September 15, 2004

Isang Oras

Limang minuto. Limang minuto ang inaaabot ng isang page na pini-print ko. E 16 pages. Kaya aabutin ako nang lagpas isang oras. Gusto ko na sana matulog, pero eto nga, naghihintay pa.

Ibig sabihin, may panahon uli ako para makapag-blog. :p

----------

Ang tagal kong nawala. Ang dami kasing trabaho. Ang pinakamatindi itong tutorial ko para sa ICFC. Ang saya, nakapasok kami sa finals!!! Pero titigil na lang ba kami dun? Siyempre hindi!!! Kaya nga todo pa rin ang pagpapakapagod kasi gusto sana namin na mataasan ang rank ng FEU last year (7th place). AT mataasan ang UST. Bakit ko gustong maging mas mataas ang ranking kumpara sa UST? Wala lang. Maganda kasi ang rivalry dahil UST at FEU lang ang nakapasok sa mga U-Belt schools. At siyempre, gusto sana naming makabawi dun sa nangyari sa Marketing competition. Hahahaha!!!

Sana makapasok kami sa Top Three. Sa ICFC kasi, wala nang nangyari kundi magpalitan ang Ateneo, UP at DLSU sa Top Three. Panahon na para may sumingit na iba. :) Di lang naman sila ang "quality schools", di ba?

----------

Isang buwan na lang aalis na ang aking lalabs. Pupunta kasi siya ng Japan dahil sa isang scholarship. Isa't kalahating taon, pwede pang ma-extend...

Nakakalungkot...pero selfish yun. Kaya tinanggap ko na sa aking puso, at ngayon ay masaya ako't matutuloy siya sa isang bagay na kanyang pinangarap at pinaghirapan.

Ako kaya, kelan makakakuha ng isang scholarship? Parang gusto ko ring mag-aral sa ibang lugar. Nami-miss ko na ring bumiyahe at matuto ng iba't ibang bagay. :)

----------

Alas-tres na ng madaling araw. Anim na pages pa lang ang na-print. Sampu pa!!!

----------

September na. Pasko na. Bakit kaya ganun? Sa SM, nagpapatugtog na ng Christmas songs. Sino ba nagpauso na kapag -ber na ang buwan ay tini-treat na nating Pasko? Pero ok rin. For some reason, ang saya ng pakiramdam ko kapag nakakarinig ako ng Christmas songs. Para bang bumabalik ako sa panahong high school pa lang ako. Noon kasi, lagi akong excited pag Pasko. Nagsisimbang gabi pa nga ako, tapos kumakain sa gotohan na ang laman ay isaw.

Siyet, nagugutom tuloy ako. Gotong may isaw...tapos may patis...oorder pa ng tokwa...

----------

Pinapabisita ako sa web site ni Chona Mae. Tawa kasi nang tawa ang aking lalabs. Bumisita naman ako.

Hindi naman ako natawa. Nalungkot pa nga ako.

Paano ba naman, nakabasa na ako ng essay ng dati kong estudyante na mas malala pa kay Chona. Exam pa yun kaya siguradong seryoso!!!

Pero mas malungkot pa. Hindi lang essay ng iisang estudyante ang nabasa ko na mas malala pa kay Chona.

College student na. Chona Mae pa ang English.

Nalulungkot na naman tuloy ako...

----------

Kahapon nga pala ang first time na nag-straight english ako sa klase. Ayaw ko kasing mag-English dati, hindi dahil sa hindi ako marunong kundi dahil ayaw ko lang talaga. Pero ngayon, dahil ni-require ko na English ang reporting ng mga estudyante ko, tama lang na English rin ang pagkausap ko sa kanila.

Inaasahan ko talaga na tatawa ang mga estudyante ko. Pero kakaiba ang nangyari...

Parang nagitla ang klase. Natahimik. Parang pinag-iisipan kung ako nga ba iyun...

Did they really think that I didn't know how to speak in English?

----------

Marami nagtatanong sa akin kung paano ko raw nabuo ang aking mga pilosopiya sa buhay. Maliban sa aking mga magulang at sa mga taong malapit sa akin, sino daw ang mga impluwensiya ko?

Malakas ang naging impluwensiya sa akin ang mga kanta nina Gary Granada, Joey Ayala at John Lennon. Educational din ang Buklod, pero medyo hardcore sila sa pagiging leftist. Hahaha!!!

Katawa-tawa mang pakinggan, ang lakas rin ng impluwensya ng mga superhero comics tulad ng X-Men na siyang nag-educate sa akin tungkol sa discrimination, sacrifice, heroism, etc. Ilang beses rin akog na-inspire ng komiks na The Copybook Tales, True Story, Swear To God, at Goodbye, Chunky Rice.

Marami rin akong napulot na aral sa mga pelikulang tulad ng Hero, Spider-Man (1 and 2), Matrix (Part 1 lang!!!), Signs, Fight Club, Three Kings, Almost Famous, Eternal Sunshine of the Spotless Mind, My Sassy Girl at yung mga pelikula ni Akira Kurosawa.

Siyempre nandyan yung mga libro ni pareng Bob Ong. Nakatulong talaga yun sa aking pananatili sa pagiging teacher. At mga libro rin ni Randy David. Kaya siguro ginugusto ko na ngayong maging sociologist.

Si psychicpants, naimpluwensiyahan ba ako? Hindi siguro, puro katarantaduhan at ka-jologan lang alam nun!!!

Sa TV naman, nandyan ang Probe Team at I-witness. Bihira ko mang mapanood, masasabi ko pa rin na ito ang aking mga paboritong educational program. Lalo na ang mga features ni Howie Severino.

Nitong nakaraang dalawang linggo lang, may bago na naman akong idol. Akalain mo ba namang isa siyang pari!!!

----------

Si Father J-Boy ang isa sa mga pinakamahusay na paring narinig ko. Nandun siya ngayon sa UP Chapel. Madali siyang makilala kasi kamukha siya ni Michael V. Natututo ako sa kanya ng mga teaching methods dahil ang galing niya talagang magsermon. Ang dami niyang techniques na ginagamit (may Powerpoint pa!) at napapasukan niya ng relevant humor ang kanyang sinasabi kaya hindi boring.

Higit sa lahat, marami akong natututunang prinsipyo at values.

----------

Isang kwento ni Father J-boy tungkol sa ibig sabihin ng salitang commitment. (paraphrased na, siyempre!)

Minsan may isang magsasaka na may alagang isang manok at isang baboy. Birthday ng magsasaka, kaya naisipan ng dalawa na magbigay ng regalo sa sa kanilang amo.

Baboy: Birthday na ni bosing. Ano kayang ibibigay nating regalo sa kanya?

Manok: Alam ko na. Magpa-party tayo. Bigyan natin siya ng pagkaing panghanda.

Baboy: Tama!!! Sige, anong ibibigay natin?

Manok: Ganito gawin natin. Ako, magbibigay ako sa kanya ng itlog. Ikaw naman, bibigyan mo siya ng lechon!!!
.
.
.
.
.
.
Baboy: Ang swerte mo naman. Ikaw donasyon lang ang ibibigay mo. Ako, commitment!

----------

Isang paboritong Father J-boy quote:

"Character is who you are when noone is looking..."

----------

Alas-kuwatro na. Dalawang pages pa.

Matutulog na ako.

Ang sayang magsulat uli sa blog. :)

2 comments:

Anonymous said...

baka nabigla or naninibago lang sila kasi di sila sanay na nag-eenglish kayu... lagi kasi kayong tagalog sa klase eh... di sa iniisip nilang di kayu marunong mag-english ^_^

Anonymous said...

hay naku sir...ang sakit na ng tyan ko kakatawa sa blog ni chona mae. ang lupit! sir d namn masyadong matagal yang printing nyo no?!? inabot kau ng more than 1 hour. saka d masyadonmg halatang natagalan ang printing kc mahaba 2ng post nyo....hehehe.