February 28, 2006

Itigil na ang pamumulitika! Magkaisa muna!

Para sa mga "pulitiko" sa mga estudyante ng UP:

Eto tayo, sinisikil na ang ating mga karapatan ng ating mahal na pang(g)ulo. Pumunta kami sa UP dahil alam namin na ito ang sanktuwaryo ng mga taong may paninindigan at hindi takot na ipahayag ito.

Pero ano itong dinatnan namin?

Mga estudyanteng nahahati dahil sa false divisions (Alyansa – STAND UP). Kanya-kanyang assembly. Kanya-kanyang pabida. Kahit speaker at mic pag-aagawan, para lang maipakita kung sino ang tunay kuno na lider ng mga estudyante.

PUTANG INA. Hindi niyo na ba titigilan ang kagaguhan na ito? Nagpoprotesta ba kayo para maging bida, martir o bayani? Nagpoprotesta ba kayo para sumikat? Promotion ba ito? Kailangan niyo bang iwagayway ang bandila ng organisasyon mo? Kailangan niyo bang isuot ang inyong mga pin at mamigay ng leaflets?

Hindi. Ang alam ko, nagpoprotesta tayo para ipaglaban ang bayan at ang kinabukasan. Ang kailangan ay iwagayway natin ang bandila ng Pilipinas, ang bayang daratnan ng mga magiging anak natin

PAKIUSAP, IWANAN MUNA NATIN ANG MGA HIDWAAN. PAGTUUNAN NG PANSIN ANG TUNAY NA LABAN! MAGKAISA PARA SA BAYAN, PARA SA KINABUKASAN!

Mas marami pang tao sa isawan

Kagabi ay ginanap ang isang impromptu concert para sa pagtutol sa Proclamation 1017 at para ipaglaban ang kalayaan sa pagpapahayag. Maganda naman ang kinalabasan ng konsiyerto, at ang mas mahalaga'y naging isa na rin siyang teach-in kung saan ilang mga beterano sa pakikibaka mula pa nung panahon ni Marcos ay nakapagbahagi ng kanilang mga pananaw, karanasan at sentimiyento. Kahit ako ay nakapagsalita sa harap ng mga kabataan ng UP, at natutuwa naman ako dahil sa tingin ko'y nagkaroon naman ng kabuluhan ang aking mga pinagsasabi sa kanilang harapan.

Nalungkot lang ako dahil medyo konti lang ang tao, siguro mga isang daan lang ang pumunta. Constant pa rin ang dating ng mga text messages na "May pasok na ba?" At ang nakakadismaya, nang ako ay dumaan sa isawan sa may Kalayaan dormitory, mas marami pang tao sa isawan.

Sa susunod na concert / teach-in, sa isawan na lang kaya namin gawin para maraming tao? Para matuto naman silang makISAWsaw sa kasalukuyang national concerns habang kumakain ng isaw.

Kungsabagay, sabi nga sa akin ni paolo, kasama iyan sa dapat na bunuin.

Buksan ang iyong isipan. Walang masama sa malayang pagpapalitan ng mga ideya, opinyon at saloobin. Makilahok at payamanin ang inyong insights sa ating national situation.

Mamaya, babalik uli ako sa U.P. upang maipahayag ang aking pagtutol sa P.P. 1017, at ngayon naman ay sa porma ng pagtugtog ng mga tambol. 5:30 pm, sa U.P. Quezon Hall, Tambulan sa Diliman Para sa Kalayaan. Tara na!

February 27, 2006

May paki ka ba?

Ikaw. Oo, ikaw nga ang gusto kong kausapin.

Noong Biyernes, pinroklama ni Pang(g)ulong Arroyo ang PP 1017, na nagdedeklara ng State of National Emergency sa Pilipinas.

Ayon sa kanilang paliwanag, kailangan lang daw masugpo ang bantang pabagsakin ang gobyerno. "Clear and present danger" ang term na gamit nila. Ito ay isa lamang description ng obserbasyon ng pang(g)ulo at wala naman daw itong naidagdag na kapangyarihan sa kanya maliban sa nasasaad na sa konstitusyon at sa ating mga batas.

Ngunit kahit sabihin nilang walang nagbago, ang intensyon ng proklamasyon na ito ay mag-impose ng pseudo-martial rule sa ating bansa. Isang respetadong propesor, inaresto habang nakikipagnegotiate upang huwag maidisperse ang isang peaceful assembly. Isang kongresista, hinuli para sa isang kasong natabunan na sa kasaysayan at nangyari dalawampu't isang taon na ang nakakaraan. Ang mga nagsasalita, pinapatahimik.

Ang mga media outlet, pinapasok at ini-intimidate. Ang mga lumalaban, tinatakot ng pagpapasara. Ang mga kritikal, binabantayan. Ang general media, dinidiktahan kung ano ang dapat i-cover at ano ang hindi dapat i-cover.

Bawal nang mag-kilos protesta, di bale na kung mapayapa at may permit. Bawal nang gunitain ang mga mahahalagang yugto sa ating kasaysayan, tulad ng ika-dalawampung anibersaryo ng EDSA People Power. Ang UP na isang bastion of free protests, binabantayan.

Tama ba ito? Tatahimik na lang ba tayo?

Ilang beses kong narinig na nagrereklamo ka sa hirap at gulo sa ating bayan. Ilang beses na sinabi mo sa akin na nabubwisit ka kay GMA. Pero wala ka namang ginagawa. Kapag may nangyayaring kilos-protesta, ang unang text mo sa akin ay "Suspended po ba yung klase?" Kapag may nangyayaring kilos-protesta, sasabihin mo "Ingat!" habang ikaw ay nasa loob ng iyong santuwaryo. Minsan, nasa loob ka pa ng mall, nagla-lamiyerda. Minsan, nasa loob ka pa ng sinehan, nage-enjoy.

Gusto mo kaming magsalita, pero hindi ka nagsasalita.

Gusto mo kaming lumaban, pero hindi ka lumalaban.

Gusto mong matahimik na ang sitwasyon, at sa proseso'y ika'y tuluyan namang nananahimik.

Minsan, magko-comment ka, bakit inuuna ang pag-aaral sa kalye sa pag-aaral sa classroom? Puwede naman kamong pagsabayin. Siyempre, ikaw kaya mong pagsabayin. Kasi nakakulong ka lang naman sa loob ng classroom at wala ka naman talaga sa kalye.

Minsan, pupunahin mo pa kami, nakakagulo lang kamo sa buhay ang aming protesta. E sa dinami-dami ng reklamo mo sa buhay, sa gobyerno at sa nangyayari sa paligid, anong ginagawa mo? Nandiyan ka, nagpapakasarap sa aircon na kuwarto. Nandiyan ka nakikipagchat tungkol sa mga walang kwentang bagay. Nandiyan ka, nagi-email at nagfo-forward ng mga walang kuwentang messages, jokes at chain letters sa iyong mga e-groups at sa Friendster.

Sabi mo may pakialam ka. Hindi ka kamo apathetic.

Pero may pakialam ka nga ba?

Sa tingin ko, WALA.

February 26, 2006

Beware the government spin doctors

Sabi nila, may coup d'etat.

May nangyari ba? Meron bang coup d'etat na iisang General lang ang involved?

Sabi nila, may tactical alliance daw ang extreme left, extreme right, at ang opposition na dapat sugpuin.

Pero dati pinagtatawanan at iniinsulto nila ang mga kalaban ng gobyerno na hindi daw nagkakasundo kaya raw ineffective.

Sabi nila in control daw sila.

Pero nagdeclare sila ng state of national emergency.

Sabi nila hindi nila kokontrolin ang media.

Pero dinidiktahan nila ang media sa kung ano ang dapat subaybayan na kuwento, tulad ng nangyayari ngayong gabi na huwag daw i-cover.

Sabi sa isang text message ngayong gabi, magpapasabog daw ang Magdalo ng mga cell sites at government buildings.

Pero di ba disadvantage sa kung sinumang magrerebolusyon ang walang lines of communication para makapagmobilize ng supporters?

Spin spin spin. Ano ito? Gaguhan?

Let the light shine on EDSA

Sabi ni GMA, may state of national emergency tayo.

Kaya kalimutan na raw muna natin ang anibersaryo ng isa sa pinakamalaking tagumpay ng sangka-Pilipinuhan sa kasaysayan. Kanselahin na raw muna natin ang mga pagdiriwang ng People Power, dahil nasa matinding panganib ang ating bansa. (o ang ating pang(g)ulo lamang?)

Sabi nila, babantayang mabuti ng gobyerno ang mga "critical points" na maaaring pagtipunan ng mga tao. Pupunuin ng mga sundalo at pulis na magbabantay ang EDSA Shrine, ang People Power Monument, ang Ayala at ang Mendiola. Sa lakas ng puwersa, walang sinumang makakalapit para ipagdiwang, kahit na sa mapayapang paraan, ang EDSAng nais nilang kalimutan.

Ngunit para sa mga Pilipinong may tunay na pagmamahal sa bansa at naninindigang hindi dapat kalimutan na lang ang kalayaang ipinaglaban sa EDSA, walang presidential proclamation, walang pulis at walang sundalong makakapigil sa nararapat na masayang pagdiriwang. Gagawa at gagawa ng paraan, makapagbigay pugay lamang sa isang mahalagang yugto sa ating kasaysayan.

EDSA Twenty


Mabuhay ka, EDSA! Hindi mo kami binigo, at ika'y hindi rin namin bibiguin.


Photo courtesy of Bobby Yip / REUTERS

February 25, 2006

Saksi sa kasaysayan

Baka nagkakalimutan tayo. Mamaya ang ika-dalawampung anibersaryo ng huling araw ng EDSA 1986 kung saan sa wakas ay napabagsak nating mga Pilipino ang rehimeng Marcos.

At bilang paggunita, ako ay pupunta ng EDSA.

Hindi ko alam kung ano ang aabutan ko dun. Hindi ko alam kung may rallyista dun o kung may pulis dun. Basta ang alam ko, isang napakaimportanteng araw sa ating kasaysayan ang gugunitain natin at walang sinuman, kahit na yung pang(g)ulo na naglabas pa ng Declaration of State of National Emergency, ang dapat pumigil sa akin / atin sa paggunita nito.

Kaya 12 pm mamaya, pupunta ako sa People Power Monument. Gusto niyong sumama? Hindi naman ako / tayo magra-rally e.

Ako / Tayo ay sasaksi lamang sa kasaysayan.

Candle

February 24, 2006

Arestado

Kitang-kita namang nakikipagnegosasyon pa sina Randy David, Rolando Llamas at Argee Guevarra sa mga awtoridad nang bigla na lang silang hinatak at inaresto nang walang warrant at walang specific charge ng mga hindi unipormadong pulis.

PUTANG INA.

Ganito na lang ba tayo? Hindi na ba tayo papalag?!!!

ANO BA?!!!

1017

At bilang paggunita natin ng ikadalawampung anibersaryo ng ating mapayapang pagpapabagsak sa isang rehimeng militar, ang ating pekeng pang(g)ulo ay nagdeklara ng state of emergency at kanya nang pin­a­­ubaya sa mga pinuno ng AFP at PNP ang mga nararapat na pagkilos para mawala ang banta sa kanyang sariling rehimen.

Isang kabalintunaan.

Di na ko papayag mawala pang muli...

Nawala na bang muli?

Rocking Society Through EDSA-ucation

Ngayong ika-dalawampung anibersaryo ng EDSA, nasaan kaya si Paeng?

Dapat nasa eskuwelahan ako, kaya lang nag-suspend ng klase si Pang(g)ulong Gloria. Napa-paranoid yata at sa sobrang paranoia, dineclare na walang bisa na lahat ng permit na mag-rally na ginrant ngayong araw.

Kungsabagay, hindi naman ako kasama sa mga rally ngayong araw. Bilang paggunita sa EDSA, sasama ako sa RockED sa EDUKASYON!Ang Bagong Rebolusyon - isang konsiyertong paggunita sa ika-dalawampung anibersaryo ng EDSA. Mamaya ito sa Folk Arts Theater, alas-siyete ng gabi. Ito ay alay sa mga teachers at sa mga student council ng mga NCR public schools. Sana'y maipasa namin ang diwa ng EDSA sa mga tagapaghubog ng ating mga kabataan na hindi pa namulat sa panahon ng ating "one shining moment in recent history."

Pero malay natin, umandar ang aking topak. Makita niyo na lang ako sa isa sa mga rally sa EDSA, sa Ayala, o kaya ay sa Liwasan. Mangangamusta lang naman...

Kamusta na?
Ayos pa ba?
Ang buhay natin
kaya pa ba?

E kung hindi,
paano na?
Bahala na
Bahala na

February 22, 2006

I believe

Ang ganda naman ng gising ko kanina. Pagkuha ko ng diyaryo, eto agad ang nabasa ko:

GMA: I'm Best Person To Lead

Nawalan tuloy ako ng ganang kumain ng almusal.

Sa harap ng Focap, nagpamalas ng kakapalan ng mukha ang ating mahal na pang(g)ulo, habang kanyang sinusulong ang agenda na pagpapalit ng porma ng pamahalaan from presidential to parliamentary. Ayon nga kay Arrovo, " I believe I am the best person to lead this nation through this transition,"

I believe...I believe...I believe.

Hindi ba't tayo ay nabubuhay sa isang demokrasya? At hindi ba't sa isang demokrasya, ang pangunahing prinsipyo ay hindi ang "I believe?" kundi ang "WE believe?"

Dito maisusuma ang kuwento ng ating kasalukuyang Presidente sa MalacaƱang. Ito ay kuwento ng isang ambisyosang naniwala na siya ang dapat na mamahala sa bansa at walang pakialam sa kung sino ang pinaniwalaan ng karamihan na karapat-dapat nating maging pinuno.

Sa isang banda, medyo tama rin naman ang sinabi ni PGMA.

"I believe that I am the best person to lead this nation through this transition:

from a rule of an elite few to a rule of a self-proclaimed chosen one;

from a nation led by liars, cheaters and thieves to a nation led by brazen liars, brazen cheaters and brazen thieves;

from a politics of personalities to a politics of a few, select and favored LAKAS and KAMPI personalities;

from an economy suffering from the uninformed choices of the voting masses to an economy suffering from the self-serving choices of opportunistic parliamentarians;

from a culture of hiya and pasimple to a culture of kapalmuks and lantaran;

from a country ranked as one of the most corrupt in Asia to a country ranked as one of the most corrupt in the world;

from a sad state of social inequality to a disgusting state of social inequality;

from a recurring bad dream to a perpetual bangungot;

from a Philippines being cleansed in purgatory to a Philippines burning in the fires of hell."

February 18, 2006

27

Noong Sabado ay natapos na ang aking ikadalawampu't pitong taon at nagsimula na ang aking ikadalawampu't walong taon sa balat ng lupa. Ano na ba ang naging kuwento ng aking buhay?

Sa pag-iisip ko sa sagot sa tanong na ito, na-realize ko na sa dami ng gusto kong magawa, sa dami ng advocacy na gusto kong isulong, I end up doing a lot of things which results to substantially nothing.

Nandiyan yung magpilit akong mag-advocate ng pagtangkilik ng Philippine indigenous culture, partikular sa aspeto ng musika. Pero kahit na naipasok ang aming mga tinig sa kamalayan ng ilang nakikinig, parang sobrang fleeting lang at ang musika'y nalilimot rin matapos ang ilang minuto pagkatapos ng aming tugtugan. Nandiyan yung magpilit ako na ma-promote ang alternative Philippine music, pero sadya talagang maliit lang ang interes sa listening public at sa huli'y puro mga katulad ko ring alternative music aficionado ang nahihikayat ko.

Nandiyan yung magpilit akong mag-politico-social commentary dito sa internet, pero parang natatabunan lang din naman ang boses ko sa dami ng gumagawa na rin ng parehong komentaryo. Nandiyan yung subukan kong pasukan ng social commentary ang aking mga lessons sa klase, pero parang ang nangyayari ay nae-enhance lang yung "aktibista" image ko sa eskuwelahan na wala naman akong kasiguruhan kung naisapuso ng mga nakikinig sa akin ang mga mensaheng nais kong iparating.

Nandiyan yung mangarap ako na makakagawa ako ng pagbabago sa sistema ng edukasyon, pero nawalan rin ako ng loob nang mapansin kong halos lahat ng mga kasama ko ay papunta sa direksyong salungat sa pinupuntahan ko. Nandiyan yung mangarap ako na kaya kong baguhin ang mundo, habang pilit kong nilalabanan ang tangka ng mundo na ako ay kaniyang baguhin.

Noong Sabado, natanggap ko ang isa sa pinakamagandang regalong natanggap ko sa buhay ko. Isang paalala na kahit paano, kahit na tila kayrami pa rin ng mga naging pagkukulang, hindi naman nasayang ang mga nagawa ko sa buhay. Animo'y isang hudyat ng pagtatapos sa isang kabanata sa aking paglalakbay habang hinahanap ko ang sagot sa tanong: "ANO NA?!"

February 15, 2006

Tsismis

Long time, no post. Pero kailangan ko lang talagang maglabas ng sama ng loob kaya napipilitan akong mag-blog kahit gahol ako sa oras.

Ang tsismis ay hindi raw maiiwasan sa workplace. Likas na raw lalo na sa mga Pilipino yung pagpiyestahan ang buhay ng may buhay. Wag na wag ka raw mawawala sa harap ng mga kaopisina mo dahil ikaw ang gagawing almusal, tanghalian, meryenda at hapunan.

Ayaw kong maniwala na totoo yang stereotyping na iyan lalo na't ako ay nasa academe kung saan inaasahan ko na kahit paano, mataas naman ang idealism ng mga tao. Inaasahan ko na mga role model kaming nandito sa faculty, na may moral ascendancy dapat sa mga estudyante.

Pero nagkamali ako. Ilang beses nang ako mismo ay nabiktima ng tsismis. At hindi lang basta tsismis. Tsismis na may malicious intent. Noon, pinapalampas ko lang ito. Pero ngayon, hindi ko na kinaya. Sobra na. Putang ina, nananahimik ako rito, gusto ko lang magturo, bakit kailangang idamay ako sa mga pastime nila?

Kanina, habang ineenjoy ko ang Valentine's Day celebration namin ng aking mga estudyante, ako ay nabulabog ng isang tawag mula sa aking kaibigang guro. Sinagot ko, babatiin ko pa naman ng Happy Valentine's. Tapos nagulat na lang ako na isang galit na galit na tinig ang narinig ko sa kabilang dulo ng linya. Bakit daw ako nagkakalat ng masamang tsismis laban sa kanya (at sa isa pang guro)? Bakit daw sinisira ko ang buhay nila?

Ako naman, napanganga.

Ang siste ay may kumakalat na tsismis na may masama raw akong tsinitsismis laban sa kanila. Ang komplikado ano? Ako eto, ilang beses nang nabiktima ng tsismis, tapos ang latest tsismis e tsismoso daw ako. Hayup talaga. Ang dalawang gurong ito pa naman ay itinuturing kong mga malalapit na kaibigan, at mukhang ang malisyosong tsismis na iyon ay may intensyon na sirain ang pagkakaibigan namin.

Buti sana kung may "credible" source. Pero ang tsismis daw na ito ay kuwento ng isang taong nakuwentuhan rin ng isa pang tao na lumalabas na isa namang taong di ko naman kinakausap pero nagkataon na nakuwentuhan ko daw ng isang maselang bagay. Walanghiya. At least yung tsismis na si GMA ay nandaya sa eleksyon, may ebidensya ng mga anomalous public fund transfers, wiretapped conversations, NAMFREL reports (kahit na local lang), attempt to cover up, at pinakaimportante sa lahat, motibo. Eto...ni motibo nga wala. Ni primary evidence nga, wala. Ni attempt to cover up, wala. Yun nga lang, hindi ko ma-trace yung source ng tsismis.

Hindi lang ito yung unang beses na nabiktima ako ng malicious na tsismis. Nandiyan yung i-attach ang plano kong pag-alis sa FEU sa mga "problema" ko raw sa Dean namin na sa totoo lang e isa sa aking pinakapinapasalamatang authority figures sa buhay ko. Nandiyan yung ipagkalat na mayroon akong girlfriend na estudyante. Nandiyan yung ipagkalat na kung saan-saan daw namin ginagatos yung pera ng Faculty Club nung panahon na hindi pa nga namin nakukuha yung pera at sariling pera pa namin ang aming ginagastos dahil hindi pa nakakaltas sa suweldo ng mga faculty yung kanilang mga contributions.

Sabi nila, palampasin ko na lang daw ang mga ito. Pero dapat na akong may gawin dito. Hindi na tama ito, kasi paulit-ulit na lang na may nabibiktima ng tsismis at walang pumapalag. Kailangan kong pumalag hindi dahil sa "guilty" ako pero dahil sa katarantaduhan na hinahayaan ko lang ang ganitong di makatarungang "practice" among professionals na nasa academe pa naman.

Bakit nga ba napaka-prone natin sa tsismis? Meron kayang magagawa para maminimize ito? For example, kung gawin kayang mas academic at work-related yung dating ng surroundings - with individual desks, cubicles, a mini-library, a supply of business-related literature, at yung pagtanggal na rin sa mga sofa - medyo mababawasan kaya ang tendency na mag-engage sa tsismis? Maging effective rin kaya kung gagawing maximum of three hours na lang ang vacant in between periods with a goal of minimizing vacant hours para konti lang ang idle time?

Then again, such "policies" could prove superficial and cosmetic, if the malicious intent still resides in the hearts of men and women. And to keep tsismis away from the workplace, maybe it's time for people to stand up and say "To hell with you, I'm fed up with all of this!"

At iyan naman ang bagong pagtsitsismisan. Tang ina...

----------
Pahabol: related naman e
----------

May isang isyu nitong mga nakaraang araw na medyo na-disturb ako. Ito ay ang pagkalat ng tsismis na si Joey De Leon ay may ginawang insensitive remarks at malicious hand gestures nung nangyari ang trahedya sa Wowowee anniversary. Oo, tsismis na naman.

Nanood ako ng Eat Bulaga nung araw na iyon. Wala akong narinig at nakita.

Nanood rin ang kuya ko ng Eat Bulaga nung araw na iyon. Wala rin siyang narinig at nakita.

Sa Peyups, nagkalat ang tsismis na ito. Pero pag binasa mo yung buong thread, iisa lang ang "nakakita" dun. Lahat ng "naniniwala," nakuha lang ang impormasyon galing sa tsismis.

Sabi ng MTRCB, wala silang nakita.

Sabi ng ABS-CBN mismo sa kanilang balita, wala silang nakita.

Sino nga bang nakakita?

E di yung mga may gustong makita.

February 5, 2006

Nang pagtangkaang pagkakitaan ang pag-asa...


prospect of huge advertising revenues

+

war for higher ratings

+

strong desire to one-up rival noontime show

+

heavy promotional campaign promising millions of pesos to be given away

+

scores of TV-viewing public mind-conditioned every noontime to pin their hopes for a better future on freaking luck

+

economic crisis in substance despite economic recovery on paper

+

lack of concern for viewers who are just treated as "cannon fodder" in winning the network war

+

non-existent crowd control contingency plans

+

lack of discipline

+

lack of organization

+

well-meaning but untrained emergency response forces

+

insensitive "uzis" blocking the path of rescuers while waving to TV cameras to earn their few seconds of fame

=

a disaster waiting to happen

or as Paolo would say it

a happening waiting for a disaster