July 18, 2005

Nag-iisip...

Noong nakaraang Sabado, sinabi ni Del R. De Guzman ng LAKAS party na ang nagdagsaan para sumuporta kay GMA sa rally sa Luneta ay ang "thinking class," mga taong di nakumbinsi ng oposisyon na sumama sa kanilang "GMA Resign!" movement dahil sila ay mga nag-iisip.

Kungsabagay, nag-iisip nga siguro ang mga tao na pumunta doon. Iniisip na sayang naman yung dagdag na allowance na matatanggap nila pag umattend. P3,000 din yun. O kaya iniisip yung exemption sa periodical exam. Sayang rin yun, lalo na kung bagsak-bagsak ka sa quizzes mo, at least meron ka nang second chance. Meron ding nag-iisip para sa kapakanan ng kanilang pamilya, baka mawalan rin kasi ng trabaho dahil lang sa hindi pag-attend ng rally.

Pero sige, pagbigyan na natin na kunyari wala naman talagang hakot doon (kahit meron). May mga tao nga naman akong nakausap na iniisip pa raw nila kung "Sigurado ba tayo na totoong nandaya siya (GMA) noong eleksyon?" Gusto nila, may Truth Commission tapos kailangan ma-autheticate pa ang tapes. Kailangan rin daw bigyan ng "due process" ang pangulo, na idadaan pa rin daw sa tamang forum at proseso, kasi hindi naman obvious dun sa usapan na nandaya siya. Kadududa rin daw ang Garci tapes kasi pakawala ito ng oposisyon.

May mga tao rin na nag-iisip na "Pag umalis na si Gloria, sinong papalit?" Ayaw nila kay Noli, incompetent daw (pero magtataka ka bakit si Noli binoto nila nung nakaraang eleksyon kahit alam nila na ito ang papalit kay GMA kung sakaling bumaba si GMA sa puwesto). Baka raw bumalik sa kapangyarihan ang mga Estrada at Marcos na siya nang pinatalsik ng mga nakaraang EDSA. Ayaw rin daw nila sa military junta. Hindi rin sila agree sa transitional revolutionary government dahil may vested interests rin daw ang mga nagpo-propose nito.

Sa totoo lang, our capacity for rational thought is so overrated. Nakakatawa nga na naniniwala ako rito kahit na isa akong academician. Madalas shine-share ko ito sa mga estudyante ko dahil napapansin ko na marami sa kanila ay lalong nagkakamali sa mga exam pag masyado na nilang pinag-iisipan ang sagot sa isang problem. Sabi nga ni Confucius, "Life is simple, if we do not wish it to be complicated." Minsan, ang sagot ay nasa harap na natin, pero sa sobrang kaiisip natin, hindi tuloy natin makita.

Ironic na habang lalong nag-iisip ang mga tao, mas lalo silang kumikilos na parang hindi nag-iisip. Kunin na lang natin ang kaso ng mga taong gustong ma-autheticate muna ang Garci tapes at nagsasabi na wala naman raw obvious na makikitang dayaan sa mga usapan na narinig nila dito. Hindi miminsang naisip ko na nakatira ba ang mga taong ito sa pagkalayo-layong lupain at nakakulong sa isang kuwarto na hindi sila marunong makakuha ng context ng isang usapan? Sabi nga ni Randy David sa kanyang column kahapon sa Philippine Daily Inquirer:

"The fixation with authentication, both in its legal and technical sense, dissuades ordinary people from trusting their own common sense in interpreting the recorded conversations. This is absurd. What equipment do we use to understand one another in everyday life but our common sense? We may not be able to explain how we, as ordinary human beings, are able to make sense of the most cryptic conversations. That is the job of analysts. But just because we do not know how the mind works does not mean we cannot use it."

Ang sobrang pag-iisip rin ang nagiging dahilan ng pag-contradict ng isang tao sa sarili niya. Halimbawa, marami ngayon ang nag-iisip na kapag dinaan natin sa extra-constitutional process ang pagresolba ng ating problema, madidiscredit na ang ating constitution at democratic institutions. Pero hindi naman nila pinapansin na ang kanilang pangulo ang mismong nagdi-discredit sa constitution dahil ang pinopropose niyang solusyon sa kasalukuyang problema ay charter change. May nagsasabi na dapat tigilan raw ang pagra-rally dahil ito raw ay nakakasira ng ating ekonomiya. Hindi nila nakikita na pag dinaan natin ito sa impeachment, lalo lang magtatagal ang pagbagal ng ating ekonomiya at mawawalan ng oras ang gobyerno sa pag-institute ng reforms dahil magiging occupied ito sa impeachment proceedings.

Mas komplikado yung issue ng mga nagtatanong kung ano ang mangyayari sa atin pagkatapos bumaba ni GMA. Valid issue ito dahil nage-exercise lang siguro ng prudence ang mga advocates nito. Ika nga nila, "We must think two to five steps ahead." Ang tanong ko nga lang, rationally speaking (tutal labanan naman ito ng rational thoughts), may nakikita ba silang magandang kinabukasan kung sakaling magpapatuloy si GMA sa pamumuno ng ating bansa? Rationally speaking, nakikita ba nila na magkakaroon ng unity sa Pilipinas habang si GMA ang nakaupo?

Kunyari nasa impiyerno ka na, tapos pinamumunuan ka ng demonyo. Ang init sa impiyerno, nakakainis, lapnos lapnos na nga ang balat mo. Pati pamilya mo, kitang kita mo na hirap na hirap na rin. Tapos may nakita kang lagusan palabas ng impiyerno. Hindi mo nga lang alam kung saan ito papunta kasi ang dilim, di mo makita kung ano ang nasa dulo. Anong gagawin mo? Mananatili ka ba sa impiyerno, o susugal ka dun sa lagusan?

Sa totoo lang, minsan ang inaakala nating rational decisions ay dala talaga ng ating basic impulses. Halimbawa, ang binabandera bang rational solution ngayon ay dala talaga ng sound logic, o dala ng need for self-preservation? Ang rational solution daw na preservation of status quo, dala ba ito ng matinding pag-iisip, o ng matinding takot sa di alam na hinaharap?

Kung puro isip lang ang pinairal, hindi na siguro pinublish ni Rizal ang kanyang mga nobela kasi alam niyang mahuhuli naman siya ng mga Kastila at malamang parurusahan sa kanyang pinagsusulat. Kung puro isip lang ang pinairal, hindi siguro umuwi si Ninoy sa Pilipinas noong 1983. Kung puro isip lang ang pinairal, siguro wala namang maglalakas loob na mangharang sa mga tangkeng pinadala ni Marcos sa EDSA na ang sandata lang ay ang pagkakapit-bisig at ang pagdarasal.

Sa mga panahon natin ngayon, totoong walang malinaw na sagot sa kung ano ang maaaring mangyari sa ating bansa kaya't kailangang pag-isipan ang ating mga gagawin. Pero huwag naman nating hayaang ang pag-iisip natin ay magresulta sa hindi na natin pagkilos. Nakikita mo na na ang daming nangyayaring masama sa ating paligid. Ang daming mali na dapat itama. Maraming institusyon na dapat baguhin. Tama ba na pagkatapos ng mahabang pag-iisip, ang magiging sagot lang natin ay manahimik na lang at magsabing OK na ako dito?

No comments: