December 11, 2004

Sangandaan

Sa mga taong nagtataka kung bakit minsan nawawala ako lalo na kapag Linggo:

Ang Sangandaan ay isang grupo ng magkakaibigan na naglalayong ibahagi ang ganda ng kultura ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagtanghal ng musika, sayaw at iba pang uri ng katutubong sining tulad ng arnis. Mula sa mga tradisyunal na musika at sayaw ng Katimugang Pilipinas hanggang sa mga orihinal na katha, hango at batay sa mga katutubong tunog at ritmo ang sining ng Sangandaan. Kasabay ng pagtatanghal at paglilikha, patuloy ang pag-aaral ng grupo ng tradisyunal na musika, sayaw at martial arts(arnis) upang mas lalong mapagyaman ang kaalamang maaaring ibahagi sa sinumang nagnanais makibahagi.

Pormal na napangalanan ang Sangandaan noong ika-11 ng Mayo, 2001. Nakapagtanghal na ang grupo sa mga parke/pasyalan, kainan at kapihan, piyesta, paaralan hanggang sa kasalan. Nakapagturo na rin ang grupo ng sayaw at musika sa mga mag-aaral na nagnais na ibahagi ang katutubong sining sa kanilang paaralan. Bukod sa pagtatanghal at pagtuturo, nakikipag-ugnayan din ang grupo sa iba pang mga musikero, mananayaw, arnisador at iba pang alagad ng sining upang kapwa mas mapalawak ang kani-kaniyang kaalaman at kamalayan.

Bagama’t maaring mangahulugan ng pag-hihiwalay ang sangandaan, nangangahulugan din ito ng pagtatagpo. Nawa’y magkita-kita tayo sa isang sangandaan at mapagyabong natin ang ating karanasan at pakikipagugnayan sa isa’t isa. Sa ating paghihiwalay nawa’y may maiwang magandang ala-ala ang isang pagtatagpo, gaano man kasandali, sa sangandaan.


Anim pa kami sa picture na iyan (Clockwise, left to right: Reg, Joi, Mariel, Paeng, Flor at ang aking lalabs na si Ria). Ngayon, apat na lang kami, at mas nabawasan pa dahil si Ria ay nasa Japan na. Kailan kaya kaming mabubuo muli?

Sana makatugtog kami uli...

No comments: