December 26, 2005

Para kay Bob...

...salamat sa pagsagot sa tanong.

Alam mo, nakuha ko na rin yung sagot nang isang araw, nagkita kami ni Tong. Hindi ko agad siya nakilala at napansin ko lang nang makita kong may isang nilalang na parang ang saya-saya gayung nasa kainitan na noon ng pagkakagulo sa gubat. Tinanong ko siya, "Ano ba ang tinitira mo't nakangisi ka lang lagi diyan?" Sabi niya, "Eto, gusto mo?" At inabutan niya ako ng paborito niyang puso ng saging.

"Naku, huwag ka nang kakain niyan. Masisira lang niyan ang katawan mo, lalo na ang iyong puso't isipan," sabi ko. Tinawanan niya ako. "Ang lalim mo naman, men!!! Lumalabas na naman ang ugali mong ayaw sumunod sa uso. Easy ka lang, pare ko!!! Kungsabagay, hindi naman masamang maging different..."

Doon ko lang napansin na nagkalat na pala yung puso ng saging at mukhang ito na ang bagong craze kasabay ng pagsikat ng virgin coconut oil. Iba't ibang luto pa ang naiisip sa puso ng saging. May nilaga. May adobo. Minsan naman isinasangkap sa ibang putahe.

Mali pala ang intelligence report mo. O marahil mas tamang sabihin na luma na pala ang intelligence report mo. Dahil hindi na sa kasukalan ng gubat lamang makikita ang puso ng saging. Ngayon, ito ay nasa mga plantasyon na, mass produced for popular consumption. Parang yung mga Asianovela dati, special na special nung Meteor Garden pa lang ang ipinapalabas. Pero ngayon, kada lipat mo ng UHF channel kapag primetime ay puro singkit na mata ang makikita mo.

Noon ko naisipang magsimula ng information campaign laban sa pagkain ng puso ng saging. At kahit na nagkakaroon lang ako ng success rate na dalawang converts kada buwan, tama ka na wala kay Tong o sa iba pang hayop sa gubat ang sagot.

Ito ay nasa ating mga hindi kumakain ng puso ng saging.

No comments: