April 9, 2005

Gender Sensitive

Minsan may narinig akong usapan ng ilang mga babaeng kaibigan ko. Nung panahon kasing iyon, meron kasing isang iniwan ng kaniyang boyfriend. Nambabae kasi ang loko niyang bf. At dun na lumabas ang usapan ng kesyo "Ganyan talaga ang mga lalake." "Lahat sila babaero." "Hindi ba nila naiintindihan ang nararamdaman ng mga babae?"

Ilang beses na rin akong nakarinig ng ganyang mga sentimyento. Ilang beses rin akong nakarinig ng mga argumento na "Dapat kasi maintindihan mo na kaming mga babae ay ganito at ganun..." May kakilala akong lalakeng tinukso, "Naku, parang hindi ka dumaan sa pagkabinata!!!" Tapos may kaibigan akong babae na napipigilang gawin ang gusto niyang gawin dahil "siya'y isang babae lang."

Mayroon ba talagang pagkakaiba ang lalake at babae maliban sa kanilang pisikal na katangian? Matagal na akong nahihiwagaan dito, dahil hindi ko maintindihan kung bakit mahilig mag-generalize ng mga characteristics na ia-attribute lamang sa mga lalake at pati na rin yung ia-attribute sa mga babae lang. Yung mga argument na "Men are from Mars, women are from Venus." Talaga bang may ugaling pang-lalake at may ugaling pam-babae?

Naiintindihan ko na malaking dahilan ng pagkakaroon ng ganitong pag-stereotype ay dahil na rin sa naging structure ng ating lipunan. Naging male-dominated kasi ang society, kaya't na-identify na ang power-wielding attributes sa mga lalake, at ang submissive atributes sa mga babae. Pero dahil nga sa isa itong sociological phenomenon, hindi ba't artificial lamang ang mga attribute na ito at hindi naman natural?

May kilala akong babaeng nangangaliwa. May kilala akong babaeng breadwinner ng pamilya at lalakeng magaling na maybahay. May kilala akong lalakeng umiyak dahil niloko siya ng girlfriend niya. May kilala akong lalakeng tsismoso. May kilala akong mga babaeng nagpapalitan ng mga kwento tungkol sa kanilang sex life. May kilala akong babaeng corrupt. May kilala akong businesswoman na malakas manggulang sa kanyang mga kliyente at malakas mandugas sa computation ng kanyang babayarang taxes.

Ngayon, baka sabihin niyo naman na may galit yata ako sa mga babae dahil sa mga sinasabi ko. Hindi. Sinusulat ko lang ito dahil nagpanting ang tenga ko sa isang feminist group na pinresent ang kanilang argumento sa pamamagitan ng pag-stereotype sa lahat ng mga lalake bilang manloloko, babaero at power-tripper. Totoo, marami pa ang dapat gawin para tunay na magkaroon ng pantay na estado ang mga lalake at babae sa lipunan, at suportado ko naman ang women's liberation movement. Pero para ma-liberate ng babae ang kanyang sarili sa kanyang pagkaka-stereotype, di ba't dapat ay i-liberate rin niya sa kanyang sariling utak ang kanyang pagi-stereotype sa mga lalake? Yun naman ang point ng liberation argument, di ba? Na pinapalaya natin ang ating sarili dahil tayong lahat ay pantay-pantay. Na pinapalaya natin ang ating sarili dahil ang kaya mong gawin ay kaya ko ring gawin.

Sa susunod na pagkakataong may marinig akong nagpapayo sa isang babaeng umiiyak dahil niloko siya ng kanyang boyfriend, sana di ko na marinig na "Ganyan kasi ang mga lalake, manloloko." Dahil sa totoo lang, niloko siya ng boyfriend niya dahil manloloko ang boyfriend niya. Hindi dahil lalake siya.

1 comment:

Anonymous said...

Wala nga sigurong pagkakaiba ang babae sa lalaki, dahil sa mga bagay bagay na ngagawa ng kapwa babae't lalaki. Nakamulatan na lang siguro nating dapat alagaan, protektahan at ituring na espesyal ang mga babae. Sa pakikipagrelasyon ngayon, hindi na importante kung babae ka o lalaki ka, ang mahalaga alam mo at gusto mo ang ginagawa m. Kung sana lahat ng tao ay sensitive sa nararamdaman ng bawat isa, wala sigurong problema.