January 27, 2007

Yun pala ang OYSTER

Nakuha ko na rin kung ano ang ibig sabihin ng OYSTER.

Out of School YouTh REcovery program.

Pilit na pilit naman ang abbreviation na ito. Hahaha!

Edit:

Okay, ayon sa aking kaibigan na si Dave, Out-of-school Youth Serving Towards Economic Recovery daw. Yun naman pala.

Ang weird siguro pag may nagtanong: "Anong trabaho mo?"

"Isa akong oyster, pare."

January 20, 2007

Pulis Oyster

Tuwing umaga ay naglalakad ako nang 15 minutes papuntang sakayan. Marami akong nakakasabay na mga tao na mukhang nagtitipid rin kasi mahaba-haba rin ang nilalakad. Pero may isang grupo ng mga taong nakakasalubong ko na nahihiwagaan talaga ako.

Sila ang mga Pulis Oyster.

Ano kamo? Pulis Oyster! Sa totoo lang, di ko...ma-gets. Mukha silang mga MMDA na nakaitim na t-shirt kung saan nakasulat

PULIS
OYSTER

Baka naman may puwedeng magpaliwanag kung sino ang mga Pulis Oyster.

January 16, 2007

For the "educated" only?

"In addition to the Constitutional requirements to run for public office, candidates for President, Vice-President, Senators and Congressmen must possess a college or university degree."

Sang-ayon ka ba sa proposition na ito?

Matagal nang may mga nagtutulak na samahan daw ng educational requirements ang qualifications ng mga tatakbo sa public office. Kung ang janitor nga raw, nirerequire ng college degree, presidente pa kaya?

Sa totoo lang, parang mas malaking kamalian yata na magrequire ka ng college degree sa mga janitor.

Hindi pipitsuging trabaho ang maging isang public official, lalo na ang maging presidente. Malaki ang kanyang responsibilidad dahil nakasalalay sa kanya ang kapakanan ng maraming tao. Pero sukatan nga ba ng competence sa public office ang educational achievement?

Wala bang magagaling na tao na hindi nakatapos ng college? (Sa totoo lang, marami.) Hindi ba discriminatory ito sa mga nasa lower economic class, sa mga nasa agricultural sector at sa mga ethnic minorities na sa katayuan pa lang sa buhay ay disadvantaged na pagdating sa access sa higher education? Na para bang sinabihan na natin sila na wala nang makakapag-public office sa kanila at wala nang may karapatang magrepresent sa kanilang sector kasi wala namang makatapos sa kanila sa college? Na para bang sinabi natin na automatic, 73% na agad ng mga Pilipino ang disqualified for public office dahil di sila nakatapos ng college?

Siyempre ibi-bring up na naman ang specter ni Erap, ang poster child ng incompetence (gayong si Erap ay nakatuntong naman sa college). Pero hindi ba't dapat rin alalahanin na sa mga naging pangulo natin, ang "brightest" ay si Marcos? Now how did that presidency turn out? Binaon lang naman tayo sa utang at sinailalim sa martial law, di ba? Di rin matatawaran ang educational attainment ng bantog na ekonomistang si GMA. Kamusta naman ang kanyang presidency? Are we better off with this "highly educated" official?

Totoo na importante na mga competent na tao ang ating mga public officials. But competence for publicly elected officials in a democracy should not be decided upon through legislation, but rather through the vote of the public who should judge and assess by themselves the competence and fitness of their representatives. Kung may manalong incompetent na kandidato, hindi kasalanan ng kandidato. Kasalanan ng bumoto. So instead of making an issue about the educational attainment of our candidates, why not instead focus on proper education of the voting masses so that they would learn to choose their leaders properly?

January 14, 2007

Certified PUBLIC Accountant

"Bakit di ka nagtatrabaho sa multinational?" tanong ng isang kaopisina ko.

Eto na naman tayo, naisip ko.

"E masaya ako dito," sabi ko sa kaopisina ko.

"Sayang naman pagiging CPA mo."

"Sayang?! Bakit, di niyo ba ako kailangan dito?"

"Hay naku. Sana ako na lang naging CPA. Ako gustong gusto ko ikaw sinasayang mo."

