October 14, 2007

Cortada

Sa aking pagpasok kanina, dumaan na naman ako kalye ng Cortada. Maiksi lang ang kalyeng ito, dalawang bloke lang ang haba. Medyo out of the way siya, hindi gaanong dinaraanan ng kotse. Pati mga naglalakad bihirang dumaan dito.

Sa isang buong bloke ng bangketa sa kalyeng ito, natutulog ang hindi bababa sa mga labinlimang pamilya. Nandun sila, nagsusumikap na mabuhay sa pamamagitan ng pagtitinda sa mga sari-sari store na sila-sila lang din ang nagbibilihan. Nandun sila, nagsisikap na mabuhay sa pamamagitan ng pagluluto sa mga karinderya na sila-sila lang din ang nagkakainan. Nandun sila, nagsisikap na mabuhay sa pamamagitan ng pagpepedal ng mga pedicab na sila-sila lang din ang nagsisisakay.

Tuwing dumaraan ako dito, lagi kong naiisip yung term na poverty trap. Madalas, masyado tayong napapabilib ng mga rags-to-riches na mga kuwento na napapanood natin sa TV. Napapaniwala tayo sa mantra ng "sipag at tiyaga" hanggang sa puntong tinitingnan na natin ang mga mahihirap na mga tamad at walang pagsisikap. Nabubulag tayo sa katotohanang ang mga nagtatagumpay na makaahon mula sa kahirapan ay sobrang konti lamang at sila ay hindi dinala lamang ng sipag at tiyaga kundi kasama na rin ang kakayahang lumaro sa sistema at ang confluence ng favorable conditions na hindi naman mae-experience ng lahat ng mahihirap.

While the "sipag and tiyaga" mantra was meant to be a source of inspiration, it unfortunately had a bad effect on the national psyche. Iprinisinta nito ang problema ng kahirapan bilang problemang indibidwal at hindi problemang systemic. Ang kahirapan ay naging problemang ang solusyon ay nasa kamay ng mga mahihirap lamang, at hindi nasa kamay nating lahat.

Di miminsan na naisipan kong huwag na lang dumaan sa kalye ng Cortada para mas mapayapa ang aking pag-iisip sa aking pagpasok sa opisina. Sabi nga nila sa mga problema, out of sight, out of mind. Pero yun mismo ang napaka-oppressive sa sitwasyong ito. Sa harap ng kahirapang tumatambad sa ating paningin, parang wala tayong nakikita. Sa tinig ng paghingi ng tulong na pumapasok sa ating mga tenga, parang wala tayong naririnig. Sa gitna ng isang modernong business district sa puso ng Kamaynilaan, may isang kalyeng nasa mapa pa pero burado na sa isipan ng karamihan dahil ayaw na natin itong pansinin at daanan.

No comments: