June 10, 2005

Tahimik

May nararamdaman ba kayong kakaiba sa hangin? Ako meron. Tumatayo ang aking mga balahibo. Sabi nila, may "gut feel" daw talaga tayong mga tao. Nararamdaman daw natin kung may nagbabadya na masamang mangyayari. At sa kasalukuyan ay mayroon akong nararamdaman.

Sunud-sunod na ang masasamang balita sa TV. Nandyan ang jueteng scandal. Ang kaliwa't kanang balita na may destabilization at coup na magaganap. Nandyan ang "taped conversation" ni GMA at ni Commissioner Garcellano, na magpapatunay diumano sa pandaraya ni GMA noong eleksyon. Samahan mo pa ng maling "political moves" ng administrasyon, na kulang na lang ay umamin sa kanilang pagkakamali.

May kakaibang katahimikan sa paligid. Noong isang linggo ko pa ito napapansin. Para tayong nasa "calm before the storm." Nararamdaman ko na may puputok na bulkan, at hindi ko gusto ang nakikita kong mga maaaring mangyari sa pagsabog nito.

Sa mga panahong ganito, napapaisip ako, may saysay pa ba ang aking itinuturo sa mga klase ko ngayon? Hindi ba't mas marami pang mas mahalagang mga bagay na dapat naming pag-usapan? Mga pagkilos na dapat pag-isipan? Mga pangambang dapat paghandaan?

Ang tahimik. Sobrang tahimik. Nakakabingi.

1 comment:

Gerry Alanguilan said...

Sa totoo lang Paeng, kahit ako na malayo sa Maynila may nararamdaman na rin. Isang tingin lang sa mga headlines at pag connect connect mo lang sila... alam mo na may malaking problema talaga.

Ano pa ang magagawa natin? Tulad mo sumugod din ako ng EDSA nung 2001 kasi feeling ko noon na dapat kumilos ako bilang Pilipino para suportahan ang sa tingin ko ay tama at pabagsakin kung ano sa tingin ko ang mali.

Pero ako ay disillusioned na rin ngayon tulad ng marami. Hindi ako nagsisisi sa ginawa ko noong 2001 kasi alam ko na tama pa rin ang ginawa ko. Pero ngayong 2005, ano ang magagawa ko, ano ang magagawa natin?

Very disappointed ako kasi sa pag lipas ng panahon, unti unti ko nakikita ang kalaliman ng corruption at politika dito sa atin. Mismong kababata ko na ngayon ay sa gobyerno nagtatrabaho ay nilamon na rin ng corruption at akong sobrang nalulungkot sa nangyari sa kanya na tila wala syang pakialam o hindi nya nalalaman kung ano na ang ginagawa nya.

Bilang Pilipino, ang lakas natin ay nasa botohan... pero sino ang boboto natin? SINO PA ANG MAPAGKAKATIWALAAN? Tila parang wala na. Lahat gusto tayo perahan, lahat nagsisinungaling.

Wag ka mawalan ng loob sa iyong ginagawa. Kasi sa tingin ko nasa inyong mga guro ang isa sa mga pinakaimportanteng trabaho sa buong mundo. Ang pagtuturo ng tama sa isip at damdamin ng kabataan. Kung bata pa lang naturuan na sila ng tama at ang pagmamahal sa bansa... ikaw at ang mga gurong tulad mo ang may tanging kapangyarihan na mabago ang kinabukasan natin.