November 6, 2005

Rally

May interesting na reaction si Mallorn Puno sa aking post na "Rallyista...nakapasok ng Mendiola?" Sabi niya:

"Sir, di ba ang punto ng pagrarally ang makapag-propaganda sa pinakamaraming tao possible? Kung papasimple lang kami at dederecho sa Mendiola, nasayang ang opportunity na makapagpahayag at mang-agit ng mga tao na madadaanan.

Para sa akin, may dalawang audience ang isang rally: ang subject ng rally (na kadalasan ay ang administrasyong namumuno) at ang third party - ang masa - na nakikinig. Totoo na ang pasimpleng pagpunta sa Mendiola at pagsagawa ng lightning rally ay hindi makakapang-agit ng mga tao na madadaanan. Ngunit tiyak na mapo-provoke nito ang administrasyon na kumilos, at dahil sa magiging reaksyunaryo ang kanilang tugon dahil sa "surprise factor," maaaring may magawa silang di inaasahan na magiging laman ng balita sa mga mainstream media outlets. At sa pamamagitan nun, maaabot mo rin ang masa na nakatutok sa media araw-araw.

Ang gusto ko talagang bigyan ng reaction ay ang propaganda function ng rally na sinasabi ni Mallorn. Matagal ko nang pinag-iisipan kung gaano pa ba kaepektibo ang mga rally bilang isang propaganda mechanism. Naaalala ko noong Marso, nagkaroon ng isang rally sa tapat ng Japan Embassy ang grupong AKBAYAN. Valid ang kanilang binuksang issue, pero ang mga tao sa paligid ay deadma lamang sa mga nangyayari.

Sa mga rally sa may Welcome Rotonda noong kainitan ng Hello...Garci? scandal, hindi naman nagkakaroon ng critical mass kasi ang nakukumbinsi lamang sumama ay ang mga taong kapareho na rin naman ng paniniwala ng mga rallyista. Para bang birds of the same feather flock together. Ang masama nga lang, ang kailangan kasing makumbinsing maging involved ay ang birds of a different feather.

Ngayon, ako ay isang adviser ng isang student publication. Nang ibigay namin ang editorial exams, nalungkot ako kasi lahat ng kumuha ng exam na ito ay hindi paborable ang tingin sa mga protesta laban sa administrasyon. Ang tingin nila ay inaabuso na ang karapatang magpahayag at mag-assembly at kailangang maging responsable naman ang nage-exercise ng karapatan na ito. Totoo na maaaring ang reaksyon ng mga estudyante na ito ay reflective ng kanilang political leanings, o kaya ay maaari ring may sense of apathy na sila sa mga social issues. Pero di maikakaila na nagba-backfire ang gawain ng mga rallyista dahil sa naa-agit ang mga tao laban sa kanila, imbis na laban sa subject ng kanilang protesta. At minsan ay hindi mo rin masisisi ang mga taong nagagalit sa mga rallyista kasi parang walang "integrity" ang mga rally na nakikita nila.

Nandiyan yung makita mong payagan na makilahok ang mga questionable na personalities sa isang rally para lang makapagparami ng tao. Naalala ko nung minsang tugtugin ni Joey Ayala yung "Magkabilaan" sa Conspiracy. Sinabi niyang buti pa nung panahon na isulat niya ang kantang iyon, malinaw kung nasaan ang panig ng mabuti at masama. Pero ngayon, paano kang gaganahang sumama sa rally kung saan kasama mong nagpoprotesta si Imee Marcos? Si Ernie Maceda? Ang mga Ejercito at iba pang kampon ni Erap? Si Ronald Lumbao? Si Ping Lacson? Bakit pinapayagan ng mga rallyista na humalo ang mga taong ito sa kanila gayung simbolo sila ng mga mali (corruption, human rights violations, etc.) sa ating lipunan? Does the end of ousting GMA justify an alliance with these people?

Di rin maikakaila na maraming mga tao ang naiistorbo sa mga rally. Para sa akin na masasabi kong mulat, walang problema sa akin kung maipit ako sa traffic na nagagawa ng isang rally. Pero di ko maiaalis sa aking isip ang mga reklamo ng mga driver ng taxi na nasakyan ko na hindi nila naabot ang boundary nila dahil naipit sila sa traffic na nagawa ng rally. O kaya ay yung mga minimum wage workers na na-late o napilitang mag-absent at hindi tuloy kinita ang kakarampot nilang suweldo. O kaya ay yung estudyanteng pinaghirapan ng magulang na pag-aralin tapos bumagsak sa exam kasi hindi siya nakarating sa tamang oras dahil sa mabigat na traffic.

Nandiyan rin yung makita mo ang inconsistency sa mga isinisigaw ng mga nagra-rally at sa kanilang ginagawa, intensyonal man o hindi. Halimbawa, may mga environmental protection group na nag-iiwan ng maraming kalat pagkatapos ng mga rally nila. May mga human rights advocates na nanghahampas ng tubo sa mga riot police na hindi naman siyang tunay na kalaban dahil ang tunay na kalaban ay ang administrasyon. Nandiyan rin yung makita mong nagpe-prayer rally ang mga kilalang atheists. Ako ay naniniwala sa ecumenism, pero kung ikaw ay lantaran at kilalang hindi naniniwala sa Diyos, huwag ka nang sumama sa mga misa at pagdarasal. Nagiging questionable tuloy ang motibo ng buong exercise.

Hindi ako laban sa pagra-rally. Pero sa tingin ko, dapat ay pag-isipang mabuti ng mga organizers nito kung nagiging epektibo pa ba sila sa pag-achieve ng kanilang mga objectives sa pamamagitan ng traditional na form ng exercise na ito. Paano mo makukumbinsi ang mga tao sa panahong ito na sumama sa pakikibaka? Ano ang dapat baguhin para magkaroon ng integrity uli ang mga rally? May iba pa bang channels na maaaring mas epektibong propaganda mechanism? (Sa totoo lang, dapat ay magbago na rin ang wika ng mga rally. Halimbawa, ang salitang propaganda ay may sobrang negatibo nang connotation.)

Nagbabago ang panahon. Nagbabago rin ang audience. At kahit na hindi nagbabago ang ipinaglalaban, dapat siguro ay magbago na rin ang mga pamamaraan ng paglaban upang umayon sa kasalukuyang pangangailangan.

1 comment:

mallorn puno said...

Dear Sir:
Wow, haba ng sagot a! Hehe, sana hindi ko naman po kayo na-antag o ano.
Yes, there's no denying raming nababanas sa mga tibak pag yung rally namin, nakakaantala sa mga tao, lalo na sa pagmarch namin sa lansangan. (Sa mga bumabagsak na studes dahil nalalate sa exam: I thought Profs or Teachers would be more understanding if malate ang stude pero d nmn nya kasalanan. Lalo na yung studes na malapit sa paaralan kung saan madalas magrally?)Pero yung pagmarcha at pagchant ay parte lang ng rally. Andun pa yung programa kung saan nagsasalita ang mga leaders, tapos may cultural presentations.
Pero yun nga, sabihin nating dedma pa rin mga tao (yung mga dapat kumbinsihin). Dyan dapat pumasok ang creativity ng mga rallyists.
Bilang prop mech, opo, marami na ring paraan kaming nasusubok. Kumakanta/sumasayaw kami sa mga room-to-room. Bodypainting. Andyan ang aming edible props at Educational Discussions. If you have more than one means of reaching out to the people, then, might as well use all those means, right? And those means include rallies.
As for joining up with Ping, et al, to succeed against a common enemy, shouldnt one look for the broadest alliance possible. Siyempre, we will by no means allow them to dictate their terms to us, or use our mass base for their own agenda, so we would still be on guard.
Sa mga "kabalintunaan" ang alam ko lang ay yung mga human rights advocates part. Never pa akong nag-compo, pero on the part of our ranks, imposibleng makapagdala ng tubo pag compo (first line of defense) dahil nakakapi-bisig kayo. Sa mga pagkakataong nagkagitgitan, perhaps they do it in self-defense (pero *tubo?)
Anyway, yun po yung pananaw ko. I'm pretty new to the movement (halata po ba? hehe) so thanks for hearing me out anyway. Enjoy po ako sa blog niyo sir. Keep on bloggin' on po. \(^.^)/