January 7, 2006

One small step at a time...

Third year college nang aking matuklasan na wala sa puso ko ang pagiging accountant. Nakikita ko naman ang pakinabang ng propesyon ito sa ating buhay-buhay, pero mas napusuan ko ang sa pananaw ko ay mas "relevant" na social sciences. Marahil dala ito ng aking pagkamulat sa mga social realities nang ako ay maging miyembro ng Kontra-Gapi at naging tambay sa College of Arts and Letters at sa College of Social Sciences and Philosophy. Dala rin siguro ng pagiging masugid kong tagasubaybay ng mga programang Public Life, Probe Team at I-Witness, nabuo na sa aking puso't isipan na wala sa pagiging accountant ang pinapangarap kong maging kontribusyon ko sa lipunan.

Gayunpaman, sa ngayon ay limang taon ko nang pinapractice ang aking pagiging CPA. Ang unang walong buwan ko bilang professional ay aking ginugol sa public practice. Ang sumunod nang mga buwan at mga taon ay akin namang iginugol sa pagtuturo ng accounting. Nakatagal lang ako sa pagpa-practice ng aking pagiging CPA dahil siguro sa napamahal ako sa propesyon ng pagtuturo. Ang saya kasing maging tagahubog ng isipan ng mga kabataang magiging future ng ating bansa. Gayunpaman, kahit masaya ako sa pagiging teacher ng accounting, may kawalan pa rin na hindi ko mapuno-puno. hindi mawaglit sa aking isipan ang pangungulit na "Ito nga ba ang gusto kong gawin? Ang mga subject bang itinuturo ko ang mga subject na gusto kong ipamulat sa puso't isipan ng mga estudyante ko?"

Nitong nakaraang dalawang araw, ako ay umattend ng mga orientation ng dalawang grupong nagpopromote ng mga social causes. Isa ang nagtutulak sa Millennium Development Goals, isa naman ay sa promotion ng modern-day heroism. Kahit na orientation pa lang, di ko maalis sa aking mukha ang ngiti, sa aking puso ang excitement, at sa aking isipan ang sari-saring ideya na gusto kong maibahagi.

Ngayon, nakapagdesisyon na ako sa aking gagawin sa buhay. Sa totoo lang, matagal ko nang alam kung ano ang gusto ko. Hindi ko lang nai-push dahil sa isang bagong mundo na naman ang aking papasukin at naging pakiramdam ko noon ay hindi pa ako handa. Pero ngayon, handa na ako. At sisikapin ko na itong abutin, one small step at a time.

1 comment:

Anonymous said...

bakit small steps lang? kung kaya naman ng leaps?

nagmamahal na mambabasa