February 24, 2005

Student Leader?

"Leadership seminars are stupid.."

Naalala ko na ito yung opening line ko noon sa Subic, nang ako ang magbigay ng welcome remarks sa Leadership Development Seminar ng Student Council. Syempre, binawi ko yung sinabi ko nung nagpatuloy na ang aking speech. Baka nga naman mawalan ng gana yung mga magparticipate sa seminar. Pero sa totoo lang, natatangahan ako sa mga Leadership Seminar. Gaguhan lang talaga.

Nitong na-expose ako sa mga student affairs ng aking minamahal na eskwelahang pinagtatrabahuhan, natatawa ako sa dami ng leadership seminars na pinupuntahan ng mga student leader dito. Nandyan yung pumanik kami ng Baguio. Mag-host ng sariling seminar sa Subic. Meron ding seminar sa YMCA na parang pinagtampuhan kami nung hindi ko payagan na pumunta ang mga officers ko sa paniniwalang sayang lang ang pera nila dun. Nandyang marami ang magpagawa sa akin ng recommendation letter para sa hinayupak na Ayala Young Leader's Congress na iyan na akala mo naman e kung anong laki ng matututunan.

Kaydami-daming seminar para sa mga student leaders. Pero nung nagkaroon ng tuition fee consultation, nasaan sila? Wala. Sumisipsip sa administrasyong kumikita ng pagkalaki-laki na inuuto-uto lang sila. Alam na nilang inuuto sila, sumasakay pa. Kaya nga tumayo ako noon at nangahas magsalita kahit di ako estudyante kasi naiinis na ako sa mga student leader na di naman marunong lumaban para sa karapatan ng mga estudyante. Ayan tuloy, ako na ang hottest topic sa admin. "Coordinator ka pa naman..."

Ewan ko ba. Ano bang napupulot diyan sa mga seminar na iyan? Para kasi sa akin, ang tunay na leader, natututo sa karanasan, hindi sa seminar. Ang tunay na leader, hindi na niya kailangan pang sabihin na siya ay isang magaling na leader at hindi pinapangalandakan ang listahan ng mga nagawa. Ang importante, may ginagawa siya kahit di napapansin. Sabi nga ng isang magaling na guro ko dati, ang tunay na magaling na leader, napapasunod niya ang mga tao kahit na hindi nila alam na nili-lead na pala sila. Hindi niya kailangan ang puwesto / titulo / posisyon para meron siyang magawang mabuti.

Sa dinami-dami ng nagdaan na mga "leader" diyan sa AYLC at YMCA na iyan, bakit ganito pa rin ang estado ng Pinas? Punong puno ng mga namumunong nalulunod sa kapangyarihan. Siguro, yun nga ang problema. Sa dami ng mga leadership seminar sa Pilipinas, naiisip na ng mga leader na sila ay isang exclusive group. Ang isang responsibilidad, nagiging isa nang pribilehiyo.

Bakit ko naisipang mag-comment sa paksang ito? Panahon kasi ng eleksyon sa FEU. Panahon na naman ng paglabas ng mga "student leaders". Panahon na naman ng paglabas ng mga "political parties" na hindi magkasundo pero pareho lang naman ang pinaglalaban. Mga partidong nabubuhay lang kapag meron nang eleksyon. Parang eleksyon sa Pilipinas. Marami sa kanila, nakikita kong may magandang intensyon. Pero marami rin, nalulungkot akong nagaasal-TRAPO kahit na bata pa lang. Nakakalungkot ang mga paninira na binabato sa magkabilang panig. Matindi ang mga pasaring. Ang mga pasimpleng banat. Ang pagkakalat ng tsismis at paglaban nang talikuran. Ang mga panghahalungkat ng mga "technicalities" para makapag-disqualify ng kalaban. Nakakalungkot dahil ang bata-bata pa lang, asal-TRAPO na.

Kung hindi ba naman mga tanga't kalahati, hindi yung kabilang partido ang kalaban!!! Nandun, nasa admin ang kalaban!!!

Sana abutan ko ang araw na nasa FEU pa rin ako, na may makita akong isang "tunay" na student leader. Yung student leader na natututo nang kumilos kahit hindi siya officer. Yung student leader na matututong ipagtanggol ang kapakanan ng mga kapwa niya estudyante. Yung leader na iboboto ng mga estudyante hindi dahil sa nalaman nila ang "qualifications" niya nung nangampanya, kundi dahil nalaman nila ang "qualifications" dahil nakikita't naririnig nila ang kanyang mga ikinikilos.

Sana naman, may magsalita na nang walang takot sa microphone kapag tuition fee consultation...

3 comments:

diosang gutom said...

"Nakakalungkot dahil ang bata-bata pa lang, asal-TRAPO na." Tapos sasabihin na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ha!

nanoy said...

sa paco din, ganyan ang klase ng kampanya. dumaan din ako dyan, pero nung naging pres na ko, dun ako namulat (o feeling-namulat?). ang nakakainis naman, nung wala akong kinampihang partido nung oras na ng kampanya, ang daming nagsabing ako daw ay "walang utang na loob".

tsktsk. ka-trapohan talaga.

Anonymous said...

Paeng 'san school ka nagtapos?



alexander_793df@yahoo.com