December 27, 2005

Ang Soundtrip ni Paeng - 2005

Ang taong 2005 para sa OPM, sa unang tingin, ay nakakadismaya. Naghari sa airwaves ang mga Pinoy artists na hindi naman original ang kinakanta, tulad nina Nina at M.Y.M.P. - isang regression sa development ng tinatawag na Original Philippine Music. Nandiyan rin ang mga pog-rock bands tulad ng Cueshe, Hale at Orange and Lemons na inuusad diumano ang Pinoy music by, ironically, sounding like foreigners. At siyempre, nagsulputan rin ang kahiya-hiyang issue ng plagiarism ng mga local acts ng mga kanta ng mga foreign artists, tulad ng Orange and Lemons sa The Care para sa kantang Pinoy Ako, ng Session Road sa Superdrag para sa kantang Leaving you, at ng Cueshe sa Silverchair para sa kantang Stay.

Pero may magagandang developments rin naman sa Philippine music scene. Una, kahit na puro revival at medyo pangit ang mga kanta, na-dominate naman ng local acts ang mainstream. Ikalawa, nadadalas na ang pagkuha sa mga local acts para magdevelop ng full-blown soundtrack sa TV shows (Panday, Spirits, Encantadia, atbp.) at sa pelikula (Pinoy Blonde, Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros, atbp.). Ikatlo, malakas pa rin naman ang underground scene na siyang nagdadala ng apoy ng pag-asa para sa pag-develop ng OPM. Ikaapat, lumalakas ang consciousness ng mga artists sa pagprotekta ng kanilang intellectual property rights, kaya marami nang mga album ngayon ang independent release o kaya nama'y copyrighted na sa kanilang pangalan.

Ang sumusunod ay ang aking Top 10 OPM sound trip para sa 2005. Ang kasama lang dito ay ang mga na-release nang 2005, kaya kahit na ang ALON ni Bayang Barrios ang aking pinakagasgas na CD ngayong taon, hindi ito kasali dahil December 2004 siya ni-release. Hindi rin kasali yung TAKE 2 ng Imago at IN LOVING MEMORY OF THE FEARLESS EXPLOITS OF THE BOLO BRIGADE ng Twisted Halo kasi kahit na ngayong taon lang sila na wide release, na-independent release na ito noong nakaraang taon.

Eto na ang aking listahan. Sana, mapakinggan niyo sila. Suportahan ang tunay na OPM:

10) Kiko Machine, KIKO MACHINE

Nahirapan akong mag-isip rito kasi hindi ako makapagdesisyon kung ano ang mas maganda, eto o yung HALINA SA PAROKYA? Parokya ni Edgar kasi ang hari ng pinakanakakatawang kanta ngayong taon, ang Ordertaker. Pero sa overall quality, mas matinding laugh trip ang "feeling pirated DVD" na KIKO MACHINE. Huwag kayong matatakot kung nakokornihan kayo sa Kiko Machine komiks sa Philippine Daily Inquirer. Eto, hindi korni. Pero siyempre, hindi pa rin nito mapapantayan ang experience ng panonood sa kanila ng live, with Spider-Dan in costume and all.

9) Paramita, TALA

Isa sa mga sleeper hits ng 2005, ang TALA ang teenage angst album ng 2005. Matinding pumukaw sa damdamin ang mga melancholic na lyrics ni Ria Bautista, na siyang lead vocals at drummer ng banda. Sabi ng kapatid ko, malamang maging big break nila ang kanilang second album tulad ng nangyari sa Sugarfree sa DRAMACHINE. Sa tingin ko, hindi malayong mangyari yun, lalo na't nagkakaroon na sila ng following dahil sa kantang Hiling.

8) Dong Abay, SAMPOL

Dong Abay in the raw. Sa album na ito, ang kasama lang ni Dong Abay ay ang kanyang gitara. Karamihan ng mga kanta rito ay kanyang mga tula na binibigkas ala Spoken Word dati pag nakikilahok siya sa mga poetry reading. As usual, wala pa ring tatalo kay Dong Abay sa pagsulat ng in-your-face angsty lyrics, kahit na mas subtle na siya ngayon kumpara sa kanyang mga araw bilang Yano. Ang album na ito ay SAMPOL lang naman ng bagong Dong Abay, pagkatapos ng kanyang mainstream days sa Yano at Pan, at nasasabik tuloy ako sa kanyang magiging unang full length indie album.

7) Pedicab, TUGISH TAKISH

Paano mo gagawing katuwa-tuwa ang walang kakwenta-kwentang bagay? E di gawin mong disco, 70s style!!! Huwag nang intindihin ang lyrics dahil sadyang walang dapat intindihin sa lyrics nila. Sabayan ang TUGISH TAKISH ng drums at sumayaw ka kahit di marunong sumayaw (tulad ko). Sumakay ka na lang sa Pedicab.

6) Dicta License, PAGHILOM

Hindi ko talaga trip ang Pinoy rap kasi madalas, ito ay masyadong nagpapaka-"gangsta" style. Pero paminsan-minsan, tulad nung FREEMAN days ni FrancisM, may mga rap acts na nakukuha ang aking atensyon, at isa na nga rito ang Dicta License. Nagsimula ang bandang ito na parang Rage Against The Machine ripoffs, pero malayo na ang narating nila at nakapag-develop na ngayon ng sariling tunog. Maganda rin ang kanilang mga lyrics na angsty pero optimistic.

5) Gary Granada, SA PAGITAN NG NGAYON AT KAILANMAN

Muling nagkaroon ng wide release ang isa sa pinaka-prolific na songwriters sa Pilipinas. Halos kalahati ng mga kanta rito ay mga lumang kanta na niya, pero ok na rin kasi karamihan ng kanyang mga lumang kanta ay hindi available in CD format. Magagaling rin ang kanyang mga bagong release, tulad ng "Pampalipas ng Sama ng Loob" na isa sa pinaka-honest na kantang pampanakip-butas. Pero ang paborito ko rito ay ang kanyang Tagalog translation ng kantang "That's All." Hindi ko alam na may makakagawa pa pala ng mas magandang version nito, pero that's Gary Granada for you.

4) Johnny Alegre, AFFINITY

Kung hindi ako nagkakamali, ito ang unang full-length instrumental jazz release ng mga Filipino artists. At walang halong pag-patronize, pero talagang world class ang naging production nina Johnny Alegre, Tots Tolentino, Elhmir Saison, Colby de la Calzada at Koko Bermejo. Kung gusto niyo ng isang proof na kayang makipagsabayan ng mga Pinoy sa kanilang foreign counterparts, pakinggan niyo ang album na ito. Highly recommended maging sa mga hindi pa na-expose sa jazz music.

3) Cynthia Alexander, COMET'S TAIL

Pagkatapos ng apat na taon, nakapaglabas muli ng album ang musical genius na si Cynthia Alexander. Ngayon, nareinvent na naman niya ang kanyang musika na malaki na ang naging impluwensiya ng Indian music. Medyo matagal bago mag-sink in ang ganda ng musika sa album na ito, pero kapag na-internalize mo na...lakas tama!!! Paborito ko rito ang Mantra, na sa di ko maipaliwanag na kadahilanan ay paborito kong pinapakinggan bago ako mag-aral.

2) Joey Ayala atbp., MGA AWIT NG MAGDARAGAT

Ngayong Disyembre lang narelease ang album na ito na isang pagbibigay-pugay sa mga magdaragat (fisherfolk) at sa mismong karagatan. Si Joey Ayala ang nagsulat ng lahat ng lyrics, at sinamahan siya ng isang all-star cast (Cynthia Alexander, Onie Badiang, Noel Cabangon, atbp.) sa paglapat ng tono at pag-interpret. Ito na yata ang pinakamagandang album ni Joey Ayala mula nang i-release niya ang MGA AWIT NG TANOD LUPA.

At eto na, ang pinakamagandang OPM release ngayong taon ayon sa akin!!!

Itchyworms sa NoonTime Show


1) Itchyworms, NOONTIME SHOW

Hindi ko talaga inakala na magiging ganito kaganda ang magiging bagong album ng Itchyworms. Totoong isa sa mga paborito kong kanta noon ang Antipara, pero hindi ko inakala na makakayang gumawa ng apat na ugok na ito ng isang album na seryoso, nakakatawa at nakakaiyak at the same time. Bihira ang isang concept album na walang patapon, pero ito ay isang magandang halimbawa na posible pala itong mangyari. Pero siyempre, dahil sila ay isang banda, mao-overlook na naman sila ng mga award-giving bodies. Dahil mukha silang nakakatawa, mai-stereotype rin sila ng MTV at MYX at ang mga nanonood rito ay hindi mapapansin na napapakinggan na nila ang ilan sa magagandang awit ng kalungkutan ngayong taon (Buwan, Love Team, atbp.). Dahil di sila kaguwapuhan, mas maraming mabebentang album ang mga bandang Hale, Cueshe at Bamboo na may mga miyembrong artistahin dahil mas madalas silang ipapalabas sa TV at ipapatugtog sa radyo. Kungsabagay, ang Philippine mainstream music scene ay pinapatakbo ng mga entertainment producers na parang isang Pinoy noontime show. At ayon nga sa Itchyworms:

"Sa libu-libong nakatunganga
Kami lang ang inyong pag-asa
Tumutok na bawat tanghali
'Wag na wag na kayong babawi

Sumunod na lang sa uso
E ano kung hindi bagay sa 'yo?
Sambahin ang mga artista
Sundan ang bawat kilos nila

Gasgasin mga lumang plaka
Hanggang dito na lang ang masa
Ganito dapat pumorma
Para magmukhang artista

Ganito dapat ang kulay
Para umunlad ang buhay
Ganito dapat pag banda
Pagkanta may epal na artista

Hanggang dito na lang ba ang masa?"


Hanggang dito na nga lang ba? Sana naman hindi.

2 comments:

Anonymous said...

Panalo talaga ang NTS ng Itchyworms. Tama ka, walang patapon sa album na ito. Busog na busog ang lyrics at mahusay ang musika. Dalawang linggo na siguro na ito lang ang pinapakinggan ko ng paulit-ulit, mula umaga hanggang gabi. Panalong panalo talaga.

kanto_Girl said...

yeah...yeah...and yeah.Tumpak!