February 21, 2007

Sinungaling sa sarili

Kanina, inilabas ni Prof. Philip Alston, ang UN official na nagimbestiga ng mga kaso ng extrajudicial killings sa Pilipinas, ang findings ng kanyang imbestigasyon. Ayon sa kanya, dapat harapin ng gobyerno ng Pilipinas ang katotohanan na may extrajudicial killings na nangyayari at marami rito ay "convincingly attributed" sa ating military na nasa isang "state of almost total denial."

Ang reaksyon ng gobyerno? "Mas pinaniniwalaan niya ang ibang kausap niya laban sa posisyon ng gobyerno." sabi ni Ed Ermita. Sabi naman ni (in)justice secretary Gonzales, brainwashed daw si Alston.

Nung nakaraang linggo, sinabi ng CGFNS na hindi sila magbibigay ng visa screen sa mga nag-take ng June 2006 exam kung hindi sila magretake ng mga portion na nagkaroon ng leakage. Hindi nila pinagkakatiwalaan ang solusyon ng gobyerno na recomputation.

Ang reaksyon ng gobyerno? Ipapakausap raw yung CGFNS sa labor secretary para i-apela ang desisyon dahil hindi lang daw naiintindihan yung ginawang solution ng gobyerno.

Nung nakaraang linggo rin, habang nasa isa press conference tungkol sa ating ekonomiya, itinanong ni Gil Cabacungan kay GMA kung bakit ang mga bilyonaryo ngayon ay pareho pa rin sa mga bilyonaryo nung panahon ni Marcos at Ramos.

Ang reaksyon ni GMA? Hindi daw economic question yun at sa halip ay political. Sabay walkout.

Nang ilabas ng Transparency International ang kanilang corruption perception index survey kung saan bumagsak ang Pilipinas, sinabi ng gobyerno na "The report is unfair to the Philippines." Nang ilang beses na matalo ang gobyerno sa Supreme Court sa mga isyu ng PP1017, CPR at EO 464, sinabi ng gobyerno na gusto lang i-appease ng Supreme Court ang mga makakaliwa at aktibista.

Nang sabihin na may problema sa classroom shortage, sabi ng gobyerno na mali daw yung ratio na ginamit kasi 1:100 ang classroom to student ratio, hindi 1:45. Nang sabihin na may problema sa unemployment, sabi ng gobyerno na hindi dapat kasama sa unemployed ang mga hindi aktibong naghahanap ng trabaho. Nang sabihin na may problema sa kahirapan, sabi ng gobyerno na P36 lang naman daw ang kailangan ng isang tao kada araw para mabuhay.

Kasalukuyan kaming nagiipon ng demographic data para sa aming TB project. Ayon sa record ng gobyerno, wala daw squatter sa Intramuros, kung saan ako nagtatrabaho. Araw-araw kong dinadaanan ang dalawang kalsada rito na puro mga natutulog sa kalsada. Hindi pala sila squatter, trips lang matulog sa daan.

May project rin kami sa squatter's area sa Paliparan, Cavite. Ayon sa record ng gobryerno, kaunti lang daw may TB dun. Kahit na ang daming umuubo at ang daming namamatay sa ubo. Kungsabagay, ubo lang siguro yun at hindi TB.

Araw-araw, tumatambad sa atin ang kahirapan. Ang malawakang gutom. Ang rampant corruption. Ang mga human rights violations. Sabi ng gobyerno, hindi iyan totoo. Lahat iyan, kasinungalingan lamang. Wag kang magpapadala kasi nililinlang ka lamang. Maging ng iyong nakikita, naririnig, naaamoy, nararamdaman at nararanasan.

February 19, 2007

Para kay development consultant

Halos mag-iisang taon na akong nasa development consulting industry. Hindi naman ako isang development consultant at sa halip ay nagsisilbing finance and admin support. Pero medyo nakilala ko na rin ang industriya na ito. At isa sa napansin ko ay ang nakakalungkot na realidad na a lot of times, yung mismong mga nagtatrabaho sa sector na ito ang siyang dahilan kung bakit hindi natutupad ang mga adhikain ng mga development / aid programs sa ating bansa.

Tulad mo.

Sa ating market-driven economy, madalas na pinoprofess na ang compensation ng mga tao ay dapat based sa kanyang market value. Dapat ay bayaran ang isang tao ayon sa degree ng kaniyang pinag-aralan, sa lalim ng kaniyang industry experience at higit sa lahat, ayon sa isang rate na competitive kumpara sa lahat ng sector na maaaring makinabang sa kanyang talento o expertise. Ngunit kung mayroon mang mga nagtatrabaho na dapat mag-waive ng kanilang right para sa isang competitive na salary, ito ay ang mga nasa development sector na tulad mo. Dahil ito ay inherent sa pro-poor na bent ng iyong mundo na ginagalawan.

Sa totoo lang, nalulungkot ako pag nakikita kong may development consultant na tulad mo na nabubuhay nang magarbo. Na malaki ang kotse. Hindi miminsang kumulo ang aking dugo kapag naririnig kitang nagrereklamo na hindi man lang tapatan ang iyong kikitain kung nagtrabaho ka sa private sector. Kapag sinasabi mong huwag naman kitang pagmukhaing mahirap. At higit sa lahat, kapag napakakapal ng mukha mo na nagsasabing "Bakit ba kayo magdadamot e hindi naman sa inyo ang pera?" kapag nililimitahan ko ang iyong "per daya" at transpo "reimbursement".

Punyemas ka. Oo, hindi nga sa amin ang pera ng grant / financial aid. Bakit nga ba namin ipagdadamot ito. Pero ang tanong, para sa iyo ba ito? Hindi naman di ba? Nandiyan ang grant para sa mga grantee. Ito ay para sa mga mahihirap na kinakailangang iangat ang buhay. Para sa mga maysakit na hindi na gumaling-galing. Para sa mga LGUs, government institutions, at cause-oriented groups na nangangailangan ng tulong.

Hindi nandiyan ang grant / financial aid para makapagcheck-in ka sa Marco Polo. Hindi ito nandiyan para makapag-coffee ka at makapag-breakfast sa hotel. Hindi ito nandiyan para magkaroon ka ng top-of-the-line na cellular phone at laptop computer na tumatakbo sa Windows Vista. Hindo ito nandiyan para payamanin ka.

Hindi nandiyan ang grant / financial aid para sa iyo. Ito ay nandiyan para sa kanila na nangangailangan ng tulong. Hinihingi lang ang serbisyo mo kasi baka sakaling may maitulong ka. Kung hindi mo ito matanggap, maaari ka nang umalis.

Mali pala. Hindi pala maaari.

Umalis ka na.

February 18, 2007

28

Nung nakaraang taon, tinapos ko ang aking ika-27 taon sa pamamagitan ng pagtatanong ng "Ano na?"

Ngayon, sa pagtatapos ng aking ika-28 taon, di ko pa nahahanap ang sagot sa tanong na iyan. Pero hindi katulad nung nakaraang taon, hindi na ako atat na mahanap ang sagot. Naalala ko na lang ang sinabi ni pareng Bob na ang buhay, hindi multiple choice, enumeration, identification o fill in the blanks. Essay question siya na patuloy na sinusulat. At allowed ang erasures.

February 17, 2007

Davao

Paano mo ipapaliwanag ang pagkabighani sa isang lugar na hindi mo pa nakilala?

Iyan ang hindi ko maipaliwanag tuwing nandito ako sa Davao. Ikatlong beses ko pa lang dito, isang beses na Kadayawan, dalawang beses na official business. Hindi lumalampas nang tatlong araw ang mga biyahe ko rito. Hindi ko pa siya nalibot. Hindi ko pa nakita ang kanyang mga tourist spots. Hindi ko pa natikman ang kanyang native delicacies. Hindi ko naiintindihan ang kaniyang wika, ang kaniyang awit at mga sayaw. Hindi ko pa siya ganap na nakilala.

Pero mas nagiging malungkot ako sa bawat pagkatataon na nililisan ko siya.

Nandito na naman ako sa Davao International Airport, naghihintay sa aking biyahe pauwi ng Maynila. At ngayon pa lang ay naglalaro na sa aking utak ang tanong: "Kailan kaya ako babalik?"

February 8, 2007

Ngayong araw na ito...

...ay kasingtanda ko na ang aking lalabs.

Maligayang bati, Ria! :)

February 3, 2007

Pebrero

Ang tagal kong di tumambay dito! Lagi kasi akong ginagabi sa trabaho nitong mga nakaraang araw. Medyo overloaded, pandalawang tao ang aking ginagawa. Tapos nakakatamad rin namang magpuyat. Maliban sa pagod, malamig kasi. Ang sarap matulog!

Ikatlong araw na pala ng Pebrero. Pebrero na naman. Ang aking paboritong buwan. Maliban sa buwan ito ng aking kaarawan, birthday rin ng lalabs ko. At ng aking ate. Napakarami ko pang ibang kakilala na may birthday nang ganitong panahon. Sa opisina pa lang, mahigit lima na kaming mga Aquarian.

Ngayong buwan din ang UP Fair. Ang pinakamasayang concert event sa Pilipinas. Hehehe.

Tapos, anniversary pa ng EDSA. Magsisindi kaya uli kami ng kandila sa EDSA? O may ha-hijack na nito ngayon na pulitiko dahil panahon ng eleksyon?

Gusto ko rin ang buwan na ito kasi 28 days lang siya (kapag hindi leap year). Sakto sa grid na 4 weeks in a month, 7 days in a week. Pag nag-umpisa ang buwan nang Linggo, matatapos ito nang Sabado. Ewan ko ba kung bakit, pero may epekto sa akin ang sense of regularity na iyon. :p

Sana maging masaya ang Pebrero ngayong taon.