March 4, 2006

Politics of indifference?

Maingay. Bayaran. Oportunista. Ito ang mga label niyo sa aming mga lumalaban ngayon kay GMA.

Nakakalungkot isipin na ang mga label na ito ay hindi pa nanggaling sa mga lantarang kakampi ni GMA. Ito ay galing sa mga "concerned" na mga tao tulad niyo na dahil sa pagmamahal raw sa Pilipinas ay gusto nang matigil ang kaguluhan sa bansa natin.

Totoo na may mga oportunista naman talaga sa oposisyon, lalo na sa hanay ng mga politiko. Pero mas marami sa aming mga nagiging aktibo sa pagkilos ay nariyan dahil sa pagmamahal sa bansa. Dahil ayaw naming iwan sa mga susunod na henerasyon ang isang Pilipinas na itinatrato nang normal ang korupsyon, ang pandaraya sa eleksyon, at ang pag-violate sa mga karapatang pantao. Dahil ayaw naming maniwala na hindi na maaaring mabago ang kalakaran ng pamumuno sa Pilipinas, na ang mamamayan ay walang magagawa, at ang lahat na lang ng gustong manamantala sa atin ay magagawa ito nang lantaran at walang oposisyon.

Minsan, nasasabihan niyo pa kami na uhaw sa kapangyarihan. Na di kami makapagtiis na makatikim ng posisyon sa gobyerno. Ngunit hindi naman namin sinasabi na kami ang dapat maupo sa gobyerno. Ang sinasabi lang namin ay walang karapatang maupo sa gobyerno ang isang taong di marunong gumalang sa boto na sagrado sa isang demokrasya.

Hindi naman namin sinasabi na patalsikin si GMA at kami ang papalit. Ang sinasabi namin, patalsikin si GMA, ireporma ang COMELEC at mag-eleksyon uli. Kung sino ang manalo, administrasyon man o oposisyon, basta naging malinis ang eleksyon, siya ang dapat mamuno. Ipinagtatanggol lang naman namin ang isang tunay na demokrasya.

Nakikinig kayo sa mga panawagan ni Donald Dee na sinasabi niyong boses ng mga negosyante sa bansa. Pero alam niyo ba na nakikinig rin kayo sa boses ng kumpare ni GMA kasi inaanak ni GMA ang isa sa mga anak ni Dee? Naniwala kayo agad na justified ang PP 1017 dahil lamang sa pahayag ng MalacaƱang na mayroong coup attempt na nakabase sa mga intelligence reports na hindi naman suportado ng kahit anong dokumento. Pero sa pandaraya sa eleksyon ni GMA, ayaw niyong maniwala dahil sabi niyo walang ebidensya kahit na mayroong Hello...Garci?! tapes, may authentication sa voice analysis na ginawa ng PCIJ, may confirmation ng mga events na dinetalye sa tape ayon sa imbestigasyon ng internationally respected na Newsbreak magazine, may ethnomethodological analysis na ginawa si Randy David, may NAMFREL report na may dayaan na noon pa lumabas pero hindi lang agad pinansin, may cover-up na ginawa ang pamahalaan (Ruado tapes) na isang presumption ng guilt, may apology ang accused party (I am sorry) kahit na hindi nilinaw kung ano ang hinihingan ng tawad, at may bogus impeachment complaint na finile sa kongreso at sinuportahan ng administrasyon para maharang ang tunay na impeachment complaint.

Let's move on...Magtrabaho na lang tayo...To hell with politics...Parepareho lang naman iyang mga politiko kaya wala akong pakialam...Mamamatay rin yung mga yan pagtanda natin...Wala na bang good news? Ano pa bang variation ng argument na ito ang ikinakalat niyo ngayon?

May bagong term pa nga akong naririnig ngayon: politics of indifference. Mukhang pinapalabas niyo pa na ang apathy ngayon ay isa nang principled stand.

Paanong naging paninindigan ang kawalan ng konkretong posisyon sa mga relevant social issues? Paanong naging pagmamahal sa bansa ang di pagsalita sa lantarang paggamit ng kaban ng bayan sa pansariling interes, sa lantarang pagsikil sa karapatan ng mga mamamayan nito, at sa lantarang pagsira sa mga institusyong demokratiko para lang mapanatili ang hawak sa kapangyarihan?

Sabi niyo may pakialam kayo. Pero paano mo masasabing may pakialam ka, kung hindi ka nakikialam?

Mahal mo ba ang bansa o mahal mo lang ang sarili mo?

8 comments:

kapayapaan said...

totoo naman kasi na ang mga grupong kumokontra kay gma ay may pansariling mga nais. alam kong nais nilang kalabanin ang opresyon pero you can't disregard that they want power for themselves. kaya nga sige na lang ang pagdisplay ng mga bandilang iba't ibang kulay kapag may kamera na. kanya kanya rin sila ng kulay ng tshirt. astig

isa pang nakakapanghinayang, halos sigurado akong kapag natanggal na sa pwesto ang hindi nararapat sa pwesto, ang mailalagay sa pwesto ay isa nanamang miyembro ng namumunong klase. hindi na maiiwasan yan. hindi pa kasi handa ang bayan para sa ganitong pagbabago.

nalilito nako... gabi-gabi may kadebate ako... ano sasabihin ko? eh totoo naman yung mga yun diba?

Paeng said...

Hello. OK yan, debate is healthy.

Heniweyz, for a lot of us joining rallies, it's not about power. it's about keeping the integrity of our democratic systems.

sa tingin mo ba sina Jovito Salonga naghahanap pa ng kapangyarihan yan? si Randy David na ilang taon nang nagpupush ng social advocacy pero kailanman ay di tumakbo for social office, mukha ba siyang naghahangad ng puwesto at kapangyarihan? si Christian Monsod? si Manuel Quezon III? si Edru Abraham? si Rio Alma? si Connie Paz?

ang hirap kasi pag itotolerate na lang natin ito dahil ito ay magbibigay ng precedent. kung ang susunod na presidente ay mandaya rin at gumamit ng pondo ng bayan sa susunod na eleksyon, magkakaroon ka pa ba ng moral authority na sabihan siya na mali siya kung itong si GMA ay di mo lalabanan?

paano mong ipapaliwanag sa mga bata na si Erap, pinatalsik dahil sa second envelope na simbolo kamo ng laban sa korupsyon, samantalang si GMA na mas malinaw pa ang ebidensya, hindi nilabanan?

kung lagi na lang natin sasabihing hindi pa handa ang mga Pinoy sa pagbabago, kailan pa magbabago?

Dennis said...

Halimbawa napaalis natin si GMA sa pwersahan o kaya napilitang mag-reisgn dahil sa pressure na kabi-kabila, e sino naman ang papalit sa kanya? Si Noli de Castro? o si Erap?(Kaya ba nung may krisis ang mga Marines ay bigla na lang nagpunta sa San Juan si Erap para daw magpa-opera ng mata?). God Forbid!
Hindi ako pulitikal na tao, ni hindi nga ako nagsusulat ng mga ganitong bagay sa sarili kong blag, kaya lang, gaya ni freedom, nagsasawa na ako sa mga nagaganap sa ating bansa. Hindi ako maka-GMA, but I'm willing to give her a chance to what she can prove. Okay, given na siya ay nandaya sa eleksyon(and I hate her for that), pero klaro na hinding-hindi natin siya mapapaalis sa pwesto ng dahil doon. Una, ibinasura na ng kongreso ang impeachment sa kanya. Pangalawa, reliable surveys says that the majority of Filipinos would no longer like to have another People Power. Pangatlo, klaro na suportado siya ng military.
Yung mga aktibista nagiging OA na rin. Imbes na makisimpatiya kaming mga simpleng mamamayan para kanilang adhikain, e naaasar lang kami. Kesyo ito gusto nilang mangyari, kesyo ito ang di nila gusto..para bang ang lahat ng bagay na ideyal ay makakamit nila sa kanilang mga pag-aaaklas. Hindi tayo namumuhay sa Utopia. Ang ating bansa ay maraming suliranin na galing pa noong panahon ng pananakop ng Amerikano sa ating bansa. Kung ang lahat ng bagay ay isisisi natin kay Gloria, dapat sisihin din natin ang mga nakaraang mga pangulo ng Pilipinas dahil sila man ay may kaugnayan din sa ating mga kasalukuyang suliranin ngayon.
Pagbigyan muna natin si Gloria sa kanyang panunungkulan. Tutal lahat na halos ng paraan ay ginawa natin para mapaalis siya. Ang 2010 ay di naman katagalan kung tutuusin. Tingnan ninyo yung People Power, 20 years na pala ang nakalipas pero ni hindi ko napansin na umunlad ang buhay ng maraming Pilipino. Bagkus ay lalo pang nagdarahop.
Si Cory akala mo naging magaling na Pangulo, panay ang dasal na mag-resign na si GMA. E nung panahon nga niya mas marami pa ata ang gusto ring mag-resign siya. Mas masahol pa ang paghihirap ng Pilipino noong panahon niya kaysa kay Marcos. At least nung panahon ni Marcos 75 sentimos ang pamasahe sa Dyip. Ang palitan ng isang dolyar ay 14 pesos. Di ko rin makakalimutan yung isang buong taong puro brownout noong panunungkulan ni Cory....

Ang pag-unlad ng bawat tao ay nakasalalay sa pagsusumikap ng bawat isa sa atin. Kung lagi nating sisisihin ang gobyerno dahil mahirap ang bansa natin ay napakalaking kabalintunaan nito. Masyadong natutuon ang ating atensyon sa pagpapaunlad ng gobyerno sa ating buhay.
Lahat ng nakaraang pamahalaan ay may mga kuropsyon. Yung iba nga lang magaling magtago o kung makadiskubre man, e agad na binubuhusan ng tubig ang munti pa lamang na apoy.

Nung isang gabi may isang nagtitinda ng taho ang ininterbyu ng isang reporter kung sino ang inaakala niyang papalit kay Gloria sakaling mapaalis ito. Ang sagot: "E kahit sino pa naman ang ipalit diyan sa posisyon ni Gloria e magtataho pa rin naman ako". Itong mga aktibista akala mo kung sinong mga banal na hinihikayat ang mga tao na mag People Power. Subukan mong tingnan ang lifestyle nila para mabuking. Kaso ang gaganda ng mga sasakyan, ng mga damit... Yan ang sinasabi ko. Magaling lang tumingin sa mga ibang tao.
Tigilan na ninyo yang mga kaka-protesta ninyo dahil hindi na nakakabuti sa ating bansa. Sa totoo lang, nagkakalat lang kayo ng basura sa kalsada.

Sir yan ay opinyon ko. Mabuhay po kayo!

Paeng said...

^ hi, Dennis. sinubukan kong sagutin yung ilang puntos sa post mo sa aking bagong post. salamat sa pakikipagdiskusyon.

Victor said...

magandang araw. maganda ang mga sinabi mo. ililink ko to sa blog ko, kung ayos lang. :)

Paeng said...

^ ililink mo? sure. :)

Lord Dracula said...

Narinig ko na naman yang propaganda line ni Gloria: sino ipapalit sa kanya?

Matalino talaga si Gloria- kaya nya pinili si Noli, para magdalawang-isip ang mga hindi nag-iisip na palitan sya. Brilliant!

Kawawa naman si Noli. Iniinsulto na ng boss nya di pa ma-gets.

Anonymous said...

you have your point well spoken.., and i guess only history will tell whos right..,but the real problem is we have things all mixed up.., i think it is not right to hastily generalize all issues raised up by both camps, id like to emphazsize that there are more than 2 factions here, its wrong to conclude that all criticism should be viewed as a general,beside you cant blame the people, gone are the days were every man comes with honor and pride, thats why back talking , bikering is socialy welcomed, also some of us are too jumpy
reacting heavily on some issues making an ant hill become an everest...,

there are a lot of questions that i want to know that if ever GMA would stand down whos next ??

ok fine democracy blah blah blah, the thing is its sucking us dry,

change in the system can never be immediate, it is a very gradual , painstaking process.