November 24, 2005

Kuwentong lugaw

Sa sobrang hectic ng aking schedule nitong mga nakaraang araw, natuwa ako dahil nakauwi ako nang may araw pa kahapon. Nanibago nga ako dahil iba pala talaga ang itsura ng aking dinadaanan kapag maliwanag pa.

Dahil minsan lang mangyari ito, sinadya ko na dumaan sa lugawan na lagi naming kinakainan noong high school kami. Taon na rin ang inabot mula nung ako ay huling kumain doon.

Natuwa naman ako dahil inabutan ko pa itong bukas. Pero malas...kinse pesos na lang ang pera ko!!! Sa may FEU kasi, bente pesos na ang "standard" na presyo ng lugaw. Nung high school kami (circa 1994-1995), anim na piso lang ang lugaw na may laman. Nagtanong na lang muna tuloy ako kung magkano na ang lugaw, nakakahiya namang umorder na kulang ang pera.

"Dose po."

Dose?

Biruin mo, sampung taon na ang lumipas, dumoble pa lang ang presyo ng aking paboritong lugaw na may laman!!! Ang pamasahe, 150% na ang tinaas (tatlong piso noon, P7.50 na ngayon). Ang tuition sa FEU, kada apat na taon dumodoble. Pero ang lugaw sa aking paboritong lugawan, dose pesos pa lang. Kasya naman pala ang perang naiiwan sa aking bulsa...

Kaya napabili rin ako ng aking matagal nang hinahanap-hanap na lugaw na may laman. Ang dami ng isang serving. Kung sa mga lugawan sa university belt ay papipiliin ka kung anong laman ang isasama sa lugaw (taba, isaw, tuwalya o puso), dito ay hindi na itinatanong kasi isinasama na lahat. Ang dami rin ng supply ng patis, kaya heaven na heaven para sa aking addict sa maalat na pagkain. Sayang nga lang, kulang ang pera ko para pambili ng tokwa.

Hindi pa rin nagbago ang lugawan dahil maliban sa masarap na at mura pa (at ice cold ang tubig), masaya pa ang mga nangyayari sa paligid-ligid. Halimbawa, ang dalawang nagtitinda ay naulinigan kong nag-uusap tungkol sa pagbili ng toothbrush:

Tindero: Bili mo naman ako ng toothbrush.

Tindera: Mamaya, bumili ka dun sa may botika.

Tindero: Saan...Dun sa may Emmaflor?

Tindera: Hindi! Yung dun sa pagtawid...

Tindero: Ah, yung nagtitinda ng gamot?

Tindera: Oo, yung nagtitinda ng gamot.

Habang napapaisip ako kung anong klaseng botika ba yung Emmaflor na mukhang hindi ito nagtitinda ng gamot, napansin ko namang iritang irita na ang katabi kong bata. Yung kasama niya kasing bata ay sobrang bagal kumain. Nung dumating ako, tapos nang kumain yung naiiritang bata. Nang matapos na akong kumain, ni hindi pa nangangalahati yung isang bata.

Nanggatong pa ang tindero. "Aabutan ka na ng giyera diyan!"

Habang napapaisip na naman ako sa malabong hirit ng tindero (anong giyera?), napangiti ako. Sa panahong nagugulo ang utak ko sa kaiisip sa economic crisis, political crisis, midlife crisis, on-the-job crisis, at kung anu-ano pang crisis, ang simpleng kasiyahan pala ay matatagpuan lang sa isang dating tambayang nagtitinda ng mura, masarap at maalat na lugaw.

Customer na dumating pagkatapos ko: Ate, lugaw nga.

Tindera: Ay...ubos na!

Ang saya saya!!!

3 comments:

camille said...

nakakatuwa naman ang entry mo. nakakainspire.

Anonymous said...

kakaiba k tlg paeng, kyan elib ko s u....badette

Paeng said...

asus, elibs ka naman talaga sa akin. :p