March 6, 2006

Ang Panimulang Solusyon: Eleksyon

Kanina, sumakay ako sa taxi at nakadaldalan si Manong Driver. Siyempre, tulad ng karamihan sa atin, naungkat namin ang usapan ng estado ng politika sa ating bansa. Nahihirapan daw siyang sumama sa panawagan sa pagbibitiw ni GMA. Ilang beses rin niyang minura si GMA sa aming usapan, pero dahil wala daw alternatibong inihahain sa kanyang harapan, parang wala naman siyang magawa. Pag bumaba si Arroyo, sinong papalit? Military junta? Si Susan Roces? Ang pinatalsik na natin dati na si Erap? Ang Hyatt 10?

Sabi ko kay Manong Driver, wala sa akin ang sagot kung sino ang dapat pumalit kay GMA. Ang sagot ay nasa ating lahat. Kung sino ang isasagot ng nakakarami, siya ang dapat mamuno sa atin.

Saan ba nag-ugat ang problemang ito? Sa pagyurak sa ating eleksyon. Sa isang demokrasya, ang eleksyon ang itinuturing na pinakasagradong political exercise. Sa panahong ito, nagkakapantay-pantay ang bawat isa sa atin. Mahirap ka man o mayaman, may posisyon o wala, edukado o walang napag-aralan, lalake o babae, lahat tayo ay may tag-isang boto. Sa panahon na sirain mo ang eleksyon, sa pamamagitan ng paggamit ng kaban ng bayan upang makakuha ng malaking bentahe sa kampanya, sa pamumudmod ng fertilizer funds, Philhealth Cards at iba pang uri ng suhol, at sa pandaraya at pagmanipula ng mga resulta para "maproteksyonan" ang boto, sinira mo na rin ang ating demokrasya.

Ito ang ipinaglalaban ko / namin ngayon - ang pagtatanggol ng integridad ng ating institusyong demokratiko. Mahirap kung palalampasin lang natin na may lantarang yumurak sa ating eleksyon sapagkat ito ay magbibigay ng isang nakakatakot na precedent. Kung sakaling sa ating hinaharap, may isang kandidatong mandaraya rin at gagamit rin ng pondo ng bayan upang makuha niya ang minimithing posisyon, magkakaroon pa ba tayo ng moral authority na sabihan siya na siya ay mali kung si GMA mismo ay hahayaan lang nating mamuno sa atin kahit na kaduda-duda ang kanyang electoral mandate?

Paano nating ipapaliwanag sa mga bata na ang pagpapatalsik kay Marcos at kay Erap ay simbolo ng ating laban sa korupsyon at pagtatanggol sa ating demokrasya, kung si GMA, na mas malinaw pa ang ebidensya, hindi lamang sa dokumento at sa testimonya ng mag testigo kundi pati na rin sa kaniyang mga aksyon na nagpapakita ng presumption of guilt (cover-up, apology, gag orders), ay hindi natin lalabanan?

Totoo na maraming mga oportunistang umaaligid sa ating paligid. At totoo na marami pang kailangang baguhin sa ating sistema upang magkaroon ng tunay na makabuluhang reporma. Pero bago ang lahat, ibalik muna natin ang integridad ng ating demokrasya. Huwag nating hayaan na isang nandaya sa eleksyon ang mamuno sa atin.

Wala sa military junta, caretaker government o kung sino pang messiah ang solusyon dahil sila ay hindi pinili ng mga tao. Iyun nga ang ugat ng problema, di ba? Tayo ay pinamumunuan ng isang taong sinira ang ating electoral process at walang malinis na electoral mandate. Ang kailangan natin ay isang pinuno na walang dudang hinalal ng taumbayan.

Kaya ang panimulang solusyon: isang eleksyon na ating tututukan at ipaglalaban na mapanatiling malinis. At kung sinuman ang manalo, basta't may malinis na mandate ng nakararami sa ating bansa, siya ang dapat mamuno. Doon natin sisimulan ang pagbabago.

Oo nga pala. Sabi ni Manong Driver, sasama na raw siya sa rally. Basta siya ay nakaboundary na.

1 comment:

Jon Limjap said...

Marahil solusyon nga ang isang panibagong eleksyon, subalit kung ang tatakbo lamang sa isang panibagong eleksyon ay ang mga may kakayahan - at makinarya - na tumakbo, ang makikita lamang natin sa listahan ng mga kandidato ay mga trapo; mga Panginoong Pyudal na nananatiling naghahari sa ating sistemang pulitikal, at mga artista, mga personalidad na walang malinaw na paniniwala at pananaw.

Anong klaseng alternatibo ang gayong klaseng mga kandidato?

Hainan man ng mabubuting alternatibong kandidato ang masa, sa pagkakataong may trapo o artistang di-katiwa-tiwalang tumakbo, uulit at uulit at uulit nanaman ang lahat na ng nangyari. Ito'y maituturing na "exercise of futility" sa isang lipunang pinaiiral ang viscious cycle ng kasalukuyang sistema.