isang Malaysian na restaurant.

Pakshet, ayaw talagang mawala Ang Kasaysayan ng Mormonismo sa aking banner ads.

Heniweyz, di ko malaman kung anong klaseng intelligence ang gamit ng intelligent software ng AdSense. Pero ang masasabi ko ay nakakatuwa siya sa kanyang weird sense of humor. Lagi tuloy akong nae-excite na buksan ang aking page para malaman lang kung ano ang bagong ad na "match" sa aking blog content. Por diyos por santo, sana nga lang wag lumabas ang mga ad ng viagra, sex toys at penile erection na siyang spam sa aking e-mail.

EDIT: May nabasa akong post sa ibang blog na nagtatanong kung paano mapapataas ang hits sa blog. Madali lang naman. Basta isulat mo ang salitang Harry Potter, American Idol, Paris Hilton, nude, naughty, scandal at sex, tiyak maraming maliligaw sa website mo. Ewan ko nga lang kung di sasakit ang ulo mo sa spammers.

Punyemas, baka ma-spam ako.

May 26, 2007

Paikot-ikot

Ang hirap ng buhay.

Ang taas ng presyo ng mga bilihin. Tuwing maggo-grocery ka, nagtataka ka kung bakit umaabot ng isang libo ang binabayaran mo e halos di pa magkasya yun sa isang linggong gamit niyo sa bahay. May trabaho ka nga, pero kulang naman and suweldo. Di mo na nga maintindihan kung bakit ganun. Lumipat ka na sa trabahong mas mataas ang bayad pero kulang pa rin.

Di mo maiwasang mainggit sa mga managers mo. Ayun sila, relax na relax. Panay imported ang gamit. Prada ang bag ni Mam. Marks and Spencer namimili si Sir. Hay naku, kung sana lang makabili ka rin ng mga ganung produkto. Ni pumasok nga sa mga shops na iyon di mo magawa kasi japorms mo pa lang, alam nang hindi ka bibili.

Abroad. Yan ang pumasok sa iyong isip. Sabi nila madali lang ang pera kapag nasa ibang bansa ka na. Siyempre naman, mas mataas kasi ang halaga ng dolyar kontra piso. Napagdesisyunan mong pagtiyagaan na ang mawalay nang sandali sa pamilya para sa mas pangmatagalang ginhawa.

Kaya nag-invest ka sa iyong sarili. Nag-aral. Nagbayad ng placement fee sa isang agency. Nagpagawa ng passport, nag-apply ng VISA. Naghintay.

At sa wakas, nakaalis ka na rin.

Mahirap magtrabaho abroad. Malungkot. Ang tanging kasiyahan mo lang ay yung makabasa ka ng email mula sa iyong mga minamahal sa buhay na siyang dahilan kung bakit ka umalis. Nandiyan nga rin pala ang iba pang mga lonely Pinoy na kasama mong nakikipagsapalaran sa malayong lugar. Fellow travellers, ika nga.

OK naman nung umpisa, guminhawa kahit papaano ang buhay ng mga iniwan mo sa Pinas. Pero nitong mga nakaraang buwan, nagkaroon ng problema. Sabi nila kailangan ka daw magpadala pa nang mas marami. Bagsak daw kasi ang dolyar laban sa piso.

"Nakupu!" isip mo. Akala mo pa naman mas gagaan na ang buhay pag nasa abroad ka. Pero sige, para naman sa pamilya mo ito. Kaya sinikipan mo uli ang sinturon para mas maraming maipadalang dolyar sa Pilipinas. Tataas rin naman uli ang dolyar laban sa piso, ang iyong pakiwari.

Pero hindi tumaas ang dolyar laban sa piso. Mas mabilis pa nga ang naging pagbagsak. Kaya mas marami pa lalo ang kailangan mong ipadala. Kumuha ka na night job para lang dumami ang iyong maipapadala pero parang balewala lang din ito dahil kinokontra lang ng pagbaba ng halaga ng iyong pera.

"Letse! Bakit ba kasi bumabagsak ang dolyar?!" Ang sagot ay iyong nalaman nang ikaw ay hinirang na isang bagong bayani ng gobyerno ng Pilipinas. Maraming salamat daw at dahil sa parami nang paraming padala ninyong mga OFW, lumalakas ang piso laban sa dolyar. Kayo ang pillar ng ating new economy.

Ikaw ay nanlumo. Dahil marami kang pinapadalang dolyar sa Pilipinas, bumabagsak ang halaga nito. Pero dahil bumabagsak ang halaga nito, mas marami pa lalo ang kailangan mong ipadala sa Pinas.

Ay, anong kabalintunaan!

Binuksan mo ang iyong e-mail. May message na naman si Misis, magpapasukan na at kulang pa ang naipadala mo na pangtuition ng iyong panganay.

May e-mail ka rin palang natanggap mula sa dati mong boss. Nage-enjoy daw siya sa pamimili sa Marks and Spencer. Super sale! Malaki daw ang ibinaba ng presyo ng imported ngayon dahil bagsak ang dolyar laban sa piso.

Gulong ng buhay
Patuloy-tuloy sa pag-ikot
Noon ako ay nasa ilalim
Bakit ngayon nasa ilalim pa rin?

May 23, 2007

Ehemplo

Sa bayan ng ating Pang(g)ulo, nagkaroon ng isang himala. Isang kandidato na walang political machinery, walang pera, walang backing ng mga power brokers, independent at may purong intensyon ang nanalo bilang gobernador laban sa dalawang beterano ng pulitikang Kapampangan.

Nais ko sanang sabihin na triumph ito ng good over evil. Pero gusto kong bitinin muna ang aking judgment hanggang sa makita ang mangyayari kapag nagsimula nang mamuno si Among Ed. Ang aking cynic na side ay nagsasabi na "Lalamunin lang iyan ng sistema." Pero ang aking mas dominant na hopeful na side ay naniniwala na kapag lalampasan natin ang pagkakulong sa ating mga preconceptions, walang imposible.

Para kay Among Ed, siguro ang hiling ko na lang ay maging ehemplo sana kayo ng tapat na paglilingkod. Sabi nga sa isang MTV:

"Sana naman kayanin mo
Panindigan ang prinsipyo..."

May 20, 2007

Yoyoy

Kahapon ko lang nalaman na namatay na pala si Yoyoy Villame. Akala ko si Kuya Cesar lang ang namatay kasi yun lang ang nabalitaan ko sa DZMM Tele-radyo. Siguro dahil DZMM talent si Kuya Cesar kaya mas nabigyan siya ng spotlight.

Heniweyz, marami nagsasabi na si Yoyoy ang hari ng novelty songs. Ewan ko pero parang ang pangit pakinggan ng salitang "novelty" kapag ia-associate sa mga kanta niya. Parang walang sense ang dating, pero kung tutuusin, mas may sense pa ang mga kanta niya kaysa sa karamihan ng mga pop songs na pinapatugtog sa radyo. It takes artistic intelligence para makasulat ng kantang nakakatawa ang dating pero informative at the same time.

Kung di dahil kay Yoyoy, di ko matatandaan kung kelan dumating si Magellan sa Pilipinas. At mag-exercise tuwing umaga.

Di ko malilimutan yung pinagharap sila ni Gary Granada sa Nuts Entertainment sa isang "songwriting competition". Bibigyan sila ng topic tapos on the spot sila gagawa ng kanta. Ang galing, talagang napabilib ako, kasi maganda pa talaga yung mga nasulat nilang kanta. Mga genius talaga.

Sayang lang at nitong mga nakaraang taon ay di na gaanong naririnig si Yoyoy. Isa na lang siyang piece of trivia sa Philippine music. Pero sa aming mga na-expose pa sa kanyang awitin, hindi lang siya trivia. Isa siyang paalala ng kung ano ang maaabot ng isang artistic genius kung hindi ikukulong ng standards of creativity na ini-impose ng commerce, popular music at ng artistic elite.

May 14, 2007

Excited

Ibang klase talaga eleksyon sa amin. Alas-otso nang umaga, paalis na kami ng bahay. Akala ko mauuna pa kami sa presinto, pero hindi. Ang dami na agad naming nakasalubong na nagtatanong, "Bumoto na kayo?. Ganado ang mga tao. Excited.

Sana lang, matumbasan ang aming gana sa pagboto ng aktwal na pagkakabilang ng aming mga balota.

Belated

Isang bagay na pinagsisisihan ko sa pagpasok ko sa aking bagong trabaho ay ang di pag-attend ng graduation ng aking mga estudyante noong April 16 sa PICC. Ang batch 2007 kasi ang kauna-unahang batch na di ko nasaksihan ang pagtatapos.

Sa karamihan ng co-faculty ko, hindi big deal ang pag-attend ng graduation. Pero para sa akin, importanteng bagay ito. Ito kasi ang nagbibigay sa akin ng sense of closure. Ito rin ang panahon ng pagpapaalam at kahit na sabihin pa na "Magkikita pa rin naman tayo," alam ko na more often than not ay yun na nga ang huling pagkikita namin ng karamihan ng aking mga estudyante.

Ang senti ano? Ganyan lang talaga si Sir Paeng, ang korni...

Heniweyz, kung meron mang batch 2007 na makakabasa nito, belated congratulations sa inyong lahat. Pasensya talaga at di na tayo nagkita-kita. Salamat sa mga magagandang ala-ala. Aabangan ko na lang ang mga pangalan niyo sa diyaryo sa Oktubre at sana, kung papalarin, magsasama-sama tayo uli sa inyong testimonial.

May 13, 2007

Ang napag-iwanan at ang nagpaiwan

Napag-iwanan.

Iyan ang description sa akin ng isang mahal sa buhay nung isang gabi. Pinag-uusapan namin ang career ko bilang CPA at kanyang nasambit na tuwang-tuwa sila at nasa multinational na ako. Napag-iwanan na daw kasi ako ng aking mga ka-batch at ngayon ay makakahabol na ako.

Sa totoo lang, medyo nagtaka ako kung paano nasabing napag-iwanan ako ng aking mga ka-batch e wala naman kaming nasasagap na balita tungkol sa kanila. Nakakairita ring marinig ang ganung comment, na para bang walang kakuwenta-kuwenta ang mga pinaggagawa ko nitong nakaraang mga taon. Pero after a few hours of reflection, naisip ko na may punto nga naman siya.

Napag-iwanan naman talaga ako.

Ano ba ang typical na career path ng isang CPA?

Pagpasa mo ng board exam, papasok ka sa isang auditing firm. Tapos magpupuyat ka ng isa, dalawang taon para tumaas ang iyong "market value". Tapos, may dalawang options ka. 1) Maga-apply ka sa foreign partner ng iyong local firm para ma-assign ka abroad. O kaya 2) magpapapirata ka sa isa sa iyong mga kliyente, preferably a multinational para sa isang supervisory position sa kanilang accounting / finance department. Pagkatapos nun, dirediretso na iyan at kung magiging maayos ang iyong strategy, maari kang maging partner sa isang auditing firm, controller, vice president - finance, o kaya ay Chief Financial Officer.

Along the way, magkakaroon ka ng marami-raming pera. Makakabili ka ng kotse. Kapag pinalad ka, yung kotse di mo na kailangang bilhin kasi kasama na iyon sa perks ng trabaho. Makakabili ka ng bahay. Magkakaroon ka ng pamilya na nakikita mo lang kapag Linggo kasi pag-uwi mo nang madaling araw ay tulog na sila at pagpasok mo naman nang madaling araw ay tulog pa rin sila. Magrerent ka ng condo na nasa Makati area para may tutulugan ka kapag closing period o kaya kapag may quarterly report kasi wala ka nang oras para umuwi sa bahay mo sa Laguna / Cavite / Rizal / Bulacan / Fairview. At siyempre, nag-spend ka ng isang oras sa gym kada araw kasi kailangang alagaan ang katawan na bugbog sa stress ng kaiisip kung paano pang magkakaroon ng mas maraming pera ang kumpanya mo na "nalulugi" kasi isang milyon lang ang kinita ngayong buwan imbes na limang milyon na inyong tinatarget.

Anim na taon na ang nakakaraan, ako ay naligaw ng landas. Mali...ako pala ay nagpaligaw ng landas. Dinaanan ang daan na di madalas na tinatahak ng mga CPA. Nagturo sa paniniwalang hindi dapat mga latak na walang pag-asa sa industry ang maghuhubog ng isipan ng kabataan. Nag-development work sa paniniwalang hindi dapat mga latak na walang pag-asa sa industry ang nagma-manage ng mga proyektong mag-aangat ng majority ng lipunan sa kahirapan. Pumasok sa multinational dala ng pangangailangan pero ngayo'y babalik na uli sa development work at pagtuturo dahil sa pananagutan.

Bilang CPA, napag-iwanan na nga siguro ako. Dahil nagpaiwan ako. Sinuri ko ang daan at nakita ko na ito ay hindi papunta sa destinasyon na gusto kong patunguhan. Kaya ako ay huminto, lumiko at naghanap ng ibang madadaanan.

Nakakatawa ang sinasabi na your entry into adulthood opens up a world of endless opportunities gayong sa totoo lang, adulthood beats you up when you don't conform to accepted paths and stigmatizes you when you try to follow the road less travelled. Siguro, matagal-tagal ko pang dadalhin ang label na napag-iwanan, lalo na't di pa natatanaw ang dulo ng daan na aking piniling tahakin. Dapat di sasama ang loob ko at tanggapin na natural lang talaga ang ganung reaksyon. Pero sana dumating yung araw na ang magiging label na sa akin ay nangahas. Sumugal. At kung papalarin, nagtagumpay.

Take NOT the road less traveled. Rather, MAKE new roads, BLAZE new trails, FIND new routes to your dreams. Unlike the track-beaters in campus who see where they're going, we may not know how far we can go. But if we are brave, defiant searchers of excellence, we will go far. Explore possibilities, that others may get a similar chance...

-Mikaela Irene Fudolig
BS Physics Summa Cum Laude
Speech at the Commencement Exercises, UPD
April 22, 2007

May 12, 2007

Buhayin ang MayniLA?

Habang nagba-blog hop ako ngayong weekend, aking nabasa ang post ni Nalen tungkol sa kampanya ng anak ng aming "paboritong" alkalde. Kahiya-hiya, kasing-baboy ng baboy na pinamimigay niya.

Naalala ko tuloy nang matapos ang bagyong Milenyo. Nandun si Ali, nagbebenta ng murang bigas sa mga iskwater sa Intramuros. Setyembre pa lang nun, pero kuntodo na ang pangangampanya, kumpleto with paraphernalia at t-shirts na may mukha ng "honorable" na kandidato na hindi naman elected official ng lungsod. Medyo napaisip rin ako nun, bakit sila nagbebenta ng bigas na na-procure na mula sa calamity fund? Di ba dapat libre iyong ipinamimigay sa mga nasalanta ng bagyo?

Siyam na taon nang pinapangakuan kaming mga Manilenyo na bubuhayin ang Maynila. Sa biglang tingin, akala mo matagumpay ang mga proyekto sa programang ito. Nandiyan kasi ang Baywalk, ang mga plaza at fountain, ang mga ilaw sa Liwasang Bonifacio, ang mga multi-colored lights sa mga tulay.

Pero kung lalaliman ang pagtingin, makikitang napaka-cosmetic lang ng mga pagbabago sa aming lungsod. Overpriced ang mga proyekto. Walang respeto sa historical landmarks. Sangkatutak ang natutulog sa kalsada. Nabuhay uli ang prostitution sa Ermita. Napakaraming pamilya ang nabubuhay sa isang tasang kape kada araw. Maraming nagugutom, walang trabaho at lumalanghap ng solvent para makalimot sa problema. Maging ang mga pinagmamalaking proyekto ay pinapabayaan: mga mamahaling fountain na nakatiwangwang na lang at di na gumagana, mga color-coordinated na ilaw na pundido na o kaya ay iba na ang kulay.

Sawang-sawa na ako sa kalokohang ito. Binuhay ang Maynila? Oo, binuhay ang mga ilaw sa Maynila at binulag ang mga tao sa katotohanang ang lungsod na ito ay miserable at nawalan na ng tingkad.

Ang nabuhay para magtrabaho

Matagal na naman akong nawala. Matagal na di nakatambay. Medyo naubos kasi oras ko sa aking bagong trabaho sa isang multinational. Maganda ang sahod, ok ang mga tao, ok ang kumpanya.

Yun nga lang, hindi ako masaya.

Di ko maisip kung bakit naging ganito ang "destiny" nating mga tao. Na sa ating pagtanda, ang buhay natin ay iikot sa ating mga trabaho. Na ang buhay natin ay nakadepende sa pag-pledge ng loyalty sa mga korporasyon na ang mga may-ari ay mas malaki ang kinikita kaysa mga empleyado di dahil sa mas malaki ang hirap nila kundi merely by virtue of ownership.

Naalala ko tuloy yung isang slogan na nakita ko sa isang rally: A BETTER WORLD IS POSSIBLE.

Sabi nga nila, ang tao ay nagtatrabaho para mabuhay. Hindi tayo nabuhay para magtrabaho.

Kaya simula sa susunod na linggo, sisiguraduhin ko na na ang buhay na pipiliin ko ang siyang magdidikta kung ano ang aking magiging trabaho, at hindi na ang trabaho ang siyang magdidikta kung ano ang aking magiging buhay.

I resign.