April 26, 2005

Biyaheng FEyUps: Reklamador

"Dapat di mo sinisiraan ang pinagtatrabahuhan mo hangga't nasa loob ka pa. Unethical yun."

Sinabi ito sa akin ng isa kong kasamahan noong nakaraang Sabado. Madaldal kasi ako, at may tendency na punahin ang sistema ng patakbo sa aming eskuwelahan sa harap ng maraming tao. Sa isang banda, may punto siya. Sabi nga ng ilan, kung di mo gusto ang sistema, e di umalis ka!!! Ipinapayo ko rin naman ito sa ilang mga kakilala ko kasi nakakaawa pag may nagpapaka-torture sa pagtagal sa isang sitwasyong hindi naman niya ikinasisiya.

Pero sa isang banda, kung ang punto ng pagrereklamo ay dahil gusto kong mabago ang sistema, e bakit ako aalis? Paanong lalabas ang mga mali at mababago ang sistema kung walang magrereklamo? Parang sa sitwasyon ng Pilipinas yan e. Paano ako makakapag-contribute sa pagtama ng mga mali ng Pilipinas kung susukuan ko ito at magpapakasaya na lang ako sa labas? O kaya ikumpara natin sa sitwasyon ng isang estudyante. Pag may problema ang estudyante sa kanyang eskuwelahan, dapat na lang ba siyang magpa-honorable dismissal at lumipat na lang sa ibang eskuwelahan?

Hindi miminsan na inisip kong umalis na sa FEU kasi ilang beses na rin akong na-disappoint sa mga pamamalakad ng unibersidad. Kung babasahin niyo naman sa aking mga sinusulat rito sa aking tambayan, medyo halata naman di ba? Buti na lang nandyan ang mga taong nagpapaalala sa akin na ang aking pag-alis ay hindi solusyon sa problema ng unibersidad, at bagkus ay isa lamang itong pang-iiwan sa mga taong magdudusa kasi di sila marunong pumalag.

Nandyan si former Dean Miriam Garcia, isa sa aking mga paboritong administrator, na nagsabi sa akin, "Bakit ka aalis, e hindi pa tayo tapos sa ginagawa natin dito? Nandyan ang ilang co-faculty na nagtitiyagang magturo kahit mas maraming financial opportunities sa labas, at humahawak na lamang sa pagmamahal sa propesyon kaya nakakaya pa nilang tumagal. At siyempre nandyan ang mga estudyante na siya naman talagang dahilan kung bakit ko pinili na magturo sa isang unibersidad.

Siguro lang, dapat solusyonan ko ang ethical dilemma ng pagkakaroon ko ng administrative position gayung marami akong tinututulan na patakaran na ini-impose ng admin. Nakakaasiwa nga naman, halimbawa, na magreklamo ako nang magreklamo sa grading system ng University kung ako rin naman ang naka-assign na mag-check sa aming faculty kung sinusunod nga nila ang grading system na iyon. O kaya, paano ko kukumbinsihin ang mga teacher at estudyante na sundin ang English-speaking policy ng university kung ako mismo ay hindi naniniwala sa policy na ito? Hindi compatible ang aking titular position sa aking position sa mga issues, kaya dapat siguro akong mamili para mas magkaroon ng integrity ang position ko.

Alam niyo na siguro kung ano ang pipiliin ko...abangan sa May 6, 2005. :)

No comments: