December 19, 2005

In The Land Of The Lesser Evil

Noong nakaraang Hulyo, tinanong ako kung hanggang kailan na lang tatagal si lesser evil GMA sa kanyang illegal occupation sa Malacañang. Sabi ko, hindi niya matatapos ang taon na ito at tiyak na mapapaalis siya sa puwesto.

Nagkamali ako.

Na-underestimate ko ang sticking power ni Ate Glue. Matindi pala ang kapit niya sa mga trapong takam na takam sa panghabambuhay na posisyon na makukuha lang nila through Cha-cha. Sa sobrang kakapalan nila ng mukha, sila mismo ang nagsasabi na hindi malinis ang kanilang mga kamay (evil rin sila, in other words) at yun ang kanilang ginagamit na argumento para sa pagpapalit kuno ng sistema na sila-sila rin naman ang maglalaro at makikinabang.

Pero ang hindi ko inaasahan ay mukhang na-overestimate ko ang magiging reaksyon ng publiko sa isyung ito. Nang makita kong mag-fizzle out ang crowd noong July 8, ang kainitan ng Gloriagate scandal, sinabi ko na may pag-asa pa rin naman na mapapaalis si Gloria, kulang pa lang siguro ang apoy. Nagdaan ang kasuka-sukang sipsipan-fest na SONA. Nagkagaguhan sa impeachment. Nagkabombahan dahil sa CPR. Nagkabastusan dahil sa EO 464. Pero nagkamali ako dahil wala pa rin ang matinding public outrage na magpapaalis sa pekeng pangulo.

Totoong lumalabas naman ang sentimiyento ng mga tao kay GMA sa kahiya-hiyang approval / satisfaction ratings na nakukuha niya. Lumalabas rin ito sa mga text jokes na ginagago ang administrasyong di na nirerespeto. Lumabas rin ito sa pagsikat ng mga tinatawag na Gloriagate bloggers. Pero hindi ito nagmanifest sa isang paraan na makakayang magpabagsak ng rehimeng Gloria tulad nang nangyari noong EDSA 1 at EDSA 2.

Isa sa mga argumento kung bakit wala pa ring nagiging malaking pagkilos para mapabagsak si GMA ay dahil sa kawalan diumano ng credible alternative kay GMA. Ito yung paboritong argumento ng administrasyon. Sabi nila, lahat naman kami mga gago, mga kampon ni Satanas, kaya palitan mo man kami, di pa rin magbabago ang impiyernong kinasasadlakan natin. Sino ipapalit niyo? Si Susan na isa lamang diumanong griping widow? Si Eddie na may kaso naman daw ng estafa at isa lamang daw ambisyosong religious leader? Si Abat na nagse-second childhood na raw? Si Erap na pinatalsik na natin sa EDSA dati? Si Ping na isang human rights violator? Maging yung kakampi nilang si Noli ginagago nila sa pagsulong ng kanilang lesser evil argument.

Isa pang dahilan sa kakulangan ng public outrage ay ang sinasabing public apathy. Nagsawa na raw ang mga tao na makialam at iniintindi na lang ang sarili nilang buhay. Nakakalungkot na ang mga tao ay sobrang concerned sa kapalaran ng kanilang paboritong Pinoy Big Brother contestant na sila'y nag-uubos ng celfone load para rito, pero parang wala silang pakialam at naghuhugas kamay pa nga sa magiging kapalaran ng bansa. Kanina nga, muntik ko nang itapon ang diyaryo sa disgusto sa isang sulat ng isang Anton Sy sa Philippine Daily Inquirer kung saan isinisisi niya ang kanyang pagiging apathetic sa mga kolumnistang tulad ni Conrad De Quiros na wala na raw ginawa kundi mamuna nang mamuna sa pamahalaan ng Pilipinas. Kahiya-hiya na pati sa pagiging apathetic, naghuhugas kamay itong taong ito. Sabi niya, all talk no action raw si Conrad, pero maganda at naeexpose ni Conrad kahit papaano ang mga depekto ng ating gobyerno. E si Mr. Sy na apathetic, ano ba ang ginawa niya para sa ikabubuti ng Pilipinas?

Ang pinakamalaking dismaya ko siguro sa buong isyu ng Gloriagate na ito ay ang pagmanifest ng moral relativism ng maraming Pilipino. Hindi ako fundamentalist, pero hindi ba malinaw naman ang tama at mali sa isyung ito? Sabi nga ng isang grupo, Black and White naman ang pinag-uusapan natin dito. Walang shades of gray.

Nakakatawa na ilang religious Catholics ay nagbayad pa ng print ad para ikondena ang pagpuna sa kanilang minamahal na Archbishop Capalla, pero wala silang "konsensya" para ikondena in public ang pandaraya sa eleksyon, ang graft and corruption at ang human rights violations ng kanilang paboritong pangulo. Nakakainis na kumakalat ang Macchiavellian school of thought na "the ends justify the means" tulad ng mababasa mo sa isang sulat ng isang nagngangalang Phillip Casey na nagsabing "I don't care whether she cheated or not, but had she really cheated, well, glory to her: she saved the country from still greater shame by doing so!" Pero ito ba ang tinatawag niyang salvation? Gloria from hell, not from heaven?

Sa totoo lang, nadismaya rin ako kay Manolo nang kanyang sabihin na "the real case against the President is not what happened before May 2004 or shortly after, but rather the cover-up and reckless disregard for our national institutions she's exhibited since June of this year." Kasalanan ang mag-cover up ng mga scandal at mangrailroad ng mga truth-seeking processes, pero hindi kasalanan sa isang demokrasya ang mandaya at gumamit ng public funds para manalo ng eleksyon? Bakit ganun? Selective lang ba ang pagiging black and white natin? Nadismaya rin ako sa stand ng aking naging teacher minsan na si Solita Monsod. Sabi niya, kahit naman daw hindi mandaya si GMA, nanalo pa rin siya sa nakaraang eleksyon kaya hindi na dapat pagtalunan ito. Sayang, ma'am, 1.5 lang kasi ako nung estudyante niyo ako. Sana pala nandaya ako nun para maka-1.0 na. Wala namang risk kasi kahit nahuli niyo ako, di niyo naman ako ibabagsak kasi 1.5 pa rin ang grade ko pag di ako nandaya.

May nagsasabi sa akin na mag-give in na lang ako sa public apathy at mag-move on katulad ng ginagawa ng nakararami. Wala nang ibang choice but to stick with the lesser evil. Pero mahirap itong gawin, lalo na para sa akin na isang teacher na naghuhubog ng kabataang minsa'y makikilahok sa pagpapatakbo ng ating bayan. Habang ang mga political analyst ay pinapanood ang mga pangyayari na parang isang laro ng chess at namamangha (o natatawa) sa strategy ng ating mga political forces, ako naman ay di natutuwa dahil ang isyung ito ay hindi dapat ina-approach mula sa isang detached observer perspective kundi mula sa isang principled perspective.

Hahayaan lang natin na ang mga nandaraya sa eleksyon, ang defining exercise ng isang democratic system, ay nananatili sa puwesto? Hahayaan lang natin na ang nagmimisappropriate ng mga public funds na pinaghirapan nating pagtrabahuhan ay patuloy pa ring nagko-commit ng graft and corruption para mapanatili ang kanyang sarili sa puwesto, tulad ng kanyang ginawa para sa kanyang reelection noon? Hahayaan lang natin na ang dissent ay binubusalan, at ang mga avenues para makapaghain ng hinaing at makahanap ng katotohanan ay hinaharangan? And we call ourselves a democracy?

Tang ina kasi talaga itong mga pinaglaban ang lesser evil. Kumakampi kasi kayo sa masama. Patuloy pa rin tuloy tayong nananatili sa kahariang impiyerno.

2 comments:

Arbet said...

Amen.

As someone said: For good men to do nothing is evil enough.

Anonymous said...

Ako ang Anton Sy na sumulat sa PDI na iyong ipinuna. You have to take my comments in context before you start getting all agitated. Ang punto, Mr. De Quiros should not accuse people who don't give a damn about joining so called rallies as apathetic when we believe we could help the country in other ways. We pay our taxes, we give people jobs, etc. Ang problema, kung puro puna ka lang at wala ka namang gagawin upang ma solve ang problema, then tell me, sino ba ang apathetic. A lot of people responded to me favorably and unfavorably regarding what I wrote but mostly, the silent majority sides with me. We do our thing to help the country albeit silently. Rabblerousers who get people agitated but wala namnag plano kundi patalsikin ang gobyerno at guluhin ang bansa, we don't need.