August 5, 2007

Ito ba ang bagong bayani?

Kung hindi ko pa nabasa sa column ni Randy Davaid, hindi ko pa mababalitaan ang kuwento ng sapilitang pagpapatrabaho sa mga Filipino OFWs sa construction ng US Embassy sa Iraq.

Lumabas ang expose na ito sa testimony ni Rory Mayberry sa U.S. Congress. Ayon kay Mayberry, nilinlang ng First Kuwaiti Trading & Contracting Company ang mga foreign construction workers, kasama na ang ilan nating mga kababayan, na inaakala na sila ay bibiyahe papuntang Dubai. Nalaman lamang nila na sila ay papuntang Baghdad nang sila ay nasa eroplano na at wala nang magawa.

Ang unang reaksyon ng ating pamahalaan? Pabulaanan ang claim na 51 ang mga Pinoy na kasama sa insedente. 11 lang naman daw talaga.

Sa panawagan na dapat papanagutin ang American government sa pagpayag na may magtrabaho sa construction ng kanilang embassy na galing sa bansang may travel ban sa Iraq, sinabi ni Labor Secretary Brion na ang may pananagutan daw dito, kung sakaling mayroon mang may pananagutan, ay yung First Kuwaiti Company.

Hindi rin daw pinilit ang mga Pinoy na pumunta sa Iraq:

"Nobody was kidnapped or forced to go to Iraq. Di mo na kailangan pwersahin mga Pilipino [You don't need to force the Filipinos] because they get three times their salary elsewhere. A chief cook in Baghdad, for instance, earns $8,500 a month,” he said."

Nakakalungkot. Kung basahin ang mga statement ng ating labor secretary, parang may halo pang pagmamalaki na may sariling kusa ang mga Pilipino na magpumilit na makapasok sa bansang MAYROON TAYONG TRAVEL BAN at walang Pilipinong legal na makakakuha ng visa.

Mali si Mr. Brion. Ang pagpasok sa isang bansang lubhang mapanganib at mayroong travel ban ay hindi normal na gawain ng isang taong hindi napipilitan. Sabihin na natin na hindi accurate ang statement ni Mayberry na kinidnap ang mga Pinoy na pinagtrabaho sa U.S. Embassy, ang mga OFWs na ito ay napilitan pa ring makipagsapalaran sa ibang bansa dahil sa kawalan ng oportunidad sa kanilang sariling bayan.

Madalas na tawagin ang mga OFWs na ating mga bagong bayani. Di ako sumasang-ayon sa taguring ito. Ang romanticization ng mga OFWs bilang mga bayani ay pambulag sa katotohanang sila ay mga BIKTIMA ng isang lipunang ipinasa na sa ibang bayan ang pagsasakatuparan ng pangako ng isang magandang kinabukasan.

1 comment:

badoodles said...

iniisip ko na lang na bayani ng kanilang pamilya, wag na ung sa bayan kasi tama ang sabi mo romanticized. gaya ko, hinihintay ko na lang matapos ang kontrata ko sa pinas para makipagsapalaran sa kung anong bansa pedeng mapagtrabahuhan na di dehado ang pamilya ko at iba pang umaasa sa kin. ok na ung kami ang magsakripisyo para sa pamilya namin.