"Sige na, galit kasi ako sa pera," sarkastikong banat ko para matapos na ang usapan.
----------

Halos buong career ko bilang CPA, lagi na lang akong pinuputakte ng ganyang mga tanong. Maliban sa unang walong buwan ko sa pagtatrabaho kung saan ako ay pumasok sa SGV, lagi na lang may nagtatanong sa aking career choices. Tulad na lang nung pumasok ako sa pagtuturo.

"Bakit ka nagtuturo?"

"E dito ako kailangan."

"Sayang talino mo!"

"Anong gusto mo, yung mga bobo magtuturo sa college?"

Ganun din ang mga reaksyon nung napagdesisyunan ko namang pumasok sa isang nonprofit organization kung saan ako nagtatrabaho ngayon. Sayang na naman daw ako. Bakit pa raw ako nag-CPA kung hindi rin naman ako papasok sa malaki ang kita. Walang pera daw sa papasukan ko.

At yun nga siguro ang dahilan. Kasi dito sa atin, ang salitang CPA <-> mayaman.

Hinanap ko naman sa depinisyon ng CPA kung saan dun sinasabi na dapat marami kaming pera. Certified. Public. Accountant.

Wala naman.
----------

Pagkatapos kong pumasa ng board exam, bumisita ako sa aking high school. Nagkita kami ng aking mga dating teacher. Masaya sila naging CPA ako.

"Isang pirma lang yayaman ka na diyan."

For a profession that supposedly prides itself for being a bastion of integrity, ang mga CPA dito sa Pilipinas are looked up to for the wrong reasons. CPAs are likened to doctors...dahil magaling daw mandoktor ng mga financial statements. CPAs are likened to magicians...tell us a number and we'll make it appear. CPAs are likened to librarians...we keep a lot of books. CPAs are likened to mathematicians...magaling kaming mag-add (ng income para tumaas ang presyo ng stocks) at mag-subtract (ng income rin para mababa ang bayarang income tax).

Minsan tuloy naiisip ko, ang mga dahilan lang kung bakit ginagalang ang mga CPAs dito sa Pilipinas ay 1) dahil pumasa kami sa pagkahirap-hirap na board exam at 2) dahil relatively mataas ang average income level ng CPAs. Pero kung integrity ang usapan, ano ba ang tingin ng karamihan sa atin sa mga taga-COA, BIR at mga auditing firms?

Which is really unfair, considering na marami naman talaga sa propesyon namin ang "malinis." Yun nga lang, kasalanan rin yan ng maraming CPA dahil "in denial mode" sila na ganito ang aming reputasyon. Naalala ko tuloy nung interview portion sa finals ng isang national accounting competition, yan ang isinagot ng aking estudyante sa tanong na ano ang pinakamalaking challenge na hinaharap ng aming propesyon. Ayun, ibinagsak lang naman siya sa 3rd place ng mga judge dahil sa sagot na yun, from being the 1st place in the written exam portion.
----------

Kagabi, nagdownload ako ng renewal form para sa aking lisensya bilang CPA. Tatlong taon na palang expired ang aking lisensya. Hindi naman ako nagkulang sa requirements, nagtagal lang ako sa pag-iisip kung ano nga ba ang ibig sabihin ng lisensya na ito.

Certified Public Accountant.

Certified PUBLIC Accountant.

Public servants. That's what we are.

January 8, 2007

Nangangarap

Lagi akong naghahanap ng magandang article na babasahin sa diyaryo sa umaga para maganda ang simula ng araw ko. Kanina, ang nahanap ko ay Are business schools businesses?. Maganda ang insights, ang sarap ipabasa sa fast earning universities. Hehehe. It's nice to see a premiere business school championing its educational mission (although mahal pa rin sa school na ito).

Ako ay nangangarap na magtayo ng sarili kong business school. Within ten years sana (hahaha!). At hindi lang siya basta-bastang business school. Isa sa magiging purpose nito ay magdevelop ng panibagong mga paradigms at models sa pagpapatakbo ng business, sa labor relations at sa economic systems. Ipopromote nito ang social entrepreneurship (at hindi yung gimik na corporate social responsibility), "new" economics, social accounting, economic visioning, non-hierarchism, at sustainability. Ia-apply ang konsepto ng balanced job complexes hindi lamang sa mga pagdesign ng trabaho ng mga empleyado kundi pati na rin sa pagdesign ng curriculum, syllabus at schedule ng mga mag-aaral. Ipapractice rin ang participatory planning sa course design, involving ang lahat ng stakeholders - teachers, students, alumni, industry, labor sector, civil society, etc. Magkakaroon rin ng rationalized stratification sa tuition fee structure na base sa ability to pay ng pamilya ng bata.

Tapos pabilog ang theme ng architecture ng eskuwelahan na parang symbolism ng kakulangan ng hierarchies. Tapos maraming puno. Tapos ilan sa ipopromote na P.E. courses ay arnis, football at competitive patintero. Tapos clean energy ang gamit dahil ang kuryente ay iso-source sa windmills at solar panels na nasa school mismo.

Sarap mangarap, ano? :) Hehehe.

Outsourced

Kababasa ko lang ng post na ito mula sa aking dating estudyante na nasa call center na ngayon. Nakakatuwa, pero medyo nakakaawa rin dahil parang baligtad ang buhay niya ngayon. Siguro dapat matuwa na rin ako kahit papaano dahil may trabaho siya at nagagamit niya ang kanyang talent sa productive na paraan.

----------
Business process outsourcing ang "in" ngayon sa ating job market. Pag magtitingin ka sa classified ads, puro BPO jobs halos ang naka-advertise. As developed countries dispose of their "rote" jobs, nagiging opportunity naman sa atin yun kasi tayo na ang sumasalo nito.

Ang pinakakilalang BPO job sa ngayon ay ang pagtatrabaho sa call centers - ang tinatawag na customer contact agents ng Accenture. Nandiyan din ang mga medical transcriptionists na binebenta namang opportunity para sa mga health professionals. Bago ako umalis sa FEU ay nagsisimula na ring pumasok sa bansa natin ang outsourced na bookkeeping functions, na bunga na rin ng adoption ng iisang set ng accounting standards sa karamihan ng mga bansa.

Malaki daw ang naging (at nagiging) tulong ng BPO sa ating bansa. Ito, kasama ng OFW phenomenon, ang sinasabing bubuhay sa ating ekonomiya. Maliban kasi sa job creation, nakapagpapasok rin ng kinakailangang foreign currency ang mga trabahong ito, which in turn strengthens the Philippine peso. Medyo "naitataas" rin kahit papaano ng mga trabahong ito ang pay level ng mga professionals kasi relatively mataas ang bayad ng mga kumpanyang nasa BPO at napipilitan namang sumabay ang ilan sa ating mga local companies para maka-compete sila sa pagkuha ng magagaling na empleyado. At natutulungan rin ng BPO ang ilang mga industry, tulad ng 24-hour convenience stores and fastfoods, mga manufacturer ng instant food, mga vendo operators at mga coffee shops.
----------

Despite all the benefits we're getting from the BPO industry, may social costs rin ito sa atin. Nandiyan yung bumaligtad ang buhay ng mga young professionals - gising sa gabi, tulog sa umaga. Naaapektuhan nito ang kanilang social life dahil tulog sila kapag gising ang kanilang mga mahal sa buhay and vice versa. Nadidisrupt ang normal social interactions. Paano kaya ang mag-asawang call center agents pag nagka-anak sila?

Dahil din sa kakaibang oras ng trabaho, kakaibang stress din ang nararamdaman ng katawan ng mga BPO professionals. Disrupted ang kanilang biorhythm, na nagiging nocturnal during workdays at non-nocturnal kapag day off. Mas matindi pa kung papalit-palit ang shifts. Sa kasalukuyan nga ay may dinedevelop kaming research (na hinahanapan namin ngayon ng funder) tungkol sa substance abuse ng mga BPO professionals dahil balitang balita na talamak ang paggamit ng drugs para pampagising.

Naapektuhan rin ng BPO ang ating educational system. Maliban sa obvious na prioritization ng english language, nagkaroon na din ng preference sa mga courses na BPO-friendly. Set aside na ang mga hard at social sciences, prioritize na ang mga business courses. Set aside na ang fine arts at music, prioritize na ang ICT. Set aside na ang pagdodoktor, prioritize na ang nursing at med tech. While prioritization of such courses may benefit us in the short run, will the deprioritization of other courses instrumental to national development, e.g. medicine, social sciences, etc., benefit us in the long run?
----------

Which brings me to my point. For sure, BPO does benefit the country with its positive impact on jobs and the strengthening of our local currency. But it should be developed as a support, not the pillar, industry of our country. Maliban sa social costs ng BPO na nabanggit ko na, kailangang tandaan rin na "hot investments" ang dala ng industry na ito. Madali itong pumasok ng bansa at madali rin itong tanggalin.

Para hindi umalis ang BPO investments sa bansa, kailangang mapanatili natin ang dahilan kung bakit sila naginvest dito - ang mababang pasahod kumpara sa ibang bansa. Mataas man ang suweldo ngayon sa BPO industry, tiyak na mababa ang magiging annual salary growth dito in the long run para mapanatili ang ating competitive advantage. Dapat bang gawing anchor ng ekonomiya natin ang isang industry na mapapanatili lamang natin sa pamamagitan ng pagdepress sa income na matatanggap ng mga nagtatrabaho dito? Sa tingin ko, hindi dapat.

January 3, 2007

Magbasa

Kung meron mang balita na nakakapagpasaya sa akin, iyon ay ang makabasa ng balita tungkol sa mga libro. Kaninang umaga, napangiti ako nang mabasa ang balitang ito:

12M textbooks out of storage, set for distribution

Sana hindi magkabulilyaso ang project na ito dahil malaki talaga ang problema natin sa kakulangan ng textbooks. Malaking tulong ito sa improvement ng ating educational system. Sayang nga lang at isa itong loan sa World Bank at hindi grant, pero ok na rin. Eto yata ang foreign debt na wala akong objection, hehehe.

Maliban dito, nabalitaan ko pa na dadaong ang floating bookstore sa Pilipinas after a six-year absence. Di ako nakapunta dati at sana makapunta ako ngayon, tutal malapit naman ako sa port area.

Nalulungkot ako kapag nakikita kong isang lost art na ang pagbabasa ngayon. Puro text na lang at nood ng TV ang mga bata ngayon, and although it seems a sweeping generalization, naalala ko lang nung napupuno ng mga bata noon ang bookstore. Ngayon, maraming mga bata na pumupunta sa bookstores para bumili ng school supplies pero ni hindi man lang maisipang titigan ang mga libro. May mga bookstore nga na wala nang books, school supplies na lang (Hello, Expressions?).

At dahil sa gusto kong i-advocate ang pagbabasa, ang madalas ko nang ipangregalo ngayon ay libro. Sana ganun na rin ang gawin ng marami sa atin, para matulungan ang "moribund" na book industry, ma-promote ang pagbabasa lalo na sa mga bata, at ma-practice rin ang pamimigay ng mga regalong may relevance at hindi lang puro sentimental value. Hehehe. Salamat nga pala sa aking lalabs sa pagbibigay ng isang magandang libro nitong nakaraang Pasko. :)

January 2, 2007

Hindi ka ba maga-abroad?

"Tito Erwin, hindi ka ba maga-abroad?"

Nagulat ako sa tanong ng aking batang pamangkin. At naantig. May halong kalungkutan ang tinig ng bata. Hinahanap-hanap ang tatay na kinailangang umalis papuntang Korea para mabuhay ang kanilang pamilya.

"Hindi."

"Bakit hindi?"

"E...mas masaya kasi dito." Tumango siya.

"Totoo bang nagkakagulo daw sa Korea?" tanong niya.

"Di ko alam e."
----------

Maaga akong namulat sa OFW reality ng ating bansa. Walang nag-abroad sa aking pamilya, pero marami akong kamag-anak na nag-abroad. Yung isa ay ang aking tita na pinakamalapit sa nanay ko. Finake niya ang kaniyang passport para makapuntang Middle East. Ang anak niya, na nakitira sa amin habang nasa abroad ang aking tita, ay nagpunta namang Brunei. Umuwi na may half-Nepalese na sa kanyang sinapupunan na siya namang aking naging unang inaanak. Isa lang siya sa mahigit sampung mga pinsan ko na nangibang-bansa rin para suportahan ang kani-kanilang mga pamilya.

Dahil din sa trend ng paga-abroad kaya wala akong kinamulatang ninong at ninang. Pareho kasi silang nagpuntang Amerika at dun pinraktis ang kanilang mga karera bilang doktor. Teka, doktor nga ba ang ninang ko? Di ko na matandaan.

Siyempre, nandiyan rin ang aking diosa na hindi naman OFW kundi isang scholar sa Japan. Pero long-distance pa rin kaya parang ganun na rin ang dating.
----------

Sa pagtaas ng halaga ng piso kontra dolyar, muli na namang gino-glorify ang ating mga OFWs. Ang mga naturang bagong bayani ng bayan. Sila kasi ang bumubuhay sa ating ekonomiya ngayon, sa dami ng kanilang remittances na nakaabot ng record high nitong nakaraang kapaskuhan. Pero sa totoo lang, nalulungkot ako tuwing naririnig ang balita ng pagdami ng mga OFWs. Nakita at naranasan ko na ang lungkot ng mga pamilyang naghihiwalay nang pilitan. At karamihan ng mga kababayan nating naga-abroad ay umalis nang pilitan, dahil walang makitang sapat na kabuhayan sa Pilipinas o kaya'y dahil ito na ang kinamulatan nilang buhay at wala na silang maisip na ibang paraan para umasenso.

Nung ako ay nagtuturo pa, halos kalahati ng mga estudyante ko ay anak ng mga OFWs. Sa aming mga kuwentuhan, naririnig ko ang kanilang pagnanais na mabuong muli ang kanilang pamilya. Naalala ko pa ang sinabi ng isang estudyante ko na seaman ang tatay at itinuring na rin akong tatay-tatayan. Kinatatakutan ko sa lahat ang maramdamang mag-isa at iwan. Ganito siguro talaga ang emotional effect kapag ang bata ay nakagisnang laging umaalis ang ama."
----------

Nakakalungkot ang OFW phenomenon dahil isa siyang unsustainable solution sa ating economic problems. Maraming nagsasabi na ang dollar influx mula sa remittances ang siyang magbu-boost sa local businesses, ngunit 1970s pa finorward ang argument na ito at wala pa rin ang sinasabing boom na mag-aangat sa mga tao sa kahirapan. Dangkasi, sabay rin sa pagpasok ng mga dolyar ang pagbukas ng ating ekonomiya sa fully-liberalized trade, at ang dolyar na bubuhay sana ng local businesses ay napupunta sa pagkonsumo ng cheap imported products at muling lumalabas ang yaman sa ating bansa.

Napakarami nang 2nd at 3rd generation na OFWs sa ating lipunan. Tiniis ng nanay ang mahiwalay sa anak ubang bigyan ito ng magandang kinabukasan. Ngunit hindi ito sapat at kinailangang mawalay rin ng anak sa sarili niyang mga anak. At magpapatuloy nang magpapatuloy ang cycle na hindi mapuputol hangga't di nagkakaroon ng fundamental na pagbabago sa ating lipunan.

Minsan napatitig ako sa aking inaanak sa pinsan kong 2nd generation OFW. "Aalis ka rin kaya?" tanong ko sa isip ko. Sana di na niya kailanganing umalis.

Naalala ko rin ang ilan kong mga estudyante na anak rin ng mga OFWs na ngayon ay nasa abroad na. Naalala ko ang kanilang mga hiling na sana mabuo ang kanilang pamilya. Natitira na lamang ang kanilang mga post sa Friendster bulletin board na nagsasabing "Meri Christmas! Sad d2 wlng Pasko. Miz u all"
----------

Minsan na akong nangibang-bayan - sa America, sa Canada, sa Laos at sa Vietnam. Hindi para magtrabaho kundi para ipakalat ang sining at kultura ng ating bansa. Ang dami kong mga insights na napulot sa pakikisalamuha sa ibang mga lahi at sa mga Filipino communities rin. Tunay na napagyaman ng mga karanasan na ito ang aking pagkatao. Sa aspetong ito, ako ay tunay na mapalad.

Sana dumating yung panahon na ang pangingibang-bayan nating mga Pilipino ay isa lang sa mga choice at hindi no other choice. Na ang pangingibang-bayan nating mga Pilipino ay paglalakbay ng self-actualization at hindi self-preservation. Na ang pangingibang-bayan nating mga Pilipino ay pagpapayaman ng ating mga sarili at hindi ng ating mga bulsa. Na ang pangingibang-bayan nating mga Pilipino ay para sa kabusugan ng ating isip, puso at kaluluwa at hindi ng ating tiyan.

January 1, 2007

2007

Nung isang taon, suplado ako sa pagsalubong ng bagong taon. Ngayong taon, medyo suplado pa rin, pero naramdaman ko ang reflective aspect ng new year. Siguro dahil 8 to 5 (9 to 6) na ang aking trabaho kaya mas na-appreciate ko ang downtime. Sa aking pag-iisip ngayong bakasyon, may mga naisip akong "panata":

a. Nitong December ay naging breadwinner na ako ng aking pamilya. Sa totoo lang, mabigat. At mukhang lumabas na nabibigatan ako sa aking mga ikinikilos nitong nakaraang buwan. Pero ngayon, I will take it in stride. I will treat it as just another challenge I need to face and I don't need to be glum about it.

b. Hahanap ako ng raket. Siguro balik uli sa part-time na turo.

c. Magbabasa, magbabasa at magbabasa. Puro opinion pieces lang kasi binabasa ko, kaya ngayon mga academic, conceptual at theoretical readings naman ang aking babanatan. Medyo mahina pa kasi ang aking framework sa pagtingin sa mga social issues kaya magandang magpalalim nang konti. Ang saya, ano?

d. Sa aking academic career, I will learn to "move on." Napagtanto ko na nagkaroon nga ako ng "favorite" batch of students na grumaduate na, and I wasn't able to get over it. It affected the way I viewed at succeeding batches. Kaya this year, I will get over it.

e. Mapapadalas ang aking pagde-date dahil uuwi na ang aking lalabs. Recover quality time. :)

f. Tuloy ang pagpunta naming Ilocos Norte sa holy week. Hehehe.

g. I will try my best to look beyond the hierarchies in society and try to put non-hierarchism into practice.

h. I will learn to be more diplomatic. Mahilig kasi akong mang-antagonize at mamikon pag nakikipagdebate.

i. I will join a political party. Seriously.

j. I will listen to more jazz. More classical. And more Pinoy folk. Tumatanda na yata ako.

k. Manonood na talaga ako ng Cinemalaya.

l. I will engage in physical activities. Nakakasawa na na puro lakad lang physical activity ko. :p

m. Kakain akong paksiw na isda. (Lord, ito yata pinakamahirap na panata)

n. Kakain akong menudo. (Basta may patis)

o. Magko-comment na ako sa ibang blog.

p. Di na ako tatambay sa mga message boards. Pointless speaking with people behind user names.

q. Mag-aaral uli akong maggitara. Pero wala pala akong gitara sa bahay, putik.

r. Mag-aaral ako ng isang bagong language.

s. Mag-aaral uli ako ng algebra, trigonometry, calculus at statistics.

t. Magpapraktis na talaga akong magdrums. Tuwing Sabado.

u. Tatapusin ko na yung yearbook na napakatagal ko nang utang. Dapat tapos na bago mag-Pebrero.

v. Magreregalo na ako sa inaanak ko. Wala pa akong binibigay mula't mula pa, Grade 5 na siya ngayon.

w. Makakaipon akong P100,000. Hahaha!!!

x. Maniningil na ako ng utang. (Lagot kayo!)

y. Di na ako magiging suplado. :p

z. Mas dadalasan ko na ang pagtambay dito. Para masaya.