March 25, 2005

Kongratyuleysyons!!!

Dear _____ ______,

Nang makita ko ang pangalan mo sa listahan ng gagraduate na may Latin Honors, napanganga ako. Wow. Akalain mo nga naman. Isang estudyante na malakas mangopya at mahilig makiusap na taasan ang grades, CUM LAUDE!!!

Nagbunga rin ang ilang taong pagpapagod sa pagpapagawa ng assignment sa iba. Nagbunga rin ang pagkakaroon ng malinaw na mata at makapal na mukha na siyang nagamit mo sa pagkopya nang lantaran sa classroom. OK rin ang pagkakaroon ng magagaling na koneksyon, marunong ka ring bumarkada sa mga masayang kopyahan.

Alam mo, ngayon ko lang naisip, sayang at di kita pinuna sa lantaran mong pangongopya noong estudyante pa kita. E di sana noon pa lang ay naging bahagi na ako ng pag-recognize ng iyong angking "galing". Kungsabagay, "friends" naman tayo. Malamang sa araw ng graduation, magyayaya ka na magpa-picture tayo. Pero di ako ngingiti.

Hinintay nga kita nitong nakaraang qualifying exam. Naalala ko noon, nanghihingi ka pa ng leakage sa akin. Bakit naman nahiya ka ngayon? Oo, tumanggi ako noon at tatanggi pa rin ako hanggang ngayon. Nabigla lang ako at wala ka man lang "attempt". Nabawasan pala ang iyong kapal ng mukha. Ano ka ba? Cum laude ka nga e, bakit di mo patunayan? Ngayon ka pa nahiya.

Kamusta na nga pala si __________? Siguro masama ang loob niya na madalas mo siyang kopyahan pero di siya cum laude. Ang hina naman kasi niya, hindi katulad mo, ang daming koneksyon at malakas ang loob. E ano nga naman ang maprinsipyo ka kung wala namang maisasabit na P45 na tingga sa leeg mo pagdating ng graduation?

Balitaan mo naman ako pag professional ka na!!! Mangongopya ka pa rin kaya? Siguro naman, 'no?!! E ano pa bang alam mong gawin? Oo nga pala. Give my regards to your parents. Pero mas masaya siguro kung alam nila ang iyong mga "hidden talents". Buti na lang sa akin, wala kang hiya sa pagpapakita ngiyong talento.

Muli, Miss _____ ______, kongtyuleysyons for cheating your way into cum laude!!! Namnamin mo ang iyong tagumpay pag hawak mo na ang medalya mo. Ipalaminate mo rin ang iyong diploma. Ano nga ba ang degree mo? B.S.C. F.A.? (Bihasa Sa Copying Friend's Answers)

Basta ito ang tatandaan mo. Kapag tinawag na ang iyong pangalan, hindi ako papalakpak. Hindi talaga.

-Sir Paeng-

March 24, 2005

Tahimik

Noong Ash Wednesday pa ang simula ng Lenten season, at noong Palm Sunday pa sinimulan ang Holy Week. Pero sa karamihan ng mga Kristiyanong Pilipino, ang nagiging "highlight" ng period na ito ay nagsisimula ngayong Maundy Thursday at matatapos sa Salubong sa Easter Sunday. Ngayon ang panahon ng fasting, abstinence, reflection, at kung anu-ano pang pagpapakabanal. "Holy" nga, di ba?

Para sa akin, ito rin ay panahon para magkaroon ng katahimikan. Napakadami ko kasing ginagawa at pinagkakaabalahan. Panahon iyon para makapagisip-isip. Para maging mapag-isa.

Dati, naglalakad ako mula dito sa bahay namin sa Paco, Manila, hanggang sa UP Diliman. Mga apat na oras rin iyon. Masayang maglakad pag Good Friday. Malinis ang hangin kasi wala halos sasakyan. Kaunti rin ang tao sa labas. Pagdating ko sa UP, magpapaumaga na ako doon. Wala ring katao-tao, tapos ang daming mga puno at halaman. Ang tahimik. Ang saya...

Pero matagal ko na ring itinigil ang paglalakad. Parang wala na ang lakas sa aking mga binti, at wala na rin yung tiyaga.

Pero matagal na rin naman akong parang di natatahimik. Ang dami kong iniisip. Kaya nga parang nagbabalak na naman akong maglakad. Pero parang di ko pa rin nararamdaman ang "drive".

Baka humarap na lang ako dito sa computer buong "bakasyon". O manood ng mga Tagalog na pelikula. Magbasa. Mag-aral. Magtrabaho (?). Matulog. O kaya, magkulong sa kwarto. Tumunganga sa kisame.

Mukhang di na naman magiging tahimik...

March 23, 2005

What the hell?

The Manila Standard Today


So Teddy Boy Locsin and Enrique Razon are now joining forces? Great. A politician with an expertise on writing "praise releases", which is why he is the most sought-after SONA writer. A businessman famous for "manhandling" labor unions while he and his fellow "elite" managers bask in their ivory tower, eating their delicious meals from their exclusive Via Mare lounge.

Surely we can expect fearless and unbiased journalism. Harharhar.

March 20, 2005

Himig Mong Di Marinig...

Kagagaling lang namin ni isipkamote sa Conspiracy para panoorin si Bayang Barrios mag-perform nang live. Ang saya, ang galing talaga ni Bayang pati na rin ang kanyang mga kabanda na sina Mike, Angelo, DJ at Budeths. Mas lalo pang sumaya dahil naki-jam pa si Cynthia Alexander.

Pero hindi ito ang pinakamaaalala ko sa gabing ito.

Ang maaalala ko ay ang aking mga natutunan tungkol sa estado ng recording industry sa Pilipinas. Nabuksan ang topic na ito nung ilabas ko para ipapirma kay Bayang ang aking kopya ng sleeve ng kanyang unang album na Bayang Makulay. Parang natawa siya at sinabing wala nang binebentang kopya ng album na ito. Nagulat ako nang sabihin niyang "Bilhin ko na lang kaya yung mga kanta sa album na iyan?" Sa isip ko, bakit naman niya bibilhin ang rights sa sarili niyang kanta? At doon ko nalaman na sa kanyang kontratang pinirmahan para sa pagproduce ng kanyang unang album, lumalabas na ang Universal Records na ang may-ari ng rights sa mga kantang siya naman ang kumanta at / o sumulat.

Nalungkot ako. Sayang, marami pa namang magandang kanta sa unang album na iyon. Paano kung ayaw nang i-release ng Universal Records ang kanyang mga kanta? E di ang mga taong di pa mulat sa mga awitin ni Bayang, habambuhay na lang nila itong di maririnig?

Mas lalo akong nalungkot nung lumapit kami kay Cynthia para naman magpapirma ng sleeve ng kanyang unang album na Insomnia. Mukhang di natuwa si Cynthia nang ipakita namin ang unang album, at kanyang nasambit na wala siyang nakukuhang kahit anong bayad sa pinagbentahan ng album na ito, ni singko. Tinanong ko, pwede kaya niyang i-record ito uli kasi baka sound recording lang naman ang copyrighted ng recording company. Sabi niya, hindi daw, at baka nga nakalagay pa sa kontrata na hindi niya pwedeng kantahin ang mga kanta sa kanyang album.

Nahihiya nga ako kay Mam Cynthia. Para akong manhid doon na pinapirmahan pa rin ang sleeve ng album na nagdadala siguro sa kanya ng sama ng loob at panghihinayang. Kung mababasa man niya ito, paumanhin talaga.

Habang pauwi kami ni isipkamote, naikuwento niya sa akin yung kanyang mga nalaman noong nakaraang Dong Abay fest na ginanap sa UP bilang selebrasyon ng batikang manunulat at musikerong nagbigay-boses sa bandang Yano at Pan. Naikwento ni isipkamote na si Dong daw ay minsang nakatanggap ng mahigit-kumulang piso lamang sa mahigit isandaang piso na pinagbentahan ng isang album na siya naman ang nag-compose at umawit ng lahat ng kanta. Nandiyan rin yung nademanda pa yata sa korte si Dong dahil inawit niya ang sarili niyang kanta nang walang pahintulot mula sa recording company.

Ang laki talaga ng problema ng recording industry sa Pilipinas. Napaka-opportunistic. Sa totoo lang, napakarami nating magagaling na musikero. Pero inaagrabiyado sila ng sistema kaya hindi sila naririnig. Laging lose-lose situation ang pinapasok nila. Para maraming makarinig ng kanilang mga obra, kinakailangan nila ng makinarya ng mga malalaking recording company na siyang magdi-distribute nito. Pero kapag pipirma ka naman sa recording company, kailangan mong ibenta ang karapatan mo sa mga kantang pinaghirapan mong isulat, tugtugin at awitin.

Nasaan ang katarungan sa ganitong sitwasyon?

May manhid akong nakausap dati na nagsabi na ang may kasalanan naman daw rito ay yung mga artists na rin mismo na pumipirma sa kontratang naa-agrabiyado sila. Pero ano ang magagawa nila kung ang pagpirma sa kontrata ang tanging paraan lamang para mapakalat ang kanilang sining? Ako, isa rin akong manunugtog dati, at alam ko ang frustration ng sitwasyon kung saan talagang mabibilang lang ang nakakarinig ng musika mo. Mas lalo na't kung ang iyong musika ay di lang basta musika, kundi nagdadala pa ng importanteng mensahe o ideya na gusto mong ipaalam sa maraming tao.

Hindi miminsang hiniling ko na sana mayaman ako. Sana may recording company ako at ako ang magdidistribute ng mga kanta ng ating mga magagaling na Pinoy artists na di napapakinggan tulad nina Gary Granada, Bayang Barrios, Joey Ayala, Cynthia Alexander, Noel Cabangon at Dong Abay. Sana may istasyon ako ng radyo para mas kumalat ang kanilang musika at para magkaroon naman ng matinong alternative sa "Kailangan pa bang i-memorize iyan?". Pero hindi ako mayaman. Kaya hindi ko magawa ang mga bagay na iyan.

Nakakapanlumo ang di makatarungang sistema sa recording industry at marahil ay malayo pa ang landas na tatahakin para maitama ito. Pero sabi nga nila, ang pagbabago naman ay nagsisimula sa maliliit na hakbang. Kaya eto ako. Nagsusulat ng mga review. Namimigay at nagpapa-kontest ng mga OPM albums. Nagpo-promote ng ideyang bumili ng original at wag tatangkilik ng pirated, downloaded at burned. Nagsasama ng mga estudyante sa gig ng mga magagaling na Pinoy artists at umaasang magugustuhan rin nila ito.

Mahirap, pero ito pa lang naman ang magagawa ko. Siguro kung marami ring gagawa nito, magiging malaking kontribusyon din sa pagsuporta sa ating mga mahuhusay na musikero.

Meron pa akong isang balak gawin. Malaking bagay naman. Hindi ko na muna sasabihin, baka mausog, pero ang laking tuwa talaga kung makakaya ko itong isakatuparan. Sana nga...

March 18, 2005

Juice Ko!!!

pinyaGustong gusto ko ng pineapple juice.

Nung high school, kapag nagja-jogging pa ako mula sa bahay hanggang sa CCP, pineapple juice ang madalas kong binibiling samalamig sa isang maglalako. Di nga lang ganun kasarap kasi parang kulang sa juice at puro naman tubig, pero ok pa rin.

Dati, nung may Pineapple Juice pa sa Jollibee, lagi kong pinapa-juice up ang aking value meal. Dalandan juice na lang ngayon e, wala nang pineapple juice. Sayang...

Nung college, sobrang tipid ako. Pag umuuwi ako, nilalakad ko lang ang mula Kalaw hanggang dito sa bahay namin. Mga apat na kilometro rin yun. Sa pagitan ng ruta ng aking nilalakad, merong nagtitinda ng pineapple juice. Malapit iyon sa kanto ng Paz St. at Pedro Gil. Para ngang kagaguhan yun kasi piso lang talaga ang natitipid ko sa paglalakad kasi pinambibili ko rin naman ng pineapple juice.

Kapag may rally, madalas rin na pineapple juice ang pampawi sa uhaw. Di ko kasi trip ang buko juice (masarap lang siya pag may gatas at ok lang yung tatak ay "Laguna"). Parang lugi naman ang mineral water (sampung piso para sa tubig na inigib lang sa gripo). Kapag sago at gulaman naman, mas lalo lang akong nauuhaw (sobrang tamis naman kasi). Siyempre, pineapple juice na lang ang aking pipiliin.

Pero matagal-tagal rin akong di nakainom ng pineapple juice. Mga isang taong mahigit. Di ko alam kung bakit ganun, di naman naglaho ang pinya sa balat ng lupa.

Nitong nakaraang dalawang linggo, bigla na lang napagtripang magtimpla ng pineapple juice dito sa bahay. Madalas kasi, orange at calamansi juice lang ang binibili ni Inay para inumin namin dito. Pero sa isang himala'y biglang na lang naisipan na mag-pineapple juice naman.

Kanina pag-uwi ko, binuksan ko ang ref. At laking ngiti ko nang aking makita ang isang pitsel ng pineapple juice na naghihintay.

aaahhhhhhh....

Juice ko...this is the good life.

March 17, 2005

Ang mga Pambato!!!

Ngayon ang ikatlong taon na seseryosohin ng FEU ang pagparticipate sa isa sa pinakaprestigious na interschool competition sa bansa - ang InterCollegiate Finance Competition. For the past two years, consistent na number 7 ang FEU among all the schools in the Philippines na lumalaban sa competition na ito. Pero ngayong taon, di na talaga kami makukuntento sa number 7. Ang aim namin ngayon, CHAMPION!!!

Sa anim na taon na dinaos ang ICFC, tatlong schools pa lang ang nananalo. UP Diliman, De La Salle University - Taft, at Ateneo de Manila University. Nagpapalitan lang sila. Pero ako, malaki ang paniwala ko na panahon na para sirain ang misconception na ang tatlong universities lang na ito sa Pilipinas ang magagaling. Panahon na para maka-contribute tayo sa pagsugpo sa discrimination na ginagawa sa mga estudyanteng wala sa "Big 3".

Paano namin gagawin ito? Wala nang ibang paraan kundi sa sipag at tiyaga. May dalawang approach kasi sa competition, at ididiscuss ko ito sa pamamagitan ng isang analogy sa sports. Ang unang approach ay ang American approach. Ito yung approach ng "Dream Team" - pagsasama-samahin mo ang pinakamagagaling at hahayaan mong ang natural talent nila ang magpanalo sa laro. Ang ikalawang approach naman ay ang China / Russia approach. Dito, dadaanin mo sa puspusang training para gumaling ang iyong mga contestants. At sa case ng ICFC training na pamumunuan ko uli para sa FEU, gagamitin ko ang China / Russia approach.

Kanina, nagkaroon na ng Qualifying Exam para malaman kung sino ang papasok sa five-man FEU team na dadaan sa training na magsisimula ngayong summer. At pagkatapos ng tatlong oras kung saan tunay na piniga ang kanilang mga utak, eto na po ang resulta. Eto na ang ating mga bagong PAMBATO!!!

Top Three (sigurado nang pasok sa final team!)

Irene Saludo (clap clap clap!)
Teresa Immaculata (clap clap clap!)
Ryan Bertos (clap clap clap!)

Strategic Picks (mga role players)

Ramon Dejucos (palakpakan!)
Ma. Charissa Uanang (palakpakan!)

Reserves (ang importanteng mga back-up)

Mar Lagundimao (wwwaaaavvveeee!)
Nathaniel Ansay (wwwaaaavvveeee!)

Sila ang magdadala ng bandila ng FEU sa ICFC sa September. Sana suportahan natin silang lahat!!!

Ngayon, nagkaroon ako talaga ng ilang oras na pag-iisip pagdating sa aking ipapasok sa strategic pick. Kasi, ang nag-number four sa qualifying exam ay si Mar, na isa sa mga paborito kong estudyante dahil isa siya sa mga "undiscovered talents" sa mga 4th Year B.S. Accountancy students. Gusto ko talaga siyang ipasok pero may problema ako. Lahat ng nasa Top 3 kasi, walang experience sa interschool competition. Lahat sila ay "undiscovered talent". At kamalas-malasan, si Mar ay wala ring experience sa interschool competition. Lima ang aking ilalaban sa ICFC, at kung nagkataon, apat sa limang ilalaban namin sa isang napakalaki at high-pressure na competition ay wala pang experience. Kaya't masama man sa loob ko, kinailangan kong ilagay na lang muna si Mar sa reserve at piniling i-priority ang dalawang "beterano" na sa competition na sina Ramon at Issa para magkaroon kami ng experience.

At kung tatanungin ang mga sinali ko last year sa ICFC, napakalaking bagay ang experience sa ICFC dahil ibang klase ang pressure sa harap ng stage na kasama mo lahat ng bigating school sa Pilipinas. At may balak pa raw na ngayong taon, may mga Australian schools nang kasali.

Magbibigay pa naman ako ng final qualifying exam sa June para malaman kung malaking bagay nga ang experience para sa ganitong competition. At gagawin ko siya sa isang paraang malalaman ko kung sino ang makakayanan talagang lumaban under pressure. Kung paano ko ito gagawin...ako lang ang nakakaalam. Kaya't sa dalawang reserves na Mar at Tany, may pag-asa pang papasok kayo sa final roster. Di kayo habambuhay na reserve at nasa sa inyo yan. At kay Issa at Ramon, kailangan namang patunayan niyo na may dahilan ako para gawing strategic picks kayo. Magkakasubukan tayo sa June. :)

Ngayon, ang natapos na qualifying exam ay nagpasok sa aking utak ng isang katanungan. Bakit may magagaling na estudyante na hindi lumalaban sa interschool competition? Ang pagkakaroon ng training team na lalaban para sa interschool competitions ay isang magandang idea na sinimulan sa FEU ng aking kaibigan na si Aljon mga limang taon nang nakakaraan. Maganda talaga ang may training pool para nahahasa sila, pero sa tingin ko may mali sa sistema. Kasi, ang training pool ay pinipili sa third year at kung sino man ang makapasok ay sila na ang pirming lalaban sa mga interschool competitions hanggang sa magka-graduate ang batch nila pagkatapos ang dalawang taon. Sa tingin ko, dapat ay nagkakaroon pa rin ng opening sa membership ng training pool, dahil unfair ito sa mga matatalinong estudyanteng lumabas ang talent noong 4th year / 5th year na.

Sana...mali pala...DAPAT pag-isipan ito ng susunod na batch ng officers ng JPIA. Para wala na akong pinoproblema sa "experience requirements" ng mga magagaling na estudyante.

March 16, 2005

Darna!!!

Malapit nang lumipad ang bagong Darna ng ating panahon...si Alwina!!! Este, si Angel Locsin pala.

Sa tingin ko, mae-MTRCB sila nito kung itutuloy ang paggamit ng ganyang design ng costume. Maganda ang costume, pero alam mo naman ang ating Classifications Board, mga hipokritong santo kuno na pinanganak yata noon pang 1800s.

Heniweyz, sana maganda ang kwento. Hindi tulad nung Darna ng Mango Comics. Kaya nga lang kinakabahan ako kasi si CJ Muere ang Ding. Laging may overacting na aagaw ng eksena!!!

Ang masasabi ko lang sa picture...mukhang matutuwa si psychicpants nito. Hahaha!!!

March 15, 2005

Regaluhan niyo ako!!!

Eto sana ang gusto kong basahin ngayong Holy Week. Balita ko kasi magandang trip daw ito. Pang-semana santa kasi ma-angst.

Sana may magregalo bago mag-Biyernes ngayong linggo. :p

Pag di ako nakapagpigil, magpapabili na lang ako kay isipkamote. Hahaha!!!


Tang ina, excited na akong mabasa ito. :D

GMA, di ka nag-iisa...

Masarap magbasa ng mga comments sa aking mga post dito sa tambayan. Para bang pakonsuwelo na may nagbabasa naman pala ng aking mga pinagsusulat dito. May mga komento na talagang nakukuha ang aking pansin dahil tinutulak akong mag-isip. Tulad na lang halimbawa ang isang komento galing kay Jade:

"hindi lang naman po iisang tao ang dahilan ng paghihirap ng masa...dahil kung minsan,ang masa mismo ang dahilan kung bakit sila naghihirap..ang tinutukoy ko po'y isa lamang mumunting pananaw na kung pagtutuunan ng pansin ay maglalagablab.."

Tapos, isa pang comment:

"sana lang...wag tayong mawalan ng tiwala..oo nga't sa palagay ninyo ay mali o makasarili ang pamamalakad ni gma...sana po'y tingnan naman ninyo ang mga naitulong niya sa bayan....aaminin ko pong noong una'y galit ako kay gma,pero natutunanko siyang magustuhan at ang uri ng pamamalakad ng bansa dahil nakita ko naman ang kanyang determinasyon sa paglilingkod.ginawa,ginagawa at alam kong gagawin niya pa rin ang lahat ng paraan upang umunlad ang bayang lugmok sa kahirapang dulot ng iba't ibang aspekto...kung titingnan kasi nating mabuti,inuuna anglahat ng importanteng proyekto kasunod na ang di masyadong importante..di po ako tutol sa inyong ipinahahayag pero kailan po nating isipin na di lamang iisa ang dahilan kung bakit tayo naghihirap,di lamang si gma kung sa inyong paningin....maraming salamat po at ang katahimika'y sumainyo."

Ngayon, di ko alam kung dumadaan pa si Jade sa aking tambayan. Pero kung dumadaan pa siya, salamat sa pagbabasa. Lilinawin ko lang ang aking sarili.

Hindi ko naman sinisisi lahat ng masamang nangyari sa Pilipinas kay GMA. Totoong napakaraming dahilan ng ating masamang kinalalagyan ngayon. Nandyan ang corrupt na mga public officials. Oportunistang mga businessmen. Mga tamad, pasaway at walang pakialam na mamamayan. Ako, ikaw, maaaring tayong lahat, nakakadagdag sa problema ng ating bayan.

Hindi nga nag-iisang dahilan si GMA sa masamang nangyayari sa ating lipunan. Pero ISA SIYA sa dahilan. Paborito ko siyang punahin dahil 1) siya ang lider ng ating bansa, at sa tingin ko, hindi siya nagsisilbing magandang halimabawa sa ating mga "sumusunod" sa kanya, at 2) siya ay naka-link sa alaala ng Edsa Dos, isang pagkilos na aking kinalahukan at pinaglaban.

Parang hindi ko matanggap na siya ay may determinasyon sa paglilingkod. Nalulungkot pa rin ako sa laki ng ginastos niyang public funds noong election. Nandyan pa rin ang sangkatutak na mga billboard na di naman kailangan. Ang mga trabahadong "binuo" hindi dahil sa makadadagdag ito sa productivity ng bansa kundi para masuutan ng PGMA na t-shirts. Yan ba ang espiritu ng paglilingkod? Hindi ba't kataka-taka na bago mag-eleksyon, pinagmamalaki niya na walang fiscal crisis, tapos nang lumagpas na ang eleksyon, bigla na lang meron fiscal crisis?

Ginagawa niya ang lahat para umunlad ang bayan? Eto ba yung mga austerity at revenue-generating measures na kanyang iniimplement? Totoo, meron tayong mga positive economic indicators. Pero totoo rin na ang nakikinabang lang sa "paglago" ng ekonomiya ay ang mga mayayaman, na mapapatunayan sa lalong lumalaking disparity between the rich and the poor. Mismong si Press Secretary Bunye ang nagsabi na wala naman silang nagawa para ma-bridge ang gap sa pagitan ng mayayaman ang mahihirap.

Inuuna ang importanteng proyekto bago ang mga di gaanong importante? Kaya ba mas malaki ang allocation ng budget para sa foreign debt servicing kumpara sa allocation ng lubos na nahihirapang education sector na siya naman sanang susi para makabangon angating bayan? Kaya ba mas pinahahalagahan ang pagsunod sa lahat ng polisiya ng gobyerno ni George Bush kahit na makaka-endanger ito sa buhay ng mga OFW na nasa Middle East? Kaya ba inaangat na muli ang log ban, isang desisyong pakikinabangan ng mga mayayamang pamilyang may logging concessions, kahit na sariwa pa sa utak natin ang environmental disaster sa Infanta? Kaya ba pinupursigi ang pagbibigay ng karapatan sa mga foreign firms na minahin ang sarli nating likas na mga kayamanan, kahit na masagasaan na ang mga karapatan ng mga IP na siyang nagmana sa mga yamang ito?

Tama ka. Hindi nga dapat sisihing mag-isa si GMA sa pagkakalugmok ng Pilipinas. Pero isa pa rin siya sa mga dapat sisihin at punahin.

Hayaan mo, hahanap naman ako ng iba pang mga pupunahin sa mga susunod kong post. :)

Final Season...

Patapos na ang semester. Patapos na rin ang school year. Panahon na naman para magbalik-tanaw at magnilay sa mga nangyari nitong nagdaang taon.

Kakaiba ang taon na ito sa lahat ng naging taon ko sa pagtuturo. Isa siyang "study of contrasts", kung tutuusin. Ngayong taon ko naranasan ang maraming tagumpay. Ang pagko-coach sa mga national competitions. Ang pagturo sa aking mga estudyante kung paano makapagsulat ng papel. Ang pagnetwork sa mga estudyante mula sa iba't ibang mga kurso.

Pero ito rin ang pinakamasama kong taon ng pagtuturo. Ngayon lang talaga natapos ang taon na hindi ako natuwa sa aking mga pinaggagawa sa klasrum - ang daming absent at ang daming "palusot" na style ng turo na may igaganda pa sana. Tapos nandyan pa yung disaster na pag-adviser ko sa Student Council. Ngayon lang din nangyari na nangyaring may sinukuan akong mga estudyante at tinanggap kong wala akong magagawa para sila ay magbago.

Dumarating ang panahon na mararamdaman mong...tapos na. Na wala na ang puso mo sa ginagawa mo. Ito ang naging problema ko ngayong taon. Sa totoo lang, ang mga estudyante ko na lang ang nakakapagtulak sa akin sa pagtuturo ko ngayon. Pero sabi nga ni Danny Javier sa isang kantang sinulat niya:

"At kahit na anong gawin
'Di mo na mapilit at madaya
Aminin sa sarili mo
Na wala ka nang mabubuga

'Di na madaig o mabalik ang dating matamis na kahapon
Pilit ma'y tuyo na'ng damdamin..."


Nagsimula akong magturo sa lugar ng mga Tamaraw na may misyong gustong matupad. Malungkot man na di ko pa nasasakatuparan ang aking misyon, ramdam kong kailangan ko na munang magpaalam kaysa magpatuloy pa sa isang gawaing wala na ang aking puso. May mga gusto pa akong sabihin ngunit iba na ang lumalabas sa aking bibig. At ang aking mga sinasabi ay wala na ring makikinig. Sapagkat ang lahat ng kailangan kong masabi sa loob ng klasrum, mukhang nasabi ko na. At ang lahat ng kailangan ko pang sabihin ay nasa labas na ng mundo ng klasrum.

Pero siyempre, gagawin ko na muna ang aking best effort para maging maganda't maayos ang tapos ko. Kaya simula sa linggo pagkatapos ng Holy Week, magsisimula na ang "Final Season" ni Sir Paeng sa Pamatasan ng Malayong Silangan. Paano kaya matatapos ito? Abangan na lang sa April 2006.

Kanta muna tayo...

Tama Ka
ni Buddy Zabala
kinanta ng Eraserheads

Tama ka nga.
Walang saysay kung itutuloy pa.
Hayaan na natin ang bukas...

Ngunit sa gabing ito,
hawakan ang aking kamay
muling sundan ang mga unang yapak
ng ating pagmamahalan

Tama ka nga.
Walang saysay kung ibabalik pa.
Hayaan na natin ang bukas...

Minsan nagtatanong kung saan,
kailan,
paano nagsimula
ang katapusang mahirap takasan?
Pero 'wag na,
ibato mo na lang sa ulan.

Tama ka nga.
Walang saysay kung ibabalik pa.
Hayaan na natin ang bukas...

March 12, 2005

Ang Wallet...

Halos isang linggo akong di nagpopost. Napuno kasi ako ng kalungkutan. Ang dami ko kasing ginagawa, tapos parang ang dami pang kamalasan. Nandyan ang di kami makasingil nang maayos sa Yearbook. Tapos, medyo ok na sana ang newsletter, tapos...na-corrupt ang file!!! Ang dami pang pinagagawa ngayon at nakabalik na si Dean.

Pero kahapon, sobrang depressed ako. Nawala kasi ang aking wallet. Nandun pa naman ang resibo ng mga binayaran naming malalaking halaga sa Yearbook. Nandun pa ang ATM card ko, picture ni lalabs, picture ng aking pamilya, picture ng mga estudyante...

Kanina, meron akong inapprove na Friendster testimonial, mula sa isa sa aking paboritong estudyante na si Myra. Sabi niya "si sir pansin ko lang makikita mo talaga sa kanya kung ano ung nararamdaman nya" Totoo yun, napaka-transparent ko yatang tao. Kaya maraming nakapansin sa akin kahapon na malungkot ako.

May mga nagsabi ng mga words of comfort. May plano daw ang Diyos sa lahat ng bagay.

May nang-asar, nilabas yung wallet nila at patuloy na pinapakita sa akin.

May tumawag sa cellphone.

May nagbigay ng instructions kung paano ipasara ang ATM account.

May mabait na pinasahan ako ng load. :p (Hi, Marla!!!)

Hindi naman ako ngayon lang nawalan ng wallet. Ilang beses na akong nahold-up,, at madalas, nawawala agad ang bad trip ko. Ngayon nga lang, marami kasing importanteng memorabilia na nasa loob ng wallet. Tapos nasabay pa sa aking mga problema.

Kung meron mang magandang binunga ang pagkawala ng wallet ko, natuto uli akong sumakay ng jeep. Di naman ako mayaman, pero napapadalas talaga ang pagta-taxi ko kasi madali na akong mainip sa biyahe. Pero ngayon, balik na uli sa dati. At nagkaroon na uli ako ng sense ng time management kasi di ko namang pwedeng ipakipagsapalaran yung hinahabol kong oras kung nagji-jeep lang ako tapos palipat-lipat ako ng lugar.

Kanina, medyo naiayos ko na ang ilang bagay. Nagising naman ako nang maaga at nakapunta sa mga meeting ko on time. Tapos, nai-report ko na rin sa banko ang pagkawala ng aking ATM card. Papalitan raw nila sa Tuesday. At ang pinakamasaya sa lahat, natapos na ang newsletter at ready na for printing. Hindi naman pala ako minamalas. Talagang nagkakataon lang na nagkakasabay-sabay ang mga mabibigat na bagay sa buhay ko.

Pag-uwi ko kanina, isinaksak ko ang tape ng Eraserheads na Natin 99. Parang naging ritwal ko na yata ito tuwing uuwi ako na natapos na ang isang mabigat na gawain. Ang saya, pero di ako mapakali. Habang nakahiga ako sa aking kama, parang binabagabag ako. Sa isang di inaasahang pagkilos, tumingin ako sa ilalim ng aking kama...

HAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHAHA!!!!

Ang tanga ko!!!

Sabi ko na, hindi talaga ako minamalas...

March 5, 2005

Laban o Bawi!!!

Ang saya naman. Akala ko sa Broadway lang mapapanood ang aking paboritong Laban o Bawi. Yun pala, kahit sa Batasan at sa Senado, mapapanood ko rin ang larong ito!!!

Ganito kasi ang siste. Ang House of Representatives ng Philippine Congress ay nagdraft ng kanilang version ng 2005 national budget. Bilang "pagsipsip" kay GMA at para magpabango ng pangalan sa publiko atmga credit rating agency, binabaan nila ang kanilang pork barrel from P70M to P40M per congressman. Ang galing naman. Napaka-honorable ng ating mga kongresista at nakaya nilang magsakripisyo para sa bayan.

Dinala ang House version ng budget sa Senado (parang disco music, meron pang "house version"). Madalas, iba ang tingin ng Senado sa dapat maging komposisyon ng national budget. Dahil madalas ay meron silang pagkakaiba with the Lower House, nagkakaroon ng bicameral conference kung saan pinagkakasundo ng Senate at ng House ang kanilang mga versions.

Pero kakaiba ang nangyari ngayong taon. Pagdala ng House version ng budget sa Senate, sinabi ng Senado, "OK na ito!!!" At dahil inadopt nang buong-buo at di naman pinalitan ang House version, wala na tuloy bicameral conference na kailangan.

Katawa-tawa ang mga sumunod na pangyayari. Tama ba namang nagalit ang House of Representatives dahil inapprove nang walang pagbabago ang kanilang sariling proposal?!!!

Sen: Anong hinihimutok mo diyan?

Kon: Bakit mo inapprove?

Sen: E anong problema mo? Di ba ikaw naman ang nagpropose nito?

Kon: Oo nga...pero iba pa iyan!!!

Sen: Anong iba pa iyan?

Kon: Di ba meron pang tawaran portion? Di ka ba nanonood ng Laban o Bawi?!!!

Sen: Sorry!!! Halata ko naman kasing nagpapataas ka lang. Napag-aralan ko yata iyan kay Vic Sotto!!!

Sa ating mga dear congressmen: Get Get AAWWWWWWWWWWWW!!!

March 4, 2005

Pera o Puso?

Ang pagpapatakbo raw ng isang paaralan ay isang marangal na tungkulin. Malaki raw kasi ang naitutulong sa paghulma ng kabataang siyang magiging pag-asa ng bayan. Isa pang sinasabi nila ay kahanga-hanga daw ang mga taong pinili ang eskuwelhan bilang negosyo, dahil hindi naman daw ito kasing-lucrative ng iba pang business.

KALOKOHAN!!!

Ang aking pagpasok nang kaunti sa managerial circle ng aking eskuwelahan ang nakapagmulat sa akin na kabalintunaan na walang pera sa pagpapatakbo ng eskuwelahan. Sa totoo lang, wala namang masama dahil kailangan rin namang i-compensate ang may-ari ng eskuwelahan dahil sa risk na pinasok niya sa isang investment-heavy na negosyo. Pero di naman yata tama kung ang kita mo (profit) ay mas malaki pa sa ginagastos mo sa pagpapatakbo ng eskuwelahan.

Mas lalong hindi tama kapag tinataas ang tuition hindi dahil sa mas marami pang pagkakagastusan kundi dahil sa ayaw na bumaba yung sobra-sobrang kinita. Ala petroleum companies.

Mas lalong hindi tama kung ang pagkonsulta sa pagtaas ng tuition ay dinadaan sa panlilinlang at pang-uuto at pagpapaikot-ikot sa mga estudyante't magulang na siyang magpapasan sa karagdagang pinansyal na hirap.

Mas lalong hindi tama kapag pinupuri ang mga estudyante sa hindi nila paglaban o pagpalag tuwing may tuition fee consultation.

Mas lalong hindi tama kapag pinapalabas na utang na loob pa ng mga estudyante sa eskuwekahan ang paggamit nito ng mga dagdag sa tuition sa mga "improvements" sa eskuwelahan.

Mas lalong hindi tama kapag ang "improvements" ay ginagawa lang hindi dahil sa concern sa estudyante kundi dahil sa concern sa accreditation. Maganda kasi pag mataas ang rating, mas "credible" at mas sikat.

Speaking of kasikatan, mas lalong hindi tama kapag binabarat ang mga estudyanteng dinadala ang bandila ng eskuwelahan sa mga academic competition, samantalang kung todo ang gastos sa mga atleta kahit sila ay mag-runner up lang. Kungsabagay, malakas daw ang hatak sa enrollment ng mga athletes. Pag mas maraming perang ipinapasok, mas maraming perang pwedeng ilabas.

Mas malala kapag ang mga teacher na pakikinabangan kuno ang 70% ng tuition fee increase ay binabawasan ng pwedeng i-charge na oras para sa extracurricular work dahil tumaas rin naman daw ang binabayad nila sa bawat oras. Para bang, "Pitong oras na lang ang babayaran namin sa iyo at hindi na walong oras kasi tumaas naman ang hourly rate mo from P200 to P220." Di ba kaya nga tinaas ang hourly rate para tumaas ang total na sweldo? Ano ito, offsetting?

Lalong hindi tama kapag ang mga estudyante ay hindi pinapayagang mag-educational trip , o kaya ay maglamay sa paggawa ng project sa loob ng eskuwelahan tuwing gabi at linggo, at kung anu-ano pag activity sa labas ng normal class hours, hindi dahil sa "concern" sa kapakanan ng mga bata, kundi dahil sa gustong lamang umiwas sa liability (na babayaran) kapag may nangyari sa bata (na ang chances ay 1:1000)

OK lang naman talaga ang magpatakbo ng isang eskuwelahan bilang negosyo. Pero dapat, mayroon namang balanse. Ang trabaho ng pagpapalaganap ng edukasyon ay mayroong sagradong kalidad. Ito ay sadya talagang may taglay na puso.

Wag naman sanang paiiralin na lang lagi ang pera laban sa puso.

March 1, 2005

19 years after EDSA: a postscript

"Di na ko papayag mawala kang muli,
di na ko papayag na muling mabawi
ating kalayaang kay tagal nating mithi
di na papayagang mabawi muli"

Feb. 25, 1986. Bata pa ako noon, 7 years old. Wala na nga akong matandaan gaano sa makasaysayng araw na ito. Naaalala ko lang na nakatutok ang mga magulang ko noon sa radyo at TV. Kabe-birthday ko nga lang pala nuon. Meron din akong kakilala na nagsabi na ang naaalala na lang niya ay naglalaro siya sa bubong noon, kaya kitang-kita niya na may mga helicopter na lumilipad. Ako, wala nang matandaan na helicopter na dumaan. Siguro kasi malayo bahay namin sa EDSA, tapos kahit nasa Maynila kami, di naman ganun kalapit sa Malacanang.

Si mama, gusto niya si Marcos. Masaya daw ang buhay nuong Martial Law. Tahimik, disiplinado ang mga tao at di raw gaanong mahirap ang buhay. Kaya lumaki ako na ang pagkakaalam lang sa EDSA ay isa siyang kabanata sa ating kasaysayan kung saan napaalis si Marcos sa kapangyarihan. Ganun lang kababaw, parang direktang kinuha mula sa isang elementary history textbook.

Lumalim lang ang aking pagkaunawa sa EDSA nung ako ay nasa college na. Ako ay naging miyembro ng Kontra-Gapi, at yung founder nito, si Sir Edru Abraham, ay aktibo nung naganap ang rebolusyon. Naaalala ko, isa sa mga unang assignment ko nung naging officer na ako sa Kontra ay makipag-coordinate kay running priest Fr. Robert Reyes para maayos yung mass in celebration of 12 years of EDSA noong 1998. Philippine Centennial pa naman nung taon na iyon. Di ko malimot yung misa, ginawa sa may UP Lagoon, at ecumenical nga siya na may Catholic, Protestant at Muslim na nagcon-celebrate. Tumugtog kami, tapos tumugtog din si Noel Cabangon. Feeling sikat naman ako noon kasi kasamang tumugtog si Mang Noel. :)

Sa aking paglalim ng pang-unawa sa diwa ng EDSA, mas lalo kong naintindihan ang kahalagahan niya sa kasaysayan ng ating bayan. Ang mga panahong ito ng pagtuklas ang nagbukas sa aking isipan sa katotohanan sa likod ng rehimeng Marcos. Ang pag-abuso ng kapangyarihan sa likod ng mapagpanggap na mukha ng kaunlaran. Ang paggapos sa kalayaang magpahayag, kaya puro "magagandang balita" ang narinig ng marami at inakala nila na ang ganda-ganda ng buhay sa ilalim ng diktadurya.

Nakakalungkot isipin na halos wala nang nakakaalala sa diwa ng EDSA. Nitong nakaraang selebrasyon, mayroon lamang isang maliit na pagtitipon na dinaluhan lamang ng iilang mga tao. Mas nakakalungkot isipin na may mga nagsasabi na sana di na lang natuloy yung EDSA revolution. Na mas maganda pa raw noong panahon ni Marcos kasi maayos ang buhay, mas mababa ang presyo ng bilihin, mas tahimik ang paligid. Wala nang pakialam na nung panahon bago mag-EDSA, ang daming namatay, nakulong at tinorture dahil lamang nangahas na magkaroon ng ibang paninindigan. Wala nang pakialam na nung panahon bago mag-EDSA, nagsimulang lumaki ang pagitan ng mayayaman at mahihirap. Walang pakialam na nung panahon bago mag-EDSA, nagsimula ang pagiging dependent natin sa pag-export ng labor dahil wala nang sapat na trabahong napo-prduce sa ating ekonomiya. Walang pakialam na nung panahon bago mag-EDSA, lantaran ang korupsyon sa gobyerno na habang sangkatutak na ang nagugutom sa mga lumalaking slum areas sa Maynila, nakakaya pang magparty nang sobrang magarbo ng hari at reynang nakatira sa Malacanang.

Mga dalawang taong nakakaraan, naglecture ako sa isang leadership seminar ng ilang young leaders. Ang lecture ko ay tungkol sa leadership at sa values na dapat taglay ng isang leader. Nagpa-workshop ako at nanghingi ng example ng isang hinahangangang leader. Laking gulat ko nang sabihin ng isang student leader na punong puno ng conviction, "Si Marcos po. May ginawa man siyang masama, pero isa siyang modelong lider."

Sana di na lang nag-EDSA. Sana di na lang nag-EDSA. Sana di na lang nag-EDSA. Putang ina.!!! Bakit ba sinisisi natin ang EDSA sa lahat ng masamang nangyayari sa atin ngayon? Kasalanan ba ng EDSA kung lalong lumala ang ating buhay? Masama ba na nagtipon-tipon tayo't nagdasal at lumaban nang mapayapa para maibagsak ang isang rehimeng corrupt? Masama ba na pinangarap nating maibalik ang demokrasya? Hindi naman EDSA ang may kasalanan dito. Tayo ang may kasalanan. Tayo ang may kasalanan kasi pagkatapos ng EDSA, hinayaan lang nating bumalik tayo sa dating sistemang pinakikinabangan lang ng iilan. Pagkatapos ng EDSA, hinayaan lang natin na mga taong corrupt pa rin ang ating inihahalal sa mga posisyong politikal. At pagkatapos ng EDSA, di ba katawa-tawa na ang mga taong nakinabang sa rehimeng pinatalsik natin ay nakabalik na uli, hindi man lang naparusahan at masaklap pa ay nasa puder uli ng kapangyarihan?

Tigilan na natin ang pagsisi sa alaala ng EDSA. Sa halip, tingnan natin kung ano ang mga pagkakamaling ating ginawa na siyang naging dahilan kung bakit ang pangako ng magandang bukas na dala ng rebolusyon ay tuloy-tuloy pa ring napapako. Tingnan natin kung paano natin magagamit ang diwa ng EDSA bilang inspirasyon upang simulan ang rebolusyong tunay na magdudulot ng pagbabago sa ating lipunan.

Sayaw sa Bubog
by The Jerks

Buwan ng Pebrero
Buwan ng pagbabago
Anong klaseng pagbabago
Ano sa palagay mo?

Bumaha ng pangako
Lason ay isinubo
Tuloy sa pagkakapako
May utang pati apo

Kasinungalingan
Isang kahangalan
Walang libereng kalayaan
Ito'y pinagbabayaran

Palabas na moro-moro
Ito kaya ay totoo?
EDSA ng pagbabago
Saan, kailan, kanino?

Sayaw, sayaw, sayaw sa bubog
Ang naglalakad ng tulog
Tiyak na mauumpog

Sayaw, sayaw, sayaw sa bubog
Ang naglalakad ng tulog
Tiyak na mauumpog

Tuloy ang ligaya
Sa Hacienda Luisita
Manggagawa't magsasaka
Kumakalam ang sikmura

Sari-saring kaguluhan
Nakawan, karahasan
Kailan n'yo titigilan
Ang mga mamamayan

Kasinungalingan
Isang kahangalan
Walang libereng kalayaan
Ito'y pinagbabayaran

Palabas na moro-moro
Ito kaya ay totoo?
EDSA ng pagbabago
Saan, kailan, kanino?

Sayaw, sayaw, sayaw sa bubog
Ang naglalakad ng tulog
Tiyak na mauumpog

Sayaw, sayaw, sayaw sa bubog
Ang naglalakad ng tulog
Tiyak na mauumpog

Buwan ng Pebrero,
Buwan ng pagbabago
EDSA ng pagbabago
Saan, kailan, kanino?