July 12, 2008

A(pathetic)

Malapit lang ang bahay namin sa Paco sa opisinang aking pinapasukan sa Ermita. Wala pang dalawang kilometro ang layo nito. Di lalampas ng P60 ang magagastos na pamasahe kung bibiyaheng sakay ng taxi.

Kahit na malapit lang ang aming bahay, halos isang oras pa rin ang aking binibiyahe papasok ng at pauwi mula sa opisina. Masyado kasing matagal ang biyahe ng mga jeep na aking sinasakyan. Sa amin kasing dinadaanan, mabigat talaga ang trapik. Hindi dahil sa dami ng nagbibiyaheng sasakyan. Hindi rin dahil sa maraming traffic lights at mga interseksyon sa aming ruta. Nagtatagal ang aming biyahe dahil maraming mga drayber ang humihinto nang mahigit limang minuto sa mga kanto at nagtatawag ng mga pasahero. Walang pakialam kung humahaba na ang trapik sa kanyang likuran dahil nakaharang siya sa masikip na kalsada. Walang pakialam kung wala namang nagpapara para sumakay. Walang pakialam kung nag-aalala na ang mga pasaherong nakasakay dahil mahuhuli na sila sa trabaho kahit madaling araw pa sila gumising.

Madalas, ang terminolohiyang apathy ay iniuugnay lamang natin sa kakulangan ng pakialam at partisipasyon sa mga usaping sosyo-politikal. Ngunit limitado ang perspektibo na ito . Sa aking pananaw, ang apathy ay di lamang kakulangan ng aktibong partisipasyon kundi ang kakulangan ng civility sa karamihan sa atin. Ayon kay Randy David (2002), “civility is the art of living with others, of assuming personal responsibility for the community in which we live, of taking pride in employing our individual talents in order to advance the lives of others.”


Sa ganitong mas malawak na depinisyon, aking masasabing apathetic ang mga taong sumisingit sa pila na walang pakialam sa mga taong nasingitan na lalong napatagal ang paghihintay sa pila. Apathetic ang mga opisyal ng Sulpicio Lines na hinahayaang magbiyahe ang kanilang mga barko kahit may banta ng malakas na bagyo, walang pakialam sa sasapitin ng mga pasahero dahil mayroon naman daw insurance. Apathetic ang mga taong nakakita na ng pulis na nangongotong pero walang pakialam hangga’t hindi sila ang kinokotongan.


Bakit nga ba maraming mga walang pakialam sa ating lipunan ngayon?

Sabi ng iba, ito ay dahil di pa natutugunan ang pangunahing pangangailangan pangsarili ng karamihan sa atin kaya’t wala pa sa ating pag-iisip ang usisain ang kapakanan at makialam ng ibang tao. Maaaring sabihin na ang pagtingin na ito ay naaayon sa hierarchy of needs model ni Maslow. Naalala ko tuloy ang isang interbyu kay Carol Araullo na lumabas sa Philippine Daily Inquirer nitong ika-12 ng Hulyo tungkol sa kawalan ng mga nagpoprotestang mahihirap ngayong bumabagsak ang ekonomiya. “They (the poor people) will not go to the rallies because the fare is expensive. If they will not work, they will not earn.”

E paano naman ang mga taong hindi naman naghihirap? Bakit wala rin silang pakialam? Marahil ito ay isa namang isyu ng class conflict, kung saan ang di pakikialam ay isang paraan ng mga nangingibabaw na uri upang mapreserba ang status quo. Sabi nga ni Manolo Quezon (2008):

Damned if you do, damned if you don’t? When things are relatively easy, no one (from the middle and upper class) wants to rock the boat. When times are tough, we’re told everyone’s too busy trying to keep body and soul together to want to rock the boat.


Ayon naman kay Randy David, ang kakulangan ng civility sa ating lipunan ay maaaring may ugat rin sa ating kasaysayang kolonyal:



But I think something happened in the course of more than 3 centuries of colonial enslavement...The revolution against Spain, the war against the US, and the resistance against Japan became the battlefields not only for the recovery of our land but, as importantly, for the resuscitation of our will to author our own lives. As it happened, however, we were denied the glory of securing our own emancipation from Spain. We lost the war with America. And while we kept the resistance against Japan, it was MacArthur’s return that our people awaited. Throughout all these years, our nation’s history had been one of perpetual adjustment to the condition of subjugation.



The result was a culture of improvisation and mediocrity. Instead of a passion for perfection, we adopted the rule of the minimum. Instead of an ethic of public service, we embraced the ethic of profit-seeking. Instead of honor and accountability, we valued evasion of duty. Instead of the pursuit of excellence, we found comfort in resilience. It was a way of life appropriate to the colonial condition or any other situation of enslavement. It was a weapon of the weak.


