November 2, 2004

Ang Unang Araw (na naman)

Ika-anim na semestre ko nang nagtuturo, pero hindi pa rin nawawala ang aking nerbiyos sa unang araw ng pasukan. Marahil ito ay dahil mga bagong mukha na naman ang aking makikita. Mga bagong pakikisamahan na naman na hindi ko alam kung makakayang sumakay sa aking mga ka-tripan at kung maiintindihan ang aking mga sinasabi.

Ito ang saya ng pagiging teacher. Bawat semestre, dumadaan ako sa "reinvention". Yung ginagawa ko dati, hindi ako sigurado kung magiging kasing-successful kung gagawin ko uli ngayon. Kahit na ilang beses pa nilang i-emphasize sa accreditation process ang standardization ng syllabus, curriculum, reading lists at maging ng mga teaching techniques, hindi ko talaga maiwasang mag-customize. Ang pinag-uusapan kasi natin dito ay mga tao, hindi mga robot. Lahat ay may kanya-kanyang pagkakaiba, kaya iba't ibang approach ang kailangang gamitin.

Mababait kaya ang aking mga tuturuan ngayon? Ano kaya ang kailangan kong gawin para maintindihan nila ang aking mga ituturo? Ano kaya ang dahilan kung bakit sila nag-aaral? Maging interesado kaya sila sa mga "extracurricular learnings" na sinusubukan kong ipasok sa aking mga turo?

Ang umpisa ng semestre ay panahon din para makapagmuni-muni ako sa aking ginawa sa nakaraang limang buwan. Ang 1st Semester SY 2004-2005 talaga ang aking pinakamasamang semestre ng pagtuturo. Dito kasi nagsimulang isipin ko ang aking makukuha, imbes na isipin kung ano ang aking maibibigay. Nagsimula nang pumasok sa utak ko ang career at achievement, at medyo nakalimutan ko ang aking misyon. Ang pagtuturo kasi ay hindi isang trabaho kundi isang vocation. Ang aking madalas na pag-aabsent at ang aking "career oriented", imbes na "principle oriented", na pagtuturo ay hindi naging mabuting halimbawa sa aking mga estudyante.

Ngayong semestre, kailangan i-reformulate ko ang aking lesson plan. Gusto kong maintegrate muli sa aking mga turo ang mga prinsipyo na sa tingin ko'y kailangan dalhin ng mga kabataan ngayon. Naging focused kasi ako sa pagdevelop ng skills na kailangang dalhin ng mga estudyante ko pagdating sa trabaho. Nakalimutan ko na tayo ay narito sa mundo para mabuhay, hindi para magtrabaho. Siguro dahil na rin ito sa aking naging disposisyon last sem na mapausad ang aking career, manalo ng mga interschool contests at manalo ng mga awards. Nakalimutan ko na kaya ako nagtuturo ay upang makagawa ng mga hakbang para magkaroon ng mabuting pagbabago sa ating lipunan.

Mayroon din akong bagong misyon ngayong sem na sana magkaroon ng katuparan. Inspired ito ng isang essay ni Randy David na binasa ko kagabi. Sabi niya, ang mali sa ating university system ay ang pagiging obssessed nito sa preservation of knowledge. Ang mga university ay para nang mga factory na nagma-mass produce ng isang "standard" na estudyante na kakailanganin ng mga kumpanyang naghahanap ng mga trabahador. Dahil sa ganitong patakbo ng mga pamantasan, naiipit tayo sa status quo. Wala nang nag-iisip, tayo ay nagiging mga tagasunod na lamang. Dapat maibalik ang attitude sa ating mga kabataan na sila ay mga "agents of change" at malaki ang maitutulong nila para maibangon ang ating lipunan. Kailangan ay may "attitude of learning", hindi lamang "attitude of knowing". May "mindset of creation", di lamang "mindset of preservation".

Maganda sana ang balak ko noong nakaraang sem. Pagsulatin ng sangkatutak na mga research papers ang aking mga estudyante. Pero natakot ako. Hindi dahil sa tingin ko'y hindi nila kaya, kundi dahil pakiramdam ko ay nakakaaistorbo lang ako lalo na't nahihirapan rin sila sa ibang subjects. Mali talaga ang aking pag-iisip. Panahon nang wag akong matakot na ipagawa sa aking mga estudyante ang mga mahihirap na bagay na alam ko naman ay malaki ang maitutulong sa kanila. Siguro mas importanteng isipin ko na lang kung paano ko maipapaintindi sa kanila na may kabuluhan ang kanilang gagawin.

Bagong sem na naman bukas. Isang panibagong simula. Muli, may bagong pagkakataon na naman para pasiglahin ang misyong aking sinimulan mahigit dalawang taon na ang nakakaraan. Sana maging tunay na makabuluhan ang sem na ito...

No comments: