January 2, 2007

Hindi ka ba maga-abroad?

"Tito Erwin, hindi ka ba maga-abroad?"

Nagulat ako sa tanong ng aking batang pamangkin. At naantig. May halong kalungkutan ang tinig ng bata. Hinahanap-hanap ang tatay na kinailangang umalis papuntang Korea para mabuhay ang kanilang pamilya.

"Hindi."

"Bakit hindi?"

"E...mas masaya kasi dito." Tumango siya.

"Totoo bang nagkakagulo daw sa Korea?" tanong niya.

"Di ko alam e."
----------

Maaga akong namulat sa OFW reality ng ating bansa. Walang nag-abroad sa aking pamilya, pero marami akong kamag-anak na nag-abroad. Yung isa ay ang aking tita na pinakamalapit sa nanay ko. Finake niya ang kaniyang passport para makapuntang Middle East. Ang anak niya, na nakitira sa amin habang nasa abroad ang aking tita, ay nagpunta namang Brunei. Umuwi na may half-Nepalese na sa kanyang sinapupunan na siya namang aking naging unang inaanak. Isa lang siya sa mahigit sampung mga pinsan ko na nangibang-bansa rin para suportahan ang kani-kanilang mga pamilya.

Dahil din sa trend ng paga-abroad kaya wala akong kinamulatang ninong at ninang. Pareho kasi silang nagpuntang Amerika at dun pinraktis ang kanilang mga karera bilang doktor. Teka, doktor nga ba ang ninang ko? Di ko na matandaan.

Siyempre, nandiyan rin ang aking diosa na hindi naman OFW kundi isang scholar sa Japan. Pero long-distance pa rin kaya parang ganun na rin ang dating.
----------

Sa pagtaas ng halaga ng piso kontra dolyar, muli na namang gino-glorify ang ating mga OFWs. Ang mga naturang bagong bayani ng bayan. Sila kasi ang bumubuhay sa ating ekonomiya ngayon, sa dami ng kanilang remittances na nakaabot ng record high nitong nakaraang kapaskuhan. Pero sa totoo lang, nalulungkot ako tuwing naririnig ang balita ng pagdami ng mga OFWs. Nakita at naranasan ko na ang lungkot ng mga pamilyang naghihiwalay nang pilitan. At karamihan ng mga kababayan nating naga-abroad ay umalis nang pilitan, dahil walang makitang sapat na kabuhayan sa Pilipinas o kaya'y dahil ito na ang kinamulatan nilang buhay at wala na silang maisip na ibang paraan para umasenso.

Nung ako ay nagtuturo pa, halos kalahati ng mga estudyante ko ay anak ng mga OFWs. Sa aming mga kuwentuhan, naririnig ko ang kanilang pagnanais na mabuong muli ang kanilang pamilya. Naalala ko pa ang sinabi ng isang estudyante ko na seaman ang tatay at itinuring na rin akong tatay-tatayan. Kinatatakutan ko sa lahat ang maramdamang mag-isa at iwan. Ganito siguro talaga ang emotional effect kapag ang bata ay nakagisnang laging umaalis ang ama."
----------

Nakakalungkot ang OFW phenomenon dahil isa siyang unsustainable solution sa ating economic problems. Maraming nagsasabi na ang dollar influx mula sa remittances ang siyang magbu-boost sa local businesses, ngunit 1970s pa finorward ang argument na ito at wala pa rin ang sinasabing boom na mag-aangat sa mga tao sa kahirapan. Dangkasi, sabay rin sa pagpasok ng mga dolyar ang pagbukas ng ating ekonomiya sa fully-liberalized trade, at ang dolyar na bubuhay sana ng local businesses ay napupunta sa pagkonsumo ng cheap imported products at muling lumalabas ang yaman sa ating bansa.

Napakarami nang 2nd at 3rd generation na OFWs sa ating lipunan. Tiniis ng nanay ang mahiwalay sa anak ubang bigyan ito ng magandang kinabukasan. Ngunit hindi ito sapat at kinailangang mawalay rin ng anak sa sarili niyang mga anak. At magpapatuloy nang magpapatuloy ang cycle na hindi mapuputol hangga't di nagkakaroon ng fundamental na pagbabago sa ating lipunan.

Minsan napatitig ako sa aking inaanak sa pinsan kong 2nd generation OFW. "Aalis ka rin kaya?" tanong ko sa isip ko. Sana di na niya kailanganing umalis.

Naalala ko rin ang ilan kong mga estudyante na anak rin ng mga OFWs na ngayon ay nasa abroad na. Naalala ko ang kanilang mga hiling na sana mabuo ang kanilang pamilya. Natitira na lamang ang kanilang mga post sa Friendster bulletin board na nagsasabing "Meri Christmas! Sad d2 wlng Pasko. Miz u all"
----------

Minsan na akong nangibang-bayan - sa America, sa Canada, sa Laos at sa Vietnam. Hindi para magtrabaho kundi para ipakalat ang sining at kultura ng ating bansa. Ang dami kong mga insights na napulot sa pakikisalamuha sa ibang mga lahi at sa mga Filipino communities rin. Tunay na napagyaman ng mga karanasan na ito ang aking pagkatao. Sa aspetong ito, ako ay tunay na mapalad.

Sana dumating yung panahon na ang pangingibang-bayan nating mga Pilipino ay isa lang sa mga choice at hindi no other choice. Na ang pangingibang-bayan nating mga Pilipino ay paglalakbay ng self-actualization at hindi self-preservation. Na ang pangingibang-bayan nating mga Pilipino ay pagpapayaman ng ating mga sarili at hindi ng ating mga bulsa. Na ang pangingibang-bayan nating mga Pilipino ay para sa kabusugan ng ating isip, puso at kaluluwa at hindi ng ating tiyan.

3 comments:

manilenya said...

Ganyan talaga ang buhay.... ang tatay ko nga e isa sya sa gumawa ng pinakamalaki at pinakamagandang hotel sa guam noong mga huling taon ng dekada 80...pero pag-uwi sa pinas nakatira sa isa sa pinakamaliit na bahay sa gitna ng tundo ....ganyan talaga buhay..isip ng marami para magkaroon ng magandang bahay e kailangang mangibang bayan.

boy said...

Matagal ko na ring nababasa ang ilan sa iyong mga blag, at maraming salamat sa iyong panulat ukol sa OFW na syang pinagkakabuhayan na syang nagbibigay ng temporary relief sa naghihirap na inang bayan. Pero nakakalungkot, ang talinong Pinoy na nakamit mula sa mga apat na dingding ng mga paaralan sa sariling bayan, ibang bansa ang nakikinabang. Isa rin akong OFW, sa tagal ko rito sa abroad, sari-saring istroya ang aking nasaksihan, na akin ngayong inilalagay sa aking blog, iniimbitahan kitang subaybayan ang aking mga panulat base sa tunay na buhay na matatagpuan sa http://byahenglangit.blogspot.com/
Muli, ako'y nagpapasalamat.

save said...

nakarelate tuloy ako sa ipinost nyo dito sir..di ko mapaniwalaan na isa na akong matuturing na OFW..dream ko tlga to before pro di pala ganun kadali..

"kumikita ka nga..masaya ka ba?"

dame naisakripisyo pro sir kung practicality ang paguusapan grab the chance kahit na mahirap..pro wish ko din yung sinabi nyo..na sana dumating yung time na choice na lang ang pagaabroad. kung lam lang ng iba di ganun kadali mamuhay sa bansang di syo..lalo na mamumulat ka sa katotohanan na kaawa-awa ang estado ng ibang pinoy sa ibang bansa.