December 31, 2004

Wag Iboycott (Lahat)!!!

May mga panawagan sa ilang mga message boards sa internet na i-boycott daw ang Metro Manila Film Festival ngayong taon. Paano nga ba naman, naging Mother Lily Film Festival na kasi ang MMFF. Apat sa anim na kalahok ay pinroduce o kino-produce ni Mother Lily. Sa lakas ng impluwensiya niya, naimpluwensiyahan din pati yung awards night. Nanalo ang Mano Po 3 ng best picture kahit na may isang pang pelikula na napanalunan ang Best Director, Best Screenplay, Best Musical Score at Best Cinematography. Mamaya na natin pag-usapan yung totoong "best picture" ng MMFF.

Kahit na nakakadismaya ang mga pelikula ngayon sa MMFF, ayaw ko pa rin na magresort sa blanket na pag-boycott ng buong Festival. Ito kasi ang tanging panahon kung kailan may pagkakataon na magpakitang gilas ang mga local Pinoy films. Buong taon, dinodomina ng mga foreign films ang mga sinehan natin, at sa pagboycott ng MMFF, para bang sinentensyahan mo na ang local film indusry natin.

Ang mabuti pa, magboycott tayo on a per movie basis. Wag nating lahatin ang pagboycott. Kasi kahit papaano, ang MMFF ay nakakatsamba sa pagproduce ng ilan ring magagandang pelikula. Sa aking sariling karanasan, dito ko napanood ang ilan sa mga nagustuhan kong Pinoy films: Jose Rizal (maganda ang ambisyon although talo pa rin ito ng Bayaning 3rd World sa pagiging best Jose Rizal movie), Death Row (ang pinakamagandang pelikula ng GMA films), Tanging Yaman (na maganda na sana kung hindi lang nagkaroon ng mapaghimalang anghel sa dulo), Crying Ladies (Sharon Cuneta in a jologs role, san ka pa?), at Bridal Shower (dapat nanalo man lang kahit isang award!!!).

Ngayong taon, meron rin namang quality film na nakapasok. Ito ay ang Panaghoy sa Suba na pinroduce at dinirek ni Cesar Montano. Ang unang makaka-attract sa manonood nito ay ang novelty ng paggamit ng Sugbuanon imbis na Tagalog. Pero maliban pa sa novelty ng language, maganda rin ang pagkakagawa sa pelikula kahit na limited lang ang budget. Maganda ang cinematography at nakakatuwa rin ang paggamit ng isang local choir sa pagmusical score. Halatang halata na talagang pinagmamalaki ni Montano ang kanyang kinalakhang lugar kasi talagang pinakita niya ang ganda ng Bohol sa pelikulang ito. Pwedeng pwede itong gamitin ng Department of Tourism para gawing promotional material.

Ok rin ang kwento. Napakasubdued. Ngayon lang ako nakapanood ng war film na sobrang localized at naka-focus sa mga maliliit na tao na naapektuhan ng giyera. May ilang putukan at pagsabog pero incidental lang ito. Talagang napaka-isolated nila sa "main event".

Minsan nga lang dragging ang kwento, pero dala na siguro ito sa intensyon nga na gawin itong small scale at localized. May mga parte rin na medyo masyadong melodramatic ang mga linya (parang yung nationalistic speech ni Montano sa village meeting bago dumating ang mga Hapon), pero may mga portion ang script na talagang maganda. Gusto ko yung isang linya ni Montano kung saan sinabi niya na ang giyera raw ay giyera ng mga Bisaya, hindi ng mga Amerikano. Dahil kung ang giyera daw ay sa mga Amerikano, bakit daw sa Pilipinas sila naglalaban at hindi sa Amerika? Swak na swak, dapat mapanood ito ni George Bush at ni Gloria (hehehe). Ang gaganda rin ng mga symbolism, lalo na yung pagportray sa isang "naive" na Juliana Palermo (Pilipinas) na pinag-aagawan ng mayabang na Amerikano at ng Hapon.

Magaling rin ang acting. Paborito ko yung babae na nagportray na Bikay. Natuwa rin ako dahil sa wakas, nakita ko na marunong umarte yung small time Japanese actor na sa Jacky Woo. Hahaha!!! Akalain ko ba naman!!!

Ito ang dahilan kung bakit hindi ko suportado ang pag-boycott ng MMFF. Kung blanket ang pag-boycott natin, paano na yung iilang quality Pinoy films na nakalusot katulad ng Panaghoy sa Suba? Nakakalungkot nga dahil nangungulelat ito sa takilya. Mas nakakalungkot naman lalo kung may taong di nanood nito hindi dahil sa di niya ito gusto kung hindi dahil lamang sa blanket na pagboboycott...

No comments: