September 24, 2006

Ang haba na ng hair mo

Maximo OliverosNung isang taon ko pa binalak na panoorin ang critically-acclaimed na pelikulang Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros. Pero dahil laging kulang ako sa oras, hindi ko ito nagawa. Buti na lang, nagkaroon ng rerun nito sa mga sinehan sa SM. Ngayon naman ay di ko na ito pinalampas.

Madalas na feature sa isang pelikulang Pinoy yung pagkakaroon niya ng "big moment." Yung scene na sumisigaw ng "Anggalingnamingumartedapatmanalokamingaward!!!" Madalas naman, maganda nga yung scene na iyon, pero pag natapos na ang pelikula, yun na lang ang maaalala mo. Mapapaisip ka na lang na sana, ganun kaganda yung buong pelikula.

Iba yung naranasan ko dito sa Maxi. Habang nanonood ako, hinihintay ko yung "big moment" na inaasahan ko. Pero hindi siya dumating. Dahil hindi ito ang usual na pelikulang puno ng hysteria at melodrama. Hindi niya pinipilit na ipasok sa kukote mo na siya ay karapat-dapat na manalo ng award. Maganda ang kaniyang pagkakahabi. At nang matapos ang pelikula, nagsink-in sa akin na "Wow, ang ganda." Ito ay isang kaso kung saan the whole is much much more than just the sum of its parts. Ang Maxi ay isang magandang pelikula, hindi lang isang pelikula na mayroong isang magandang eksena.

Sinira ng Maxi ang ilang mga myths at conventions sa pelikulang Pinoy. Una, na kailangan ng malaking budget para makagawa ng isang magandang pelikula. Kasalukuyang nagpapataasan ng gastos ang mga mainstream outfits sa kanilang mga ipapalabas sa Metro Manila Film Festival. Pero narito ang Maxi, na pinroduce sa budget na halos kalahating milyon lamang, at siya na ang ilalaban natin ngayon sa Oscars.

Pangalawa, na kapag drama ang pelikula, kailangan mo ng isang magaling na aktres na bida. Hindi niyo ba napapansin na sa mga Filipino film awards, ang laging huling tinatawag (ang grand finale) ay yung Best Actress at hindi ang Best Picture? Dito sa Maxi, walang pang-best actress material, pero hindi siya kinulang sa effective dramatic performance.

Pangatlo, na kailangan ng big name na mga artista para magdala ng magandang pelikula. Sino ang pinakasikat na artista sa pelikulang ito? Si...Kuya Bodjie. Maiksi pa nga ang kanyang role dito.

Pang-apat, na kapag tungkol sa isang bakla ang pelikula, ito ay dapat umikot sa discrimination at empowerment. Nope, no such gay activism here. It is empowering in that it portrayed Maxi in a positive light, but it does not predictably go down the path of showing gays being oppressed and that the world around him/her is being so freaking unfair because of his/her gender.

Panglima, na kapag "indie" film na Pinoy, dapat malalim, radikal, kakaiba at di madaling ma-gets. This is definitely not a Lav Diaz film. Walang mga mabulaklak at malalim na linya na yung mga nakapag-Master's degree lang ang makakaintindi. Walang mga maalog na shots na nagbibigay daw ng alternative and raw feel sa pelikula. Walang ring choppy editing na nagbibigay naman daw ng third-world feel at wala rin yung mga kahol ng aso na lagi mong maririnig kapag slum area ang setting ng pelikula. Hindi nagpilit magpaka-indie ang Maxi para palabasing maganda siya at kakaiba sa mainstream na pelikulang Pilipino.

Nang matapos ang pelikula, nalungkot ako. Apektado kasi ako sa pelikula at hindi ko ma-process kung happy ending ba o sad ending yung pelikula para sa akin. Pero ang isa pang ikinalungkot ko ay sa buong panonood ko, pipito lang kaming nanonood sa loob ng sinehan. Hindi naman kailangang makaabot sa finalsist sa Oscars ang pelikulang ito para ma-validate na maganda siya, pero hinihiling ko na rin na ma-nominate siya para lang magising ang maraming mga Pinoy na isang obra na naman ang pinapalampas nila.

----------
Oo nga pala. Mag-aaral na nga pala akong sumipol...

1 comment:

Anonymous said...

watch sarungbanggi too.. try nio lang.. :) astig ka tlga sir paeng.. -loren