March 20, 2005

Himig Mong Di Marinig...

Kagagaling lang namin ni isipkamote sa Conspiracy para panoorin si Bayang Barrios mag-perform nang live. Ang saya, ang galing talaga ni Bayang pati na rin ang kanyang mga kabanda na sina Mike, Angelo, DJ at Budeths. Mas lalo pang sumaya dahil naki-jam pa si Cynthia Alexander.

Pero hindi ito ang pinakamaaalala ko sa gabing ito.

Ang maaalala ko ay ang aking mga natutunan tungkol sa estado ng recording industry sa Pilipinas. Nabuksan ang topic na ito nung ilabas ko para ipapirma kay Bayang ang aking kopya ng sleeve ng kanyang unang album na Bayang Makulay. Parang natawa siya at sinabing wala nang binebentang kopya ng album na ito. Nagulat ako nang sabihin niyang "Bilhin ko na lang kaya yung mga kanta sa album na iyan?" Sa isip ko, bakit naman niya bibilhin ang rights sa sarili niyang kanta? At doon ko nalaman na sa kanyang kontratang pinirmahan para sa pagproduce ng kanyang unang album, lumalabas na ang Universal Records na ang may-ari ng rights sa mga kantang siya naman ang kumanta at / o sumulat.

Nalungkot ako. Sayang, marami pa namang magandang kanta sa unang album na iyon. Paano kung ayaw nang i-release ng Universal Records ang kanyang mga kanta? E di ang mga taong di pa mulat sa mga awitin ni Bayang, habambuhay na lang nila itong di maririnig?

Mas lalo akong nalungkot nung lumapit kami kay Cynthia para naman magpapirma ng sleeve ng kanyang unang album na Insomnia. Mukhang di natuwa si Cynthia nang ipakita namin ang unang album, at kanyang nasambit na wala siyang nakukuhang kahit anong bayad sa pinagbentahan ng album na ito, ni singko. Tinanong ko, pwede kaya niyang i-record ito uli kasi baka sound recording lang naman ang copyrighted ng recording company. Sabi niya, hindi daw, at baka nga nakalagay pa sa kontrata na hindi niya pwedeng kantahin ang mga kanta sa kanyang album.

Nahihiya nga ako kay Mam Cynthia. Para akong manhid doon na pinapirmahan pa rin ang sleeve ng album na nagdadala siguro sa kanya ng sama ng loob at panghihinayang. Kung mababasa man niya ito, paumanhin talaga.

Habang pauwi kami ni isipkamote, naikuwento niya sa akin yung kanyang mga nalaman noong nakaraang Dong Abay fest na ginanap sa UP bilang selebrasyon ng batikang manunulat at musikerong nagbigay-boses sa bandang Yano at Pan. Naikwento ni isipkamote na si Dong daw ay minsang nakatanggap ng mahigit-kumulang piso lamang sa mahigit isandaang piso na pinagbentahan ng isang album na siya naman ang nag-compose at umawit ng lahat ng kanta. Nandiyan rin yung nademanda pa yata sa korte si Dong dahil inawit niya ang sarili niyang kanta nang walang pahintulot mula sa recording company.

Ang laki talaga ng problema ng recording industry sa Pilipinas. Napaka-opportunistic. Sa totoo lang, napakarami nating magagaling na musikero. Pero inaagrabiyado sila ng sistema kaya hindi sila naririnig. Laging lose-lose situation ang pinapasok nila. Para maraming makarinig ng kanilang mga obra, kinakailangan nila ng makinarya ng mga malalaking recording company na siyang magdi-distribute nito. Pero kapag pipirma ka naman sa recording company, kailangan mong ibenta ang karapatan mo sa mga kantang pinaghirapan mong isulat, tugtugin at awitin.

Nasaan ang katarungan sa ganitong sitwasyon?

May manhid akong nakausap dati na nagsabi na ang may kasalanan naman daw rito ay yung mga artists na rin mismo na pumipirma sa kontratang naa-agrabiyado sila. Pero ano ang magagawa nila kung ang pagpirma sa kontrata ang tanging paraan lamang para mapakalat ang kanilang sining? Ako, isa rin akong manunugtog dati, at alam ko ang frustration ng sitwasyon kung saan talagang mabibilang lang ang nakakarinig ng musika mo. Mas lalo na't kung ang iyong musika ay di lang basta musika, kundi nagdadala pa ng importanteng mensahe o ideya na gusto mong ipaalam sa maraming tao.

Hindi miminsang hiniling ko na sana mayaman ako. Sana may recording company ako at ako ang magdidistribute ng mga kanta ng ating mga magagaling na Pinoy artists na di napapakinggan tulad nina Gary Granada, Bayang Barrios, Joey Ayala, Cynthia Alexander, Noel Cabangon at Dong Abay. Sana may istasyon ako ng radyo para mas kumalat ang kanilang musika at para magkaroon naman ng matinong alternative sa "Kailangan pa bang i-memorize iyan?". Pero hindi ako mayaman. Kaya hindi ko magawa ang mga bagay na iyan.

Nakakapanlumo ang di makatarungang sistema sa recording industry at marahil ay malayo pa ang landas na tatahakin para maitama ito. Pero sabi nga nila, ang pagbabago naman ay nagsisimula sa maliliit na hakbang. Kaya eto ako. Nagsusulat ng mga review. Namimigay at nagpapa-kontest ng mga OPM albums. Nagpo-promote ng ideyang bumili ng original at wag tatangkilik ng pirated, downloaded at burned. Nagsasama ng mga estudyante sa gig ng mga magagaling na Pinoy artists at umaasang magugustuhan rin nila ito.

Mahirap, pero ito pa lang naman ang magagawa ko. Siguro kung marami ring gagawa nito, magiging malaking kontribusyon din sa pagsuporta sa ating mga mahuhusay na musikero.

Meron pa akong isang balak gawin. Malaking bagay naman. Hindi ko na muna sasabihin, baka mausog, pero ang laking tuwa talaga kung makakaya ko itong isakatuparan. Sana nga...

2 comments:

dyezebel said...
This comment has been removed by a blog administrator.
dyezebel said...

hi. nag-email si joey ayala sa egroups ng conspiracy ng link sa post mo kaya nadaan ako dito.

nakakalungkot nga talaga. kawawa ang artists natin. yung mga artists talaga, na may angking galing. di sila nabibigyan ng tamang pagkilala.

sana nga magkaroon ng bunga yung mga ginagawa mo. kami, maliliit na hakbang rin. :) tuloy mo lang...