June 12, 2005

Kunyari malaya

Imaginary Patriot Ben CabKanina'y tumugtog kami sa Independence Day celebration ng Tierra Bella Village. Unang beses pa lang nilang sinubukang gawin ito, at maganda naman ang kanilang naiayos na programa. Mayroong choir na kumanta ng mga kantang Tagalog. Mayroong balagtasan. May inspirational speech tungkol sa mga bayani mula kay Manuel Quezon III. Mayroong demonstration ng arnis, na siya naman naming nilapatan ng musikang ethnic.

Ang June 12 ay kadalasan nating pinagdiriwang nang ganito. Ang mga music channels at mga variety shows, puro OPM ang pinapatugtog at pinapalabas. Sa mga plaza at parke, may mga mala-fiestang parada at cultural shows. May mga nagsusuot rin ng barong tagalog at baro't saya. Siguro, yung mga admin ng FEU, nagsasalita na rin muna ng Filipino para maipakita naman nila ang kanilang pagka-Pinoy. Para bang ang araw na ito ang pagkakataon natin para tayo ay magpaka-Pilipino.

Ang nakakatawa, ang ganitong practice ay nagpapakita lamang lalo na tayo ay hindi ganap na malaya. Bukas, pag natapos na ang mga pagdiriwang, babalik na naman tayo sa pagtangkilik, at mas malala pa'y pagkiling, sa mga produkto, sining, at prinsipyong banyaga. Ang ating mga mang-aawit ay babalik sa pag-cover ng mga awiting pang-Billboard. Bibitawan na naman natin ang hawak nating mga arnis at tayo'y mage-ensayo ng Tae Kwon Do, Tae Bo at Pilates. Maniniwala na naman tayo na English ay superior na language at ito lang ang katanggap-tanggap na salita pag nasa corporate setting kahit na kapwa Pilipino rin ang ating mga kausap. Huhubarin na naman natin ang ating mga barong at magsusuot ng Amerikana at necktie pagpasok sa pinagtatrabahuhan nating multi-national firm. Kakalimutan na naman natin si Rizal at magsisikap na naman tayong mag-aral ng mga kursong magsasakatuparan sa ating pangarap na makalikas sa ibang bayan.

June 12. Isang araw na kunyari Pilipino. Isang araw na kunyari mahal natin ang ating bansa. Isang araw na kunyari tayo ay malaya.

----------
Ang larawan ay ang Imaginary Patriot ni BenCab

2 comments:

Anonymous said...

Sir Kaysarap Magbasa ng ganitong klaseng Artikolo lalu na na wikang pilipino ito...lalu kong naiintindihan ang mga isyung may kabuluhan at dapat pagtuunan ng pansin...

Salamat, at sana'y ipagpatuloy nyo pa ang pagsulta ng mga ganitong klaseng artiko.

ang inyong mambabasa
SAMUEL LUCAS...

Paeng said...

^ salamat sa pagbasa. Sana nga nagkakaroon naman ng sense. :)