April 18, 2005

KSP: Si Cesar at ang Diyos

"...ibigay ninyo kay Cesar ang sa kay Cesar; at sa Diyos ang sa Diyos."

Dalawang araw nang headline sa Philippine Daily Inquirer ang isyu ng pinaplanong paghahabol ng BIR sa mga religious organizations para sa kanilang revenue collection. Siyempre, maraming miyembro ng mga sinasabing organization ang tumutol. Ayon sa kanila, nasa batas ng Pilipinas na tax-exempt ang kanilang mga income. Kanilang minention ang isang probisyon sa Republic Act 8424, na mas kilala sa pangalang Tax Reform Act of 1997:

"SEC. 30. Exemptions from Tax on Corporations. - The following organizations shall not be taxed under this Title in respect to income received by them as such...

(E) Nonstock corporation or association organized and operated exclusively for religious, charitable, scientific, athletic, or cultural purposes, or for the rehabilitation of veterans, no part of its net income or asset shall belong to or inures to the benefit of any member, organizer, officer or any specific person;"


Ayon sa BIR, kahit na exempt ang mga grupong ito sa tax, hindi kasama sa exemption ang mga kinikita ng mga organisasyong ito kung ito ay nagdadala na sa kanila ng profit. Kung susuriin nga naman ang Section 30, mababasa ito sa panghuling paragraph:

"Notwithstanding the provisions in the preceding paragraphs, the income of whatever kind and character of the foregoing organizations from any of their properties, real or personal, or from any of their activities conducted for profit regardless of the disposition made of such income, shall be subject to tax imposed under this Code."

Isang maselang bagay ang issue na ito dahil kaytagal na ring hindi pinakailaman ng ating gobyerno ang mga "koleksyon" ng iba't ibang mga simbahan. May nagsasabi na ito raw ay dahil sa prinsipyo ng "separation of Church and State" na nakapaloob sa ating Constitution. Kung bubuwisan daw ng gobyerno ang kinikita ng mga simbahan, magkakaroon diumano ng violation ng prinsipyong ito.

Ngunit dapat dito'y tingnan ang "substance over form". Hindi porke may separation of church and state ay hindi na sila napapailalim sa mga batas ng ating bansa. Ang pinaghihiwalay lamang dito ay ang kanilang kapangyarihan / powers at hindi ang kanilang jurisdiction. Ang income tax exemption sa mga koleksyon ng iba't ibang relihiyon ay inilagay sa ating batas sa assumption na wala naman kasing kinikita ang mga organisasyong ito. Na ang anumang koleksyong nakukuha nila ay napupunta sa mga aktibidad na magtutulak sa kanilang religious at social mission. Na ang mga koleksyon nila ay hindi nagpapayaman sa bulsa ng sinuman sa kanilang mga miyembro.

Ang tanong ngayon ay wala nga bang kinikita ang mga religious organizations sa bansa natin?

Bakit ang mga eskuwelahan na sectarian ang may matataas na tuition fee - doble o higit pa sa kanilang non-sectarian na counterparts?

Hindi ba maituturing na kita ang mga rentang ibinabayad ng mga lessee sa mga espasyong pinaparentahan ng mga religious organizations? Take note na market-based pa ang pricing ng mga rentang ito at magtataka ka naman kung bakit magpapatayo ng building na may dalawang floors o mahigit pa ang isang religious organization gayong isang floor lang naman ang gagamitin nila. Hindi kaya't may intensyon silang pagkakitaan talaga yung mga real estate properties na ipinatayo nila? Kung ganun, anong pinagkaiba nila sa isang real estate developer?

For religious purposes rin ba ang kinokolekta ng mga religious organizations sa pagpapagamit ng kanilang mga auditorium, gym at conference centers? Ano ang pagkakaiba ng sinisingil ng isang "dwelling home" na tumatanggap rin ng mga transients sa sinisingil ng isang inn o hotel?

Bakit may ilang mga religious leaders na nakatira sa condominium unit, nakasakay sa SUV, at kumakain sa mga class na restaurant? Kasama ba ito sa "religious purpose" ng kanilang organisasyon?

Hindi ko naman inaakusahan on blanket terms ang mga religious organizations sa Pilipinas na sila'y kumikita at nagpapayaman lang. Ngunit aminin na natin na may ilang mga miyembrong yumayaman talaga dahil sa kanilang nakukuhang mga "benepisyo" mula sa simbahan. At mas matindi, aminin na natin na may mga religious organizations na talagang itinayo para magpayaman lang. Isang joke nga sa business circle ngayon na kung gusto mong yumaman, huwag ka nang magtayo ng business. Magtayo ka na lang ng sarili mong relihiyon. Marami nang donasyon at iba pang pumapasok na pera, tax-exempt ka pa.

May nagsasabi na mas mabuti naman daw kasing magbigay nang diretso sa simbahan. Kahit papaano'y sigurado kang sa mabuti napupunta ang binibigay mo. Eto na yata ang paboritong litanya ng mga di-nagbabayad ng buwis. Tingnan mo ang statement ni Richard Gomez na nag-donate naman daw siya sa mga charitable institutions. Kungsabagay, totoo naman na ang ibinibigay para kay "Cesar" ay hindi buong-buong napupunta kay "Cesar" dahil sa talamak na corruption sa ating gobyerno. Pero ang tanong nga lang, napupunta nga ba sa Diyos ang kinokolekta raw ng mga religious organizations para sa Diyos?

Kung ang mga ordinaryong mamamayan na nagtatrabaho at ang mga legitimate businesses ay binubuwisan sa kanilang kinikita, hindi ba't dapat lang din namang buwisan ang religious organizations kung sila rin ay "kumikita"? At mas malala, kung sila'y yumayaman pa?

2 comments:

jhay said...

sir bakit cesar??? di ba usually juan at pedro... hehehehe... lumalabas na ang tunay na dahilan nyo kung bakit di kayo naniniwala sa mga relihiyon...

Paeng said...

^ oy, hindi naman. iba yung dahilan ko kung bakit mas importante sa akin ang "relationship" kaysa "religion". :)