May 2, 2005

Soundboard: Sa Pagitan ng Ngayon at Kailanman: Isang Review ng Bagong Album ni Gary Granada

GaryGranadaNoong nakaraang taon, mga bandang June yata, pumunta kami ni Ria sa Conspiracy Garden Cafe sa Visayas Avenue para manood ng isang gig ni Gary Granada. Bihira na kasing magpalabas si Mang Gary, isa sa paborito naming mga artists, kaya sinamantala na namin ang pagkakataon. Ok naman ang kanyang palabas kahit na nakakalimutan na niya ang ilan sa kanyang mga kanta dahil na rin siguro sa sobrang dami na ng kanyang mga sinulat na awit. Pero nalungkot kami nung kanyang ihayag na malamang titigil na siya sa pagkanta. Magpapalit na lang daw siya ng career at magko-concentrate na sa kanyang business na paggawa ng lamesang yari sa marmol at bakal. Sayang at di na siya mapapakinggan ng mga susunod na henerasyon, pero pagod na rin siguro siya sa lagpas dalawampung taon niya sa larangan ng musika.

Ngunit ngayong taon, sa aking kagalakan, nagbalik na muli si Mang Gary sa music scene. Tuwing Lunes nang gabi, siya ay tumutugtog sa Conspiracy Garden Cafe. Nakakalimutan pa rin niya ang lyrics ng kanyang mga kanta, pero ok lang dahil ang mahalaga'y kumakanta pa rin siya. At masaya ring manood dahil libre ang entrance. :)

Ngayon ay may mas maganda pang balita. May bago na uling album si Mang Gary, Sa Pagitan ng Ngayon at Kailanman, na nilabas na sa market ng GMA Records. Isa itong koleksyon ng labindalawang kanta: pitong bago, isang remake/adaptation, at apat na luma ngunit ni-rearrange. Siguro'y ilang daan na rin ang naisulat na kanta ni Mang Gary, at ang nakakatuwa'y wala pa ring kupas ang kanyang talento sa pagsulat ng magagandang mga awitin.

Ang bagong album ay sinimulan sa isang panalangin, "Dakilang Maylikha." Ito'y hindi lamang simpleng paghingi ng basbas mula sa Diyos, kundi repleksyon rin ng mga paniniwalang sosyo-politikal ni Mang Gary, na kanyang dinetalye sa VCD lecture na Introduction to Hierarchic Selection: The Evolution of Social Substructures. Ang panalangin ay sinundan naman ng isang Gary Granada classic na "Kung Ika'y Wala," isang headbanging rock song na tungkol sa pagmamahal sa kalayaan. Hindi ko maintindihan kung bakit ginagamit ito ngayon ng GMA 7 na theme song sa kanilang bagong Korea-novela, pero kung sa ikakasikat naman ng kanta, e di sige na nga. :)

Dahil sa isa itong mainstream release, marami ritong mga romantic love songs. Ang paborito ko rito ay yung "Pampalipas ng Sama ng Loob," na kanta ng isang taong kungtento na lamang sa pagiging panakip-buta ng isang bigo sa pag-ibig. Malungkot ang mga lyrics ng kanta. Halimbawa, "Ako'y kathang isip lamang Na di mo dapat seryosohin Palamuti na halamang Di kailangang diligin Hanggang makatagpo ka ng iba Huwag mag-alala Kung liligaya ka Ako ay masaya". Ang kakaiba nga lang, ang saya ng pagkakakanta nito na maiimagine mo na nakangiti si Gary habang inaawit ang malulungkot na lyrics. Kungsabagay, papaalalahanan ka rin naman niya na malungkot ang kanta sa kanyang closing lyrics: "Pwede mong iwan, pwede mo ring balikan."

Ang isang characteristic ng mga kanta ni Mang Gary ay ang poetic qualities nito. Babasahin mo pa lang ay maganda na. Halimbawa, ang kantang "Pinaasa Mo Ang Puso Ko," puwede nang isang love letter. "Pinaasa mo ang puso ko, binigyan mo ng pakpak At ako'y nangarap ng husto, nilipad hanggang ulap Pinaikot mo'ng aking mundo at bundok ay nilakbay Sa akalang ating pagsuyo sa tuktok naghihintay At ako ay halos mamatay-matay" Lumabas rin ang pagkamakata ni Mang Gary sa mga romantikong lyrics ng "Sa Pagitan ng Ngayon at Kailanman" at "Ibig Sabihin."

Dahil isang Gary Granada CD ito, hindi mawawala ang mga novelty songs. Hindi ala Lito Camo, ha. Novelty dahil sa kakaiba ang subject matter o kaya nama'y kakaiba ang treatment sa subject matter. Halimbawa, kinanta rito ni Mang Gary ang "That's All" na isang 1953 song na kinanta ni Frank Sinatra. Pero in the tradition of Dolphy and Panchito, nilapatan ito ni Mang Gary ng mga intervening na Tagalog lyrics kaya napasakanya na rin ang kanta't pinamagatan niyang "Yun Lang." Narito rin ang kantang "Noel" na isang love song para kay Noel Cabangon. Nung una kong itong narinig minsang ako ay nasa Conspiracy, kinilabutan ako dahil seryoso pa ang pagkakakanta ni Mang Gary habang nasa harap niya si Noel. Ang huling bagong kanta ni Mang Gary sa album na ito ay ang "Babadap-badap." Isa na naman itong kontribusyon sa mga kanta tungkol sa mga bakla, kasama ng "This Guy's In Love With You Pare" ng Parokya ni Edgar at "Hey, Jay" ng Eraserheads. Sa pagkakaalam ko, finalist ito sa 1st Levi Pop Songwriting Festival, pero sa aking pinagtataka'y parang di ko ito nakita sa CD na ni-release para sa festival na iyon.

Ang ilan pang natitirang kanta sa album ay mga re-issue ng mga dating kanta ni Mang Gary. Madalas niya itong gawin sa kanyang mga album, at ok rin naman dahil kahit papaano'y natatransfer na sa CD format ang mga luma niyang kanta. Nandyan ang nakakatawang "Pagkatapos" na bagay na bagay ang pagkakakanta ni Cookie Chua. Ni-release rin ang theme song ng nakaraang Philippine Centennial, ang "Tagumpay Nating Lahat." Ngayon naman, imbes na si Cris Villonco, si Jennelyn Mercado ang kumanta. Mas gusto ko pa rin ang original version, pero maganda na rin dahil wala na akong mahanap na ibang kopya ng kantang ito. Ang huling kanta sa album ay ang Gary Granada classic na "Salamat, Salamat Musika."

Nakakatuwa na ang isang haligi ng Philippine music ay nandito pa rin at patuloy na binabahagi ang kanyang sining sa atin. Pero nakakalungkot isipin na tulad ng dati, baka wala na namang makinig sa kanya. Nito nga lang bumili ako ng album, hindi man lang nilagay sa harap ng "new releases" ang Sa Pagitan ng Ngayon at Kailanman kahit na mas matagal na ng isang buwan ang CDng nasa harap nito. Nagkataon lang na naghahalungkat ako ng mga CD kaya natsambahan ko na makita ang kanyang album. Sana, mabigyan ng karampatang pagpapahalaga at exposure ang mga kompositor at mang-aawit na tulad nina Gary Granada, na di man alam ng karamihan, ay malaki na ang naiambag sa pagpapayaman ng musikang matatawag nating sariling atin.

3 comments:

kero said...

ang lungkot ngang isipin na ang isang Gary Granada ay di appreciated ng karamihan. kung di ko pa nabasa dito sa blog mo, di ko pa malalaman na may bago syang labas na album.

Paeng said...

^ bili kang album, ha. kaya nga tayo nagsusulat para kumalat ang balita. :)

maganda said...

fan din ako ni gary granada, high school pa lang. social studies teacher ko ang nag-introduce sa akin ng mga kanta niya. meron na akong 3 albums niya, kasama itong "sa pagitan ng ngayon at kailanman". :)