March 25, 2006

Class dismissed

Matagal na rin akong di nakatambay rito. Naging busy kasi ako nitong nakaraang linggo, sinusulit ang oras ko sa FEU. Nagko-compute ng grades, tinatapos ang mga committee work, at higit sa lahat, nakikipagkuwentuhan at kulitan sa aking mga mahal na estudyante.

Ngayong araw kasi ay inencode ko na ang grades ng aking mga estudyante. At ito na ang hudyat ng aking huling araw bilang isang full-time na guro.

Sobra ang naging kasiyahan ko sa pagsisilbi bilang guro nitong nakaraang apat na taon. Nakita ko na ang laki pala talaga at napakaseryoso ng aming tungkulin. Hindi pala totoo na kapag nasa kolehiyo na, puwede na lang bastang pabayaan ang mga estudyante ko dahil "matanda" na sila. Totoong dapat ay bigyan na sila ng sense of responsibility, ngunit ang mga gurong tulad ko ay marami pa rin palang maibabahaging kaalaman, karanasan at maging mga prinsipyo na makakagabay sa kanilang pagharap sa mundo sa labas ng apat na sulok ng eskuwelahan.

Hindi rin pala totoo na madali lang ang workload ng isang guro at maluwag sa oras. Totoo na 24 oras lang kada linggo ang required na pagpasok, pero yun ay patungkol lamang sa class proper. Paglabas ng classroom, mayroong consultation. Tutorial. Magche-check ng papel. Mag-aaral. Gagawa ng lesson plan, handouts at mga quizzes. Makikinig sa mga problema ng mga estudyante sa labas ng usaping akademiko. Pagtingin ko sa oras, may panahon na lang akong mag-internet nang sandali at pagkatapos ay matutulog na.

Masaya ang magturo. Kaya lang, ibang klaseng dedikasyon ang kailangan para maging effective na guro. Hindi puwedeng trabaho lang ang tingin mo, dahil mawawala ang iyong koneksyon sa mga estudyante. At kapag nawala na ang koneksyon, mawawala na ang iyong paki. At kapag nawala na ang paki, kawawa naman ang estudyante mo.

At iyon ang naramdaman ko nitong nakaraang sem. Unti-unting humihina ang "apoy" na nagtutulak sa akin upang ibigay ang lahat-lahat sa aking pagtuturo. Maayos pa rin naman ang naging turo ko, pero pakiramdam ko, unfair sa aking mga estudyante na hindi buo ang puso ko sa aking ginagawa. They deserve better. Kaya bago pa lumala, napagdesisyunan kong iwan na muna ang aking minahal na propesyon.

Ngayon ay nasa isang foundation na ako. Nandito ako para simulan ang isang panibagong yugto sa paghahanap ko ng paraan para makagawa ng mga bagay na makabuluhan sa ating lipunan. Sana, sa bagong yugtong ito, mahanap kong muli ang puso ko sa pagtuturo.

Nung isang araw, nakatanggap ako ng text message mula sa isang estudyante ko ngayong semester:

Sir, thank u po uli ah. La lng...kala ko ndi na ko makakbngon sa pagkakadapa ko eh."

Sana nga...sana nga mahanap ko...

4 comments:

paolomanalo said...

Maraming salamat, Paeng. Bagong pakikipagsapalaran, huwag ka sanang mauubusan ng lakas at inspirasyon sa anumang gawain. :)

gari said...

Welcome to social development work. :-D

Anonymous said...

sir thank you din po.
alam nyo po, ngayon ko lang talaga na-appreciate yung profession nyo (esp the effort na binigay nyo)kasi nag review po kami nung mga mag-kuquali. nakakapagod palang magturo pero at the same time masaya and fulfilling lalo na pag may mga tanong sila sayo na nasasagot mo. nakakatuwa talaga.
tapos wala na thank you po ulit sa mga pieces of advice lalo na nung last day ng klase...(kung alam nyo lang sir)
-pat

clown said...

wala ng mas masarap pakinggan o basahin kundi ang mensahe buhat sa isang estudyanteng katulad ni "anonymous".

sayang, sumuko ka na. pero sabi mo nga, humihina na ang apoy sa'yo, siguro nga dapat lang na hanapin mo ang bagong pakikipagsapalaran.

bakit ko nasasabi ito sa'yo? kase tulad mo, isa din akong guro at minsan ay dumating din s buhay ko ang panghihina ng apoy.