Kahit wala na ang ating mga banyagang manunupil, tayo ay nabubuhay pa rin na parang tayo ay nasa survival mode. Nabubuhay tayong kaligtasan at kapakanan ng sarili at ng mga mahal sa buhay lamang ang iniisip. Ang ating gobyerno ay iniisip pa rin nating parang banyagang pamahalaang hindi natin responsibilidad. Iniikutan at nilulusutan natin ang mga batas dahil hindi natin nakikita ang mga ito na mga kasunduang panlipunan at sa halip ay mga utos na nagmula “sa taas” na wala tayong kinalaman. Hindi tayo naniniwala sa pakikilahok sa pagbabago ng sistema dahil hindi tayo naniniwalang ang sistema ay sa atin at makakaya nating baguhin.


Ano kaya ang kinalaman ng ating pormal na sistemang pangedukasyon sa lalong pagkalat ng apathetic behavior sa ating lipunan?

May mga nagsasabi na kulang ang values education sa ating sistema kaya maraming walang pakialam. Hindi ako sumasang-ayon sa ganitong pananaw. Di ba’t maraming mga magnanakaw sa pamahalaan ang nakapag-aral naman sa mga Catholic schools? Di ba’t mga bastion of morality ang mismo pang nagsasabing huwag manawagan ng pagbabago sa pamahalaan at sa halip ay pagtuunan ang pagbabago sa sarili? Di ba’t mga moralista pa ang nagsasabing tama na ang gulo, magtrabaho na lang tayo?


Sa tingin ko, ang mas malaking problema sa ating sistemang pang-edukasyon na nakakadagdag sa problema ng apathy ay ang kakulangan ng empowerment sa mga estudyante. Dapat kuwestiyunin ang sistema ng standardization sa mga polisiyang pang-eskuwelahan. Parang counter-intuitive kung tutuusin, ngunit sa pagkakaroon ng mataas na lebel ng standardization, nababawasan ang insentibo ng partisipasyon dahil karamihan sa mga standard ay nakamandatong sundin kahit na ito ay externally-developed at hindi idinaan sa konsultatibong proseso. Masyadong binibigyang halaga sa ating mga eskuwelahan ang pagiging masunurin sa mga standard gayong ang mas mahalagang matutunan ay ang birtud ng pagbuo ng consensus at pagbibigay respeto sa mga desisyong kolektibo. Sabi nga ni H.L. Mencken (1926), isang kritiko ng U.S. public education system kung saan nakasunod ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas:



The aim of public education is not to spread enlightenment at all; it is simply to reduce as many individuals as possible to the same safe level, to breed and train a standardized citizenry, to put down dissent and originality.


Di pa ako gaanong bihasa sa usapin ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, ngunit sa tingin ko, kailangang tingnan ang mga sumusunod na isyung pang-edukasyon kung gusto nating magkaroon ng mas malawakang partisipasyon at pakikialam ang mga mamamayan sa ating lipunan.


1) Curriculum development – Nararapat ba na ang paggawa ng modelong kurikyulum ay ginagawa ng isang national central policy making body? Mas maganda ba kung pagdebelop ng kurikyulum ay gagawin sa lokal na lebel? Ano ang partisipasyon ng mga mag-aaral sa prosesong ito? Ano ang partisipasyon ng mga magulang? Paano ang mga alumni na dumaan sa sistema? Ano ang sistema ng pagdedesisyon? Binibigyan ba ng pagpapahalaga ang consensus building?


2) Facts-based approach – Ang mga itinuturo ba sa eskuwelahan ay tinuturing na mga katotohanan na hindi maaaring kuwentiyunin ng mga estudyante? Ano ang prominenteng pamamaraan ng ebalwasyon ng pagkatuto ng estudyante – ang black and white na multiple choice approach o ang mga sanaysay kung saan maipapaliwanag ng estudyante ang kanyang sagot? Mas binibigyang halaga ba ang pagkuha ng “tamang” sagot o ang pagbibigay ng dahilan sa likod ng sagot?


3) Araling panlipunan – Ang araling panlipunan ba ay mas nakatuon sa kasaysayan o sa kasalukuyang usaping panlipunan? Pinapamemorya ba ang mga bagay tulad ng petsa at pangalan ng mga tao o mas binibigyang halaga ang kuwento sa likod ng mga pangyayari sa kasaysayan? Ang mga bayani ba ay itinuturing na mga idol o mga karaniwang taong tulad natin?


4) Polisiyang pang-eskuwelahan – Kinokonsulta ba ang mga estudyante sa pagbuo ng mga polisiya sa eskuwelahan? Pinapakinggan ba ang mga hinaing ng mga estudyante? Ano ang papel nila sa pagtakda ng tuition, sa pagiskedyul ng klase, atbp.? Sineseryoso ba ang ebalwasyon na ibinibigay nila sa kanilang mga guro? Gaano kalaki ang responsibilidad na ibinibigay sa mga estudyante?


5) Honors / pilot section policy - Ang kompetisyon ay magandang paraan upang mailabas ang galing ng mga indibidwal, ngunit ano ang epekto nito sa sense of community ng isang estudyante na napipilitang makipagtunggali sa kapwa niya estudyante? Ano ang epekto ng honors / pilot section sa mas nakararaming hindi nakakapasok dito? Naitutulak ba nito ang mga estudyante na mas lalo pang magpursigi o napapababa lang nito ang pagtingin ng mga bata sa kanilang sarili dahil hindi siya kasama sa elitistang grupong pinapaburan ng eskuwelahan?


6) Research orientation – Gaano kalaki ang ibinibigay na atensyon sa pagdebelop ng kakayahan ng mga estudyante na magtanong, magsaliksik at maghanap ng kasagutan? Ang mga produkto ba ng research ay ginagamit o hinahayaan lang mabulok sa mga silid aklatan? Sa mga HEIs, ano ba ang binibigyang halaga sa pagpili ng paksa para sa isang thesis - relevance o ang pagkakaroon na ng subok na theoretical framework kung saan maipapasok ang paksa ng thesis ?


Ang pagsugpo sa apathy ay di nakukuha sa pagsasabi sa mga taong “MAKIALAM NAMAN KAYO!” Naniniwala akong upang maituro sa mga estudyante ang kahalagahan ng pakikialam, dapat ay nasa isang sistema sila kung saan ang boses nila ay pinapakinggan. Dapat nasa isang sistema sila kung saan ang pag-iisip sa kapakanan ng iba ay pinapahalagahan. Dapat nasa isang sistema sila kung saan ang pakikialam ay may saysay.


References:

David, R. (2002). Nation, Self and Citizenship: An Invitation to Philippine Sociology. Quezon City: Department of Sociology, College of Social Sciences and Philosophy, University of the Philippines Diliman.

Caluza, D. (2008, July 12). Where have all the protesters gone? Philippine Daily Inquirer, p. A1.

Quezon, M. (2008, July 8). That Perfect Storm from http://www.quezon.ph

Mencken, H.L. (1926). Notes to Democracy. New York: Alfred Knopf

4 comments:

number cruncher said...

The usual explanation of the older generation (my father, for example) for people not following rules, especially in traffic, is that these people have no discipline (ika nga, walang disiplina).

Yet, the more I read about how our elite flout the system again and again, and with that thought in the back of our minds, would you blame them, or us? It seems that the view is disobeying rules just for their own sake, but because if you don't, you can't survive. As another popular adage would go, hindi makakain ang prinsipyo.

But I think you are completely on track with the educational route, and not just for the young, but also for all of us. And I do definitely agree with the concept of buy-in so that all the stakeholders would have their efforts invested in this endeavor.

Progress shouldn't be dictated by the elite; we should come together to bring the solution to the table.

We shouldn't take things like having three sessions for elementary school students starting at 5:30 am and ending at 7:30 pm as normal anymore, and then policy makers wonder why teachers leave our shores or why our students falter.

Paeng said...

hehehe. akalain mo ba namang may sense yung assignment ko sa Educ 101. oy, mr. number cruncher. kailan ka ba papasok sa academe? feeling ko bagay ka dun.

number cruncher said...

hay paeng, gusto ko sana, kaso pakiramdam ko kulang ang kikitain ko kung maging guro ako; medyo nasanay na rin ako sa ibang mga luho ko, kaya nagtatrabaho dito sa medyo mas malaki ang kita...

pero balak ko rin na magturo kung makaipon ako; pwede sigurong mag-part time sa trabaho para yung corporate work ang makakapag-satisfy ng material needs ko habang yung pagtuturo ang makakapag-satisfy ng fulfillment needs ko.

inisip ko nga rin kung pwede akong magmala-sucaldito na nagtuturo habang nage-MBA, pero ayoko namang kasing labo nya... hehehe!

hay naku, kung di lang talaga mababa pasahod habang napakamahal ng gastusin dito sa bayan natin ng sinigang, sinaing, at sisig...

ronald said...

hahaha. sabi ko na nga ba e. parang paper e! punta ka ba sa KG anniv? me ginagawa kaming bagong piyesa :)