April 19, 2005

Biyaheng FEyUps: Tiket

Para sa isang nagbabasa ng diyaryo, ang araw ng Linggo ay ang Classified Ads Day. Akala ko dati, sa Manila Bulletin lang naga-apply ito, pero ganun rin pala maski sa ibang mga broadsheets. Ewan ko ba kung bakit pinili ng mga broadsheets na itambak ang kanilang mga advertisements sa araw ng Linggo. Siguro para may mapilitang bumili ng diyaryo nila kahit araw ng pahinga ng mga tao sa bahay.

Para tuloy sa aking wala namang interes sa kung anumang ibinebenta o ino-offer sa Classified Ads, nakakairita ang sangkaterbang dagdag na pahina sa diyaryo tuwing Linggo. Ang ginagawa ko tuloy, sinusubukan ko na lang pag-aralan ang "personality" ng tao o ang "culture" ng organisasyong nagpo-post ng ad. Marami ka kasing makikitang mas malalim na kahulugan sa pagbabasa ng mensahe sa ad at sa paraan ng pag-project nito. At nitong nakaraang linggo, natiyempuhan ko ang ad ng aking eskuwelahang pinagtuturuan.

Simple lang naman ang ad. Half-page siya, black and white, at nandun sa loob ng main section ng Inquirer. May close-up picture ng isang listahan ng flights na tulad ng makikita mo pag nasa airport ka. At ang nakasulat dito ay:
MNL - FEU - SYD
MNL - FEU - NY
MNL - FEU - LON

FEU, your ticket to opportunities.

Ano ba ang makikita sa ad na ito? Una siguro, makikita natin ang target market ng FEU. Mukhang Metro Manila-centric pa rin ang customer base ng FEU, kahit na siguro sa aking tatlong taon na pagtuturo dito ay mukhang marami namang galing na rin sa mga probinsiya.

Pero ang mas kapuna-punang mensahe na makikita sa ad na ito ay kung paanong ipina-package ng FEU ang kanyang serbisyo sa estudyante. Base sa ad na ito, pinapalabas na naniniwala ang unibersidad na siya ay tagapagbukas ng daan para sa opportunities, at ang ibig sabihin ng opportunities ay abroad. Ulitin natin ang equation: opportunities = abroad. Hindi kami diploma mill, pero para kaming isang factory na pagkatapos ng "processing" ng estudyanteng mag-aaral sa FEU, matatapos siyang handa na para iwanan ang ating bansa.

Nakakatawa, dahil pag nagbabasa ako ng scholarship applications sa mga unibersidad na nasa ibang bansa tulad ng Japan, madalas may clause na nagsasabing dapat ay bumalik ako sa Pilipinas upang ibahagi ang aking natutunan sa ikauunlad ng aking bayan. Ngunit sa pagkakataong ito, isang unibersidad na nasa Pilipinas na mismo ang siya pang nagsasabi sa kanyang mga graduate na maganda ang umalis ng bansa. Nandun ang susi sa inyong magandang kinabukasan. Humayo kayo at magpakayaman.

Nalulungkot ako sa mensaheng ipinapaabot ng aking unibersidad. Ako ay may matibay na paniniwala na may pag-asa pa ang Pilipinas. At ito ay magagawa natin kung tayong lahat ay magtutulong-tulong at magsasakripisyo sa pagbuhay ng ating bansa. Madalas nating sabihin na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan. Ngunit paano tayo aasa kung sila'y wala na't umalis na - nabubuhay sa paniniwalang ang magandang bukas ay makakamit lamang kung sila'y lalabas?

Minsan ako'y nasa isang pamantasan
Mga mag-aaral ang nagkukuwentuhan
Ang lalim ng paksang pinag-uusapan
Kung paano bang mabilis yumaman

Kayraming nangangailangan
Sa Sarili mong bansa
Ngunit ang karamihan
Ang isip ay banyaga

Sana'y di ka masanay
Sana'y di ka masanay
Sa ganyang klaseng buhay

'Wag na 'wag kang pasanay
'Wag tayong pasasanay
'Wag na 'wag na 'wag na 'wag
na 'wag na 'wag na 'wag nawa

'Wag na 'wag kang pasanay
'Wag tayong pasasanay
Sa ganyang klaseng buhay

-- mula sa Sana'y Di Ka Masanay
ni Gary Granada

1 comment:

roann said...

sir masyado k nman serious,,,pero me point kyo and i share the same
sentiments.but in reality u have to be practical,kahit ako me plan
mag-abroad,,but not to stay der for good, gusto ko lng maka-ipon ng money to
start my own business.syempre iba pa rin ang feeling pag nand2 ka sa
pinas.gtg.tahtah