November 23, 2004

Hinagpis Para Kay Luisita

Matagal din akong di nakapagsulat dito sa aking tambayan dahil ang dami kong ginagawa. Ngunit ang balita ngayong linggo tungkol sa trahedya sa Hacienda Luisita ay sadyang nakakabagabag. Ang Hacienda Luisita, simbolo ng isa sa dalawang malaking kapalpakan ng rehimeng Cory Aquino, ay muling bumulaga na naman sa pambansang kaisipan. At tulad ng dati, muling ipinakita ng sinumpang lupain na ito ang malalim na problema sa lipunang Pilipino.

Isang malaking irony na ang Hacienda Luisita ay minsang pinamahalaan ng isang ginagalang na nationalist na si Ninoy Aquino. Kung paniniwalaan natin ang mga personal accounts ni Teodoro Benigno (The Philippine Star, Nov. 19, 2004), binalak ni Ninoy na gawing centerpiece ng kanyang land reform program ang Hacienda, na kanyang ipapabenta sana sa kanyang maybahay na si Cory bago ang kanyang balak na pagtakbo bilang pangulo ng Pilipinas. Ngunit sa kasamaang palad, namatay si Ninoy sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas. At sa kanyang kamatayan, naglaho na rin ang mga planong gawing modelo ng makabuluhang reporma ang Hacienda.

Sa halip, ang Hacienda ay naging modelo ng huwad na reporma sa ilalim ng CARP sa panahon ni Cory Aquino. Dahil sa kanyang pagpapahalaga sa pampamilya at pansariling interes, sinayang ni Cory ang pagkakataong makapagsulong ng isang tunay na reporma sa pamamagitan ng pagpasinaya ng isang land reform law na kulang sa ngipin, maraming butas, at higit sa lahat, malulusutan ng Haciendang nanatili pa rin sa pagmamay-ari ng kanyang pamilya. Sa ilalim ng CARP, ang Hacienda ay naging isang "korporasyon", kung saan 30% ng shares ay naging "pag-aari" ng mga magsasakang "mabibiyayaan" ng land reform. Pagkatapos ng stock distribution sa mga magsasaka, ang pamilya Cojuangco ang nagkaroon ng control sa mga lupang ito na kanilang patuloy na ginagamit sa kanilang malaking negosyo. (Para sa mas malalim na diskusyon sa Hacienda Lusista at CARP, basahin ang The Anti-Development State ni Walden Bello).

Mariing ipinagtatanggol ngayon nina Noynoy Aquino at iba pang kaanak at kaibigan ang mga pangyayari sa Luisita. Sabi nila, ang dapat daw sisihin ay ang mga maka-kaliwang grupo na siyang nag-udyok sa mga manggagawa na magpiket at magwelga. Ang mga grupo rin daw na iyon ang mga provocateur na naging dahilan kung bakit nagkaroon ng gulo. Hindi naman daw ang pulis at ang militar ang nagsimula. Una raw nagpaputok ang mga maka-kaliwa. Ang maka-kaliwang "nanghihimasok" lamang dahil hindi naman sila mga trabahador sa Hacienda.

May tao bang magkakaroon ng lakas na loob na lumaban sa pinakamalakas na pamilya sa kanilang lugar kung wala siyang tunay na hinaing at walang matinding hirap na nararanasan? May maglalakas-loob ba na ibuwis ang kabuhayan ng sarili at ng kanyang pamilya dahil lamang sa simpleng pang-uudyok?

Kung ang mga makakaliwang grupo ang nagsimula ng gulo...bakit walang nasaktang pulis at militar? Bakit labing-apat ang namatay kung warning shot lang naman ang pinaputok? Bakit gumamit pa ng baril kung crowd dispersal lang naman, e meron namang truncheon at tear gas?

Bakit walang karapatang manghimasok ang mga Party-List representatives sa mga isyu ng kanilang mga constituent na masang Pinoy, samantalang si Noynoy Aquino, may karapatang manghimasok sa mga national issue na hindi naman maaapektuhan ang kanyang distrito?

Bakit nangyayari ang mga bagay na ganito sa isang demokrasya kung saan ang kagalingan ng nakakarami ang dapat na nasusunod?

Bakit ang kakaunting mayayaman na may-ari ay pinoprotektahan ng ating militar at kapulisan, samantalang ang karamihan na mga mahihirap na walang makain dahil karampot lamang ang sweldo, ay sinasaktan, binabaril at pinapatay?

Bakit ang 70% ng lupa ay pag-aari ng iisang pamilya lang, samantalang daan-daang pamilya ang naghahati sa tira-tirang 30%?

Demokrasya ba ito o oligarkiya?

Kailan kaya babaliktad ang tatsulok?

Tatsulok
ng Buklod

Totoy bilisan mo, bilisan mo ang takbo
Ilagan ang mga bombang nakatutok sa ulo mo
Totoy tumalon ka, dumapa kung kailangan
At baka tamaan pa ng mga balang ligaw

Totoy makinig ka, huwag nang magpagabi
Baka pagkamalan pa't ma-salvage ka d'yan sa tabi
Totoy alam mo ba kung ano ang puno't dulo
Ng di matapos-tapos na kaguluhang ito

Hindi pula't dilaw ang tunay na magkalaban
Ang kulay at tatak ay di syang dahilan
Hangga't mas marami ang lugmok sa kahirapan
At ang hustisya ay para lang sa mayaman

Habang may tatsulok, at sila ang nasa tuktok
Hindi matatapos itong gulo
Habang may tatsulok, at sila ang nasa tuktok
Hindi matatapos itong gulo

Lumilikas ang hininga ng kay raming mga tao
At ang dating luntiang bukid ngayo'y sementeryo
Totoy kumilos ka, baligtarin ang tatsulok
Katulad mong mga dukha ang ilagay mo sa tuktok

Habang may tatsulok, at sila ang nasa tuktok
Hindi matatapos itong gulo
Habang may tatsulok, at sila ang nasa tuktok
Hindi matatapos itong gulo

No comments: